Mag-subscribe

Menu

Paano malalaman ng isang tao ang banal na diwa ni Cristo

Mga Talata ng Biblia para Sanggunian:

“Sinabi sa kaniya ni Jesus, Ako ang daan, at ang katotohanan, at ang buhay: sinoman ay di makaparoroon sa Ama, kundi sa pamamagitan ko. Kung ako’y nangakilala ninyo ay mangakikilala ninyo ang aking Ama: buhat ngayon siya’y inyong mangakikilala, at siya’y inyong nakita” (Juan 14:6–7).

“Ang mga salitang aking sinasabi sa inyo’y hindi ko sinasalita sa aking sarili: kundi ang Ama na tumatahan sa akin ay gumagawa ng kaniyang mga gawa. Magsisampalataya kayo sa akin na ako’y nasa Ama, at ang Ama ay nasa akin: o kungdi kaya’y magsisampalataya kayo sa akin dahil sa mga gawa rin” (Juan 14:10–11).

“Ako at ang Ama ay iisa” (Juan 10:30).

banal na diwa ni Cristo

Nauugnay na mga Salita ng Diyos:

Siya na pagkakatawang-tao ng Diyos ay dapat nagtataglay ng diwa ng Diyos, at Siya na pagkakatawang-tao ng Diyos ay dapat nagtataglay ng pagpapahayag ng Diyos. Yamang ang Diyos ay naging katawang-tao, ilalahad Niya ang gawaing dapat Niyang gawin, at yamang ang Diyos ay naging katawang-tao, ipapahayag Niya kung ano Siya, at nagagawa Niyang ihatid ang katotohanan sa tao, pagkalooban ng buhay ang tao, at ipakita sa tao ang daan. Ang katawan na walang diwa ng Diyos ay tiyak na hindi ang Diyos na nagkatawang-tao; walang duda ito. Para masiyasat kung ito ang katawang-tao ng Diyos, kailangan itong matukoy ng tao mula sa disposisyon na Kanyang ipinapahayag at sa mga salitang Kanyang sinasambit. Ibig sabihin, kung ito nga ang katawang-tao ng Diyos o hindi, at kung ito nga ang tunay na daan o hindi, kailangan itong matukoy mula sa Kanyang diwa. Kaya nga, sa pagtukoy[a] kung ito ang katawan ng Diyos na nagkatawang-tao, ang susi ay bigyang-pansin ang Kanyang diwa (Kanyang gawa, Kanyang mga salita, Kanyang disposisyon, at marami pang iba), sa halip na ang panlabas na anyo. Kung ang nakikita lamang ng tao ay ang Kanyang panlabas na anyo, at hindi napapansin ang Kanyang diwa, ipinapakita niyan ang kamangmangan at kawalang-muwang ng tao.

Hinango mula sa Paunang Salita sa Ang Salita ay Nagpapakita sa Katawang-tao

Ano ang dapat mong malaman tungkol sa praktikal na Diyos? Ang Espiritu, ang Persona, at ang Salita ang bumubuo sa praktikal na Diyos Mismo, at ito ang tunay na kahulugan ng praktikal na Diyos Mismo. Kung kilala mo lamang ang Persona—kung alam mo ang Kanyang mga gawi at kakanyahan—ngunit hindi alam ang gawain ng Espiritu, o kung ano ang ginagawa ng Espiritu sa katawang-tao, at kung binibigyang-pansin mo lamang ang Espiritu, at ang Salita, at nananalangin lamang sa Espiritu, ngunit hindi alam ang gawain ng Espiritu ng Diyos sa praktikal na Diyos, kung gayon nagpapatunay pa rin ito na hindi mo kilala ang praktikal na Diyos. Kabilang sa kaalaman sa praktikal na Diyos ang pag-alam at pagdanas ng Kanyang mga salita, at pag-unawa sa mga patakaran at mga prinsipyo ng gawain ng Banal na Espiritu at kung paano gumagawa ang Espiritu ng Diyos sa katawang-tao. Kabilang din dito ang pag-alam na pinamamahalaan ng Espiritu ang bawat pagkilos ng Diyos sa katawang-tao, at na direktang pagpapahayag ng Espiritu ang mga salitang sinasabi Niya. Sa gayon, upang makilala ang praktikal na Diyos, pinakamahalagang malaman kung paanong gumagawa ang Diyos sa pagkatao at sa pagka-Diyos; pumapatungkol naman ito sa mga pagpapahayag ng Espiritu, kung saan nakikipag-ugnayan ang lahat ng mga tao.

Hinango mula sa “Dapat Mong Malaman na ang Praktikal na Diyos ay ang Diyos Mismo” sa Ang Salita ay Nagpapakita sa Katawang-tao

Ang pagkilala sa Diyos ay kailangang maisagawa sa pamamagitan ng pagbasa at pag-unawa sa mga salita ng Diyos. Sinasabi ng ilan: “Hindi ko pa nakikita ang Diyos na nagkatawang-tao, kaya paano ko makikilala ang Diyos?” Sa katunayan, ang mga salita ng Diyos ay isang pagpapahayag ng Kanyang disposisyon. Mula sa mga salita ng Diyos, makikita mo ang Kanyang pagmamahal at pagliligtas para sa mga tao, gayundin ang Kanyang pamamaraan ng pagliligtas sa kanila…. Ito ay dahil ang Kanyang mga salita ay ipinahayag ng Diyos Mismo, hindi isinulat ng mga tao. Personal na ipinahayag ng Diyos ang mga ito; ipinapahayag ng Diyos Mismo ang sarili Niyang mga salita at tinig na nasa Kanyang kalooban. Bakit tinatawag ang mga ito na mga salitang nagmumula sa puso? Dahil ang mga ito ay nagmumula sa kaibuturan, at nagpapahayag ng Kanyang disposisyon, Kanyang kalooban, Kanyang mga iniisip, Kanyang pagmamahal sa sangkatauhan, Kanyang pagliligtas sa sangkatauhan, at Kanyang mga inaasahan sa sangkatauhan…. Kasama sa mga pahayag ng Diyos ang masasakit na salita, at banayad at may konsiderasyong mga salita, gayundin ang ilang salitang nagbubunyag na hindi naaayon sa mga naisin ng tao. Kung titingnan mo lamang ang mga salitang nagbubunyag, maaari mong madama na medyo mabagsik ang Diyos. Kung titingnan mo lamang ang mga banayad na salita, maaari mong madama na hindi gaanong makapangyarihan ang Diyos. Samakatuwid ay hindi mo dapat unawain ang mga ito nang wala sa konteksto; sa halip, tingnan mo ang mga ito mula sa bawat anggulo. Kung minsan ay nagsasalita ang Diyos mula sa isang banayad at mahabaging pananaw, at pagkatapos ay nakikita ng mga tao ang Kanyang pagmamahal para sa sangkatauhan; kung minsan ay nagsasalita Siya mula sa napaka-istriktong pananaw, at pagkatapos ay nakikita ng mga tao ang Kanyang disposisyon na hindi magkukunsinti sa kasalanan. Ang tao ay nakalulungkot ang karumihan, at hindi siya karapat-dapat na tumingin sa mukha ng Diyos o humarap sa Kanya. Tinutulutan na ngayon ang mga tao na humarap sa Kanya dahil lamang sa Kanyang biyaya. Makikita ang karunungan ng Diyos sa paraan ng Kanyang paggawa at sa kabuluhan ng Kanyang gawain. Nakikita pa rin ng mga tao ang mga bagay na ito sa mga salita ng Diyos, kahit walang anumang tuwirang pakikipag-ugnayan mula sa Kanya. Kapag nakaugnayan ng isang taong tunay na nakakakilala sa Diyos si Cristo, ang pagtatagpo nila ni Cristo ay maaaring tumugma sa kanyang kasalukuyang kaalaman tungkol sa Diyos; gayunman, kapag ang Diyos ay nakatagpo ng sinumang mayroon lamang teoretikal na pagkaunawa, hindi niya nakikita ang koneksyon. Ang aspetong ito ng katotohanan ang pinakamalalim sa lahat ng hiwaga; mahirap itong arukin. Ibuod ang mga salita ng Diyos tungkol sa hiwaga ng pagkakatawang-tao, tingnan ang mga ito mula sa lahat ng anggulo, pagkatapos ay sama-samang manalangin, magnilay-nilay, at higit pang magbahagi tungkol sa aspetong ito ng katotohanan. Sa paggawa nito, magtatamo ka ng kaliwanagan ng Banal na Espiritu at makakaunawa ka. Dahil walang pagkakataon ang mga tao na tuwirang makaugnayan ang Diyos, kailangan nilang umasa sa ganitong uri ng karanasan para maingat silang makapagpatuloy at unti-unting makapasok upang magtamo ng tunay na kaalaman tungkol sa Diyos.

Hinango mula sa “Paano Kikilalanin ang Diyos na Nagkatawang-tao” sa Mga Talaan ng mga Pananalita ni Cristo

Bagama’t ang kaanyuan ng Diyos na nagkatawang-tao ay eksaktong kagaya ng sa tao, natututuhan Niya ang kaalamang pantao at nagsasalita sa wika ng tao, at minsan ay ipinapahayag pa Niya ang Kanyang mga ideya sa pamamagitan ng mga pamamaraan o pagpapahayag ng sangkatauhan, ang paraan kung paano Niya nakikita ang mga tao, ang diwa ng mga bagay-bagay, at kung paano nakikita ng mga tiwaling tao ang sangkatauhan at ang diwa ng mga bagay-bagay ay lubos na hindi magkapareho. Ang Kanyang pananaw at ang taas kung saan Siya nakatindig ay isang bagay na hindi matatamo para sa isang tiwaling tao. Ito ay dahil sa ang Diyos ay katotohanan, ang katawang-tao na Kanyang isinusuot ay nagtataglay din ng diwa ng Diyos, at ang Kanyang mga saloobin at yaong inihahayag ng Kanyang pagkatao ay katotohanan din. Para sa mga tiwaling tao, ang Kanyang ipinapahayag sa katawang-tao ay mga panustos ng katotohanan, at ng buhay. Ang mga panustos na ito ay hindi lamang para sa isang tao, kundi para sa buong sangkatauhan. Para sa sinumang tiwaling tao, sa kanyang puso ay mayroon lamang mangilan-ngilang tao na nakakasama niya. Mayroon lamang iilang tao ang pinahahalagahan niya, na pinagmamalasakitan niya. Kapag ang sakuna ay abot-tanaw na una niyang iniisip ang sarili niyang mga anak, asawa, o mga magulang, at ang isang higit na mapagkawanggawang tao ay mag-iisip lamang ng ilan sa mga kamag-anak o isang mabuting kaibigan; nag-iisip pa ba siya ng iba? Hindi kailanman! Sapagkat ang mga tao ay, kung tutuusin, mga tao, at makatitingin lamang sila sa lahat ng bagay mula sa pananaw at mula sa kinatatayuan ng isang tao. Gayunman, ang Diyos na nagkatawang-tao ay lubos na naiiba mula sa isang taong tiwali. Kahit gaano man kaordinaryo, gaano kanormal, gaano man kababa ang uri ng katawan ng Diyos na nagkatawang-tao, o kahit pa gaano kababa ang tingin sa Kanya ng mga tao, ang Kanyang mga kaisipan at Kanyang saloobin tungo sa sangkatauhan ay mga bagay na hindi matataglay ng sinumang tao, at walang sinumang tao ang makagagaya. Palagi Niyang pagmamasdan ang sangkatauhan mula sa pananaw ng pagka-Diyos, mula sa taas ng Kanyang posisyon bilang ang Lumikha. Palagi Niyang makikita ang sangkatauhan sa pamamagitan ng diwa at ng pag-iisip ng Diyos. Tiyak na hindi Niya makikita ang sangkatauhan mula sa taas ng isang karaniwang tao, at mula sa pananaw ng isang taong tiwali. Kapag tinitingnan ng mga tao ang sangkatauhan, tumitingin sila gamit ang pananaw ng tao, at sila ay gumagamit ng mga bagay-bagay gaya ng kaalaman ng tao at mga patakaran at mga teorya ng tao bilang panukat. Ito ay nasa loob ng saklaw ng kung ano ang makikita ng mga tao gamit ang kanilang mga mata; ito ay nasa loob ng saklaw ng makakamit ng mga taong tiwali. Kapag tinitingnan ng Diyos ang sangkatauhan, tumitingin Siya gamit ang isang maka-Diyos na pananaw, at ginagamit Niya ang Kanyang diwa at kung ano ang mayroon at kung ano Siya bilang panukat. Kasama sa saklaw na ito ang mga bagay na hindi makikita ng mga tao, at ito ay kung saan ang Diyos na nagkatawang-tao at ang mga taong tiwali ay ganap na magkaiba. Ang pagkakaibang ito ay nalalaman sa pamamagitan ng magkaibang mga diwa ng tao at ng Diyos, at itong magkaibang mga diwang ito ang nagtitiyak ng kanilang mga pagkakakilanlan at mga kinatatayuan gayundin ang pananaw at taas mula sa kung saan nila nakikita ang mga bagay-bagay.

Hinango mula sa “Ang Gawain ng Diyos, ang Disposisyon ng Diyos, at ang Diyos Mismo III” sa Ang Salita ay Nagpapakita sa Katawang-tao

Hindi ninyo makikita ang Diyos na humahawak ng mga pananaw sa mga bagay na gaya ng sa mga tao, at higit pa rito, hindi ninyo Siya makikitang gumagamit ng mga pananaw ng mga tao, ng kanilang kaalaman, ng kanilang siyensiya, o ng kanilang pilosopiya o ng imahinasyon upang pangasiwaan ang mga bagay. Sa halip, ang lahat ng ginagawa ng Diyos at ang lahat ng Kanyang ibinubunyag ay may kaugnayan sa katotohanan. Iyon ay, bawat salitang sinabi Niya at bawat kilos na Kanyang ginawa ay may kaugnayan sa katotohanan. Ang katotohanang ito ay hindi nagmula sa walang-basehang pantasya; ang katotohanang ito at mga salitang ito ay naipapahayag ng Diyos sa pamamagitan ng Kanyang diwa at Kanyang buhay. Dahil ang mga salitang ito at ang diwa ng lahat ng ginawa ng Diyos ay katotohanan, maaari nating sabihin na ang diwa ng Diyos ay banal. Sa madaling sabi, ang lahat ng sinasabi at ginagawa ng Diyos ay nagbibigay ng sigla at liwanag sa mga tao, nagbibigay lakas sa mga tao na makita ang mga positibong bagay at ang realidad ng mga positibong bagay na iyon, at itinuturo ang paraan sa sangkatauhan upang lumakad sila sa tamang daan. Ang mga bagay na ito ay pinagpapasyahan ng diwa ng Diyos at ng diwa ng Kanyang kabanalan.

Hinango mula sa “Ang Diyos Mismo, ang Natatangi V” sa Ang Salita ay Nagpapakita sa Katawang-tao

Ang Diyos ay isinilang din sa lupain ng karumihan, subalit nananatili Siyang walang bahid ng karumihan. Naninirahan Siya sa maruming mundong tinitirhan mo, ngunit may taglay Siyang katwiran at pandama, at kinamumuhian Niya ang karumihan. Maaaring ni hindi mo magawang mapansin ang anumang marumi sa iyong mga salita at gawa, ngunit kaya Niyang gawin iyon, at itinuturo Niya ang mga ito sa iyo. Ang mga dating ugali mong iyon—ang iyong kawalan ng kalinangan, kabatiran, at pakiramdam, at ang iyong paurong na mga paraan ng pamumuhay—ay nailantad na ng mga paghahayag ngayon; kapag pumaparito ang Diyos sa lupa upang gumawa nang gayon, saka lamang namamasdan ng mga tao ang Kanyang kabanalan at matuwid na disposisyon. Hinahatulan at kinakastigo ka Niya, kaya ka nagtatamo ng pag-unawa; kung minsan, nakikita ang iyong likas na kademonyohan, at itinuturo Niya ito sa iyo. Alam Niya ang diwa ng tao na tulad ng likod ng Kanyang kamay. Nabubuhay Siya sa piling ninyo, kumakain Siya ng pagkaing kinakain mo, at naninirahan Siya sa kapaligirang tinitirhan ninyo—ngunit magkagayunman, mas marami Siyang alam; maaaring ilantad ka Niya at makita ang tiwaling diwa ng sangkatauhan. Wala Siyang higit na kinamumuhian kaysa sa mga pilosopiya sa pamumuhay at kabuktutan at panlilinlang ng tao. Kinamumuhian Niya lalo na ang makamundong pag-uugnayan ng mga tao. Maaaring hindi Siya pamilyar sa mga pilosopiya ng tao sa pamumuhay, ngunit malinaw Niyang nakikita at nailalantad ang mga tiwaling disposisyon na ipinapakita ng mga tao. Gumagawa Siya upang mangusap at turuan ang tao sa pamamagitan ng mga bagay na ito, ginagamit Niya ang mga bagay na ito upang hatulan ang mga tao, at upang ipakita ang Kanyang sariling matuwid at banal na disposisyon. Sa gayon ay nagiging mga hambingan ang mga tao sa Kanyang gawain. Ang Diyos na nagkatawang-tao lamang ang maaaring magpakita nang malinaw ng mga tiwaling disposisyon ng tao at lahat ng pangit na mukha ni Satanas. Bagama’t hindi ka Niya pinarurusahan, at ginagamit ka lamang bilang hambingan sa Kanyang katuwiran at kabanalan, nahihiya ka at wala kang makitang lugar na mapagtataguan, sapagkat napakarumi mo. Nangungusap Siya gamit ang mga bagay na iyon na nakalantad sa tao, at kapag nalantad ang mga bagay na ito, saka lamang namamalayan ng mga tao kung gaano kabanal ang Diyos. Hindi Niya pinalalagpas maging ang pinakamaliit na karumihan sa mga tao, ni ang maruruming kaisipan sa kanilang puso; kung hindi kaayon ng Kanyang kalooban ang mga salita at gawa ng mga tao, hindi Niya sila pinatatawad. Sa Kanyang mga salita, walang puwang para sa karumihan ng mga tao o ng kahit ano pa—kailangang malantad ang lahat. Saka mo lang nakikita na talagang hindi Siya katulad ng tao. Kung may katiting na karumihan sa mga tao, lubos Niya silang kinamumuhian. May mga pagkakataon pa kung kailan hindi makaunawa ang mga tao, at sinasabing, “Diyos ko, bakit galit na galit Ka? Bakit hindi Mo iniintindi ang mga kahinaan ng tao? Bakit hindi Ka maging mas mapagpatawad nang kaunti sa mga tao? Bakit masyado Kang walang konsiderasyon sa tao? Malinaw na alam Mo kung gaano nagawang tiwali ang mga tao, kaya bakit ganito pa rin ang pagtrato mo sa kanila?” Namumuhi Siya sa kasalanan, naiinis Siya rito, at naiinis Siya lalo na kung may anumang bahid ng pagsuway sa iyo. Kapag nagpapakita ka ng suwail na disposisyon, nakikita Niya ito at labis Siyang naiinis—inis na inis. Sa mga bagay na ito nakikita ang Kanyang disposisyon at kung ano ang Diyos. Kapag ikinukumpara mo ang sarili mo, nakikita mo na bagama’t kinakain Niya ang kinakain ng tao, isinusuot ang isinusuot nila, nasisiyahan Siya sa mga bagay na nakasisiya sa kanila, at nabubuhay at naninirahan Siya sa piling nila, hindi pa rin Siya katulad ng tao. Hindi ba ito ang kahalagahan ng isang hambingan? Sa pamamagitan ng mga bagay na ito ng tao ipinapakita ang kapangyarihan ng Diyos; ang kadiliman ang nagpapalitaw sa mahalagang pag-iral ng liwanag.

Hinango mula sa “Paano Nakakamtan ang mga Epekto ng Ikalawang Hakbang ng Gawain ng Paglupig” sa Ang Salita ay Nagpapakita sa Katawang-tao

Alam na alam Niya ang pinakadiwa ng tao at maihahayag ang lahat ng klase ng mga pagsasagawa na may kinalaman sa lahat ng klase ng mga tao. Mas mahusay pa nga Siya sa paghahayag ng mga tiwaling disposisyon at masuwaying pag-uugali ng mga tao. Hindi Siya namumuhay sa piling ng mga taong makamundo, ngunit alam Niya ang likas na pagkatao ng mga mortal at lahat ng katiwalian ng mga taong makamundo. Ito ang Kanyang pagkatao. Bagama’t hindi Siya nakikitungo sa mundo, alam Niya ang mga panuntunan ng pakikitungo sa mundo, dahil lubos Niyang nauunawaan ang likas na pagkatao ng tao. Alam Niya ang tungkol sa gawain ng Espiritu na hindi nakikita ng mga mata ng tao at hindi naririnig ng mga tainga ng tao, kapwa ngayon at noong araw. Kasama rito ang karunungan na hindi isang pilosopiya sa pamumuhay at mga himalang mahirap maarok ng mga tao. Ito ang Kanyang katauhan, bukas sa mga tao at tago rin sa mga tao. Ang Kanyang ipinapahayag ay hindi ang katauhan ng isang di-pangkaraniwang tao, kundi ang likas na mga katangian at katauhan ng Espiritu. Hindi Siya naglalakbay sa mundo ngunit alam Niya ang lahat tungkol dito. Nakikipag-ugnayan Siya sa mga “taong-unggoy” na walang kaalaman o kabatiran, ngunit nagpapahayag Siya ng mga salitang mas mataas sa kaalaman at nakahihigit sa mga dakilang tao. Namumuhay Siya sa gitna ng isang grupo ng mga taong mabagal umunawa at manhid na hindi makatao at hindi nauunawaan ang mga kalakaran at buhay ng pagiging tao, ngunit maaari Niyang hilingin sa sangkatauhan na isabuhay ang normal na pagkatao, habang ibinubunyag ang hamak at abang pagkatao ng sangkatauhan. Lahat ng ito ay ang Kanyang katauhan, mas mataas kaysa katauhan ng kahit sinong tao na may laman at dugo. Para sa Kanya, hindi kailangang magdanas ng isang kumplikado, masalimuot, at nakaririmarim na pakikisama sa lipunan upang gawin ang gawaing kailangan Niyang gawin at lubusang ibunyag ang pinakadiwa ng tiwaling sangkatauhan. Ang nakaririmarim na pakikisama sa lipunan ay hindi humuhubog sa Kanyang katawang-tao. Ang Kanyang gawain at mga salita ay nagbubunyag lamang ng pagsuway ng tao at hindi nagkakaloob sa tao ng karanasan at mga aral sa pakikitungo sa mundo. Hindi Niya kailangang suriin ang lipunan o ang pamilya ng tao kapag tinutustusan Niya ng buhay ang tao. Ang paglalantad at paghatol sa tao ay hindi isang pagpapahayag ng mga karanasan ng Kanyang katawang-tao; ito ay Kanyang paghahayag ng kasamaan ng tao pagkatapos malaman ang pagsuway ng tao sa loob ng mahabang panahon at kapootan ang katiwalian ng sangkatauhan. Lahat ng gawaing Kanyang ginagawa ay upang ihayag ang Kanyang disposisyon sa tao at ipahayag ang Kanyang katauhan. Siya lamang ang makakagawa ng gawaing ito; hindi ito isang bagay na maaaring isagawa ng isang taong may laman at dugo. Mula sa Kanyang gawain, hindi masasabi ng tao kung anong klase Siya ng tao. Hindi rin kaya ng tao na uriin Siya bilang isang nilalang batay sa Kanyang gawain. Hindi rin Siya maaaring ituring na isang nilalang dahil sa Kanyang katauhan. Maaari lamang Siyang ituring ng tao na hindi isang tao, ngunit hindi niya alam kung saang kategorya Siya ilalagay, kaya napipilitan ang tao na ilagay Siya sa kategorya ng Diyos. Hindi kawalan ng katwiran na gawin ito ng tao, sapagkat napakaraming nagawang gawain ng Diyos sa mga tao na hindi kayang gawin ng tao.

Hinango mula sa “Gawain ng Diyos at Gawain ng Tao” sa Ang Salita ay Nagpapakita sa Katawang-tao

Ang Espiritu ng Diyos ay ang awtoridad sa buong sangnilikha. Ang katawang-taong may diwa ng Diyos ay nagtataglay din ng awtoridad, subali’t ang Diyos sa katawang-tao ay may kakayahang gawin ang lahat ng gawain na sumusunod sa kalooban ng Amang nasa langit. Ito ay hindi maaaring makamtan o maisipan ng kahit sinong tao. Ang Diyos Mismo ay awtoridad, subali’t ang Kanyang katawang-tao ay maaaring magpasakop sa Kanyang awtoridad. Ito ang panloob na kahulugan ng mga salitang: “Si Cristo ay sumusunod sa kalooban ng Diyos Ama.” Ang Diyos ay Espiritu at may kakayahang gawin ang gawain ng pagliligtas, tulad ng kakayahang maging tao ng Diyos. Anupaman, ang Diyos Mismo ang gumagawa ng Kanyang sariling gawain; hindi Siya gumagambala o nakikialam, lalong hindi nagsasakatuparan ng gawaing magkasalungat, sa kadahilanang ang diwa ng gawaing ginawa ng Espiritu at ng katawang-tao ay magkatulad. Maging ito man ay ang Espiritu o ang katawang-tao, magkatulad Silang gumagawa upang matupad ang iisang kalooban at upang pamahalaan ang magkatulad na gawain. Bagaman ang Espiritu at ang katawang-tao ay may dalawang magkaibang katangian, ang Kanilang mga diwa ay magkatulad; kapwa Silang may diwa ng Diyos Mismo, at ng pagkakakilanlan ng Diyos Mismo. Ang Diyos Mismo ay walang mga elemento ng pagsuway; ang Kanyang diwa ay mabuti. Siya ang pagpapahayag ng lahat ng kagandahan at kabutihan, gayundin ng lahat ng pag-ibig. Kahit nasa katawang-tao, ang Diyos ay hindi gumagawa ng anuman na sumusuway sa Diyos Ama. Kahit na sa paggugol ng pagsasakripisyo ng Kanyang buhay, Siya ay buong-pusong papayag at walang ibang pinipili. Ang Diyos ay walang mga elemento ng pagmamagaling at pagpapahalaga sa sarili, o kahit na kapalaluan at pagmamataas; Siya ay walang elemento ng kabuktutan. Lahat ng sumusuway sa Diyos ay nanggagaling kay Satanas; si Satanas ang pinagmumulan ng lahat ng kapangitan at kasamaan. Kaya ang tao ay may mga katangian na katulad ng kay Satanas ay dahil sa ang tao ay nagawa nang tiwali at naimpluwensyahan ni Satanas. Si Cristo ay hindi nagawang tiwali ni Satanas, kaya Siya ay mayroon lamang mga katangian ng Diyos at wala niyaong kay Satanas. Kahit gaano kahirap ang gawain o kahina ang katawang-tao, ang Diyos, habang Siya ay nabubuhay sa katawang-tao, ay hindi kailanman gagawa ng anumang bagay na gumagambala sa gawain ng Diyos Mismo, lalo na ang pagpapabaya sa kalooban ng Diyos Ama nang dahil sa pagsuway. Mas pipiliin pa Niyang magdusa ng mga pasakit ng katawang-tao kaysa salungatin ang kalooban ng Diyos Ama; ito ay kagaya ng sinabi ni Jesus sa panalangin, “Ama Ko, kung baga maaari, ay lumampas sa Akin ang sarong ito: gayon ma’y huwag ang ayon sa ibig Ko, kundi ang ayon sa ibig Mo.” Ang tao ay pipili, subali’t si Cristo ay hindi. Bagaman Siya ay may pagkakakilanlan ng Diyos Mismo, hinahanap pa rin Niya ang kalooban ng Diyos Ama, at tinutupad kung ano ang ipinagkakatiwala sa Kanya ng Diyos Ama, mula sa pananaw ng katawang-tao. Ito ay isang bagay na hindi kayang abutin ng tao.

Hinango mula sa “Ang Diwa ni Cristo ay Pagsunod sa Kalooban ng Ama sa Kalangitan” sa Ang Salita ay Nagpapakita sa Katawang-tao

Wala tayong kaalam-alam, pinangungunahan tayo ng hamak na taong ito tungo sa sunud-sunod na hakbang ng gawain ng Diyos. Sumasailalim tayo sa hindi-mabilang na mga pagsubok, nagpapasan ng hindi-mabilang na mga pagkastigo, at sinusubok ng kamatayan. Natututuhan natin ang matuwid at maringal na disposisyon ng Diyos, natatamasa, rin, ang Kanyang pag-ibig at awa, pinahahalagahan ang dakilang kapangyarihan at karunungan ng Diyos, nasasaksihan ang pagiging kaibig-ibig ng Diyos, at napagmamasdan ang Kanyang sabik na pagnanais na iligtas ang tao. Sa mga salita ng karaniwang taong ito, nalalaman natin ang disposisyon at diwa ng Diyos, naiintindihan ang kalooban ng Diyos, nalalaman ang kalikasan at diwa ng tao, at nakikita ang daan ng kaligtasan at pagka-perpekto. Ang Kanyang mga salita ay nagsasanhi ng ating “kamatayan,” at muli nagsasanhi ng ating “kapanganakang muli”; ang Kanyang mga salita ay nagdudulot ng kaginhawahan, gayunpaman ay iniiwan din tayong naliligalig ng pagkakasala at ng pakiramdam na may-pagkakautang; ang Kanyang mga salita ay nagdadala sa atin ng kagalakan at kapayapaan, subali’t ito’y nagbibigay din ng walang-katapusang pasakit. Minsan tayo ay parang mga tupang kakatayin sa Kanyang mga kamay; minsan tayo ay Kanyang kinagigiliwan, at tinatamasa ang Kanyang malambing na pagsinta; minsan tayo ay parang Kanyang kaaway, at nagiging abo dahil sa Kanyang galit sa Kanyang mga mata. Tayo ang sangkatauhan na Kanyang iniligtas, tayo ang mga uod sa Kanyang paningin, at tayo ang mga ligaw na tupa na Kanyang pilit na hinahanap araw at gabi. Siya ay maawain sa atin, tayo ay Kanyang kinamumuhian, tayo ay Kanyang iniaangat, tayo ay Kanyang inaaliw at pinapayuhan, tayo ay Kanyang ginagabayan, tayo ay Kanyang nililiwanagan, tayo ay Kanyang kinakastigo at dinidisiplina, at tayo rin ay Kanyang isinusumpa. Siya ay laging nag-aalala para sa atin sa gabi at araw, at tayo ay Kanyang kinakalinga at pinangangalagaan sa gabi at araw, hindi kailanman lumilisan sa ating tabi, kundi ibinubuhos ang lahat ng Kanyang pangangalaga sa atin at nagbabayad ng anumang halaga para sa atin. Sa loob ng mga pagbigkas nitong maliit at karaniwang katawang-tao, natamasa na natin ang kabuuan ng Diyos, at namasdan ang hantungan na naipagkaloob na sa atin ng Diyos. Nguni’t sa kabila nito, nananatili ang kayabangan sa ating mga puso, at ayaw pa rin nating loobing masigasig na tanggapin ang taong ito bilang ating Diyos. Kahit na nabigyan na Niya tayo ng napakaraming manna, napakarami upang ating tamasahin, wala sa mga ito ang nakakaagaw sa lugar ng Diyos sa ating mga puso. Ating pinararangalan ang natatanging pagkakakilanlan at katayuan ng taong ito nang may matinding pag-aatubili. Hangga’t Siya ay hindi nagsasalita upang hingin sa atin na Siya ay ating kilalanin bilang Diyos, hindi tayo kailanman magkukusa na Siya ay kilalanin bilang ang Diyos na malapit nang dumating at gayunman ay gumagawa na nang matagal sa ating kalagitnaan.

Ipinagpapatuloy ng Diyos ang Kanyang mga pagbigkas, gumagamit ng iba’t ibang pamamaraan at pananaw upang pagsabihan tayo kung ano ang nararapat gawin habang kasabay na binibigyang-tinig ang Kanyang puso. Ang Kanyang mga salita ay nagdadala ng kapangyarihan ng buhay, ipinakikita sa atin ang paraan kung paano tayo dapat lumakad, at binibigyang-kakayahan tayo na maintindihan ang katotohanan. Nagsisimula tayong maakit sa Kanyang mga salita, sinisimulan nating ituon ang ating pansin sa himig at paraan ng Kanyang pananalita, at wala tayong kamalay-malay na nagsisimulang magkainteres sa kaloob-loobang damdamin ng pangkaraniwang taong ito. Siya ay gumagawa nang maingat na pagsisikap para sa atin, nagtitiis ng puyat at gutom para sa atin, umiiyak para sa atin, naghihinagpis para sa atin, dumadaing sa sakit para sa atin, nakakaranas ng pagpapahiya para sa kapakanan ng ating hantungan at kaligtasan, at ang Kanyang puso ay dumudugo at lumuluha dahil sa ating pagiging manhid at pagkamapanghimagsik. Ang may ganitong pagkatao at pag-uugali ay hindi karaniwang tao, ni hindi ito maaaring taglayin o makamit ng sinumang nilalang na ginawang tiwali. Siya ay may pagpaparaya at pagtitiis na hindi angkin ng karaniwang tao, at ang Kanyang pagmamahal ay hindi taglay ng sinumang nilikha. Walang sinuman maliban sa Kanya ang makakaalam sa lahat ng ating iniisip, o may gayong kalinaw at ganap na pagtarok sa ating kalikasan at diwa, o nakakahatol sa pagkamapaghimagsik at katiwalian ng sangkatauhan, o nakakapagsalita sa atin at gumagawa sa ating kalagitnaan nang ganito sa ngalan ng Diyos sa langit. Walang sinuman maliban sa Kanya ang pinagkakalooban ng awtoridad, karunungan at karangalan ng Diyos; ang disposisyon ng Diyos at kung anong mayroon at kung ano ang Diyos ay bumubukal, sa kabuuan ng mga ito, mula sa Kanya. Walang sinuman maliban sa Kanya ang makakapagpakita sa atin ng daan at makakapagdala sa atin ng liwanag. Walang sinuman maliban sa Kanya ang makakapagbunyag ng mga hiwaga na hindi pa naipaalam ng Diyos mula sa paglikha hanggang ngayon. Walang sinuman maliban sa Kanya ang makakapagligtas sa atin mula sa gapos ni Satanas at ng ating sariling tiwaling disposisyon. Kinakatawan Niya ang Diyos. Inihahayag Niya ang tinig ng puso ng Diyos, ang mga pangaral ng Diyos, at ang mga salita ng paghatol ng Diyos sa buong sangkatauhan. Siya ay nagsimula na ng isang bagong kapanahunan, isang bagong panahon, at naghatid ng isang bagong langit at lupa at bagong gawain, at Siya ay nagdala na sa atin ng pag-asa, tinatapos ang ating pamumuhay sa kalabuan at hinahayaan ang ating buong pagkatao na lubos na mamasdan, nang buong kalinawan, ang daan ng kaligtasan. Kanyang nalupig na ang ating buong pagkatao, at nakamit ang ating mga puso. Mula sa sandaling iyon, ang ating mga isipan ay nagkamalay na, at ang ating mga espiritu ay tila napanumbalik: Ang karaniwan at hamak na taong ito, na namumuhay kasama natin at matagal na nating tinanggihan—hindi ba’t Siya ang Panginoong Jesus, na laging nasa ating mga isipan, gising man o nananaginip, at ating inaasam sa gabi at araw? Ito ay Siya! Ito ay talagang Siya! Siya ang ating Diyos! Siya ang katotohanan, ang daan, at ang buhay! Tayo ay nabigyang-kakayahan na Niyang mabuhay muli at makita ang liwanag, at napatigil na ang ating mga puso sa paglihis. Tayo ay nagbalik na sa tahanan ng Diyos, tayo ay nagbalik na sa harap ng Kanyang trono, tayo ay kaharap Niya, nasaksihan na natin ang Kanyang mukha, at nakita na natin ang landas sa hinaharap. Sa panahong ito, ang puso natin ay lubusan Niyang nilulupig; hindi na tayo nagdududa kung sino Siya, hindi na tinututulan ang Kanyang gawain at Kanyang salita, at tayo ay nagpapatirapa sa Kanyang harapan. Tayo ay hindi nagnanais ng anuman maliban sa pagsunod sa mga yapak ng Diyos sa nalalabing bahagi ng ating mga buhay, at upang tayo ay Kanyang magawang perpekto, at upang masuklian natin ang Kanyang biyaya, upang masuklian ang Kanyang pag-ibig sa atin, at upang sundin ang Kanyang pamamatnugot at pagsasaayos, at upang makipagtulungan sa Kanyang gawain, at gawin ang lahat ng ating makakaya upang tapusin ang Kanyang mga ipinagkakatiwala sa atin.

Ang panlulupig ng Diyos sa atin ay parang paligsahan ng sining ng pakikipaglaban.

Ang bawat isa sa mga salita ng Diyos ay tumatama sa isa sa ating mga mortal na bahagi, na iniiwan tayong malungkot at puno ng takot. Inilalantad Niya ang ating mga pagkaunawa, ang ating mga naguguni-guni, at ang ating tiwaling disposisyon. Mula sa lahat ng ating sinasabi at ginagawa, hanggang sa lahat ng ating mga saloobin at mga kaisipan, ang ating kalikasan at diwa ay ibinubunyag sa Kanyang mga salita, iniiwan tayong nanginginig sa takot at walang mapagtaguan ng ating kahihiyan. Isa-isa, sinasabi Niya sa atin ang tungkol sa lahat ng ating mga pagkilos, ating mga layunin at mga hangarin, maging ang ating tiwaling disposisyon na hindi pa natin natutuklasan, nararamdaman natin na tila lubusan tayong nailantad sa lahat ng ating kahabag-habag na pagka-hindi perpekto, at lalong higit pa, na talagang nahikayat tayo. Tayo ay Kanyang hinahatulan sa ating pagsalungat sa Kanya, kinakastigo dahil sa ating paglapastangan at pagkundena sa Kanya, at ipinararamdam sa atin na, sa Kanyang mga mata, tayo ay wala kahit isang katangiang katubus-tubos, na tayo ang nabubuhay na Satanas. Ang ating mga pag-asa ay nawawasak, hindi na tayo naglalakas-loob na humingi ng anumang hindi-makatuwiran o nag-iisip na umasa pa sa Kanya, at maging ang ating mga pangarap ay naglalaho sa magdamag. Ito ay isang katunayan na hindi natin maakala at wala sa atin ang makatatanggap. Sa loob ng isang saglit, nawawalan tayo ng panimbang, at hindi alam kung papaano magpatuloy sa daan na hinaharap, o kung papaano magpatuloy sa ating mga paniniwala. Tila ang ating pananampalataya ay nagbalik na sa umpisa, at muli tila hindi pa natin kailanman nakatagpo ang Panginoong Jesus o nakilala Siya. Naguguluhan tayo dahil sa lahat ng nakikita natin, at ating nararamdaman na parang tayo ay natatangay ng alon. Nasisira ang ating loob, tayo ay nabibigo, at sa ating mga puso ay mayroong matigas na galit at kahihiyan. Sinusubukan nating magbulalas, maghanap ng daan palabas, at, higit sa lahat, ipagpatuloy ang paghihintay sa ating Tagapagligtas na si Jesus, upang maaari nating ibuhos ang ating mga damdamin sa Kanya. Bagaman may mga pagkakataong tila kalmado lamang tayo sa labas, hindi mapagmayabang o mapagpakumbaba, sa ating mga puso tayo ay tinatablan ng pakiramdam na nawalan na hindi pa natin kailanman naramdaman dati. Bagaman minsan maaaring tila tayo ay di-pangkaraniwang tiwasay sa panlabas, ang mga isipan natin ay nagugulo ng paghihirap gaya ng maalong dagat. Ang Kanyang paghatol at pagkastigo ay nabaklasan tayo ng lahat ng ating mga pag-asa at mga pangarap, nagwawakas sa ating mga maluhong pagnanasa at iniiwan tayong hindi handang maniwala na Siya ang ating Tagapagligtas at may kakayanang tayo ay iligtas. Ang Kanyang paghatol at pagkastigo ay nagbukas na ng napakalalim na agwat sa pagitan natin at Niya kaya’t walang sinuman ang nagnanais man lamang na sumubok at tumawid. Ang Kanyang paghatol at pagkastigo ang unang pagkakataon na tayo ay nakaranas nang ganoon kalaking kabiguan, at ganoon kalaking kahihiyan sa ating mga buhay. Ang Kanyang paghatol at pagkastigo ay nagsanhi sa atin na talagang pahalagahan ang karangalan ng Diyos at hindi-pagkunsinti sa pagkakasala ng tao, na kung saan tayo ay masyadong mababa at masyadong marumi kung ihahambing. Ang Kanyang paghatol at pagkastigo ay nagpatanto na sa atin sa unang pagkakataon kung gaano tayo kayabang at kahambog, at kung papaanong kahit kailan ay hindi magiging kapantay ang tao sa Diyos, o kaparis ng Diyos. Dahil sa Kanyang paghatol at pagkastigo tayo ay naghangad na hindi na muling mamuhay sa gayong tiwaling disposisyon, tanggalin sa ating mga sarili ang ganitong kalikasan at diwa sa lalong madaling panahon, at hindi na maging kinamumuhian Niya at nakapandidiri sa Kanya. Ang Kanyang paghatol at pagkastigo ay nagpasaya na sa atin na sumunod sa Kanyang mga salita, at hindi na kailanman naghihimagsik laban sa Kanyang pamamatnugot at pagsasaayos. Ang Kanyang paghatol at pagkastigo ay minsan pang nagbigay na sa atin ng pagnanais na mabuhay pa, at nagpasaya na sa atin na tanggapin Siya bilang ating Tagapagligtas…. Nakalabas na tayo sa gawain ng panlulupig, mula sa impiyerno, mula sa lambak ng kamatayan…. Nakamit na tayo, itong pangkat ng mga tao, ng Makapangyarihang Diyos! Siya ay nagtagumpay na laban kay Satanas, at tinalo ang lahat ng Kanyang mga kaaway!

Hinango mula sa “Minamasdan ang Pagpapakita ng Diyos sa Kanyang Paghatol at Pagkastigo” sa Ang Salita ay Nagpapakita sa Katawang-tao

Talababa:
a. Ang nakasaad sa orihinal na teksto ay “para sa.”

Mag-iwan ng Tugon