Menu

Araw-araw na mga Salita ng Diyos: Paglalantad ng Katiwalian ng Sangkatauhan | Sipi 305 Araw-araw na mga Salita ng Diyos: Paglalantad ng Katiwalian ng Sangkatauhan | Sipi 305
00:00/ 00:00

Araw-araw na mga Salita ng Diyos: Paglalantad ng Katiwalian ng Sangkatauhan | Sipi 305

00:00
00:00

Lagi ninyong inaasam na makita si Cristo, ngunit hinihimok Ko kayo na huwag ninyong masyadong pahalagahan nang husto ang inyong sarili; maaaring makita ng sinuman si Cristo, ngunit sinasabi Ko na walang sinuman ang karapat-dapat na makita si Cristo. Dahil ang likas na pagkatao ng tao ay punung-puno ng kasamaan, kayabangan, at pagkasuwail, sa sandaling makita mo si Cristo, ang iyong likas na pagkatao ay wawasakin at susumpain ka hanggang kamatayan. Ang iyong pakikisama sa isang kapatid na lalaki (o babae) ay maaaring walang gaanong maipakita tungkol sa iyo, ngunit hindi gayon kasimple kapag nakisama ka kay Cristo. Anumang oras, maaaring yumabong ang iyong mga kuru-kuro, magsimulang umusbong ang iyong kayabangan, at magbunga ng mga igos ang iyong pagkasuwail. Paano ka magiging marapat na makisama kay Cristo kung ganoon ang pagkatao mo? Talaga bang nagagawa mo Siyang tratuhin bilang Diyos sa bawat sandali ng bawat araw? Talaga bang magkakaroon ka ng realidad ng pagpapasakop sa Diyos? Sinasamba ninyo ang matayog na Diyos sa kaibuturan ng inyong puso bilang si Jehova samantalang itinuturing ninyong tao ang Cristong nakikita. Napakaliit ng inyong katinuan at napakababa ng inyong pagkatao! Hindi ninyo kayang ituring palagi si Cristo bilang Diyos; paminsan-minsan lamang kayo nangungunyapit sa Kanya, kapag gusto ninyo, at sumasamba sa Kanya bilang Diyos. Ito ang dahilan kaya Ko sinasabi na hindi kayo mga mananampalataya ng Diyos, kundi isang barkadahan ng magkakasabwat na lumalaban kay Cristo. Kahit ang mga taong nagpapakita ng kabaitan sa iba ay sinusuklian, subalit si Cristo, na nakagawa ng gayong gawain sa inyo, ay hindi natanggap ang pagmamahal ng tao ni ang kanyang kabayaran at pagpapasakop. Hindi ba ito nakakadurog ng puso?

Maaaring sa lahat ng taon ng pagsampalataya mo sa Diyos, hindi ka pa nakasumpa ng sinuman o nakagawa ng masama kailanman, subalit sa pakikisama mo kay Cristo, hindi mo kayang magsabi ng katotohanan, kumilos nang tapat, o sumunod sa salita ni Cristo; kung gayon, sinasabi Ko na ikaw ang pinakamasama at mapaminsalang tao sa mundo. Maaaring napakabait mo at tapat ka sa iyong mga kamag-anak, kaibigan, asawa, anak, at magulang, at hindi ka nagsasamantala sa iba kailanman, ngunit kung hindi mo kayang umayon kay Cristo, kung hindi mo magawang makihalubilo sa Kanya nang maayos, kahit gugulin mo pa ang iyong lahat-lahat sa pagtulong sa iyong mga kapitbahay o sa masusing pag-aalaga sa iyong ama, ina, at mga miyembro ng inyong sambahayan, sasabihin Ko na masama ka pa rin, at bukod dito ay puno ka ng mga tusong panlilinlang. Huwag mong isiping nakaayon ka kay Cristo dahil lamang sa kasundo mo ang iba at gumagawa ka ng ilang mabubuting gawa. Akala mo ba makukuha mo nang may pandaraya ang pagpapala ng Langit dahil sa iyong mapagkawanggawang hangarin? Akala mo ba ang paggawa ng ilang mabubuting gawa ay kapalit ng iyong pagsunod? Walang isa man sa inyo ang nagagawang tumanggap ng pagwawasto at pagtatabas, at nahihirapan kayong lahat na tanggapin ang normal na pagkatao ni Cristo, sa kabila ng patuloy ninyong pagbabandera ng inyong pagsunod sa Diyos. Ang pananampalatayang tulad ng sa inyo ay magbababa ng isang angkop na ganti. Tigilan ninyo ang paglulunoy sa kasiya-siyang mga ilusyon at pag-asam na makita si Cristo, sapagkat napakaliit ng inyong tayog, kaya nga ni hindi kayo karapat-dapat na makita Siya. Kapag ganap ka nang nalinis mula sa iyong pagkasuwail, at kaya mo nang umayon kay Cristo, sa sandaling iyon ay natural na magpapakita ang Diyos sa iyo. Kung makikipagkita ka sa Diyos nang hindi pa sumasailalim sa pagtatabas o paghatol, siguradong magiging kalaban ka ng Diyos at nakatadhana kang wasakin. Ang pagkatao ng tao ay likas na palaban sa Diyos, sapagkat lahat ng tao ay sumailalim na sa pinakamatinding pagtitiwali ni Satanas. Kung susubukan ng tao na makisama sa Diyos sa gitna ng sarili niyang katiwalian, tiyak na walang buti itong maibubunga; ang kanyang mga kilos at salita ay siguradong ilalantad ang kanyang katiwalian sa bawat pagkakataon, at sa pakikisama sa Diyos ang kanyang pagkasuwail ay mabubunyag sa lahat ng aspeto nito. Hindi namamalayan, dumarating ang tao upang kalabanin si Cristo, linlangin si Cristo, at talikuran si Cristo; kapag nangyari ito, mas manganganib ang tao at, kung magpapatuloy ito, magiging pakay siya ng kaparusahan.

Maaaring naniniwala ang ilan na, kung masyadong mapanganib ang makisama sa Diyos, mas mabuti pa sigurong manatiling malayo sa Diyos. Ano ang posibleng mapala ng mga taong kagaya nito? Maaari ba silang maging tapat sa Diyos? Panigurado, napakahirap makisama sa Diyos—ngunit iyan ay dahil tiwali ang tao, hindi dahil hindi nagagawang makisama ng Diyos sa kanya. Ang pinakamabuting gawin ay maglaan kayo ng higit na pagsisikap sa katotohanan ng pagkilala sa sarili. Bakit hindi kayo nagugustuhan ng Diyos? Bakit kasuklam-suklam sa Kanya ang inyong disposisyon? Bakit pinupukaw ng inyong pananalita ang Kanyang galit? Sa sandaling magpamalas kayo ng katiting na katapatan, pinupuri ninyo ang inyong sarili, at humihingi kayo ng gantimpala para sa maliit na ambag; hinahamak ninyo ang iba kapag nakapagpakita kayo ng kaunting pagsunod, at nawawalan kayo ng galang sa Diyos kapag may simpleng gawain kayong naisasakatuparan. Sa pagtanggap sa Diyos, humihingi kayo ng pera, mga regalo, at mga papuri. Masakit sa inyo ang magbigay ng isa o dalawang barya; kapag nagbigay kayo ng sampu, umaasam kayo ng mga pagpapala at nais ninyong kilalanin kayo. Ang pagkataong katulad ng sa inyo ay positibong masakit sabihin o pakinggan. Mayroon bang anumang kapuri-puri sa inyong mga salita at kilos? Yaong mga gumaganap sa kanilang tungkulin at yaong mga hindi; yaong mga namumuno at yaong mga sumusunod; yaong mga tumatanggap sa Diyos at yaong mga hindi; yaong mga nag-aabuloy at yaong mga hindi; yaong mga nangangaral at yaong mga tumatanggap ng salita, at iba pa: lahat ng taong iyon ay pinupuri ang kanilang sarili. Hindi ba ito nakakatawa sa inyo? Lubos na nababatid na naniniwala kayo sa Diyos, magkagayunma’y hindi kayo nakaayon sa Diyos. Lubos na nababatid na hindi kayo karapat-dapat, patuloy pa rin kayong nagyayabang. Hindi ba ninyo nadarama na nabawasan na nang kaunti ang inyong katinuan kaya wala na kayong kontrol sa sarili? Sa ganitong katinuan, paano kayo angkop na makikisama sa Diyos? Hindi ba kayo natatakot para sa inyong mga sarili sa puntong ito? Lumala na ang inyong disposisyon hanggang sa hindi na ninyo makayang umayon sa Diyos. Dahil dito, hindi ba nakakatawa ang inyong pananampalataya? Hindi ba kahibangan ang inyong pananampalataya? Paano mo haharapin ang iyong kinabukasan? Paano ka pipili kung anong landas ang iyong tatahakin?

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Yaong mga Hindi Kaayon ni Cristo ay Tiyak na mga Kalaban ng Diyos

Mag-iwan ng Tugon