Araw-araw na mga Salita ng Diyos: Mga Hiwaga Tungkol sa Biblia | Sipi 270
Ang Biblia ay tinatawag din na Luma at Bagong Tipan. Alam ba ninyo kung ano ang tinutukoy ng “tipan”? Ang “tipan” sa Lumang Tipan ay mula sa kasunduan ni Jehova sa bayan ng Israel nang patayin Niya ang mga taga-Egipto at iligtas ang mga Israelita mula sa Faraon. Siyempre pa, ang patunay ng kasunduang ito ay ang dugo ng tupa na ipinahid sa itaas ng mga pintuan, na sa pamamagitan nito’y nagtatag ang Diyos ng kasunduan sa tao, kung saan sinabi na ang lahat ng may dugo ng tupa sa itaas at mga gilid ng pintuan ay mga Israelita, sila ang hinirang na bayan ng Diyos, at silang lahat ay ililigtas ni Jehova (sapagkat papatayin na ni Jehova noon ang lahat ng panganay na lalaki ng Egipto at panganay na mga tupa at baka). Ang kasunduang ito ay may dalawang antas ng kahulugan. Walang tao o mga alagang hayop ng Egipto ang ililigtas ni Jehova; papatayin Niya ang lahat ng kanilang panganay na lalaki at panganay na mga tupa at baka. Kaya, sa maraming aklat ng propesiya inihula na ang mga taga-Egipto ay matinding kakastiguhin bilang resulta ng kasunduan ni Jehova. Ito ang unang antas ng kahulugan ng kasunduan. Pinatay ni Jehova ang mga panganay na lalaki ng Egipto at ang lahat ng panganay na alagang hayop, at iniligtas Niya ang lahat ng Israelita, na nangangahulugang ang lahat ng tao sa lupain ng Israel ay itinangi ni Jehova, at ang lahat ay maliligtas; ninais Niyang gumawa ng pangmatagalang gawain sa kanila, at itinatag ang kasunduan sa kanila gamit ang dugo ng tupa. Simula noon, hindi papatayin ni Jehova ang mga Israelita, at sinabi na sila ang Kanyang mga hinirang magpakailanman. Mula sa labindalawang tribo ng Israel, sisimulan Niya ang Kanyang gawain sa buong Kapanahunan ng Kautusan, ilalatag Niya ang lahat ng Kanyang batas sa mga Israelita, at pipili mula sa kanila ng mga propeta at mga hukom, at sila ang magiging sentro ng Kanyang gawain. Nakipagkasundo si Jehova sa kanila: Malibang magbago ang kapanahunan, Siya ay gagawa lamang sa gitna ng mga hinirang. Ang kasunduan ni Jehova ay hindi nababago, dahil ito ay isinakatuparan sa dugo, at itinatag sa Kanyang hinirang na bayan. Higit pa rito, pumili Siya ng naaangkop na saklaw at layon na dapat pagmulan ng Kanyang gawain para sa buong kapanahunan, at sa gayon nakita ng mga tao ang kasunduan na lalong mahalaga. Ito ang ikalawang antas ng kahulugan ng kasunduan. Maliban sa Genesis, na nauna pa sa pagtatatag ng kasunduan, itinatala ng lahat ng iba pang mga aklat sa Lumang Tipan ang gawain ng Diyos sa gitna ng mga Israelita pagkatapos ng pagtatatag ng kasunduan. Siyempre, may mga paminsan-minsang salaysay tungkol sa mga Gentil, ngunit sa pangkalahatan, ang Lumang Tipan ay nagsasaad ng gawain ng Diyos sa Israel. Dahil sa kasunduan ni Jehova sa mga Israelita, ang mga aklat na isinulat sa Kapanahunan ng Kautusan ay tinatawag na Lumang Tipan. Ang mga ito ay ipinangalan mula sa kasunduan ni Jehova sa mga Israelita.
Ang Bagong Tipan ay ipinangalan mula sa pagdanak ng dugo ni Jesus sa krus at sa Kanyang kasunduan sa lahat ng naniniwala sa Kanya. Ang kasunduan ni Jesus ay ito: Ang mga tao ay kailangan lamang maniwala sa Kanya upang mapatawad ang kanilang mga kasalanan dahil sa pagdanak ng Kanyang dugo, at sa gayon ay maliligtas sila, at isisilang muli sa pamamagitan Niya, at hindi na magiging mga makasalanan; ang mga tao ay kailangan lamang maniwala sa Kanya upang matanggap ang Kanyang biyaya, at hindi magdusa sa impiyerno pagkatapos nilang mamatay. Ang lahat ng aklat na isinulat noong Kapanahunan ng Biyaya ay dumating pagkatapos ng kasunduang ito, at lahat ng ito ay isinasaad ang gawain at mga pagbigkas na nakapaloob dito. Hindi lumalagpas ang mga ito sa pagliligtas ng pagkapako sa krus ng Panginoong Jesus o sa kasunduan; itong lahat ay mga aklat na isinulat ng mga kapatid sa Panginoon na nagkaroon ng mga karanasan. Kaya, ang mga aklat na ito ay ipinangalan din mula sa isang kasunduan: Tinatawag silang ang Bagong Tipan. Ang dalawang tipan na ito ay sinasaklaw lamang ang Kapanahunan ng Kautusan at ang Kapanahunan ng Biyaya, at walang kaugnayan sa huling kapanahunan. Kaya’t ang Biblia ay walang malaking gamit para sa mga tao ngayong mga huling araw. Masasabi lang na nagsisilbi ito bilang pansamantalang sanggunian, ngunit ito ay talagang walang gaanong halagang gamitin. Datapwa’t ito pa rin ang pinakaiingat-ingatan ng mga relihiyosong tao. Hindi nila alam ang Biblia; alam lamang nila kung paano ipaliwanag ang Biblia, ngunit walang malay sa mga pinagmulan nito. Ang kanilang saloobin sa Biblia ay: Lahat na nasa Biblia ay tama, wala itong nilalaman na mga di-kawastuan o mga pagkakamali. Dahil una na nilang napagpasyahan na ang Biblia ay tama at walang pagkakamali, pinag-aaralan nila at sinusuri ito nang may malaking interes. Ang kasalukuyang yugto ng gawain ay hindi inihula sa Biblia. Hindi kailanman nabanggit ang gawaing paglupig sa pinakamadilim na lugar, dahil ito ang pinakabagong gawain. Sapagkat ang kapanahunan ng gawain ay naiiba, kahit si Jesus Mismo ay hindi alam na ang yugtong ito ng gawain ay gagawin sa mga huling araw—kung magkagayon, paano mahahanap ng mga tao sa mga huling araw ang yugtong ito ng gawain sa Biblia sa pamamagitan ng pagsusuri rito?
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Tungkol sa Bibliya 2