May napakalaking lihim sa iyong puso, na hindi mo kailanman namamalayan, dahil ikaw ay nabubuhay sa isang mundo na walang liwanag. Ang iyong puso at ang iyong espiritu ay natangay na ng masama. Ang iyong mga mata ay nalambungan na ng kadiliman, at hindi mo na nakikita ang araw sa himpapawid ni ang kumikislap na bituing yaon sa gabi. Ang iyong mga tainga ay nababarahan na ng mapanlinlang na mga salita, at hindi mo naririnig ang dumadagundong na tinig ni Jehova, ni ang lagaslas ng tubig na dumadaloy mula sa trono. Nawala sa iyo ang lahat ng dapat na pag-aari mo, lahat ng ipinagkaloob sa iyo ng Makapangyarihan sa lahat. Nakapasok ka sa walang katapusang dagat ng kapighatian, na walang lakas upang sagipin ang iyong sarili, walang pag-asang makaligtas, at ang tanging magagawa mo ay manlaban at magmadali…. Mula sa sandaling iyon, ikaw ay itinadhana nang pahirapan ng masama, napakalayo sa mga pagpapala ng Makapangyarihan sa lahat, hindi na abot ng mga panustos ng Makapangyarihan sa lahat, tumatahak sa landas na wala nang pabalik. Milyon mang pagtawag ay hindi na kayang pukawin ang iyong puso at iyong espiritu. Mahimbing kang natutulog sa mga kamay ng masama, na nakaakit sa iyong pumasok sa isang walang-hangganang kinasasaklawan na walang direksyon o mga palatandaan sa daang pabalik. Simula noon, nawala na sa iyo ang kawalang-muwang at kadalisayang likas mong tinaglay, at nagsimula nang layuan ang pangangalaga ng Makapangyarihan sa lahat. Sa kaibuturan ng iyong puso, ang masama na ang nagpapatakbo ng iyong buhay sa lahat ng bagay at naging iyong buhay. Hindi mo na siya kinatatakutan, iniiwasan, o pinagdududahan; sa halip itinuturing mo siya na Diyos ng iyong puso. Sinisimulan mo na siyang idambana at sambahin, at kayong dalawa ay hindi na mapaghiwalay pa na parang anino ng bawat isa, matibay ang pangakong mabubuhay at mamamatay nang magkasama. Wala kang ideya kung saan ka nagmula, kung bakit ka isinilang, o kung bakit ka mamamatay. Hindi mo na kilala ang Makapangyarihan sa lahat; hindi mo alam ang Kanyang pinagmulan; lalong hindi mo alam ang lahat ng nagawa Niya para sa iyo. Lahat ng nagmula sa Kanya ay naging kamuhi-muhi na sa iyo; hindi mo ito minamahal ni nalalaman ang halaga nito. Kasama mo ang masama, sa simula pa lang na itaguyod ka ng Makapangyarihan sa lahat. Natagalan mo ang libu-libong taon ng bagyo at unos kasama ang masama, at magkatulong kayo sa pagsalungat sa Diyos na pinagmulan ng buhay mo. Wala kang alam sa pagsisisi, lalo na ngayong humantong ka na sa bingit ng kapahamakan. Nakalimutan mo na ang masama ang tumutukso at nagpapahirap sa iyo; nakalimutan mo na ang iyong mga pinagsimulan. Dahil diyan, napapahirapan ka ng masama sa bawat sandali hanggang sa ngayon. Namanhid na at nabulok ang iyong puso at espiritu. Hindi mo na idinaraing ang pagdurusa sa mundo ng tao; hindi ka na naniniwala na hindi makatarungan ang mundo. Wala ka nang pakialam kung mayroon nga bang Makapangyarihan sa lahat. Ito ay dahil matagal mo nang itinuring ang diyablo bilang iyong tunay na ama at hindi maaaring mawalay sa kanya. Ito ang lihim ng iyong puso.
Sa pagdating ng bukang-liwayway, isang tala sa umaga ang nagsisimulang sumikat sa silangan. Ito ang tala na wala dati roon. Pinagliliwanag nito ang kalangitang tahimik at puno ng bituin, pinagdiringas na muli ang napawing liwanag sa puso ng mga tao. Ang mga tao ay hindi na malungkot dahil sa liwanag na ito, na sumisikat para sa iyo at sa ibang tao. Subalit tanging ikaw lamang ang nananatiling natutulog nang mahimbing sa madilim na gabi. Wala kang naririnig na tunog at walang nakikitang liwanag; hindi mo namamalayan ang pagdating ng isang bagong langit at isang bagong lupa, ng isang bagong kapanahunan, dahil sinasabi ng iyong ama, “Anak ko, huwag kang bumangon, maaga pa. Malamig ang panahon, kaya huwag kang lumabas, baka matusok ng tabak at espada ang iyong mga mata.” Naniniwala ka lamang sa pangaral ng iyong ama, dahil naniniwala ka na ang ama mo lamang ang tama, dahil ang iyong ama ay nakatatanda sa iyo at lubos kang minamahal. Ang ganitong mga pangaral at pagmamahal ang nag-uudyok sa iyo na huwag nang paniwalaan ang alamat na may liwanag sa sanlibutan; ayaw na nitong alamin mo pa kung may umiiral pa bang katotohanan sa mundong ito. Hindi ka na umaasang masasagip pa ng Makapangyarihan sa lahat. Kontento ka na sa kasalukuyang kalagayan, hindi mo na inaasam ang pagdating ng liwanag, hindi mo na minamatyagan ang pagdating ng Makapangyarihan sa lahat tulad nang inilahad sa alamat. Para sa iyo, lahat ng maganda ay hindi na maibabalik, hindi na ito iiral. Sa iyong mga mata, ang kinabukasan at hinaharap ng sangkatauhan ay basta na lamang naglalaho, nawawala. Kumakapit ka nang mahigpit sa kasuotan ng iyong ama nang buong lakas mo, handang makibahagi sa kanyang pagdurusa, takot na takot maglakbay nang mag-isa at walang direksyon sa mahabang paglalakbay. Ang malawak at makulimlim na mundo ng mga tao ay nakagawa sa marami sa inyo na matatag at walang takot sa pagganap sa iba’t ibang papel sa mundong ito. Lumikha ito ng maraming “mandirigma” na hindi takot mamatay. Higit pa riyan, nakakagawa ito ng napakaraming pangkat ng manhid at paralisadong mga tao na hindi alam ang layunin ng paglikha sa kanila. Sinusuri ng mga mata ng Makapangyarihan sa lahat ang bawat tao na lubhang nahihirapan. Ang naririnig Niya ay ang panaghoy ng mga nagdurusa, ang nakikita Niya ay ang kawalan ng hiya ng mga nahihirapan, at ang nadarama Niya ay ang kawalan ng magagawa at pangamba ng sangkatauhan na nawalan ng biyaya ng kaligtasan. Tinatanggihan ng sangkatauhan ang Kanyang malasakit, pinipili nilang lumakad sa sarili nilang landas, at sinusubukan nilang iwasan ang panunuri ng Kanyang mga mata, at mas gusto pa nilang namnamin ang kapaitan ng malalim na dagat sa piling ng kaaway, hanggang sa huling patak. Hindi na naririnig ng sangkatauhan ang hinagpis ng Makapangyarihan sa lahat; ayaw nang haplusin ng mga kamay ng Makapangyarihan sa lahat ang kaawa-awang sangkatauhang ito. Paulit-ulit Siyang nakakabawi, at paulit-ulit Siyang natatalong muli, at sa gayo’y nauulit ang gawaing Kanyang ginagawa. Mula sa sandaling iyon, nagsisimula Siyang mapagod, mabagot, kaya nga itinitigil Niya ang Kanyang ginagawa at hindi na nakikihalubilo sa gitna ng mga tao…. Walang kamalay-malay ang sangkatauhan sa anuman sa mga pagbabagong ito, sa pagdating at pag-alis, sa kalungkutan at kapanglawan ng Makapangyarihan sa lahat.
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang Hinagpis ng Makapangyarihan sa Lahat