Menu

Susunod

Araw-araw na mga Salita ng Diyos: Disposisyon ng Diyos at Kung Ano ang Mayroon Siya at Ano Siya | Sipi 262

1,153 2020-11-12

Bilang mga miyembro ng sangkatauhan at tapat na mga Kristiyano, pananagutan at obligasyon nating lahat na ialay ang ating isipan at katawan para sa katuparan ng tagubilin ng Diyos, dahil ang ating buong pagkatao ay nagmula sa Diyos, at ito ay umiiral salamat sa kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos. Kung ang mga isipan at katawan natin ay hindi para sa tagubilin ng Diyos at hindi para sa matuwid na kapakanan ng sangkatauhan, ang ating mga kaluluwa’y makakaramdam ng pagiging hindi karapat-dapat sa mga taong naging martir para sa tagubilin ng Diyos, at mas hindi karapat-dapat sa Diyos, na naglaan sa atin ng lahat ng bagay.

Nilikha ng Diyos ang mundong ito, nilikha Niya ang sangkatauhang ito, at bukod dito, Siya ang arkitekto ng sinaunang kulturang Griyego at sibilisasyon ng tao. Ang Diyos lamang ang umaaliw sa sangkatauhang ito, at ang Diyos lamang ang nagmamalasakit sa sangkatauhang ito gabi’t araw. Ang pag-unlad at paglago ng tao ay hindi mapaghihiwalay mula sa kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos, at ang kasaysayan at hinaharap ng sangkatauhan ay hindi mailalabas mula sa mga disenyo ng Diyos. Kung ikaw ay isang tunay na Kristiyano, ikaw ay tiyak na maniniwala na ang pagbangon at pagbagsak ng anumang bayan o bansa ay nangyayari ayon sa mga disenyo ng Diyos. Diyos lamang ang nakakaalam sa kapalaran ng isang bayan o bansa, at Diyos lamang ang namamahala sa landasin ng sangkatauhang ito. Kung ang sangkatauhan ay nais na magkaroon ng isang magandang kapalaran, kung ang isang bayan ay nais na magkaroon ng isang magandang kapalaran, ang tao ay dapat na yumuko sa Diyos sa pagsamba, magsisi at mangumpisal sa harap ng Diyos, at kung hindi, ang magiging kapalaran at hantungan ng tao ay isang hindi maiiwasang sakuna.

Magbalik-tanaw sa panahon ng arko ni Noe: Ang sangkatauhan ay lubhang tiwali, ang mga tao ay lumayo sa pagpapala ng Diyos, hindi na pinangangalagaan ng Diyos, at nawalan ng mga ipinangako ng Diyos. Sila ay nanirahan sa kadiliman, nang wala ang liwanag ng Diyos. Kaya sila ay naging likas na mahalay at hinayaan ang kanilang sarili na mauwi sa kakila-kilabot na kasamaan. Ang ganitong mga tao ay hindi na maaaring makatanggap ng pangako ng Diyos; hindi na nila karapat-dapat na masaksihan ang mukha ng Diyos, o kaya ay marinig ang tinig ng Diyos, sapagkat tinalikuran nila ang Diyos, isinantabi ang lahat ng Kanyang ipinagkaloob sa kanila, at kinalimutan ang mga turo ng Diyos. Ang kanilang puso ay lumihis papalayo nang papalayo mula sa Diyos, at dahil dito, sila ay naging ubod ng sama nang higit pa sa lahat ng katwiran at pagkatao, at lalo pang nagiging masama. Kaya sila ay naging mas malapit sa kamatayan at sumailalim sa poot at kaparusahan ng Diyos. Si Noe lamang ang sumamba sa Diyos at umiwas sa kasamaan, kung kaya’t narinig niya ang tinig ng Diyos at ang Kanyang mga tagubilin. Kanyang itinayo ang arko ayon sa mga tagubilin ng salita ng Diyos, at tinipon ang lahat ng uri ng buhay na nilalang. At sa ganitong paraan, nang maihanda na ang lahat ng bagay, pinakawalan ng Diyos ang Kanyang pagwasak sa mundo. Si Noe lamang at ang pitong miyembro ng kanyang pamilya ang nakaligtas sa pagkawasak, dahil sumamba si Noe kay Jehova at umiwas sa kasamaan.

Pagkatapos ay tumingin sa kasalukuyang panahon: Ang matuwid na tao na kagaya ni Noe, na kayang sumamba sa Diyos at umiwas sa kasamaan, ay hindi na umiiral. Ngunit ang Diyos ay nagpakita pa rin ng magandang-loob sa sangkatauhang ito, at pinawalang-sala pa rin sila sa huling panahong ito. Hinahanap ng Diyos ang mga taong nag-aasam na Siya’y magpakita. Hinahanap Niya sila na may-kakayahang makinig sa Kanyang mga salita, mga hindi nakalimot sa Kanyang tagubilin, at naghahandog ng kanilang puso at katawan sa Kanya. Hinahanap Niya ang mga kasing masunurin ng mga bata sa Kanyang harapan, at hindi Siya kakalabanin. Kung ilalaan mo ang iyong sarili sa Diyos, hindi nahahadlangan ng anumang kapangyarihan o puwersa, titingnan ka ng Diyos nang may pabor at ipagkakaloob sa iyo ang Kanyang mga pagpapala. Kung ikaw ay may mataas na katayuan, may marangal na reputasyon, may saganang kaalaman, nagmamay-ari ng napakaraming ari-arian, at suportado ng maraming tao, subalit hindi ka napipigilan ng mga bagay na ito na humarap sa Diyos upang tanggapin ang Kanyang pagtawag at ang Kanyang tagubilin, at gawin kung ano ang hinihingi ng Diyos sa iyo, ang lahat ng iyong ginagawa ay magiging pinakamakabuluhan sa lupa at pinakamatuwid na gawain ng sangkatauhan. Kung tatanggihan mo ang tawag ng Diyos para sa kapakanan ng katayuan at sarili mong mga layunin, lahat ng iyong gagawin ay susumpain at kamumuhian pa ng Diyos. Maaaring ikaw ay isang presidente, isang siyentipiko, isang pastor, o isang nakatatandang pinuno, ngunit gaano pa man kataas ang iyong katungkulan, kung umaasa ka sa iyong kaalaman at kakayahan sa iyong mga ginagawa, ikaw ay palaging magiging bigo, at palaging mawawalan ng pagpapala ng Diyos, sapagkat hindi tinatanggap ng Diyos ang anumang ginagawa mo, at hindi Niya kinikilala na ang iyong ginagawa ay matuwid, o kaya ay tinatanggap na ikaw ay kumikilos para sa kapakinabangan ng sangkatauhan. Sasabihin Niya na ang lahat ng bagay na ginagawa mo ay para sa paggamit ng kaalaman at lakas ng sangkatauhan upang ilayo sa tao ang pag-iingat ng Diyos, at na ginagawa ito upang itatwa ang mga pagpapala ng Diyos. Sasabihin Niya na dinadala mo ang sangkatauhan patungo sa kadiliman, patungo sa kamatayan, at patungo sa simula ng isang pag-iral na walang limitasyon kung saan hindi matatagpuan ng tao ang Diyos at ang Kanyang pagpapala.

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Apendise 2: Ang Diyos ang Namumuno sa Kapalaran ng Buong Sangkatauhan

Mag-iwan ng Tugon