Menu

Araw-araw na mga Salita ng Diyos: Pagkilala sa Gawain ng Diyos | Sipi 145 Araw-araw na mga Salita ng Diyos: Pagkilala sa Gawain ng Diyos | Sipi 145
00:00/ 00:00

Araw-araw na mga Salita ng Diyos: Pagkilala sa Gawain ng Diyos | Sipi 145

00:00
00:00

Kung paano ka man naghahangad, dapat mong maunawaan, higit sa lahat, ang gawain na ginagawa ng Diyos ngayon, at dapat mong malaman ang kabuluhan ng gawaing ito. Dapat mong maunawaan at malaman kung anong gawain ang dala-dala ng Diyos sa Kanyang pagdating sa mga huling araw, kung anong disposisyon ang hatid Niya, at kung ano ang gagawing ganap sa tao. Kung hindi mo alam o nauunawaan ang gawaing Kanyang gagawin bilang katawang-tao, paano mo mauunawaan ang Kanyang kalooban, at paano ka magiging kaniig Niya? Sa katunayan, hindi masalimuot ang pagiging kaniig ng Diyos, at hindi rin naman payak. Kung kaya ng mga tao na maunawaan itong lubusan at maisagawa ito, nawawala ang pagkamasalimuot nito; kung hindi ito kayang maunawaan nang lubusan ng mga tao, higit itong nagiging mahirap, at higit pa riyan, nanganganib na mauwi sa kalabuan ang kanilang paghahangad. Kung sa paghahangad sa Diyos ay walang maging sariling sandigan ang mga tao at hindi nila alam kung anong katotohanan ang dapat panghawakan, nangangahulugan ito na wala silang saligan, kaya’t magiging mahirap para sa kanila ang manindigan. Sa ngayon, napakaraming hindi nakauunawa sa katotohanan, hindi nakakikilala sa kaibhan ng mabuti at masama o nakapagsasabi kung ano ang iibigin o kamumuhian. Ang gayong mga tao ay mahihirapang makapaninindigan. Susi sa paniniwala sa Diyos ang kakayahang isagawa ang katotohanan, mapangalagaan ang kalooban ng Diyos, malaman ang gawain ng Diyos sa tao kapag Siya ay nagkatawang-tao at ang mga prinsipyo na sa pamamagitan ng mga ito ay nagsasalita Siya. Huwag sumunod sa masa. Dapat kang magkaroon ng mga prinsipyo hinggil sa kung ano ang nararapat mong pasukin, at dapat mong panghawakan ang mga ito. Ang mahigpit na paghawak sa mga bagay na yaon sa kalooban mo na dinala ng kaliwanagan ng Diyos ay makatutulong sa iyo. Kung hindi, liliko ka sa isang direksyon ngayon, at bukas naman ay sa ibang direksyon, kailanman ay wala kang makakamit na anumang totoo. Ang pagiging ganito ay walang pakinabang sa iyong buhay. Yaong mga hindi nakauunawa sa katotohanan ay laging sumusunod sa iba: Kung sinasabi ng mga tao na ito ang gawain ng Banal na Espiritu, ikaw man ay magsasabi rin na ito ay gawain ng Banal na Espiritu; kung sinasabi ng mga tao na ito ay gawain ng masamang espiritu, mag-aalinlangan ka na rin o sasabihin rin na ito ay gawain ng masamang espiritu. Lagi mong ginagaya ang mga sinasabi ng iba, at hindi mo kayang kumilala mag-isa ng kaibhan ng kahit ano, ni hindi mo kayang mag-isip para sa iyong sarili. Ito ay isang tao na walang paninindigan, na hindi kayang kumilala ng pagkakaiba—ang gayong tao ay walang-halaga at napakasamang tao! Lagi mong inuulit ang mga sinasabi ng iba: Sinasabi ngayon na ito ang gawain ng Banal na Espiritu, ngunit malamang na balang araw ay may magsasabi na hindi ito gawain ng Banal na Espiritu, na ito sa katunayan ay walang iba kundi mga gawa ng tao—ngunit hindi mo ito mahiwatigan, at kapag nasaksihan mong sinasabi ito ng iba, sinasabi mo rin ang gayong bagay. Ito ay talagang gawain ng Banal na Espiritu, ngunit sinasabi mo na gawain ito ng tao; hindi kaya naging isa ka na sa mga lumalapastangan sa gawain ng Banal na Espiritu? Sa bagay na ito, hindi ba’t sumasalungat ka na sa Diyos dahil hindi mo kayang tukuyin ang pagkakaiba? Marahil, may isang hangal na susulpot isang araw at magsasabing “ito ay gawain ng masamang espiritu,” at kapag narinig mo ang mga salitang ito, hindi mo na alam ang gagawin, at muli kang magagapos sa mga sinasabi ng iba. Tuwing may nagpapasimuno ng ligalig, hindi mo magawang manindigan, at ito ay dahil hindi mo taglay ang katotohanan. Ang paniniwala sa Diyos at paghahangad na makilala ang Diyos ay hindi isang madaling bagay. Hindi ito matatamo sa pagtitipon-tipon lamang at pakikinig sa pangangaral, at hindi ka mapeperpekto sa pamamagitan ng bugso ng damdamin lamang. Dapat mong maranasan, at malaman, at magtaglay ng prinsipyo sa iyong mga pagkilos, at makamit ang gawain ng Banal na Espiritu. Kapag sumailalim ka na sa mga karanasan, makakaya mong kilalanin ang maraming bagay—makakaya mong kilalanin ang pagkakaiba ng mabuti at masama, ng katuwiran at kasamaan, ng kung ano ang sa laman at dugo at kung ano ang sa katotohanan. Dapat mong makilala ang pagkakaiba ng mga bagay na ito, at sa pagsasagawa nito, anuman ang mangyari, hindi ka kailanman maliligaw. Ito lamang ang iyong totoong katayuan.

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Tanging ang mga Nakakikilala sa Diyos at Nakaaalam sa Kanyang Gawain ang Makapagbibigay-lugod sa Diyos

Mag-iwan ng Tugon