Menu

Susunod

Araw-araw na mga Salita ng Diyos: Ang Pagkakatawang-tao | Sipi 134

712 2020-08-27

Ano ang dapat mong malaman tungkol sa praktikal na Diyos? Ang Espiritu, ang Persona, at ang Salita ang bumubuo sa praktikal na Diyos Mismo, at ito ang tunay na kahulugan ng praktikal na Diyos Mismo. Kung kilala mo lamang ang Persona—kung alam mo ang Kanyang mga gawi at personalidad—ngunit hindi alam ang gawain ng Espiritu, o kung ano ang ginagawa ng Espiritu sa katawang-tao, at kung binibigyang-pansin mo lamang ang Espiritu, at ang Salita, at nananalangin lamang sa Espiritu, ngunit hindi alam ang gawain ng Espiritu ng Diyos sa praktikal na Diyos, nagpapatunay pa rin ito na hindi mo kilala ang praktikal na Diyos. Kabilang sa kaalaman sa praktikal na Diyos ang pagkaalam at pagdanas ng Kanyang mga salita, at pag-unawa sa mga patakaran at mga prinsipyo ng gawain ng Banal na Espiritu at kung paano gumagawa ang Espiritu ng Diyos sa katawang-tao. Kabilang din dito ang pagkaalam na pinamamahalaan ng Espiritu ang bawat pagkilos ng Diyos sa katawang-tao, at na direktang pagpapahayag ng Espiritu ang mga salitang sinasabi Niya. Sa gayon, upang makilala ang praktikal na Diyos, pinakamahalagang malaman kung paanong gumagawa ang Diyos sa pagkatao at sa pagka-Diyos; pumapatungkol naman ito sa mga pagpapahayag ng Espiritu, kung saan nakikipag-ugnayan ang lahat ng tao.

Ano ang mga aspeto ng mga pagpapahayag ng Espiritu? Kung minsan, gumagawa ang Diyos sa pagkatao, at kung minsan sa pagka-Diyos—ngunit sa parehong pagkakataon ang Espiritu ang namumuno. Anuman ang espiritu sa loob ng mga tao, gayon ang panlabas na kahayagan nila. Gumagawa nang normal ang Espiritu, ngunit mayroong dalawang bahagi sa Kanyang pangangasiwa sa pamamagitan ng Espiritu: ang gawain Niya sa pagkatao ang isang bahagi, at ang gawain Niya sa pamamagitan ng pagka-Diyos ang isa. Dapat mong malaman ito nang malinaw. Nag-iiba ang gawain ng Espiritu ayon sa mga pangyayari: Kapag kinakailangan ang Kanyang gawaing pantao, pinangangasiwaan ng Espiritu ang gawaing pantaong ito, at kapag kinakailangan ang Kanyang gawain sa pagka-Diyos, direktang nagpapakita ang pagka-Diyos upang isakatuparan ito. Dahil gumagawa sa katawang-tao at nagpapakita sa katawang-tao ang Diyos, parehong gumagawa Siya sa pagkatao at sa pagka-Diyos. Ang Kanyang gawain sa pagkatao ay pinangangasiwaan ng Espiritu at ginagawa upang matugunan ang mga pangangailangang panlaman ng mga tao, upang mapadali ang pakikipag-ugnayan nila sa Kanya, upang tulutan silang mapagmasdan ang realidad at pagiging karaniwan ng Diyos, at upang tulutan silang makita na dumating sa katawang-tao ang Espiritu ng Diyos at kasama ng tao, nabubuhay kasama ng tao, at nakikipag-ugnayan sa tao. Ginagawa ang gawain Niya sa pagka-Diyos upang makapaglaan para sa buhay ng mga tao at upang gabayan ang mga tao sa lahat ng bagay mula sa positibong panig, na binabago ang mga disposisyon ng mga tao at tinutulutan silang tunay na mapagmasdan ang pagpapakita ng Espiritu sa katawang-tao. Sa pangunahin, direktang nakakamit ang paglago sa buhay ng tao sa pamamagitan ng gawain at mga salita ng Diyos sa pagka-Diyos. Kung tinanggap ng mga tao ang gawain ng Diyos sa pagka-Diyos, saka lamang nila makakamit ang mga pagbabago sa disposisyon nila, at saka lamang sila mabubusog sa espiritu nila; dagdag pa rito, kung mayroong gawain sa pagkatao—ang pagpapastol, pag-alalay, at paglalaan ng Diyos sa pagkatao—saka lamang lubos na matatamo ang mga bunga ng gawain ng Diyos. Gumagawa ang praktikal na Diyos Mismo na yaong pinag-uusapan ngayon sa parehong pagkatao at sa pagka-Diyos. Sa pamamagitan ng pagpapakita ng praktikal na Diyos, natatamo ang Kanyang normal na gawaing pantao at buhay at ang Kanyang gawain sa ganap na pagka-Diyos. Pinagsama bilang isa ang Kanyang pagkatao at pagka-Diyos, at nagagawa ang parehong gawain sa pamamagitan ng mga salita; maging sa pagkatao o pagka-Diyos man, nagpapahayag Siya ng mga salita. Kapag gumagawa sa pagkatao ang Diyos, nagsasalita Siya sa wika ng pagkatao, upang magawang makipag-ugnayan at maunawaan ng mga tao. Malinaw na binibigkas at madaling maunawaan ang Kanyang mga salita, upang maipagkaloob ang mga ito sa lahat ng tao; may taglay mang kaalaman ang mga tao o mabababa ang pinag-aralan, makatatanggap silang lahat ng mga salita ng Diyos. Naisasakatuparan din ang gawain ng Diyos sa pagka-Diyos sa pamamagitan ng mga salita, ngunit puno ito ng pantustos, puno ito ng buhay, wala itong dungis ng mga ideyang pantao, hindi rito kasangkot ang mga kagustuhan ng tao, at wala itong mga limitasyong pantao, nasa labas ito ng hangganan ng anumang normal na pagkatao; isinasakatuparan ito sa katawang-tao, ngunit direkta itong pagpapahayag ng Espiritu. Kung tatanggapin lamang ng mga tao ang gawain ng Diyos sa pagkatao, maikukulong nila ang mga sarili nila sa isang tiyak na saklaw, at sa gayon mangangailangan ng palagiang pakikitungo, pagpupungos, at disiplina upang magkaroon ng kahit bahagyang pagbabago sa kanila. Subalit, kung wala ang gawain o presensiya ng Banal na Espiritu, palagi silang babalik sa mga dati nilang gawi; sa pamamagitan lamang ng gawain ng pagka-Diyos maitatama ang mga karamdaman at mga kakulangang ito, at saka lamang magagawang ganap ang mga tao. Sa halip na patuloy na pakikitungo at pagpupungos, ang kinakailangan ay ang positibong paglalaan, paggamit ng mga salita upang makabawi sa lahat ng pagkukulang, paggamit ng mga salita upang ibunyag ang bawat kalagayan ng mga tao, paggamit ng mga salita upang pangasiwaan ang mga buhay nila, ang bawat pagpapahayag nila, ang bawat pagkilos nila, upang ilantad ang mga layunin at mga pangganyak nila. Ito ang tunay na gawain ng praktikal na Diyos. Sa gayon, sa saloobin mo sa praktikal na Diyos, dapat kang magpasakop agad sa pagkatao Niya, kilalanin at tanggapin Siya, at higit pa rito dapat mong tanggapin at sundin ang Kanyang gawain at mga salita sa pagka-Diyos. Ang pagpapakita ng Diyos sa katawang-tao ay nangangahulugang lahat ng gawain at mga salita ng Espiritu ng Diyos ay ginagawa sa pamamagitan ng Kanyang normal na pagkatao at sa pamamagitan ng Kanyang nagkatawang-taong laman. Sa madaling salita, pinangangasiwaan agad ng Espiritu ng Diyos ang Kanyang gawaing pantao at ipinatutupad ang gawain ng pagka-Diyos sa katawang-tao, at sa Diyos na nagkatawang-tao ay pareho mong makikita ang gawain ng Diyos sa pagkatao at ang Kanyang gawain sa ganap na pagka-Diyos. Ito ang aktwal na kabuluhan ng pagpapakita ng praktikal na Diyos sa katawang-tao. Kung nakikita mo ito nang malinaw, magagawa mong pagdugtungin ang lahat ng iba’t ibang bahagi ng Diyos; titigil ka sa pagbibigay ng hindi karapat-dapat na pagpapahalaga sa Kanyang gawain sa pagka-Diyos, at titigil ka sa pagtingin sa Kanyang gawain sa pagkatao nang may hindi karapat-dapat na pagwawalang-bahala, at hindi ka na tutungo sa mga kalabisan, ni liliko kung saan-saan. Sa kabuuan, ang kahulugan ng praktikal na Diyos ay na ang gawain ng Kanyang pagkatao at ng Kanyang pagka-Diyos, sa pangangasiwa ng Espiritu, ay ipinahahayag sa pamamagitan ng Kanyang katawang-tao, upang makita ng mga tao na Siya ay maliwanag at makatotohanan, at tunay at totoo.

Mayroong mga yugto ng pagbabago ang gawain ng Espiritu ng Diyos sa pagkatao. Sa pagpeperpekto sa pagkatao, binibigyang-kakayahan Niya ang Kanyang pagkatao na makatanggap ng pangangasiwa ng Espiritu, at pagkatapos nito ay nakapaglalaan at nakapagpapastol ang Kanyang pagkatao sa mga iglesia. Isa itong pagpapahayag ng normal na gawain ng Diyos. Sa gayon, kung malinaw mong nakikita ang mga prinsipyo ng gawain ng Diyos sa pagkatao, malamang na hindi ka magkikimkim ng mga kuru-kuro tungkol sa gawain ng Diyos sa pagkatao. Anupaman, hindi maaaring magkamali ang Espiritu ng Diyos. Tama Siya at walang kamalian; hindi Siya gumagawa ng anumang bagay nang hindi tama. Direktang pagpapahayag ng kalooban ng Diyos ang gawain sa pagka-Diyos, na walang panghihimasok ng pagkatao. Hindi ito sumasailalim sa pagpeperpekto, kundi direktang nagmumula sa Espiritu. Gayunpaman, ang katotohanang maaari Siyang gumawa sa pagka-Diyos ay dahil sa Kanyang normal na pagkatao; hindi ito higit sa karaniwan ni paano man, at tila isinasakatuparan ito ng isang normal na tao. Bumaba ang Diyos sa lupa mula sa langit pangunahin upang ipahayag ang mga salita ng Diyos sa pamamagitan ng katawang-tao, upang gawing ganap ang gawain ng Espiritu ng Diyos sa pamamagitan ng katawang-tao.

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Dapat Mong Malaman na ang Praktikal na Diyos ay ang Diyos Mismo

Mag-iwan ng Tugon