Kapag pinag-uusapan natin ang tungkol sa Ama, Anak, at sa Banal na Espiritu, maraming mga kapatid ang nagsasabi na Sila ang tatlong persona ng Diyos. Tungkol sa kung ano ang kaugnayan sa pagitan Nila, Sila ba ang Trinidad ng isang Diyos, o Sila ang tatlong persona ng Diyos? Maaari mong sabihin na sila ang tatlong persona ng Diyos, ngunit mayroon lamang isang tunay na Diyos. Maaari mong sabihin na sila ay iisang Diyos, ngunit mayroong isang tala sa Biblia ng pagkakaroon ng Ama, ng Anak, at ng Banal na Espiritu. Kaya ano ang ibig sabihin niyon? Sila man ay mga bihasa sa Biblia o mga mangangaral, walang sinuman ang malinaw na makapagpapaliwanag sa kahulugan ng Trinidad. Ito ay naging isang hindi malutas-lutas na palaisipan sa maraming mga Kristiyano.
Upang malinawan nang kaunti sa usaping ito, dapat muna nating malaman kung paano lumitaw ang terminong Trinidad. Nalalaman natin na ang termino ay hindi kailanman lumitaw sa Biblia. At na ito ay ginawa sa lupa pagkatapos magkatawang-tao ng Panginoong Jesus. Pagkatapos ay lumitaw ang mga terminong Ama at Anak, kaya ang mga tao sa panahong iyon ay naniwala rito na bukod sa Panginoong Jesus, naroroon din ang Diyos Ama sa langit. Pagkatapos muling mabuhay ng Panginoong Jesus at bumalik sa langit, ipinalagay ng mga tao kinalaunan mula sa nakasulat sa maraming dako sa Banal na Kasulatan na mayroong Trinidad, subalit mayroon ding iilang tao ang naghihinala rito. Ang ilan ay naniniwala na ang Diyos ay ang iisa lamang at tunay na Diyos samantalang ang ilan ay naniniwala na ang Diyos ay ang Diyos ng Trinidad ang Ama, ang Anak, at ang Banal na Espiritu. Batay sa nakasulat, sa loob ng mahigit tatlong daang taon pagkatapos ng Panginoon, sa Unang Konseho ng Nicea, nagkaroon ng isang debate sa pagitan ng pagiging iisa ng Diyos laban sa pagiging marami ng Diyos, at sa bandang huli nabuo nila ang termino para sa Diyos ng Trinidad. Ang terminong ito ay nagpatuloy simula sa araw na iyon. Sa puntong ito ng ating pagbabahagi kailangan nating maunawaan na ang terminong Trinidad ay hindi likas na umiral sa Diyos, kundi isang bagay na ipinalagay batay sa ideya ng Ama at ng Anak at ng iba pang mga bagay na nakasulat sa Biblia.
Dahil sa ang Trinidad ay isang bagay na ipinalagay ng mga tao, ito ba ay tama? Tingnan natin kung ano ang masasabi ng Panginoong Jesus tungkol sa Ama at sa Anak sa Kabanata 14, talatang 8-10 sa Ebanghelyo ni Juan: “Sinabi sa kaniya ni Felipe, Panginoon, ipakita mo sa amin ang Ama, at sukat na ito sa amin. Sinabi sa kaniya ni Jesus, Malaon nang panahong ako’y inyong kasama, at hindi mo ako nakikilala, Felipe? ang nakakita sa akin ay nakakita sa Ama; paanong sinasabi mo, Ipakita mo sa amin ang Ama? Hindi ka baga nananampalataya na ako’y nasa Ama, at ang Ama ay nasa akin? ang mga salitang aking sinasabi sa inyo’y hindi ko sinasalita sa aking sarili: kundi ang Ama na tumatahan sa akin ay gumagawa ng kaniyang mga gawa.” Makikita natin dito sa kasulatan na hindi nakikilala ni Felipe ang Diyos, at naniniwala na taglay din ng Panginoong Jesus ang Diyos Ama sa langit, kung kaya sinabi niya: “Panginoon, ipakita mo sa amin ang ama.” At nang itama ng Panginoong Jesus ang kaniyang pagkakamali, sinabi Niya: “ang nakakita sa akin ay nakakita sa Ama;” at “ako’y nasa Ama, at ang Ama ay nasa akin?” makikita natin mula sa sagot ng Panginoong Jesus na ang Ama ay ang Anak at ang Anak ay ang Ama. Ang Ama at ang Anak ay matagal nang iisa—Sila ay matagal nang isang Diyos. Kung magpapatuloy tayo ayon sa ating sariling mga saloobin at naniniwala na taglay din ng Panginoong Jesus ang Diyos Ama na nasa langit, hindi ba iyon paggawa ng pagkakamali kagaya ng kay Felipe? Kung kaya maaaring paniwalaan na ang Diyos ay ang Diyos ng Trinidad dahil sa mga terminong Ama at Anak.
Dahil sa ang Ama at ang Anak ay dati nang iisa bakit tinawag na Ama ng Panginoong Jesus ang Diyos sa langit nang Siya ay manalangin? Nabasa Ko ang paliwanag sa tanong na ito sa isang aklat: “Ang pagtawag Niya ng Ama sa Diyos sa langit ay tanging Kanyang kababaang-loob at pagkamasunurin. Ang Kanyang pagtawag sa Diyos (iyon ay, ang Espiritu sa langit) sa gayong paraan, gayunman, ay hindi nagpapatunay na Siya ay ang Anak ng Espiritu ng Diyos sa langit. Sa halip, ito lamang ay dahil iba ang Kanyang pananaw, hindi dahil sa Siya ay ibang persona. Ang pag-iral ng magkakaibang mga persona ay isang kamalian! Bago ang Kanyang pagkakapako sa krus, si Jesus ay isang anak ng tao na nakatali sa mga limitasyon ng laman, at hindi Niya lubos na taglay ang awtoridad ng Espiritu. Iyan ang dahilan kaya mahahanap lamang Niya ang kalooban ng Diyos Ama mula sa pananaw ng isang nilikhang tao. Ito ay kagaya lamang nang tatlong beses Siyang nanalangin sa Getsemani: ‘Huwag ang ayon sa ibig ko, kundi ang ayon sa ibig mo.’ Bago pa Siya naitakda sa krus, Siya ang Hari ng mga Judio; Siya ay si Cristo, ang Anak ng tao, at hindi katawan ng kaluwalhatian. Kung kaya, mula sa pananaw ng isang taong nilikha, tinawag Niya ang Diyos na Ama. … Pagkatapos umalis ni Jesus, ang ideyang ito ng Ama at ng Anak ay wala na. Ang ideyang ito ay angkop lamang sa mga taon nang si Jesus ay naging katawang-tao; sa ilalim ng lahat ng iba pang mga pangyayari, ang relasyon ay yaong sa pag-itan ng Panginoon ng paglikha at isang nilikhang tao kapag tinatawag ninyo ang Diyos na Ama. Walang pagkakataon na kung saan ang ideya ng Trinidad ng Ama, Anak, at Banal na Espiritu ay nakakatayô; ito ay isang maling aral na bihirang makita sa hinaba-haba ng mga kapanahunan at hindi umiiral!” (Umiiral ba ang Trinidad?”). Makikita natin mula rito na ang Panginoong Jesus ay ang Diyos Mismo sa katawang-tao, na Siya ang Espiritu ng Diyos na nagkatawang-tao, ang Anak ng tao, at Cristo. Nang manalangin ang Panginoong Jesus sa Diyos sa langit bilang Ama, ginagawa Niya ito mula sa pananaw ng isa sa mga nilikha, kinakatawan sa gayon ang kababaang-loob at pagkamasunurin ng Panginoong Jesus. Hindi nito pinatutunayan sa anumang paraan na ang Panginoong Jesus ay ang Anak ng Espiritu ng Diyos sa langit. Ang pagtawag ng Ama ng Panginoong Jesus sa Diyos sa langit ay nakapaloob lamang sa panahon ng kanyang gawain habang nasa katawang-tao, at pagkatapos makumpleto ang gawain ng Panginoong Jesus, ang mga terminong Ama at Anak ay hindi na kinakailangan.
Nakabasa Ako ng ilan pang mga bagay rito: “May isang Diyos lamang, isang persona lamang sa Diyos na ito, at isang Espiritu ng Diyos lamang, yamang ito ay nakasulat sa Biblia na ‘Mayroon lamang isang Banal na Espiritu at isang Diyos lamang.’ Hindi alintana kung ang Ama at ang Anak man na iyong sinasabi ay umiiral, matapos ang lahat ay may isang Diyos lamang, at ang sangkap ng Ama, ng Anak, at ng Banal na Espiritu na inyong pinaniniwalaan ay ang sangkap ng Banal na Espiritu. Sa ibang salita, Ang Diyos ay Espiritu, nguni’t may kakayahan Siyang maging katawang-tao at mamuhay sa gitna ng mga tao, gayundin ay mangibabaw sa lahat ng mga bagay. Ang kanyang Espiritu ay sumasa-lahat at nasa lahat ng dako. Kaya Niyang sabay-sabay na mapasa-katawang-tao at mapasa-lahat ng dako ng sansinukob. Yamang ang lahat ng tao ay nagsasabing ang Diyos ay ang isa lamang tunay na Diyos, kung gayon ay mayroong nag-iisang Diyos lamang, na hindi kayang hati-hatiin ninuman ayon sa kagustuhan! Ang Diyos ay isang Espiritu lamang, at isang persona lamang; at iyon ay ang Espiritu ng Diyos.” “Mula sa panahon ng paglikha hanggang sa ngayon, ang gawaing ito ay naisasakatuparan ng Espiritu ng Diyos Mismo. Maging ito man ay gawain sa langit o sa katawang-tao, lahat ay isinasakatuparan ng Kanyang sariling Espiritu. Lahat ng mga nilalang, maging sa langit o sa lupa, ay nasa palad ng Kanyang makapangyarihang kamay; lahat ng ito ay gawain ng Diyos Mismo at hindi nagagawa ninuman sa Kanyang lugar. Sa mga kalangitan, Siya ang Espiritu subali’t ang Diyos Mismo rin; sa gitna ng mga tao, Siya ay katawang-tao nguni’t nananatiling Diyos Mismo. Bagama’t maaari Siyang tawagin sa daan-daang libong mga pangalan, Siya pa rin ay Siya Mismo, at ang buong gawain[b] ay ang tuwirang pagpapahayag ng Kanyang Espiritu. Ang pagtubos sa buong sangkatauhan sa pamamagitan ng pagkakapako Niya sa krus ay ang tuwirang gawain ng Kanyang Espiritu, at maging ang pagpapahayag sa lahat ng mga bansa at lahat ng mga lupain sa panahon ng mga huling araw. Sa lahat ng panahon, ang Diyos ay natatawag lamang na ang makapangyarihan at isang tunay na Diyos, ang sumasa-lahat na Diyos Mismo. Ang magkakaibang mga persona ay hindi umiiral, lalong hindi itong ideya ng Ama, ng Anak, at ng Banal na Espiritu! Mayroon lamang isang Diyos sa langit at sa lupa!” (“Umiiral ba ang Trinidad?”).
Makikita natin sa pamamagitan ng mga salitang ito na mayroon lamang isang Diyos at mayroon lamang iisang Espiritu ng Diyos. Ang Diyos ang iisang tunay na Diyos at hindi hinati-hati sa magkakaibang persona. Maging ito man ay gawain ng Diyos sa Espiritu o ang Kanyang gawain sa katawang-tao, mula simula hanggang sa wakas ito ay at palaging isang Espiritu ang gumagawa ng gawain. Ito ay pawang gawain at pagpapahayag ng Banal na Espiritu. Kaya, maging ito man ay gawain ng Panginoong Jesus bago ang Kanyang pagkakapako sa krus o pagkatapos ng Kanyang muling pagkabuhay, ito ay pawang gawain at pagpapahayag ng Banal na Espiritu. Maging anumang yugto ng gawain ito, ito ang gawain ng Diyos Mismo. Ang Diyos ay matatawag na Jehovah at Jesus at ang Makapangyarihan sa lahat, ngunit sa kabuuan, mayroon lamang isang Diyos sa langit at sa lupa. Hindi alintana kung kailan, ang Diyos ay ang nag-iisang tunay na Diyos lamang! Makikita natin mula rito na ang Trinidad ay isang termino na nanggaling sa mga ideya ng tao at hindi naayon sa mga salita ng Diyos, ni mayroong anumang batayan para rito sa mga salita ng Diyos. Nalalaman natin ngayon na ang Trinidad ay isang termino na walang pinatutunayan.
Rekomendasyon: