Mag-subscribe

Menu

Susunod

Araw-araw na mga Salita ng Diyos: Pagkilala sa Diyos | Sipi 57

739 2020-06-02

Kung ang Puso ng Tao ay may Pagkapoot sa Diyos, Paano Siya Magkakaroon ng Takot sa Diyos at Makalalayo sa Kasamaan?
Dahil ang mga tao sa ngayon ay hindi nagtataglay ng pagkatao na gaya ng kay Job, ano ang kanilang kalikasan at diwa, at ang kanilang saloobin sa Diyos? Natatakot ba sila sa Diyos? Lumalayo ba sila sa kasamaan? Ang mga walang takot sa Diyos o hindi lumalayo sa kasamaan ay maaari lamang na ilarawan sa tatlong salita: “kaaway ng Diyos.” Madalas ninyong sabihin ang tatlong salitang ito, ngunit hindi ninyo kailanman nalaman ang kanilang tunay na kahulugan. Ang mga salitang “kaaway ng Diyos” ay may ganitong diwa: Ang mga ito ay hindi nagsasabi na nakikita ng Diyos ang tao bilang kaaway, kundi ang tao ay nakikita ang Diyos bilang kaaway. Una, kapag ang mga tao ay nagsimulang maniwala sa Diyos, sino sa kanila ang walang sariling mga layunin, motibasyon, at ambisyon? Kahit na may isang bahagi sa kanila na naniniwala sa pag-iral ng Diyos, at nakakita sa pag-iral ng Diyos, ang kanilang paniniwala sa Diyos ay naglalaman pa rin ng ganoong mga motibasyon, at ang kanilang pangunahing layunin sa paniniwala sa Diyos ay ang pagtanggap ng Kanyang mga pagpapala at ng mga bagay na gusto nila. Sa mga karanasan ng tao sa kanilang buhay, madalas nila itong naiisip sa kanilang sarili: Isinuko ko ang aking pamilya at karera para sa Diyos, at ano ang ibinigay Niya sa akin? Dapat kong makita ang kabuuan nito, at siguraduhin ito—may natanggap ba ako na anumang pagpapala kamakailan? Marami ang ibinigay ko sa pagkakataong ito, ako ay tumakbo nang tumakbo, at labis na nagdusa—may ibinalik bang anumang pangako ang Diyos? Naalala ba Niya ang aking mabubuting gawa? Ano ang magiging katapusan ko? Maaari ko bang matanggap ang mga pagpapala ng Diyos? … Ang bawat tao ay madalas na gumagawa ng ganitong mga pagkalkula sa loob ng kanilang puso, at humihingi sila sa Diyos ng mga bagay na nagtataglay ng kanilang mga motibasyon, ambisyon, at transaksiyonal na pag-iisip. Ibig sabihin, sa kanyang puso, ang tao ay patuloy na sinusubukan ang Diyos, patuloy na gumagawa ng mga plano tungkol sa Diyos, at patuloy na nangangatwiran sa Diyos para sa kanyang sariling katapusan, at sinusubukang makakuha ng pahayag mula sa Diyos, tinitingnan kung maaaring ibigay o hindi ng Diyos ang kanyang nais. Kasabay ng paghahangad sa Diyos, hindi itinuturing ng tao ang Diyos bilang Diyos. Palagi niyang sinusubukang makipagtawaran sa Diyos, walang hinto sa paghingi sa Kanya, at pinipilit pa Siya sa bawat hakbang, tinatangkang humingi nang higit pa matapos mapagbigyan nang kaunti. Kasabay ng pagsisikap na makipagtawaran sa Diyos, ang tao ay nakikipagtalo rin sa Kanya, at mayroon pang mga tao na, kapag may dumarating na mga pagsubok sa kanila o kaya ay nalagay sila mismo sa ilang sitwasyon, madalas na sila ay nagiging mahina, walang kibo, at pabaya sa kanilang trabaho, at puno ng mga reklamo tungkol sa Diyos. Magmula ng ang tao ay magsimulang maniwala sa Diyos, itinuturing ng tao ang Diyos na isang kornukopya, isang Swiss Army na lanseta, at itinuturing ang sarili niya na pinakamalaking pinagkakautangan ng Diyos, na para bang ang pagsisikap na makakuha ng mga pagpapala at pangako mula sa Diyos ay ang kanyang likas na karapatan at obligasyon, habang ang responsibilidad ng Diyos ay ang ingatan at pangalagaan ang tao at magbigay ng pangtustos sa kanya. Ganito ang pangunahing pagkaunawa sa “paniniwala sa Diyos,” ng lahat ng taong naniniwala sa Diyos, at ito ang kanilang pinakamalalim na pagkaunawa sa konsepto ng paniniwala sa Diyos. Mula sa kalikasan at diwa ng tao hanggang sa kanyang pansariling hangarin, wala sa mga ito ang may kinalaman sa takot sa Diyos. Hindi maaari na ang layunin ng tao sa paniniwala sa Diyos ay may kinalaman sa pagsamba sa Diyos. Ibig sabihin, hindi kailanman itinuring o naintindihan ng tao na ang paniniwala sa Diyos ay nangangailangan ng pagkakaroon ng takot sa Diyos, at pagsamba sa Diyos. Sa harap ng ganitong mga kalagayan, ang diwa ng tao ay halatang-halata. At ano ang diwa na ito? Ito ay ang puso ng tao na may masamang hangarin, nagkikimkim ng pagtataksil at panlilinlang, walang pagmamahal sa pagiging patas at pagkamatuwid, o sa mga bagay na positibo, at ito ay kamuhi-muhi at sakim. Ang puso ng tao ay hindi na magiging mas sarado pa sa Diyos; hindi pa talaga niya ito ibinigay sa Diyos. Hindi pa kailanman nakita ng Diyos ang tunay na puso ng tao, at hindi rin Siya kailanman sinamba ng tao. Gaano man kalaki ang halagang binabayaran ng Diyos, o gaano man karaming gawain ang Kanyang ginagawa, o gaano man karami ang binibigay Niya sa tao, ang tao ay nananatiling bulag dito, at lubos na walang malasakit. Hindi kailanman ibinigay ng tao ang kanyang puso sa Diyos, gusto niya lang na pangalagaan ang kanyang sariling puso, gumawa ng kanyang mga sariling desisyon—ang ibig sabihin ay hindi niya nais na sundin ang daan ng pagkakaroon ng takot sa Diyos at paglayo sa kasamaan, o sundin ang kataas-taasang kapangyarihan at mga pagsasaayos ng Diyos, at hindi niya rin gusto na sambahin ang Diyos bilang Diyos. Ganito ang kalagayan ng tao sa kasalukuyan. Ngayon tingnan muli natin si Job. Una sa lahat, gumawa ba siya ng kasunduan sa Diyos? Mayroon ba siyang mga natatagong layunin sa kanyang matibay na paghawak sa daan ng pagkakaroon ng takot sa Diyos at paglayo sa kasamaan? Noong panahong iyon, ang Diyos ba ay nagsalita sa sinuman tungkol sa paparating na katapusan? Sa panahong iyon, ang Diyos ay hindi nangako sa kanino man tungkol sa katapusan, at sa ganitong kalagayan nagawa ni Job na matakot sa Diyos at lumayo sa kasamaan. Ang mga tao ba sa ngayon ay maaaring maihambing kay Job? Masyadong maraming pagkakaiba; sila ay nasa magkakaibang mga antas. Kahit na kakaunti lamang ang kaalaman ni Job tungkol sa Diyos, naibigay na niya ang kanyang puso sa Diyos at pagmamay-ari na ito ng Diyos. Siya ay hindi kailanman gumawa ng kasunduan sa Diyos, at walang marangyang hinahangad o hinihingi sa Diyos; sa halip, naniwala siya na “Si Jehova ang nagbigay, at si Jehova ang nag-alis.” Ito ay kung ano ang kanyang nakita at nakuha mula sa pagiging totoo sa daan ng pagkakaroon ng takot sa Diyos at paglayo sa kasamaan sa maraming taon ng buhay. Gayundin, nakamit niya ang kinalabasan na nakapaloob sa mga salitang ito: “Tatanggap ba tayo ng mabuti sa kamay ng Diyos, at hindi tayo tatanggap ng masama?” Ang dalawang pangungusap na ito ay nagsasaad ng kanyang nakita at nalaman bilang resulta ng kanyang saloobin sa pagsunod sa Diyos sa mga naranasan niya sa buhay, at ang mga ito rin ang kanyang mga pinakamakapangyarihang sandata kung saan nagtagumpay siya laban sa mga panunukso ni Satanas, at ang saligan ng kanyang katatagan sa patotoo sa Diyos. Sa puntong ito, nakikita ba ninyo si Job bilang isang kaibig-ibig na tao? Nais ba ninyong maging ganitong uri ng tao? Natatakot ba kayong sumailalim sa mga panunukso ni Satanas? Napagpasyahan na ba ninyong ipanalangin na iharap kayo ng Diyos sa mga pagsubok na tulad ng mga pinagdaanan ni Job? Walang pag-aalinlangan, karamihan sa mga tao ay hindi maglalakas-loob na manalangin para sa mga ganitong bagay. Kung gayon, maliwanag na ang inyong pananampalataya ay nakakaawa sa liit; kung ihahambing kay Job, ang inyong pananampalataya ay talagang hindi karapat-dapat na banggitin. Kayo ang mga kaaway ng Diyos, wala kayong takot sa Diyos, hindi kayo nakakatayo nang matatag sa inyong patotoo sa Diyos, at hindi ninyo kayang pagtagumpayan ang mga pag-atake, paratang at panunukso ni Satanas. Anong mayroon kayo upang maging karapat-dapat na tumanggap ng mga pangako ng Diyos? Pagkatapos ninyong marinig ang kuwento ni Job at maintindihan ang layunin ng Diyos sa pagliligtas sa tao at ang kahulugan ng kaligtasan ng tao, kayo ba ngayon ay mayroon nang pananampalataya na tanggapin ang parehong mga pagsubok na gaya ni Job? Hindi ba’t dapat ay mayroon kayong kaunting kapasyahan upang tulutan ang inyong mga sarili na sundan ang daan ng pagkakaroon ng takot sa Diyos at paglayo sa kasamaan?

mula sa Ang Salita ay Nagpapakita sa Katawang-tao

Mag-iwan ng Tugon