Nauugnay na mga Salita ng Diyos:
Tinatawag na Cristo ang Diyos na nagkatawang-tao, at si Cristo ay ang katawang-taong isinuot ng Espiritu ng Diyos. Hindi katulad ng sinumang tao sa laman ang katawang-taong ito. Ang kaibhang ito ay dahil hindi sa laman at dugo si Cristo; Siya ay ang pagkakatawang-tao ng Espiritu. Siya ay kapwa may normal na pagkatao at ganap na pagka-Diyos. Hindi taglay ng sinumang tao ang pagka-Diyos Niya. Ang normal na pagkatao Niya ang nagpapanatili sa lahat ng normal na gawain Niya sa katawang-tao, habang isinasakatuparan ng pagka-Diyos Niya ang gawain ng Diyos Mismo. Pagkatao man o pagka-Diyos man Niya ito, kapwa nagpapasakop ang mga ito sa kalooban ng Ama sa langit. Ang Espiritu ang diwa ni Cristo, ibig sabihin ay ang pagka-Diyos. Samakatuwid, ang diwa Niya ay ang sa Diyos Mismo; hindi gagambalain ng diwang ito ang sarili Niyang gawain, at hindi Siya posibleng makagawa ng anumang bagay na sisira sa sarili Niyang gawain, ni hindi rin Siya bibigkas ng anumang mga salita na sumasalungat sa sarili Niyang kalooban.
Hinango mula sa “Ang Diwa ni Cristo ay ang Pagsunod sa Kalooban ng Ama sa Langit” sa Ang Salita ay Nagpapakita sa Katawang-tao
Siya na Diyos na nagkatawang-tao ay magtataglay ng diwa ng Diyos, at Siya na Diyos na nagkatawang-tao ay magtataglay ng pahayag ng Diyos. Dahil ang Diyos ay naging tao, ilalahad Niya ang gawaing layon Niyang gawin, at dahil ang Diyos ay naging tao, ipapahayag Niya kung ano Siya, at magagawa Niyang ihatid ang katotohanan sa tao, pagkalooban siya ng buhay, at ituro ang daan para sa kanya. Ang katawang-tao na walang diwa ng Diyos ay tiyak na hindi ang Diyos na nagkatawang-tao; walang duda ito. Kung layon ng tao na magsiyasat kung ito ang katawang-tao ng Diyos, kailangan niyang patunayan ito mula sa disposisyon na Kanyang ipinapahayag at sa mga salitang Kanyang sinasambit. Ibig sabihin, patunayan kung ito nga ang katawang-tao ng Diyos o hindi, at kung ito nga ang tunay na daan o hindi, kailangan itong matukoy batay sa Kanyang diwa. Kaya nga, sa pagtukoy kung ito ang katawan ng Diyos na nagkatawang-tao, ang sagot ay nasa Kanyang diwa (Kanyang gawain, Kanyang mga pagbigkas, Kanyang disposisyon, at maraming iba pang aspeto), sa halip na sa panlabas na anyo. Kung ang susuriin lamang ng tao ay ang Kanyang panlabas na anyo, at dahil dito ay hindi napansin ang Kanyang diwa, ipinapakita niyan na ang tao ay mangmang at walang alam.
Hinango mula sa Paunang Salita sa Ang Salita ay Nagpapakita sa Katawang-tao
Ang pagkilala sa Diyos ay kailangang maisagawa sa pamamagitan ng pagbasa at pag-unawa sa mga salita ng Diyos. Sinasabi ng ilan: “Hindi ko pa nakikita ang Diyos na nagkatawang-tao, kaya paano ko makikilala ang Diyos?” Sa katunayan, ang mga salita ng Diyos ay isang pagpapahayag ng Kanyang disposisyon. Mula sa mga salita ng Diyos, makikita mo ang Kanyang pagmamahal at pagliligtas para sa mga tao, gayundin ang Kanyang pamamaraan ng pagliligtas sa kanila…. Ito ay dahil ang Kanyang mga salita ay ipinahayag ng Diyos Mismo, hindi isinulat ng mga tao. Personal na ipinahayag ng Diyos ang mga ito; ipinapahayag ng Diyos Mismo ang sarili Niyang mga salita at tinig na nasa Kanyang kalooban. Bakit tinatawag ang mga ito na mga salitang nagmumula sa puso? Dahil ang mga ito ay nagmumula sa kaibuturan, at nagpapahayag ng Kanyang disposisyon, Kanyang kalooban, Kanyang mga iniisip, Kanyang pagmamahal sa sangkatauhan, Kanyang pagliligtas sa sangkatauhan, at Kanyang mga inaasahan sa sangkatauhan…. Kasama sa mga pahayag ng Diyos ang masasakit na salita, at banayad at may konsiderasyong mga salita, gayundin ang ilang salitang nagbubunyag na hindi naaayon sa mga naisin ng tao. Kung titingnan mo lamang ang mga salitang nagbubunyag, maaari mong madama na medyo mabagsik ang Diyos. Kung titingnan mo lamang ang mga banayad na salita, maaari mong madama na hindi gaanong makapangyarihan ang Diyos. Samakatuwid ay hindi mo dapat unawain ang mga ito nang wala sa konteksto; sa halip, tingnan mo ang mga ito mula sa bawat anggulo. Kung minsan ay nagsasalita ang Diyos mula sa isang banayad at mahabaging pananaw, at pagkatapos ay nakikita ng mga tao ang Kanyang pagmamahal para sa sangkatauhan; kung minsan ay nagsasalita Siya mula sa napaka-istriktong pananaw, at pagkatapos ay nakikita ng mga tao ang Kanyang disposisyon na hindi magkukunsinti sa kasalanan. Ang tao ay nakalulungkot ang karumihan, at hindi siya karapat-dapat na tumingin sa mukha ng Diyos o humarap sa Kanya. Tinutulutan na ngayon ang mga tao na humarap sa Kanya dahil lamang sa Kanyang biyaya. Makikita ang karunungan ng Diyos sa paraan ng Kanyang paggawa at sa kabuluhan ng Kanyang gawain. Nakikita pa rin ng mga tao ang mga bagay na ito sa mga salita ng Diyos, kahit walang anumang tuwirang pakikipag-ugnayan mula sa Kanya. Kapag nakaugnayan ng isang taong tunay na nakakakilala sa Diyos si Cristo, ang pagtatagpo nila ni Cristo ay maaaring tumugma sa kanyang kasalukuyang kaalaman tungkol sa Diyos; gayunman, kapag ang Diyos ay nakatagpo ng sinumang mayroon lamang teoretikal na pagkaunawa, hindi niya nakikita ang koneksyon. Ang aspetong ito ng katotohanan ang pinakamalalim sa lahat ng hiwaga; mahirap itong arukin. Ibuod ang mga salita ng Diyos tungkol sa hiwaga ng pagkakatawang-tao, tingnan ang mga ito mula sa lahat ng anggulo, pagkatapos ay sama-samang manalangin, magnilay-nilay, at higit pang magbahagi tungkol sa aspetong ito ng katotohanan. Sa paggawa nito, magtatamo ka ng kaliwanagan ng Banal na Espiritu at makakaunawa ka. Dahil walang pagkakataon ang mga tao na tuwirang makaugnayan ang Diyos, kailangan nilang umasa sa ganitong uri ng karanasan para maingat silang makapagpatuloy at unti-unting makapasok upang magtamo ng tunay na kaalaman tungkol sa Diyos.
Hinango mula sa “Paano Kikilalanin ang Diyos na Nagkatawang-tao” sa Mga Talaan ng mga Pananalita ni Cristo ng mga Huling Araw
Bagaman ang panlabas na kaanyuan ng Diyos na nagkatawang-tao ay parehong-pareho ng sa tao, at bagaman natututuhan Niya ang kaalamang pantao at nagsasalita ng wikang pantao, at minsan pa nga ay ipinapahayag Niya ang Kanyang mga ideya sa pamamagitan ng sariling mga pamamaraan o mga paraan ng pagsasalita ng sangkatauhan, gayunpaman, ang paraan kung paano Niya nakikita ang mga tao at ang diwa ng mga bagay-bagay ay lubos na hindi katulad ng kung paano nakikita ng mga tiwaling tao ang sangkatauhan at ang diwa ng mga bagay-bagay. Ang Kanyang pananaw at ang taas kung saan Siya nakatindig ay isang bagay na di-matatamo para sa isang tiwaling tao. Sapagka’t ang Diyos ay katotohanan, sapagka’t ang katawang-tao na suot Niya ay nagtataglay rin ng diwa ng Diyos, at ang Kanyang mga kaisipan at yaong ipinapahayag ng Kanyang pagkatao ay katotohanan din. Para sa mga tiwaling tao, ang Kanyang ipinapahayag sa katawang-tao ay mga pagtustos ng katotohanan, at ng buhay. Hindi lamang para sa isang tao ang mga pagtustos na ito, kundi para sa buong sangkatauhan. Sa puso ng sinumang tiwaling tao, mayroon lang mangilan-ngilang tao na nauugnay sa kanila. Iniingatan at pinagmamalasakitan lang nila ang iilang taong ito. Kapag abot-tanaw ang sakuna, una nilang iniisip ang sarili nilang mga anak, asawa, o mga magulang. Sa pinakamarami, ang isang mas mahabaging tao ay bahagyang mag-iisip para sa ilang kamag-anak o mabuting kaibigan, subali’t ang mga kaisipan ba ng maging gayong kamahabaging tao ay umaabot nang higit pa kaysa roon? Hindi, hindi kailanman! Sapagka’t ang mga tao, matapos ang lahat, ay mga tao, at matitingnan lang nila ang lahat mula sa taas at pananaw ng isang tao. Gayunpaman, lubos na naiiba sa isang taong tiwali ang Diyos na nagkatawang-tao. Kahit gaano man kaordinaryo, gaano man kanormal, gaano man kababa ang katawang-tao ng Diyos na nagkatawang-tao, o kahit gaano man Siya hinahamak ng mga tao, ang Kanyang mga kaisipan at ang Kanyang saloobin tungo sa sangkatauhan ay mga bagay na hindi kayang taglayin ng sinumang tao, na walang sinumang tao ang makagagaya. Palagi Niyang pagmamasdan ang sangkatauhan mula sa pananaw ng pagka-Diyos, mula sa taas ng Kanyang posisyon bilang ang Lumikha. Palagi Niyang makikita ang sangkatauhan sa pamamagitan ng diwa at ng pag-iisip ng Diyos. Tiyak na hindi Niya makikita ang sangkatauhan mula sa baba ng isang karaniwang tao, o mula sa pananaw ng isang taong tiwali. Kapag tinitingnan ng mga tao ang sangkatauhan, ginagawa nila iyon gamit ang paninging pantao, at ginagamit nila ang mga bagay-bagay na gaya ng kaalamang pantao at mga patakaran at mga teoryang pantao bilang panukat. Nasa loob ito ng saklaw ng kung ano ang makikita ng mga tao gamit ang kanilang mga mata at ng saklaw na makakamtan ng mga taong tiwali. Kapag tinitingnan ng Diyos ang sangkatauhan, tumitingin Siya gamit ang paninging pang-Diyos, at ginagamit Niya ang Kanyang diwa at kung anong mayroon at kung ano Siya bilang panukat. Kasama sa saklaw na ito ang mga bagay na hindi nakikita ng mga tao, at dito ganap na nagkakaiba ang Diyos na nagkatawang-tao at ang mga taong tiwali. Natutukoy ang pagkakaibang ito sa pamamagitan ng magkaibang mga diwa ng mga tao at ng Diyos—ang magkaibang mga diwang ito ang tumutukoy sa kanilang mga pagkakakilanlan at mga posisyon gayundin ang pananaw at ang taas mula sa kung saan nila nakikita ang mga bagay-bagay.
Hinango mula sa “Ang Gawain ng Diyos, ang Disposisyon ng Diyos, at ang Diyos Mismo III” sa Ang Salita ay Nagpapakita sa Katawang-tao
Hindi ninyo makikita ang Diyos na humahawak ng mga pananaw sa mga bagay na gaya ng sa mga tao, at higit pa rito, hindi ninyo Siya makikitang gumagamit ng mga pananaw ng mga tao, ng kanilang kaalaman, ng kanilang siyensiya, o ng kanilang pilosopiya o ng imahinasyon upang pangasiwaan ang mga bagay. Sa halip, ang lahat ng ginagawa ng Diyos at ang lahat ng Kanyang ibinubunyag ay may kaugnayan sa katotohanan. Iyon ay, bawat salitang sinabi Niya at bawat kilos na Kanyang ginawa ay may kaugnayan sa katotohanan. Ang katotohanang ito ay hindi nagmula sa walang-basehang pantasya; ang katotohanang ito at mga salitang ito ay naipapahayag ng Diyos sa pamamagitan ng Kanyang diwa at Kanyang buhay. Dahil ang mga salitang ito at ang diwa ng lahat ng ginawa ng Diyos ay katotohanan, maaari nating sabihin na ang diwa ng Diyos ay banal. Sa madaling sabi, ang lahat ng sinasabi at ginagawa ng Diyos ay nagbibigay ng sigla at liwanag sa mga tao, nagbibigay lakas sa mga tao na makita ang mga positibong bagay at ang realidad ng mga positibong bagay na iyon, at itinuturo ang paraan sa sangkatauhan upang lumakad sila sa tamang daan. Ang mga bagay na ito ay pinagpapasyahan ng diwa ng Diyos at ng diwa ng Kanyang kabanalan.
Hinango mula sa “Ang Diyos Mismo, ang Natatangi V” sa Ang Salita ay Nagpapakita sa Katawang-tao
May mga karanasan ka man sa lipunan at paano ka man tunay na namumuhay sa iyong pamilya at nakakaranas sa loob niyon ay makikita sa iyong ipinapahayag, samantalang hindi mo makikita sa gawain ng Diyos na nagkatawang-tao kung Siya ay may mga karanasan sa pakikisama. Alam na alam Niya ang pinakadiwa ng tao at maihahayag ang lahat ng klase ng mga pagsasagawa na may kinalaman sa lahat ng klase ng mga tao. Mas mahusay pa nga Siya sa paghahayag ng mga tiwaling disposisyon at masuwaying pag-uugali ng mga tao. Hindi Siya namumuhay sa piling ng mga taong makamundo, ngunit alam Niya ang likas na pagkatao ng mga mortal at lahat ng katiwalian ng mga taong makamundo. Ito ang Kanyang pagkatao. Bagama’t hindi Siya nakikitungo sa mundo, alam Niya ang mga panuntunan ng pakikitungo sa mundo, dahil lubos Niyang nauunawaan ang likas na pagkatao ng tao. Alam Niya ang tungkol sa gawain ng Espiritu na hindi nakikita ng mga mata ng tao at hindi naririnig ng mga tainga ng tao, kapwa ngayon at noong araw. Kasama rito ang karunungan na hindi isang pilosopiya sa pamumuhay at mga himalang mahirap maarok ng mga tao. Ito ang Kanyang katauhan, bukas sa mga tao at tago rin sa mga tao. Ang Kanyang ipinapahayag ay hindi ang katauhan ng isang di-pangkaraniwang tao, kundi ang likas na mga katangian at katauhan ng Espiritu. Hindi Siya naglalakbay sa mundo ngunit alam Niya ang lahat tungkol dito. Nakikipag-ugnayan Siya sa mga “taong-unggoy” na walang kaalaman o kabatiran, ngunit nagpapahayag Siya ng mga salitang mas mataas sa kaalaman at nakahihigit sa mga dakilang tao. Namumuhay Siya sa gitna ng isang grupo ng mga taong mabagal umunawa at manhid na hindi makatao at hindi nauunawaan ang mga kalakaran at buhay ng pagiging tao, ngunit maaari Niyang hilingin sa sangkatauhan na isabuhay ang normal na pagkatao, habang ibinubunyag ang hamak at abang pagkatao ng sangkatauhan. Lahat ng ito ay ang Kanyang katauhan, mas mataas kaysa katauhan ng kahit sinong tao na may laman at dugo. Para sa Kanya, hindi kailangang magdanas ng isang kumplikado, masalimuot, at nakaririmarim na pakikisama sa lipunan upang gawin ang gawaing kailangan Niyang gawin at lubusang ibunyag ang pinakadiwa ng tiwaling sangkatauhan. Ang nakaririmarim na pakikisama sa lipunan ay hindi humuhubog sa Kanyang katawang-tao. Ang Kanyang gawain at mga salita ay nagbubunyag lamang ng pagsuway ng tao at hindi nagkakaloob sa tao ng karanasan at mga aral sa pakikitungo sa mundo. Hindi Niya kailangang suriin ang lipunan o ang pamilya ng tao kapag tinutustusan Niya ng buhay ang tao. Ang paglalantad at paghatol sa tao ay hindi isang pagpapahayag ng mga karanasan ng Kanyang katawang-tao; ito ay Kanyang paghahayag ng kasamaan ng tao pagkatapos malaman ang pagsuway ng tao sa loob ng mahabang panahon at kapootan ang katiwalian ng sangkatauhan. Lahat ng gawaing Kanyang ginagawa ay upang ihayag ang Kanyang disposisyon sa tao at ipahayag ang Kanyang katauhan. Siya lamang ang makakagawa ng gawaing ito; hindi ito isang bagay na maaaring isagawa ng isang taong may laman at dugo. Mula sa Kanyang gawain, hindi masasabi ng tao kung anong klase Siya ng tao. Hindi rin kaya ng tao na uriin Siya bilang isang nilalang batay sa Kanyang gawain. Hindi rin Siya maaaring ituring na isang nilalang dahil sa Kanyang katauhan. Maaari lamang Siyang ituring ng tao na hindi isang tao, ngunit hindi niya alam kung saang kategorya Siya ilalagay, kaya napipilitan ang tao na ilagay Siya sa kategorya ng Diyos. Hindi kawalan ng katwiran na gawin ito ng tao, sapagkat napakaraming nagawang gawain ng Diyos sa mga tao na hindi kayang gawin ng tao.
Hinango mula sa “Gawain ng Diyos at Gawain ng Tao” sa Ang Salita ay Nagpapakita sa Katawang-tao
Habang gumagawa ang Diyos sa katawang-tao, hindi Niya nakakaligtaan ang tungkuling dapat tuparin ng tao sa laman; nagagawa Niyang sambahin ang Diyos sa langit nang may tunay na puso. May diwa Siya ng Diyos, at ang pagkakakilanlan Niya ay ang sa Diyos Mismo. Nangyari lamang na dumating Siya sa lupa at naging isang nilikhang katauhan na may panlabas na balat ng isang nilikhang katauhan, at nagtataglay ngayon ng pagkataong hindi Niya dating taglay. Nagagawa Niyang sambahin ang Diyos sa langit; ito ang katauhan ng Diyos Mismo at walang katulad sa tao. Ang pagkakakilanlan Niya ay Diyos Mismo. Sumasamba Siya sa Diyos mula sa pananaw ng katawang-tao; samakatuwid, ang mga salitang “Sumasamba si Cristo sa Diyos sa langit” ay hindi mali. Ang hinihingi Niya sa tao ay ang mismong Sarili Niyang katauhan; natamo na Niya ang lahat ng Kanyang hinihiling sa tao bago ang paghiling ng ganoon sa kanila. Hindi Siya kailanman gagawa ng mga hiling sa iba samantalang Siya Mismo ay malaya mula sa mga ito, dahil ang lahat ng ito ang bumubuo sa Kanyang katauhan. Paano man Niya isinasakatuparan ang Kanyang gawain, hindi Siya kikilos sa paraang sumusuway sa Diyos. Anupaman ang hilingin Niya sa tao, walang hiling na lalagpas sa kayang matamo ng tao. Ang lahat ng ginagawa Niya ay yaong tumutupad sa kalooban ng Diyos at alang-alang sa Kanyang pamamahala. Higit sa lahat ng mga tao ang pagka-Diyos ni Cristo; samakatuwid, Siya ang pinakamataas na awtoridad ng lahat ng mga nilikhang katauhan. Ang pagka-Diyos Niya ang awtoridad na ito, ibig sabihin ay ang disposisyon at katauhan ng Diyos Mismo, na tumutukoy sa Kanyang pagkakakilanlan. Samakatuwid, gaano man kakaraniwan ang pagkatao Niya, hindi maikakaila na nasa Kanya ang pagkakakilanlan ng Diyos Mismo; sa kung anumang pananaw man Siya nagsasalita at paano man Siya sumusunod sa kalooban ng Diyos, hindi maaaring sabihin na hindi Siya ang Diyos Mismo.
Hinango mula sa “Ang Diwa ni Cristo ay ang Pagsunod sa Kalooban ng Ama sa Langit” sa Ang Salita ay Nagpapakita sa Katawang-tao
Nagkakatawang-tao lamang ang Diyos upang buuin ang mga gawain ng katawang-tao, hindi lamang upang pahintulutang makita Siya ng mga tao. Sa halip, hinahayaan Niyang ang gawain Niya ang magpatunay ng Kanyang pagkakakilanlan, at hinahayaang yaong ibinubunyag Niya na magpatunay sa Kanyang diwa. Hindi walang batayan ang diwa Niya; hindi kinamkam ng Kanyang kamay ang pagkakakilanlan Niya; matutukoy ito sa pamamagitan ng Kanyang gawain at Kanyang diwa. Bagama’t may diwa Siya ng Diyos Mismo at may kakayahang gawin ang gawain ng Diyos Mismo, Siya pa rin, sa dakong huli, ay katawang-tao, hindi katulad ng Espiritu. Hindi Siya Diyos na may mga katangian ng Espiritu; Siya ay Diyos na may balat ng katawang-tao. Samakatuwid, gaano man Siya kanormal at gaano man Siya kahina, at paano man hinahangad Niya ang kalooban ng Diyos Ama, hindi maikakaila ang pagka-Diyos Niya. Umiiral sa loob ng nagkatawang-taong Diyos hindi lamang ang normal na pagkatao at ang mga kahinaan nito; umiiral din ang kahanga-hanga at pagiging di-maarok na pagka-Diyos Niya, pati na rin ang lahat ng mga gawa Niya sa katawang-tao. Samakatuwid, kapwa umiiral ang pagkatao at pagka-Diyos sa loob ni Cristo, kapwa sa aktwal at praktikal. Kahit paano, hindi ito isang bagay na hungkag o kahima-himala. Dumarating Siya sa lupa na may pangunahing layunin ng pagsasakatuparan ng gawain; kinakailangang magtaglay ng isang normal na pagkatao upang maisakatuparan ang gawain sa lupa; kung hindi, gaano pa man kadakila ang kapangyarihan ng pagka-Diyos Niya, hindi mailalagay sa mabuting paggagamitan ang unang tungkulin nito. Bagama’t napakahalaga ng Kanyang pagkatao, hindi ito ang Kanyang diwa. Ang pagka-Diyos ang diwa Niya; samakatuwid, ang sandaling magsisimula na Siyang gampanan ang ministeryo Niya sa lupa ay ang sandaling magsisimula na Siyang ipahayag ang katauhan ng Kanyang pagka-Diyos. Umiiral ang pagkatao Niya upang mapanatili lamang ang normal na buhay ng Kanyang katawang-tao upang maisakatuparan ng Kanyang pagka-Diyos ang gawain bilang normal sa katawang-tao; ang pagka-Diyos ang lubos na nangangasiwa sa gawain Niya. Kapag nagawa na Niyang ganap ang Kanyang gawain, natupad na Niya ang Kanyang ministeryo. Ang dapat malaman ng tao ay ang kabuuan ng Kanyang gawain, at sa pamamagitan ng gawain Niya na nabibigyang daan Niya ang tao na makilala Siya. Sa buong takbo ng Kanyang gawain, lubusan Niyang ipinahahayag ang katauhan ng pagka-Diyos Niya, na hindi isang disposisyong nadudungisan ng pagkatao, o isang katauhang nadudungisan ng kaisipan at asal ng tao. Kapag dumating na ang oras na ang lahat ng ministeryo Niya ay nagwakas na, perpekto at ganap na Niyang naipahayag ang disposisyong dapat Niyang ipahayag. Hindi ginagabayan ang Kanyang gawain ng tagubilin ng sinumang tao; ang pagpapahayag ng disposisyon Niya ay ganap na malaya rin, at hindi masusupil ng isip o malilinang ng kaisipan, ngunit likas na ibinubunyag. Isang bagay ito na walang tao ang makapagtatamo. Kahit malupit ang kapaligiran o hindi kanais-nais ang mga kalagayan, nagagawa Niyang ipahayag ang Kanyang disposisyon sa naaangkop na oras. Ang Isang si Cristo ay ipinahahayag ang katauhan ni Cristo, samantalang yaong mga hindi ay hindi nagtataglay ng disposisyon ni Cristo. Samakatuwid, kahit na nilalabanan Siya ng lahat o may mga kuru-kuro sa Kanya, walang makapagkakaila batay sa mga kuru-kuro ng tao na ang disposisyong ipinahahayag ni Cristo ay ang sa Diyos. Ang lahat ng yaong mga hinahangad si Cristo nang may tunay na puso o sadyang hinahanap ang Diyos ay aamining si Cristo Siya batay sa pagpapahayag ng pagka-Diyos Niya. Hindi nila kailanman ipagkakaila si Cristo sa batayan ng kahit anumang aspeto Niyang hindi umaayon sa mga kuru-kuro ng tao. Bagama’t napakahangal ng tao, tiyak na alam ng lahat kung ano ang kalooban ng tao at kung ano ang nagmumula sa Diyos. Nangyayari lamang na maraming tao ang sinasadyang nilalabanan si Cristo bilang bunga ng sarili nilang mga pakay. Kung hindi dahil dito, wala kahit isang tao ang magkakaroon ng dahilang ikaila ang pag-iral ni Cristo, dahil totoong umiiral ang pagka-Diyos na ipinahayag ni Cristo, at maaaring masaksihan ang gawain Niya ng mata lamang.
Ang gawain at pagpapahayag ni Cristo ang tumutukoy sa Kanyang diwa. Nagagawa Niyang kumpletuhin nang may tunay na puso yaong ipinagkatiwala sa Kanya. Nagagawa Niyang sambahin nang may tunay na puso ang Diyos sa langit, at hinahangad ang kalooban ng Diyos Ama nang may tunay na puso. Natutukoy ang lahat ng ito ng diwa Niya. At gayundin ang likas na pagsisiwalat Niya ay natutukoy ng Kanyang diwa; ang dahilan na tinatawag Ko itong ang “likas na pagsisiwalat” Niya ay dahil hindi panggagaya ang pagpapahayag Niya, o bunga ng pinag-aralan ng tao, o bunga ng maraming taong paglilinang ng tao. Hindi Niya ito natutuhan o ginayakan ang sarili Niya nito; sa halip, likas ito sa loob Niya. Maaaring ikaila ng tao ang Kanyang gawain, ang Kanyang pagpapahayag, ang Kanyang pagkatao, at ang Kanyang buong buhay ng normal na pagkatao, ngunit walang makapagkakailang sinasamba Niya ang Diyos sa langit nang may tunay na puso; walang makapagkakailang dumating Siya upang tuparin ang kalooban ng Ama sa langit, at walang makapagkakaila sa katapatan ng paghahanap Niya sa Diyos Ama. Bagama’t hindi kaaya-aya sa mga pandama ang Kanyang larawan, hindi nagtataglay ng pambihirang pagmamagaling ang pagtatalakay Niya, at hindi kasingnakawawasak ng lupa o nakayayanig ng langit ang gawain Niya na tulad ng inaakala ng tao, Siya talaga si Cristo, na tumutupad nang may tunay na puso sa kalooban ng Ama sa langit, ganap na nagpapasakop sa Ama sa langit, at masunurin hanggang kamatayan. Ito ay sapagkat ang diwa Niya ay ang diwa ni Cristo. Mahirap para sa tao na paniwalaan ang katotohanang ito, ngunit ito ay katunayan. Kapag ganap nang natupad ang ministeryo ni Cristo, magagawang makita ng tao mula sa gawain Niya na ang Kanyang disposisyon at katauhan ay kumakatawan sa disposisyon at katauhan ng Diyos sa langit. Sa oras na iyon, makapagpapatunay ang kalahatan ng gawain Niya na Siya talaga ang Salitang nagiging katawang-tao, at hindi katulad ng laman at dugong tao.
Hinango mula sa “Ang Diwa ni Cristo ay ang Pagsunod sa Kalooban ng Ama sa Langit” sa Ang Salita ay Nagpapakita sa Katawang-tao
Ang Espiritu ng Diyos ay ang awtoridad sa buong sangnilikha. Nagtataglay din ng awtoridad ang katawang-taong may diwa ng Diyos, ngunit maaaring gawin ng Diyos sa katawang-tao ang lahat ng gawaing sumusunod sa kalooban ng Ama sa langit. Hindi ito matatamo o maiisip ng sinumang tao. Ang Diyos Mismo ay awtoridad, ngunit maaaring magpasakop ang katawang-tao Niya sa Kanyang awtoridad. Ito ang ipinahihiwatig kapag sinasabing “Sumusunod si Cristo sa kalooban ng Diyos Ama.” Isang Espiritu ang Diyos at makakayang gawin ang gawain ng pagliligtas, tulad ng maaaring maging tao ang Diyos. Sa ano’t anuman, ang Diyos Mismo ang gumagawa ng sarili Niyang gawain; ni hindi Siya nang-aabala o nanghihimasok, lalong hindi Siya nagsasakatuparan ng gawaing sumasalungat sa mismong gawain, dahil magkatulad ang diwa ng gawaing ginagawa ng Espiritu at ng katawang-tao. Espiritu man ito o ang katawang-tao, gumagawa ang dalawa upang tuparin ang isang kalooban at upang pamahalaan ang kapwa gawain. Bagama’t may dalawang magkaibang katangian ang Espiritu at ang katawang-tao, magkatulad ang kanilang mga diwa; kapwa sila may diwa ng Diyos Mismo, at ng pagkakakilanlan ng Diyos Mismo. Hindi nagtataglay ang Diyos Mismo ng mga sangkap ng pagsuway; mabuti ang Kanyang diwa. Siya ang pagpapahayag ng lahat ng kagandahan at kabutihan, gayundin ng lahat ng pagmamahal. Kahit sa katawang-tao, hindi gumagawa ang Diyos ng anumang sumusuway sa Diyos Ama. Maging kabayaran man ang paghahain ng Kanyang buhay, buong puso Siyang handa na gawin ito, at wala na Siyang ibang pipiliin. Hindi nagtataglay ang Diyos ng mga sangkap ng pagmamagaling o pagpapahalaga sa sarili, o yaong sa kapalaluan at pagmamataas; hindi Siya nagtataglay ng mga sangkap ng kabuktutan. Nagmumula kay Satanas ang lahat-lahat ng sumusuway sa Diyos; si Satanas ang pinagmumulan ng lahat ng kapangitan at kabuktutan. Ang dahilan ng pagkakaroon ng tao ng mga katangiang kahalintulad ng kay Satanas ay dahil nagawa nang tiwali at nilinang na ni Satanas ang tao. Hindi nagawang tiwali ni Satanas si Cristo, kaya’t ang mga katangian ng Diyos ang tangi Niyang inaangkin, at wala sa mga katangian ni Satanas. Gaano man kahirap ang gawain o gaano man kahina ang katawang-tao, ang Diyos, habang nabubuhay Siya sa katawang-tao, ay hindi kailanman gagawa ng anumang bagay na gagambala sa gawain ng Diyos Mismo, lalo na tatalikdan sa pagsuway ang kalooban ng Diyos Ama. Higit pa Niyang pipiliin na magdusa ng mga pasakit ng laman kaysa ipagkanulo ang kalooban ng Diyos Ama; tulad ito ng sinabi ni Jesus sa panalangin, “Ama, kung maaari, hayaan Mong lumampas mula sa Akin ang sarong ito: gayon man hindi ayon sa kalooban Ko, kundi ang ayon sa kalooban Mo.” Gumagawa ng sarili nilang mga pagpipilian ang mga tao, ngunit hindi si Cristo. Bagama’t mayroon Siyang pagkakakilanlan ng Diyos Mismo, hinahangad pa rin Niya ang kalooban ng Diyos Ama, at tinutupad kung ano ang ipinagkakatiwala sa Kanya ng Diyos Ama, mula sa pananaw ng katawang-tao. Isang bagay ito na hindi maaaring matamo ng tao.
Hinango mula sa “Ang Diwa ni Cristo ay ang Pagsunod sa Kalooban ng Ama sa Langit” sa Ang Salita ay Nagpapakita sa Katawang-tao
Ang katawang-taong ibinihis ng Espiritu ng Diyos ay ang sariling katawang-tao ng Diyos. Ang Espiritu ng Diyos ang pinakamataas; Siya ay makapangyarihan sa lahat, banal, at matuwid. Gayon din, ang Kanyang katawang-tao ay pinakamataas, makapangyarihan sa lahat, banal, at matuwid. Ang magagawa lamang ng katawang-taong ito ay yaong matuwid at makakabuti sa sangkatauhan, yaong banal, maluwalhati, at makapangyarihan; wala Siyang kakayahang gumawa ng anumang bagay na labag sa katotohanan, na labag sa moralidad at katarungan, at lalong wala Siyang kakayahang gumawa ng anuman na magkakanulo sa Espiritu ng Diyos. Ang Espiritu ng Diyos ay banal, at sa gayon ay hindi magagawang tiwali ni Satanas ang Kanyang katawang-tao; ang Kanyang katawang-tao ay naiiba ang diwa kaysa laman ng tao. Sapagkat ang tao, hindi ang Diyos, ang siyang ginawang tiwali ni Satanas; hindi posibleng magawang tiwali ni Satanas ang katawang-tao ng Diyos. Kaya, sa kabila ng katunayan na iisa ang espasyong tinitirhan ng tao at ni Cristo, ang tao lamang ang sinasapian, kinakasangkapan, at binibitag ni Satanas. Sa kabaligtaran, si Cristo ay hindi tinatablan ng katiwalian ni Satanas magpakailanman, dahil hindi magkakaroon ng kakayahan si Satanas kailanman na umakyat sa kataas-taasang lugar, at hindi magagawang lumapit sa Diyos kailanman. Ngayon, dapat ninyong maunawaang lahat na ang sangkatauhan lamang, na nagawa nang tiwali ni Satanas, ang siyang nagkakanulo sa Akin. Hindi magiging problema na masangkot si Cristo kahit paano sa pagkakanulo.
Hinango mula sa “Isang Napakaseryosong Problema: Pagkakanulo (2)” sa Ang Salita ay Nagpapakita sa Katawang-tao
Hindi natin alam, inakay na tayo ng hamak na taong ito nang paisa-isang hakbang tungo sa gawain ng Diyos. Nagdaranas tayo ng napakaraming pagsubok, nagpapasan ng napakaraming pagtutuwid, at nasusubok ng kamatayan. Nalalaman natin ang matuwid at maringal na disposisyon ng Diyos, natatamasa rin natin ang Kanyang pag-ibig at awa, natututuhang pahalagahan ang dakilang kapangyarihan at karunungan ng Diyos, nasasaksihan ang pagiging kaibig-ibig ng Diyos, at namamasdan ang sabik na hangarin ng Diyos na iligtas ang tao. Sa mga salita ng ordinaryong taong ito, nalalaman natin ang disposisyon at diwa ng Diyos, nauunawaan ang kalooban ng Diyos, nalalaman ang diwang kalikasan ng tao, at nakikita ang landas tungo kaligtasan at pagiging perpekto. Ang Kanyang mga salita ay nagiging sanhi upang tayo ay “mamatay,” at nagiging sanhi upang tayo ay “ipanganak na muli”; ang Kanyang mga salita ay naghahatid sa atin ng ginhawa, subalit iniiwan din tayo na sinusurot ng ating budhi at may pakiramdam na may-pagkakautang; ang Kanyang mga salita ay naghahatid sa atin ng kagalakan at kapayapaan, ngunit pati na ng walang-katapusang pasakit. Kung minsan ay para tayong mga tupang kakatayin sa Kanyang mga kamay; kung minsan ay parang kinagigiliwan Niya tayo, at tinatamasa natin ang Kanyang magiliw na pagmamahal; kung minsan ay para tayong kaaway Niya, at sa ilalim ng Kanyang titig ay nagiging abo tayo dahil sa Kanyang galit. Tayo ang sangkatauhang iniligtas Niya, tayo ang mga uod sa Kanyang paningin, at tayo ang mga ligaw na tupa na araw at gabi ay determinado Siyang hanapin. Maawain Siya sa atin, kinamumuhian Niya tayo, ibinabangon Niya tayo, inaaliw at pinapayuhan Niya tayo, ginagabayan Niya tayo, nililiwanagan Niya tayo, itinutuwid at dinidisiplina Niya tayo, at isinusumpa rin Niya tayo. Gabi’t araw, hindi Siya tumitigil sa pag-aalala tungkol sa atin, at pinoprotektahan at pinangangalagaan Niya tayo, gabi’t araw, na hindi kailanman umaalis sa ating tabi, kundi ibinubuhos ang lahat ng Kanyang pagsusumikap para sa atin at nagbabayad ng anumang halaga para sa atin. Sa loob ng mga pagbigkas ng maliit at ordinaryong katawang may laman, natamasa natin ang kabuuan ng Diyos at namasdan ang patutunguhang naipagkaloob sa atin ng Diyos. Sa kabila nito, nananatili pa rin ang kayabangan sa ating puso, at masigasig pa rin tayong umaayaw na tanggapin ang isang taong tulad nito bilang ating Diyos. Bagama’t nabigyan Niya tayo ng napakaraming manna, napakaraming matatamasa, wala sa mga ito ang makakaagaw sa lugar ng Panginoon sa ating puso. Iginagalang natin ang espesyal na identidad at katayuan ng taong ito nang may malaking pag-aatubili. Basta’t hindi Siya nagsasalita upang hilingin sa atin na kilalanin na Siya ang Diyos, hindi tayo kailanman magkukusang kilalanin Siya bilang ang Diyos na malapit nang dumating subalit matagal nang gumagawa sa ating paligid.
Patuloy ang Diyos sa Kanyang mga pagbigkas, na gumagamit ng iba’t ibang pamamaraan at pananaw upang pagsabihan tayo kung ano ang dapat nating gawin habang, kasabay nito, isinasatinig ang nilalaman ng Kanyang puso. Ang Kanyang mga salita ay nagdadala ng kapangyarihan ng buhay, na ipinapakita sa atin ang daan na dapat nating tahakin, at binibigyang-kakayahan tayo na maunawaan kung ano ang katotohanan. Nagsisimula tayong maakit sa Kanyang mga salita, nagsisimula tayong magtuon sa tono at paraan ng Kanyang pagsasalita, at hindi sinasadyang nagsisimula tayong magkainteres sa kaloob-loobang damdamin ng ordinaryong taong ito. Nagsusumikap Siya sa paggawa para sa atin, nagtitiis ng puyat at gutom para sa atin, umiiyak para sa atin, naghihinagpis para sa atin, dumaraing sa sakit para sa atin, nagdaranas ng kahihiyan para sa kapakanan ng ating patutunguhan at kaligtasan, at lumuluha at nagdurugo ang Kanyang puso dahil sa ating pagkamanhid at pagkasuwail. Ang ganitong pagiging kung ano Siya at mayroon siya ay hindi angkin ng ordinaryong tao, ni hindi ito maaaring taglayin o makamit ng sinumang nilalang na ginawang tiwali. Siya ay nagpapakita ng pagpaparaya at pagtitiis na hindi taglay ng ordinaryong tao, at ang Kanyang pagmamahal ay hindi isang bagay na ipinagkaloob sa sinumang nilalang. Walang sinuman maliban sa Kanya ang nakakaalam sa lahat ng ating iniisip, o may napakalinaw at ganap na pagkaintindi sa ating likas na pagkatao at diwa, o makakahatol sa pagkasuwail at katiwalian ng sangkatauhan, o nakapagsasalita sa atin at nakagagawa sa atin na kagaya nito sa ngalan ng Diyos sa langit. Walang sinuman maliban sa Kanya ang pinagkakalooban ng awtoridad, karunungan, at dangal ng Diyos; ang disposisyon ng Diyos at kung ano ang mayroon at kung ano ang Diyos ay lumalabas, nang buung-buo, sa Kanya. Walang sinuman maliban sa Kanya ang makapagpapakita sa atin ng daan at makapaghahatid sa atin ng liwanag. Walang sinuman maliban sa Kanya ang makapaghahayag ng mga hiwagang hindi pa naipaalam ng Diyos mula noong paglikha hanggang ngayon. Walang sinuman maliban sa Kanya ang makapagliligtas sa atin mula sa pagkaalipin kay Satanas at sa ating sariling tiwaling disposisyon. Kinakatawan Niya ang Diyos. Ipinapahayag Niya ang nasa kaibuturan ng puso ng Diyos, ang mga pangaral ng Diyos, at ang mga salita ng paghatol ng Diyos sa buong sangkatauhan. Nagsimula na Siya ng isang bagong kapanahunan, isang bagong panahon, at nagpasimula ng isang bagong langit at lupa at bagong gawain, at naghatid Siya sa atin ng pag-asa, na nagwawakas sa ating naging pamumuhay sa kalabuan at hinahayaang lubos na mamasdan ng ating buong pagkatao, nang buong kalinawan, ang landas tungo sa kaligtasan. Nalupig na Niya ang ating buong pagkatao at naangkin ang ating puso. Mula noong sandaling iyon, nagkamalay na ang ating isipan, at tila muling nabuhay ang ating espiritu: Ang ordinaryo at hamak na taong ito, na namumuhay sa ating paligid at matagal na nating tinanggihan—hindi ba Siya ang Panginoong Jesus, na lagi nang nasa ating isipan, sa paggising man o sa panaginip, at ating kinasasabikan gabi’t araw? Siya nga! Siya talaga! Siya ang ating Diyos! Siya ang katotohanan, ang daan, at ang buhay! Binigyan Niya tayo ng kakayahang muling mabuhay at makita ang liwanag at pinatigil na ang ating puso sa paglihis. Nagbalik na tayo sa tahanan ng Diyos, nagbalik na tayo sa harap ng Kanyang luklukan, kaharap natin Siya, nasaksihan na natin ang Kanyang mukha, at nakita na natin ang daan tungo sa hinaharap. Sa panahong ito, ganap na Niyang nalupig ang ating puso; hindi na tayo nagdududa kung sino Siya, hindi na tayo kumokontra sa Kanyang gawain at Kanyang salita, at nagpapatirapa tayo sa Kanyang harapan. Wala tayong ibang ninanais kundi sundan ang mga yapak ng Diyos sa nalalabing bahagi ng ating buhay, at upang magawa Niya tayong perpekto, at masuklian natin ang Kanyang biyaya, at masuklian ang Kanyang pagmamahal sa atin, at masunod ang Kanyang mga pagsasaayos at plano, at makipagtulungan sa Kanyang gawain, at gawin ang lahat ng ating makakaya upang matapos ang ipinagkakatiwala Niya sa atin.
Hinango mula sa “Pagmamasid sa Pagpapakita ng Diyos sa Kanyang Paghatol at Pagkastigo” sa Ang Salita ay Nagpapakita sa Katawang-tao