Ni: Xiao Xiao, Pransya
Ang pagbabasa ng Biblia ay isang pang-araw-araw na pangangailangan para sa mga Kristiyano, at lubos din itong kailangan sa landas upang kamtin ang katotohanan at limago sa ating mga espiritwal na buhay. Sinabi ng Panginoong Jesus, “Nasusulat, Hindi sa tinapay lamang mabubuhay ang tao, kundi sa bawa’t salitang lumalabas sa bibig ng Dios” (Mateo 4:4). Maliwanag na, ang madalas na pagbabasa ng mga salita ng Diyos sa Biblia at ang matatag na panghahawak sa mga ito sa ating mga puso ay isang bagay na dapat gawin ng bawat Kristiyano. Gayunpaman, ang bawat isa sa atin ay nagkaroon ng sumusunod na karanasan sa ating pagbabasa sa Banal na Kasulatan: Minsan natatamo natin ang pagliliwanag at pagpapalinaw ng Banal na Espiritu; ang ating espiritu ay nakikilos, nauunawaan natin ang kalooban at mga hinihingi ng Diyos at mayroong pananampalataya upang isagawa ang mga salita ng Diyos sa ating pang-araw-araw na buhay. Pagkatapos ng ilang panahon, lumalago tayo sa ating mga espiritwal na buhay. Ngunit may mga pagkakataon, nawawalan tayo ng gana at hindi nasisiyahan sa pagbabasa natin ng Biblia at hindi madama ang pagliliwanag at pagpapalinaw ng Banal na Espiritu. Wala tayong diwa ng kalooban at mga hinhingi ng Diyos, at lalo pang hindi natin nalalaman kung paano isagawa ang mga salita ng Diyos sa ating pang-araw-araw na mga buhay, at pagkalipas ng ilang sandali, hindi natin nararansasan ang espiritwal na paglago. Minsan inaantok pa tayo habang nagbabasa ng Biblia at nagiging lalong hindi gaanong handa na basahin ang Banal na Kasulatan, daluhan ang mga pagtitipon, at manalangin. Nakalilito talaga ang ganito. Binabasa natin ang Biblia kagaya ng lagging ginagawa, kaya bakit mayroong dalawang kinalabasan? Paano natin matatamo ang pagliliwanag at pagpapalinaw ng Banal na Espiritu upang magtamo tayo ng magandang resulta sa pagbabasa natin ng Banal na Kasulatan? Ang totoo, hangga’t nauunawaan natin ang tatlong mahahalagang punto, malulutas natin ang usaping ito. Susunod, nais kong talakayin ang aking simpleng pagkaunawa sa mga ito.
Bagamat binabasa natin ang Biblia sa itinakdang oras sa araw-araw, kadalasan ang ating mga puso ay hindi tahimik sa harap ng Diyos. Kapag binabasa natin ang Biblia, iniisip pa rin natin ang ating pamilya o ang mga usapin sa trabaho. Lalo na sa gayong mabilis na usad ng panahon—ang pagiging abala sa trabaho at ang kumplikadong pakikipagkapwa-tao ay nagiging sanhi upang mahapo tayo, katawan at kaluluwa, kaya malamang na makikisabay lang tayo sa nakararami at magtatamo lang tayo ng mababaw na pagkaunawa kapag nagbabasa ng Banal na Kasulatan. Sa katunayan, ang gayong uri ng pagbabasa sa Banal na Kasulatan ay pagsunod lang sa isang patakaran, pagsasagawa ng isang ritwal—napakahirap para sa atin na magtamo ng tunay na pagkaunawa sa mga salita ng Diyos. Likas lamang na hindi na tayo magkakaroon ng anumang espiritwal na kasiyahan.
Sinasabi ng salita ng Diyos, “Sasambahin ng mga tunay na mananamba ang Ama sa espiritu at katotohanan: sapagka’t hinahanap ng Ama ang mga gayon na maging mananamba sa kaniya” (Juan 4:23). “Ang pagpapatahimik sa iyong puso sa harap ng Diyos ay isa sa pinakamahalagang mga hakbang sa pagpasok sa mga salita ng Diyos … Pagkatapos lamang na nagagawa nilang maging payapa sa harap ng Diyos saka pa lamang maaantig ang mga tao ng Banal na Espiritu, at maliliwanagan at paliliwanagin ng Banal na Espiritu”. Makikita natin mula sa mga salita ng Diyos na hinihingi Niya sa atin na sambahin Siya gamit ang isang tapat na espiritu. Kung nais nating makilos ng Banal na Espiritu at makakuha ng magagandang resulta mula sa ating pagbabasa ng Biblia, dapat nating patahimikin ang ating mga sarili sa harap ng Diyos. Dahil ang panahon sa pagbabasa ng Banal na Kasulatan ay ang panahon din natin upang lumapit sa Diyos at sambahin Siya, panahon din natin upang maunawaan ang mga katotohanan mula sa mga salita ng Diyos. Kung ganap nating ilalagay ang ating mga puso sa mga salita ng Diyos, at tunay na hahangarin at bubulayin ang mga ito saka lamang natin makakamit ang pagpapalinaw at pagliliwanag ng Banal na Espiritu at mauunawaan ang kahulugan sa loob ng mga salita ng Diyos. Kaya nga, bago magbasa ng mga salita ng Diyos, dapat tayong maghanap ng isang tahimik na lugar, at iwasan ang sinumang tao, mga pangyayari, o mga bagay na makagagambala sa atin. Dapat tayong manalangin bago magsimula, sadyaing patahimikin ang ating puso sa harap ng Diyos, at hilingin sa Diyos na gabayan tayong maunawaan ang katotohanan sa loob ng kanyang mga salita. Habang isinasagawa natin ang ganito, lalo nating makakamit ang pagliliwanag at paggabay ng Banal na Espiritu, at lalo nating mauunawaan ang kalooban ng Diyos. Sa gayon, lalago tayo sa ating espiritwal na mga buhay nang lalong mas mabilis.
Una, kailangan nating malaman na ang pagbabasa ng Biblia ay hindi pagsunod sa isang patakaran, ni ito ay pagkumpleto sa isang atas. Sa halip, ito ay upang lutasin ang ating sariling praktikal na mga problema at mga kahirapan upang magkaroon tayo ng isang landas ng pagsasagawa sa ating pang-araw-araw na buhay. Gayunpaman, nakatakda tayong makagawa ng mga pagkakamali sa pagbabasa natin ng Biblia; minsan ay sumusunod lamang tayo sa mga patakaran at pinapasadahan lang ang bawat kabanata, bawat talata; minsan binabasa natin ang alinmang pahinang nabuksan natin nang hindi sinasadya. Ang pagbabasa ng Biblia sa ganitong paraan nang walang anumang layunin ay hindi magtatamo ng magandang resulta. Kagaya lamang ito ng isang taong maysakit na sinusubukang gamutin ang kanilang karamdaman—hindi sila makaiinom ng anumang lumang gamot at aasang gagaling sila, ngunit kailangan nilang maunawaan kung ano talaga ang naging sanhi ng karamdaman at kung anong uri ng sakit ito, at sa ganoong paraan lang nila mapanunumbalik ang kanilang kalusugan sa pag-inom ng tamang gamot para sa kanilang partikular na kundisyon. Kagaya lamang kapag nagbabasa tayo ng Banal na Kasulatan. Sinasabi ng salita ng Diyos, “Kapag kumakain ka at umiinom ng mga salita ng Diyos, dapat mong sukatin ang mga ito laban sa iyong totoong kalagayan. Iyon ay, pagkatapos mong matuklasan ang mga pagkukulang sa iyong sarili sa panahon ng iyong totoong mga karanasan, Dapat may kakayahan ka sa paghahanap ng isang landas upang magsagawa, at pagtalikod sa iyong mga pagganyak at mga pagkaintindi na mali. Kung palagi kang magsusumikap sa ganito, at ang iyong puso ay palaging nakatuon sa mga bagay na ito, magkakaroon ka ng isang landas na susundin, hindi ka makadarama ng kawalan, at sa gayon mapananatili mo ang isang normal na kalagayan. Sa gayon ka lamang magiging yaong nabibigatan sa iyong sariling buhay, at sa gayon ka lamang magiging yaong mayroong pananampalataya”. Makikita natin mula sa mga salita ng Diyos na kailangang isaalang-alang natin ang mga kahirapan o mga problema na nasasagupa natin sa ating pang-araw- araw na mga buhay, at binabasa ang mga salita ng Diyos sa Biblia sa pinaghahandaang paraan—gayon ang tanging paraan upang magkamit ng magandang mga resulta. Kaya bago gawin ang ating pang-araw-araw na pagbabasa ng mga salita ng Diyos, dapat muna nating isipin kung ano ang ating kinapapaloobang espiritwal na kalagayan, kung anong uri ng mga tao, mga pangyayari, at mga bagay ang ating nasagupa sa ating mga buhay, at kung sa aling aspeto ng katotohanan may kaugnayan ang mga ito. Sa gayon ay maaari na nating sadyang hanapin ang mga salita ng Diyos na babasahin na may kaugnayan sa ating kasalukuyang mga kahirapan.
Gaya halimbawa, isang di-pagkakaunawaan ang umuusbong sa pagitan natin at ng ating pamilya, o mga kapatid, at bigo tayong maging mapagparaya o matiyaga sa kanila bagkus ay naipakita ang ating init ng ulo. Dapat muna nating matutuhang mapatahimik ang ating puso sa harap ng Diyos, isaalang-alang kung sa aling aspeto ng katotohanan may kaugnayan ang usaping ito, kung ano ang mga hinihingi ng Diyos sa atin, atbp. Kapag nakaunawa tayo sa mga bagay na ito maaari nating tingnan sa Banal na Kasulatan ang tungkol sa hinihingi Diyos ng Diyos sa atin na magkaroon ng pag-ibig, pagpapaubaya at pagtitiyaga para sa iba. Makapaghahanap din tayo ng mga sipi kung saan hinihiling sa atin ng Diyos na magbulay-bulay sa ating mga sarili at huwag magtuon lang ng pansin sa ibang tao. Mababasa rin natin kung panoong inibig at pinatawad ng Panginoong Jesus ang mga tao. Sa pamamagitan ng ganitong uri ng pinaghahandaang pagbabasa ng Banal na Kasulatan makikita natin na ang mga problema ay umiiral sa loob ng ating mga sarili; makikita natin kung gaano tayo kayabang, kawalang-kasiyahan, at gaano kasama sa iba. Matatanto din natin na kalooban ng Diyos na matuto tayong magpatawad sa iba, mag-ibigan sa isa’t isa, maging mahabagin, at maging mapagparaya; nais Niyang isabuhay natin ang kawangis ng isang Kristiyano. Sa gayon kung aalalahanin natin ang kagandahang-loob at pagpaparaya ng Panginoong Jesus para sa mga tao, kagaya ng personal na paghuhugas sa mga paa ng Kanyang mga disipulo, mas lalo pa tayong makikilos. Kapag naunawaan natin ang mga katotohanang ito magiging handa tayong ibigin ang iba ayon sa hinihingi ng Diyos, at likas tayong magkakaroon ng pagpaparaya at pagkaunawa sa mga nakapaligid sa atin. Suriin natin ang isa pang halimbawa. Kapag tayo ay nagiging mahina at negatibo habang ipinangangaral ang ebanghelyo pagkatapos harapin ang paniniil at paninirang-puri ng masasamang pwersa ni Satanas, mababasa natin ang mga salita ng Diyos tungkol sa kung paano maisasaalang-alang ang kalooban ng Diyos gayundin ang mga sipi kung paano madaragdagan ang ating pananampalataya. Maaari rin nating suriin ang mga bahagi tungkol sa pagiging matalino kapag nakaharap tayo sa mga pwersa ni Satanas na sumasalangsang sa Diyos habang ipinangangaral ang ebanghelyo. Sa pagbabasa sa mga salitang ito ng Diyos nakikita natin kung gaano tayo karupok, na tayo ay nagiging negatibo at mahina kapag nahaharap tayo sa mga kabiguan at mga pagkatalo, at na mayroon tayong napakaliit na pananampalataya. Makatutulong din ito upang maunawaan natin na ang pagpapalaganap ng ebanghelyo ng kaharian ay ating sinumpaang tungkulin at misyon, at na dapat nating pagtiisan ang pag-uusig at mga kahirapan upang sumaksi sa gawain ng Diyos. Mauunawaan din natin ang mga hinihingi ng Diyos sa atin; dapat tayong magkaroon ng karunungan upang ibahagi ang ebanghelyo sa masamang kapanahunang ito, at matutong “mangagpakatalino nga kayong gaya ng mga ahas at mangagpakatimtimang gaya ng mga kalapati” (Mateo 10:16). Kapag naunawaan natin ang mga bagay na ito magkakaroon tayo ng pananampalataya na umasa sa Diyos at magagamit natin ang karunungan upang talunin si Satanas, at pagkatapos ay patuloy na ipalalaganap ang ebanghelyo ng Diyos.
Ang mga salita ng Diyos ang ating gabay sa lahat ng mga bagay. Maging anumang mga problema at mga kahirapan ang mayroon tayo, mahahanap natin ang kalutasan sa mga salita ng Diyos. Kaya natin binabasa ang mga salita ng Diyos sa Biblia sinasadyang paraan na tumutukoy sa ating kasalukuyang mga kahirapan, lalo nating makakamit nang mas madali ang pagpapalinaw at paggabay ng Banal na Espiritu, matatamo ang pagkaunawa sa kalooban ng Diyos, at magkakaroon ng isang angkop na landas ng pagsasagawa. Sa gayon ang ating kaugnayan sa Diyos ay lalong magiging mas malapit—ganito ang paraan kung paano makakamit ang pinakamainam na kalalabasan sa pagbabasa ng Banal na Kasulatan.
Inisip ng napakaraming tao na ang mga pamilyar lamang sa Biblia at maalam sa kaalaman ng Biblia ang nakapagbibigay ng kagalakan sa Diyos. Kaya kapag nagbabasa ng Biblia binibigyang-diin natin nang husto ang pagsasaulo sa mas maraming mga talata. Gayunpaman, hindi tayo nagtutuon ng pansin sa pagninilay sa mga salita ng Diyos na nasa Biblia upang magkamit tayo ng pagkaunawa sa kung tungkol ba saan talaga ang mga ito. Kung ito ay pag-iisipan nating mabuti, maaari nating matuklasan na kung gagawin ito lalo lamang tayong magiging pamilyar sa mga salita sa Biblia at mauunawaan ang ilang panununtunang espiritwal. Gayunpaman, hindi natin nauunawaan ang mga katotohanan sa loob ng mga salita ng Diyos, at lalong wala tayong tunay na kaalaman sa kalooban at mga hinihingi ng Diyos. At sa ating pangkaraniwang mga buhay hindi natin alam kung paano dadanasin o isasagawa ang mga salita ng Diyos. Maari rin tayong maging lalo pang mas mayabang sapagkat nauunawaan natin ang napakaraming kaalaman at teorya sa Biblia. Nagmamalaki tayo sa gitna ng mga kapatid at nagyayabang sa pamamagitan ng pagbibigay kahulugan sa mga teorya at kaalaman sa Biblia; ipinagmamalaki natin ang ating mga sarili upang tingalain at ibigin tayo ng iba, at dinadala natin ang mga kapatid sa harap natin habang kasabay nito, ang ating kaugnayan sa Diyos ay palayo nang palayo. Kung espiritwal ang pag-uusapanm nahuhulog tayo sa kadiliman at bumababa ang uri at hindi madama ang presensya ng Diyos.
Sinasabi ng salita ng Diyos, “Kapag binabasa ang Kanyang mga salita, hindi nakatuon si Pedro sa pag-unawa sa mga doktrina at siya ay lalo pang hindi nakatuon sa pagkakamit ng kaalamang pangteolohiya; sa halip, siya ay nakatuon sa pag-unawa sa katotohanan at pag-unawa sa kalooban ng Diyos, at pagtatamo ng pagkaunawa ng Kanyang disposisyon at ng Kanyang pagiging kaibig-ibig. Sinubukan din niyang unawain ang iba’t ibang tiwaling mga kalagayan ng tao mula sa mga salita ng Diyos, at unawain ang tiwaling kalikasan ng tao at ang tunay na mga pagkukulang ng tao, tinatamo ang lahat ng mga aspeto ng mga hinihingi ng Diyos sa tao upang mapalugod Siya. Nagkaroon siya ng napakaraming wastong mga pagsasagawa sa loob ng mga salita ng Diyos; ito ay halos naaayon sa kalooban ng Diyos, at ito ang pinakamahusay na pakikipagtulungan ng tao sa kanyang karanasan sa gawain ng Diyos” (“Paano Tahalin ang Landas ni Pedro”). Malinaw rito na kapag binabasa ni Pedro ang mga salita ng Diyos hindi siya kuntento na unawain lang ang ilang kaalamang panteolohiya o mga liham at mga doktrina, ngunit nagtutuon siya ng pansin sa pakikibahagi sa paulit-ulit na paghahangad at pagbubulay-bulay ng mga salita ng Diyos, at sa gayon nauunawaan niya ang kalooban at mga hinihingi ng Diyos sa tao. Pagkatapos ay kikilos siya ayon sa mga hinihingi ng Diyos sa lahat ng mga bagay. Ang pagsasagawa ni Pedro ay nagbibigay sa atin ng isang landas ng pagsasagawa. Ang mga salita ng Diyos ang katotohanan, at ang mga ito ay isang pagpapahayag ng disposisyon ng Diyos, at kung anong mayroon at ano Siya; lahat ng mga ito ay naglalaman ng kalooban at mga hinihingi ng Diyos. Kung hindi natin hinahangad at binubulay ang mga ito nang mabuti, wala tayong anumang mauunawaan maliban sa mga salita at mga doktrina—tiyak na hindi ang kalooban ng Diyos. Lalong hindi natin mauunawaan kung ano ba talaga ang mga salita ng Diyos, kaya likas lamang na hindi tayo makapapasok sa realidad ng Kanyang mga salita. Kaya, sa bawat pagkakataong nakabasa tayo ng isang sipi ng kanyang mga salita dapat nating bulaying mabuti ang mga bagay na ito: Ano ang layunin ng Diyos sa pagsasabi nito? Ano ang Kanyang kalooban, at ano ang Kanyang hinihingi sa sangkatauhan? Paano ako dapat magsagawa at pumasok sa mga salita ng Diyos sa totoo kong buhay? Ano ang maaari kong gawin upang makaabot sa hinihingi ng Diyos? Kapag ginagawa natin ang ganitong uri ng paghahangad at pagbubulay-bulay, bago pa natin mamalayan, liliwanagan tayo ng Diyos at gagabayan tayo at ipauunawa sa atin ang lihim na kahulugan sa loob ng Kanyang mga salita.
Suriin natin ang sumusunod na mga salita mula sa Panginoon: “Katotohanang sinasabi ko sa inyo, Malibang kayo’y magsipanumbalik, at maging tulad sa maliliit na bata, sa anomang paraan ay hindi kayo magsisipasok sa kaharian ng langit” (Mateo 18:3). “Datapuwa’t ang magiging pananalita ninyo’y, Oo, oo; Hindi, hindi; sapagka’t ang humigit pa rito ay buhat sa masama” (Mateo 5:37). Makikita natin sa mga salita ng Diyos na iniibig Niya ang matatapat na tao at Siya ay nasusuklam sa mga sinungaling at mandaraya. Ang matatapat na tao lamang ang makapapasok sa kaharian ng langit, samantalang ang masasama at mga tusong tao ay hindi makadadaan sa mga pintuan nito. Sa pananalangin at pagninilay sa mga salita ng Diyos lamang natin mauunawaan na gusto ng Diyos na tayo ay maging matatapat na tao, kasing-inosente at bukas kagaya ng isang bata na walang pandaraya o panlilinlang. Kapag naisip natin ang mga bagay sa puntong iyon, makapagpapatuloy tayo sa paghahangad: Mayroon ba tayong mga bahagi na hindi tapat? Sa pagninilay sa ating mga saloobin at mga pagkilos, makikita natin na nagpapakita pa rin tayo ng napakaraming panlilinlang. Minsan kapag nananalangin tayo harap ng Diyos, sinasabi natin ang lahat ng uri ng kahanga-hangang bagay at itinatakda ang ating paninidigan sa maraming pagkakataon, ngunit sa totoo nating mga buhay ni hindi tayo papantay sa gayon. Minsan gumagawa tayo ng isang bagay na mali at gustong kilalanin ang ating pagkakamali sa ibang tao, ngunit natatakot tayong hahamakin nila tayo, kaya upang hindi tayo mapahiya, kalahati lang ng katotohanan ang sinasabi natin at pinagtatakpan ang katotohanan. Minsan kapag pinag-uusapan natin ang tungkol sa ating mga karanasan, nakalaan at handa tayong magsalita tungkol sa kung paano natin isinasagawa ang mga salita ng Diyos, ngunit halos hindi sinasabi ang ukol sa mga pamamaraan kung paano natin nilalabanan at sinasalangsang ang Diyos, at ang ating mga pagpapahiwatig sa hindi natin pagsasagawa ng katotohanan. Madalas tayong nagpapanggap na ibang tao upang mapanatili ang mabuting pagkakakilala sa atin. Minsan nakikita natin ang mga kapatid na gumagawa ng mga bagay na hindi naaayon sa kalooban ng Diyos at nagnanais na magbahagi kasama nila, ngunit nag-aalala tayo ma masaktan ang kanilang kalooban, o natatakot na hindi nila tatanggapin ang ating opinyon at huhusgahan tayo, kaya nagpapatuloy tayo sa pagbubulag-bulagan, nagkukunwari na wala tayong anumang nalalaman. At marami pang iba. Sa pagninilay, makikita natin kung gaano karaming panlilinlang ang ating ipinakikita—hindi tayo matatapat na tao na nakalulugod sa Diyos sa anumang paraan. Kaya, paano makapapasok ang mga taong kagaya natin sa kaharian ng langit? Pagkatapos maunawaan ang mga bagay na ito, dapat nating patuloy na bulayin ang landas ng pagiging isang taong tapat sa mga salita ng Diyos. Una, hindi tayo makapagsisinungaling sa ating mga salita, ngunit dapat magsalita ng ayon sa katotohanan. Ang isa ay isa, at ang dalawa ay dalawa. Ngunit lalong, kailangan nating magkaroon ng pusong tapat. Hindi tayo maaaring magkaroon ng katiwalaan o panlilinlang sa loob ng ating mga puso; ang anumang ating ginagawa o sinasabi ay sumasailalim sa pagsisiyasat ng Diyos. Hindi tayo makapagsisinungaling o makapandaraya upang ingatan ang ating sariling katayuan, dangal, o kahihiyan, bagkus kapag nakasasagupa tayo ng usapin dapat nating maitakwil ang ating mga maling layunin, magsalita nang tapat, at ibulalas kung ano ang nasa ating mga puso. Kung makapamumuhay tayo ng ganito, nagsisimulana tayong pumasok sa katotohanan ng pagiging mga taong tapat. Kung palagi nating bubulayin nang may kasabikan ang mga salita ng Diyos sa ganitong paraan, hahangaring maunawaan ang pinakadiwa ng katotohanan sa pamamagitan ng na literal na kahulugan ng mga salita ng Diyos, lalo nating mas mauunawaan ang mas mainam na mga punto ng katotohanan, at sa gayon ang isinasagawa natin sa ating mga buhay ay magiging lalong tama. Magiging mas malapit tayo sa kalooban at mga hinihingi ng Diyos at tayo ay magiging lalong mas matatag, panatag, at nasisiyahan sa ating mga kaluluwa.
Ang isa pang punto na dapat talakayin ay ang maging anumang aspeto ng mga salita ng Diyos ang ating binabasa, hindi natin ito ganap na mauunawaan pagkatapos basahin ito nang minsan o dalawang beses, o nang ilang beses. Ito ay palaging isang proseso. Ang mga salita ng Diyos ay totoong malalim na maraming mga katotohanan ang nakatago sa loob ng mga ito, kaya hindi tayo maaaring maging masyadong sabik na matapos. Dapat nating pagsikapan ang mga salita ng Diyos, bulaying madalas ang mga ito at manalangin tungkol sa mga ito, at buong sikap na unawain ang mga katotohanan sa loob ng mga ito. Dapat din nating isagawa ang mga salita ng Diyos sa ating pang-araw-araw na mga buhay, iniisip ang tungkol sa mga ito ang pumapasok sa mga ito nang sabay. Pagkatapos itong isagawa sa loob ng ilang panahon, mauunawaan natin at malalaman nang husto ang katotohanan nang dahan dahan, at magbubunga ito ng pagkaunawa sa katotohanan.
Ito ang tatlong panuntunan sa pagbabasa ng Banal na Kasulatan. Sa pagsasagawa sa tatlong panuntunang ito, anumang mga usapin ang mayroon tayo ukol sa kawalan ng pagpapalinaw sa ating pagbabasa o kawalan ng kasiyahang espiritwal ay malulutas, at maaari tayong lumago sa ating mga espiritwal na buhay.
Mga mahal na kapatid, ano pa ang hinihintay ninyo? Subukan na ito!
Matuto nang higit pa sa pahina Pag-aaral ng Biblia: