Araw-araw na mga Salita ng Diyos: Pagkilala sa Diyos | Sipi 7
Maraming Opinyon Tungkol sa Pamantayan ng Diyos sa Pagpapasya sa Kahihinatnan ng mga Tao
Dahil nag-aalala ang bawat tao sa sarili nilang kahihinatnan, alam ba ninyo kung paano pinagpapasyahan ng Diyos ang kahihinatnang iyan? Sa anong kaparaanan tinutukoy ng Diyos ang kahihinatnan ng isang tao? Bukod pa riyan, anong uri ng pamantayan ang ginagamit Niya upang mapagpasyahan ito? Kapag kailangan pang pagpasyahan ang kahihinatnan ng tao, ano ang ginagawa ng Diyos para ihayag iyon? Mayroon bang nakakaalam? Tulad ng sinabi Ko kanina, may ilan na napakatagal nang nagsasaliksik sa mga salita ng Diyos sa pagsisikap na makahanap ng mga tanda tungkol sa mga kahihinatnan ng mga tao, tungkol sa mga kategorya kung saan hinati-hati ang mga kahihinatnang ito, at tungkol sa sari-saring mga kahihinatnan na naghihintay sa iba’t ibang klase ng mga tao. Umaasa rin silang malaman kung paano ipinapataw ng salita ng Diyos ang mga kahihinatnan ng mga tao, anong uri ng pamantayan ang ginagamit Niya, at kung paano Niya talaga ipinapasya ang kahihinatnan ng isang tao. Gayunman, sa huli, hindi nahanap ng mga taong ito ang anumang mga sagot kailanman. Sa totoo lang, napaka-kaunti ng nasabi tungkol sa mga pagbigkas ng Diyos. Bakit nagkagayon? Hangga’t hindi pa inihahayag ang mga kahihinatnan ng mga tao, ayaw sabihin ng Diyos kaninuman ang mangyayari sa huli, ni ayaw Niyang ipaalam nang maaga kaninuman ang kanilang hantungan—dahil ang paggawa niyon ay walang anumang pakinabang sa sangkatauhan. Ngayon mismo, nais Ko lamang sabihin sa inyo ang tungkol sa paraan kung paano ipinapasya ng Diyos ang mga kahihinatnan ng mga tao, tungkol sa mga prinsipyong ginagamit Niya sa Kanyang gawain sa pagpapasya at pagpapamalas ng mga kahihinatnang ito, at tungkol sa pamantayang ginagamit Niya sa pagpapasya kung makakaligtas ba ang isang tao o hindi. Hindi ba ito ang mga tanong na labis ninyong ipinag-aalala? Kung gayon, paano naniniwala ang tao na ang Diyos ang nagpapasya sa mga kahihinatnan ng mga tao? Binanggit ninyo ang ilang bahagi nito ngayon lamang: Sinabi ng ilan sa inyo na may kinalaman ito sa tapat na pagganap ng isang tao sa tungkulin at paggugol para sa Diyos; sinabi ng ilan na tungkol ito sa pagpapasakop at pagpapalugod sa Diyos; sinabi ng ilan na ang isang dahilan ay ang magpasakop sa mga pagsasaayos ng Diyos; at sinabi ng ilan na ang mahalaga ay magpakumbaba…. Kapag isinagawa ninyo ang mga katotohanang ito, at kapag nagsasagawa kayo alinsunod sa mga prinsipyo na pinaniniwalaan ninyong tama, alam ba ninyo kung ano ang iniisip ng Diyos? Napag-isip-isip na ba ninyo kung ang patuloy na pamumuhay nang ganito ay nagpapalugod sa Kanyang kalooban? Tumutugon ba ito sa Kanyang pamantayan? Nagsisilbi ba ito sa Kanyang mga hinihingi? Naniniwala Ako na hindi talaga pinag-iisipan nang husto ng karamihan sa mga tao ang mga tanong na ito. Ginagamit lamang nila nang wala sa loob ang isang bahagi ng salita ng Diyos, o isang bahagi ng mga sermon, o mga pamantayan ng ilang espirituwal na taong iniidolo nila, na pinipilit ang kanilang sarili na gawin ang kung anu-ano. Naniniwala sila na ito ang tamang paraan, kaya palagi nilang sinusunod ito at ginagawa ito, anuman ang mangyari sa bandang huli. Iniisip ng ilang tao, “Napakaraming taon ko nang nanampalataya; ganito na ako magsagawa noon pa man. Pakiramdam ko talagang napalugod ko ang Diyos, at pakiramdam ko marami rin akong napala mula rito. Ito ay dahil naunawaan ko na ang maraming katotohanan sa panahong ito, gayundin ang maraming bagay na hindi ko naunawaan dati. Lalo na, marami nang nagbago sa aking mga ideya at pananaw, malaki na ang ipinagbago ng mga pinahahalagahan ko sa buong buhay ko, at medyo may maganda na akong pagkaunawa sa mundong ito.” Naniniwala ang gayong mga tao na ito ay isang pag-aani, at na ito ang huling resulta ng gawain ng Diyos para sa sangkatauhan. Sa inyong opinyon, sa mga pamantayang ito at sa lahat ng pagsasagawa ninyo kapag pinagsama-sama, pinalulugod ba ninyo ang kalooban ng Diyos? Sasabihin ng ilan sa inyo nang may lubos na katiyakan, “Siyempre! Nagsasagawa kami ayon sa salita ng Diyos; nagsasagawa kami ayon sa ipinangaral at ibinahagi ng nasa Itaas. Lagi naming ginagawa ang aming mga tungkulin at palagi naming sinusunod ang Diyos, at hindi namin Siya iniwan kailanman. Samakatuwid ay masasabi natin nang may ganap na tiwala na napapalugod namin ang Diyos. Gaano man namin nauunawaan ang Kanyang mga layunin, at gaano man namin nauunawaan ang Kanyang salita, lagi kaming nasa landas ng paghahangad na maging kaayon ng Diyos. Basta’t kumikilos kami nang tama, at nagsasagawa nang tama, malamang na makamtan namin ang tamang resulta.” Ano ang palagay ninyo sa pananaw na ito? Tama ba ito? Maaaring mayroon ding ilang nagsasabi, “Hindi ko naisip kailanman ang tungkol sa mga bagay na ito dati. Iniisip ko lamang na basta’t patuloy akong tumutupad sa aking tungkulin at kumikilos ayon sa mga hinihingi ng mga pagbigkas ng Diyos, maaari akong maligtas. Hindi ko naisaalang-alang kailanman ang tanong kung mapapalugod ko ang puso ng Diyos, ni hindi ko naisip kailanman kung natutugunan ko ang pamantayang Kanyang naitakda. Yamang walang nasabi o naibigay na anumang malilinaw na tagubilin sa akin ang Diyos, naniniwala ako na basta’t patuloy akong gumagawa at hindi ako tumitigil, malulugod ang Diyos at hindi Siya dapat gumawa ng anumang karagdagang mga hinihingi sa akin.” Tama ba ang mga paniniwalang ito? Para sa Akin, ang paraang ito ng pagsasagawa, ang paraang ito ng pag-iisip, at ang mga pananaw na ito ay pawang may kasamang mga kathang-isip, gayundin ng kaunting pagkabulag. Marahil ay medyo nasisiraan ng loob ang ilan sa inyo dahil sa sinasabi Kong ito, at iniisip ninyo, “Pagkabulag? Kung ito ay pagkabulag, napakaliit at walang katiyakan ang pag-asa naming maligtas at manatiling buhay, hindi ba? Sa ganitong paraan, hindi Mo ba kami binubuhusan ng malamig na tubig?” Anuman ang inyong pinaniniwalaan, ang mga bagay na Aking sinasabi at ginagawa ay hindi para iparamdam sa inyo na parang binuhusan kayo ng malamig na tubig. Sa halip, ito ay para mapahusay ang inyong pagkaunawa sa mga layunin ng Diyos at mapag-ibayo ang pagkaintindi ninyo sa Kanyang iniisip, sa Kanyang nais na isakatuparan, anong klaseng mga tao ang Kanyang gusto, ano ang Kanyang kinasusuklaman, ano ang Kanyang kinamumuhian, anong uri ng tao ang nais Niyang matamo, at anong uri ng tao ang Kanyang tinatanggihan. Ang mga ito ay para bigyan ng linaw ang inyong isipan at bigyan kayo ng malinaw na pang-unawa kung gaano na napalayo ang mga kilos at kaisipan ng bawat isa sa inyo mula sa pamantayang hinihingi ng Diyos. Kailangan bang talakayin ang mga paksang ito? Dahil alam Kong matagal na kayong nananampalataya, at nakinig sa napakaraming pangangaral, ngunit ito mismo ang mga bagay na kulang na kulang sa inyo. Bagama’t naitala ninyo ang bawat katotohanan sa inyong mga kuwaderno, at naisaulo at naiukit sa inyong mga puso ang ilan sa mga bagay na personal na pinaniniwalaan ninyong mahalaga, at bagama’t plano ninyong gamitin ang mga bagay na ito para palugurin ang Diyos sa inyong pagsasagawa, na gamitin ang mga ito kapag nangangailangan kayo, na gamitin ang mga ito upang malagpasan ang mahihirap na panahon na naghihintay sa inyo, o basta hayaan ang mga bagay na ito na samahan kayo habang nabubuhay kayo, para sa Akin, paano man ninyo ito ginagawa, kung ginagawa lamang ninyo ito, hindi ito gaanong mahalaga. Ano, kung gayon, ang napakahalaga? Iyon ay na habang ikaw ay nagsasagawa, kailangan mong malaman sa iyong kaibuturan, nang may lubos na katiyakan, kung lahat ng iyong ginagawa—bawat gawa—ay nakaayon sa nais ng Diyos o hindi, at kung ang lahat ng kilos ninyo, lahat ng iniisip ninyo, at ang mga resulta at layuning nais ninyong matupad ay talagang nagpapalugod sa kalooban ng Diyos at nagsisilbi sa Kanyang mga hinihingi, gayundin kung Kanyang sinasang-ayunan ang mga ito o hindi. Ito ang napakahalaga.
—Ang Salita, Vol. II. Ukol sa Pagkakilala sa Diyos. Paano Malalaman ang Disposisyon ng Diyos at ang mga Resultang Makakamtan ng Kanyang Gawain