Araw-araw na mga Salita ng Diyos: Pagkilala sa Diyos | Sipi 17
Ang Kapalaran ng mga Tao ay Ipinapasya ng Kanilang Saloobin sa Diyos
Ang Diyos ay isang buhay na Diyos, at tulad ng mga tao na magkakaiba ang kilos sa iba’t ibang sitwasyon, nag-iiba ang Kanyang saloobin ukol sa mga pag-uugaling ito dahil hindi Siya isang tau-tauhan ni hindi Siya hungkag. Ang pag-alam sa saloobin ng Diyos ay isang makabuluhang hangarin para sa sangkatauhan. Dapat malaman ng mga tao, sa pamamagitan ng pag-alam sa saloobin ng Diyos, kung paano sila unti-unting magtatamo ng kaalaman tungkol sa disposisyon ng Diyos at mauunawaan ang Kanyang puso. Kapag unti-unti mong naunawaan ang puso ng Diyos, hindi mo madarama na mahirap magkaroon ng takot sa Diyos at umiwas sa kasamaan. Bukod pa riyan, kapag nauunawaan mo ang Diyos, malamang ay hindi ka gagawa ng mga konklusyon tungkol sa Kanya. Kapag tumigil ka na sa paggawa ng mga konklusyon tungkol sa Diyos, mas malamang na hindi ka magkasala sa Kanya, at hindi mo mamamalayan, gagabayan ka ng Diyos na magtamo ng kaalaman tungkol sa Kanya; pupuspusin nito ang puso mo ng pagpipitagan sa Kanya. Sa gayon ay titigil ka sa pagtukoy sa Diyos sa pamamagitan ng mga doktrina, titik, at teoryang saulado mo na. Sa halip, sa pamamagitan ng palaging paghahanap sa mga layunin ng Diyos sa lahat ng bagay, hindi mo mamamalayan na nagiging isa kang tao na kaayon ng puso ng Diyos.
Ang gawain ng Diyos ay hindi nakikita at hindi nagagalaw ng sangkatauhan, ngunit para sa Diyos, ang mga kilos ng bawat isang tao—pati na ang kanilang saloobin sa Kanya—ay hindi lamang nahihiwatigan ng Diyos, kundi nakikita rin Niya. Ito ay isang bagay na dapat tanggapin at malinawan ng lahat. Maaaring lagi mong itinatanong sa iyong sarili, “Alam ba ng Diyos kung ano ang ginagawa ko rito? Alam ba Niya kung ano ang iniisip ko ngayon mismo? Siguro ay alam Niya, at siguro ay hindi Niya alam.” Kung nag-aangkin ka ng ganitong uri ng pananaw, sumusunod at naniniwala sa Diyos subalit nagdududa sa Kanyang gawain at sa Kanyang pag-iral, sa malao’t madali ay darating ang araw na magagalit Siya sa iyo, sapagkat nakabingit ka na sa isang mapanganib na bangin. May nakita na Akong mga tao na naniwala sa Diyos sa loob ng maraming taon, subalit hindi pa rin nila natatamo ang realidad ng katotohanan, ni hindi pa rin nila naunawaan ang kalooban ng Diyos. Hindi umuunlad ang mga taong ito sa kanilang mga buhay at tayog, na sumusunod lamang sa pinakamabababaw na doktrina. Ito ay dahil hindi kailanman sineryoso ng mga taong ito ang salita ng Diyos bilang buhay nila mismo, at hindi pa nila kailanman nakaharap at natanggap ang Kanyang pag-iral. Sa palagay mo ba napupuspos ng kasiyahan ang Diyos kapag nakikita Niya ang gayong mga tao? Inaaliw ba nila Siya? Kung gayon, ang paraan ng paniniwala ng mga tao sa Diyos ang nagpapasya sa kanilang kapalaran. Tungkol sa kung paano hinahanap at nilalapitan ng mga tao ang Diyos, pangunahin ang kahalagahan ng saloobin ng mga tao. Huwag magpabaya sa Diyos na parang wala Siyang halaga sa likod ng iyong isipan; laging isipin ang Diyos na iyong pinaniniwalaan bilang isang buhay na Diyos, isang tunay na Diyos. Hindi Siya uupu-upo lamang doon sa ikatlong langit nang walang ginagawa. Sa halip, patuloy Siyang nakatingin sa puso ng lahat, inoobserbahan kung ano ang binabalak mo, pinanonood ang bawat maliit na salita at gawa mo, pinanonood kung paano ka kumilos at tinitingnan kung ano ang saloobin mo sa Kanya. Kung handa ka bang ibigay ang iyong sarili sa Diyos o hindi, lahat ng pag-uugali mo at kaibuturan ng iyong mga iniisip at ideya ay nalalantad sa Kanyang harapan at tinitingnan Niya. Dahil sa iyong pag-uugali, dahil sa iyong mga gawa, at dahil sa iyong saloobin sa Kanya, palaging nagbabago ang opinyon ng Diyos tungkol sa iyo at ang Kanyang saloobin sa iyo. Gusto Kong mag-alok ng kaunting payo sa ilang tao: Huwag ninyong ilagay ang inyong sarili na parang mga sanggol sa mga kamay ng Diyos, na parang dapat Siyang mahaling sa iyo, na parang hindi ka Niya kailanman maaaring iwanan, at na parang pirmihan ang Kanyang saloobin sa iyo at hindi na magbabago kailanman, at ipinapayo Ko sa iyo na tigilan na ang pangangarap! Ang Diyos ay matuwid sa pagtrato Niya sa bawat isang tao, at marubdob Niyang hinaharap ang gawain ng paglupig at pagliligtas sa mga tao. Ito ang Kanyang pamamahala. Tinatrato Niya nang seryoso ang bawat isang tao, at hindi kagaya ng isang alagang hayop na paglalaruan. Ang pagmamahal ng Diyos sa mga tao ay hindi ang klaseng nagpapalayaw o nagpapamihasa, ni hindi mapagbigay o pabaya ang Kanyang awa at pagpaparaya sa sangkatauhan. Bagkus, ang pagmamahal ng Diyos para sa sangkatauhan ay may kasamang pagtatangi, pagkaawa, at paggalang sa buhay; inihahatid ng Kanyang awa at pagpaparaya ang Kanyang mga inaasahan sa kanila, at ang siyang kailangan ng sangkatauhan upang patuloy na mabuhay. Ang Diyos ay buhay, at ang Diyos ay talagang umiiral; ang Kanyang saloobin sa sangkatauhan ay may prinsipyo, hindi man lamang sangkaterbang dogmatikong mga panuntunan, at maaari itong magbago. Ang Kanyang mga layunin para sa sangkatauhan ay unti-unting nagbabago at nag-iiba sa paglipas ng panahon, depende sa mga pangyayaring nagaganap, at pati na sa saloobin ng bawat isang tao. Samakatuwid, dapat mong malaman sa puso mo nang may tiyak na kalinawan na hindi nagbabago ang diwa ng Diyos, at na lalabas ang Kanyang disposisyon sa iba’t ibang panahon at sa iba’t ibang konteksto. Maaaring hindi mo iniisip na seryoso ang bagay na ito, at maaaring ginagamit mo ang sarili mong mga kuru-kuro upang wariin kung paano dapat gawin ng Diyos ang mga bagay-bagay. Gayunman, may mga pagkakataon na totoo ang ganap na kabaligtaran ng iyong pananaw, at sa paggamit ng sarili mong personal na mga kuru-kuro para tangkaing sukatin ang Diyos, napagalit mo na Siya. Ito ay dahil hindi kumikilos ang Diyos sa paraang iniisip mo na ginagawa Niya, ni hindi Niya ituturing ang bagay na ito na kagaya ng sinasabi mong gagawin Niya. Sa gayon, ipinapaalala Ko sa iyo na mag-ingat at maging mahinahon sa pagturing mo sa lahat ng bagay na nasa paligid mo, at pag-aralan kung paano sundin ang prinsipyo ng paglakad sa daan ng Diyos sa lahat ng bagay, ang pagkakaroon ng takot sa Diyos at pag-iwas sa kasamaan. Kailangan mong bumuo ng isang matibay na pagkaunawa hinggil sa mga bagay tungkol sa kalooban at saloobin ng Diyos, kailangan mong humanap ng mga taong nabigyang-liwanag na magpapaalam ng mga bagay na ito sa iyo, at kailangan mong maghanap nang seryoso. Huwag mong ituring ang Diyos na pinaniniwalaan mo na isang tau-tauhan—na hinuhusgahan Siya kung paano mo gusto, nagbubuo ng di-makatwirang mga konklusyon tungkol sa Kanya, at hindi Siya tinatrato nang may paggalang na nararapat sa Kanya. Samantalang inililigtas ka ng Diyos at ipinapasya ang iyong kahihinatnan, maaari ka Niyang pagkalooban ng awa, o pagpaparaya, o paghatol at pagkastigo, ngunit ano’t anuman, ang Kanyang saloobin sa iyo ay hindi pirmihan. Depende ito sa iyong sariling saloobin sa Kanya, gayundin sa iyong pagkaunawa sa Kanya. Huwag mong tulutan ang isang lumilipas na aspeto ng iyong kaalaman o pagkaunawa sa Diyos na ilarawan Siya nang panghabambuhay. Huwag maniwala sa isang patay na Diyos; maniwala sa Isang nabubuhay. Tandaan mo ito! Bagamat natalakay Ko ang ilang katotohanan dito—mga katotohanang kailangan ninyong marinig—dahil sa inyong kasalukuyang kalagayan at kasalukuyang tayog, hindi Ako gagawa ng anumang mas malalaking hinihingi sa inyo sa ngayon, upang hindi masaid ang inyong kasigasigan. Ang paggawa nito ay maaaring puspusin ang inyong puso ng labis na kalungkutan at ipadama sa inyo ang labis na pagkabigo sa Diyos. Sa halip, sana ay magamit ninyo ang pagmamahal sa Diyos na nasa inyong puso at magamit ninyo ang isang saloobing may paggalang sa Diyos habang naglalakad kayo sa landas na nasa inyong harapan. Huwag maguluhan tungkol sa kung paano maniwala sa Diyos; ituring itong isa sa pinakamalalaking isyung mayroon. Ilagay ito sa inyong puso, isagawa ito, at iugnay ito sa tunay na pamumuhay; huwag lamang basta sabihin ito—sapagkat buhay at kamatayan ang nakataya rito, at siyang magpapasya sa iyong tadhana. Huwag itong ituring na parang isang biro o larong pambata! Matapos Kong ibahagi sa inyo ang mga salitang ito ngayon, iniisip Ko kung gaano ang naani ninyong pagkaunawa sa inyong isipan. Mayroon bang anumang mga bagay kayong nais itanong tungkol sa nasabi Ko rito ngayon?
Bagamat medyo bago ang mga paksang ito, at medyo malayo sa inyong mga pananaw, sa inyong mga karaniwang hangarin, at sa hilig ninyong pagtuunan ng pansin, palagay Ko kapag napagbahaginan na ninyo ang mga ito sa loob ng ilang sandali, magkakaroon kayo ng isang karaniwang pagkaunawa sa lahat ng bagay na nasabi Ko rito. Bagung-bago ang lahat ng paksang ito, at hindi pa ninyo kailanman naisip noon, kaya umaasa Ako na hindi makaragdag ang mga ito sa inyong pasanin sa anumang paraan. Hindi Ko sinasabi ang mga salitang ito ngayon para takutin kayo, ni hindi Ko ginagamit ang mga ito bilang isang paraan para pakitunguhan kayo; sa halip, ang Aking layon ay ipaunawa sa inyo ang totoong mga pangyayari tungkol sa katotohanan. Dahil may kaibhan sa pagitan ng sangkatauhan at ng Diyos, bagamat naniniwala ang mga tao sa Diyos, hindi nila Siya naunawaan kailanman o nalaman ang Kanyang saloobin. Hindi rin naging napakasigasig ng mga tao kailanman sa kanilang alalahanin para sa saloobin ng Diyos. Sa halip, naniwala sila at nagpatuloy nang pikit-mata, at naging pabaya sa kanilang kaalaman at pagkaunawa tungkol sa Diyos. Sa gayon ay napilitan Akong liwanagin ang mga isyung ito para sa inyo, at ipaunawa sa inyo kung anong klase talaga ng Diyos ang Diyos na ito na inyong pinaniniwalaan, gayundin kung ano ang Kanyang iniisip, ang Kanyang saloobin sa Kanyang pagtrato sa iba-ibang uri ng mga tao, gaano kayo kalayo sa pagtupad sa Kanyang mga hinihingi, at gaano kalaki ang pagkakaiba sa pagitan ng inyong mga kilos at ng pamantayang Kanyang hinihingi. Ang mithiin sa pagpapaalam sa inyo ng mga bagay na ito ay upang bigyan kayo ng isang pamantayan sa pagsukat sa inyong sarili, at upang malaman ninyo kung anong klase ng pag-ani ang kahahantungan ng daan na inyong tinatahak, kung ano ang hindi ninyo natamo sa pagtahak sa landas na ito, at saang mga lugar kayo talaga hindi nakibahagi. Habang nag-uusap-usap kayo, karaniwan ay pinag-uusapan ninyo ang ilang paksang karaniwang tinatalakay na napakakitid ng saklaw at mababaw ang nilalaman. May agwat, may puwang, sa pagitan ng tinatalakay ninyo at ng mga layunin ng Diyos, gayundin sa pagitan ng inyong mga talakayan at ng saklaw at pamantayan ng mga hinihingi ng Diyos. Ang pagpapatuloy nang ganito sa paglipas ng panahon ay mas maglalayo pa sa inyo sa daan ng Diyos. Kinukuha lamang ninyo ang kasalukuyang mga pagbigkas ng Diyos at ginagawang mga pakay ng pagsamba ang mga ito, at itinuturing ang mga ito na mga ritwal at regulasyon. Iyan lamang ang inyong ginagawa! Sa totoo lang, wala talagang lugar ang Diyos sa inyong puso, at hindi Niya kailanman natamo ang inyong puso. Iniisip ng ilang tao na napakahirap kilalanin ng Diyos, at ito ang katotohanan. Mahirap ito! Kung ipagawa sa mga tao ang kanilang mga tungkulin at ginagawa nila ang mga bagay-bagay sa panlabas, at nagsusumikap sila, iisipin nila na napakadaling maniwala sa Diyos, dahil lahat ng bagay na iyon ay saklaw ng kakayahan ng tao. Gayunman, sa sandaling lumipat ang paksa sa mga layunin ng Diyos at sa Kanyang saloobin sa sangkatauhan, sa pananaw ng lahat, medyo humihirap nga ang mga bagay-bagay. Ito ay dahil kailangan dito ang pang-unawa ng mga tao sa katotohanan at ang pagpasok nila sa realidad, kaya siyempre magkakaroon ng isang antas ng paghihirap! Magkagayunman, kapag nakalagpas ka na sa unang pinto at nagsimula kang makapasok, unti-unting dumadali ang mga bagay-bagay.
—Ang Salita, Vol. II. Ukol sa Pagkakilala sa Diyos. Paano Malalaman ang Disposisyon ng Diyos at ang mga Resultang Makakamtan ng Kanyang Gawain