Araw-araw na mga Salita ng Diyos: Pagkilala sa Diyos | Sipi 46
Ang Maraming Maling Pagkakaintindi ng mga Tao Tungkol kay Job
Ang paghihirap na naranasan ni Job ay hindi gawain ng mga sugong ipinadala ng Diyos, at hindi rin ito sanhi ng sariling kamay ng Diyos. Sa halip, ito ay dulot mismo ni Satanas, ang kaaway ng Diyos. Bilang resulta, malalim ang antas ng paghihirap na naranasan ni Job. Ngunit sa sandaling ito, walang pagpipigil na ipinakita ni Job ang pang-araw-araw niyang kaalaman sa Diyos sa kanyang puso, ang mga prinsipyo ng kanyang pang-araw-araw na mga pagkilos, at ang kanyang mga saloobin sa Diyos—at ito ang katotohanan. Kung si Job ay hindi natukso, kung ang Diyos ay hindi nagdala ng pagsubok kay Job, noong sinabi ni Job, “Si Jehova ang nagbigay, at si Jehova ang nag-alis; purihin ang pangalan ni Jehova,” sasabihin mo na ipokrito si Job; binigyan siya ng Diyos ng maraming ari-arian, kung kaya’t nararapat lamang na basbasan niya ang pangalan ni Jehova. Kung, bago sumailalim sa mga pagsubok, sinabi ni Job na, “Tatanggap ba tayo ng mabuti sa kamay ng Diyos, at hindi tayo tatanggap ng masama?” sasabihin mo na may kalabisan ang sinasabi ni Job, at na hindi niya itatakwil ang pangalan ng Diyos dahil madalas siyang pinagpapala ng kamay ng Diyos. Sasabihin mo na kung nagdala ang Diyos ng sakuna sa kanya, siguradong itatakwil niya ang pangalan ng Diyos. Ngunit nang matagpuan ni Job ang kanyang sarili sa mga kalagayang hindi nanaisin ninuman, o nanaising makita, mga kalagayan na walang sinumang magnanais na maranasan, na katatakutan nilang maranasan, mga kalagayan na hindi kayang pagmasdan maging ng Diyos, nagawa pa rin ni Job na panghawakan ang kanyang integridad: “Si Jehova ang nagbigay, at si Jehova ang nag-alis; purihin ang pangalan ni Jehova,” at “tatanggap ba tayo ng mabuti sa kamay ng Diyos, at hindi tayo tatanggap ng masama?” Sa kanilang pagharap sa asal ni Job noong mga oras na ito, ang mga mahilig magsabi ng matatayog na mga salita, at ang mga nagsasalita ng mga titik at doktrina ay natatahimik. Ang mga pumupuri sa pangalan ng Diyos sa salita lamang, ngunit hindi pa kailanman tinanggap ang mga pagsubok ng Diyos, ay kinokondena ng matibay na integridad na pinanghawakan ni Job, at ang mga hindi kailanman naniwala na kayang manindigan ng tao sa daan ng Diyos ay hinatulan ng patotoo ni Job. Nahaharap sa pag-uugali ni Job sa panahong ito ng mga pagsubok at sa mga salita na kanyang binigkas, may mga taong malilito, may mga maiinggit, may magdududa, at may iba na magmumukhang hindi interesado, hindi maniniwala sa patotoo ni Job dahil hindi lang nila nakikita ang paghihirap na naranasan ni Job sa panahon ng kanyang mga pagsubok, at nababasa ang mga salitang binigkas ni Job, kundi nakikita rin nila ang “kahinaan” ng tao na pinagtaksilan ni Job nang dumating ang mga pagsubok sa kanya. Pinaniniwalaan nila na ang “kahinaan” na ito ay isang kasiraan sa pagiging perpekto ni Job, ang dungis sa isang tao na perpekto sa paningin ng Diyos. Ibig sabihin, pinaniniwalaang ang mga perpekto ay walang kamalian, walang dungis o mantsa, wala silang mga kahinaan, walang nalalaman sa pasakit, hindi sila kailanman nakaramdam ng lungkot o lumbay, at wala silang galit o anumang panlabas na malubhang asal; bunga nito, ang higit na maraming tao ay hindi naniniwalang tunay na perpekto si Job. Hindi sumasang-ayon ang mga tao sa karamihan ng kanyang inasal noong panahon ng kanyang mga pagsubok. Halimbawa, noong mawala kay Job ang kanyang mga ari-arian at mga anak, hindi siya umiyak, na inaasahan ng mga tao na gagawin niya. Dahil sa kanyang “kawalan ng kagandahang-asal” inisip ng mga tao na malamig ang kanyang puso, dahil hindi siya umiyak, o nagpakita ng pagmamahal para sa kanyang pamilya. Ito ang masamang impresyon na unang nakikita ng mga tao kay Job. Mas nakakagulo sa isip nila ang asal niya matapos nito: “Pinunit ang kanyang balabal” ay ipinaliwanag ng mga tao bilang kawalan niya ng galang sa Diyos, at ang “inahitan ang kanyang ulo” ay pinaniniwalaang paglapastangan at paglaban niya sa Diyos. Bukod sa mga salita ni Job na “Si Jehova ang nagbigay, at si Jehova ang nag-alis; purihin ang pangalan ni Jehova,” hindi nakita ng mga tao ang pagiging matuwid ni Job na pinuri ng Diyos, at sa gayon, ang pagsusuri kay Job ng karamihan sa kanila ay puro kawalan ng pagkakaunawa, maling pagkakaintindi, pag-aalinlangan, pagkokondena, at pagsang-ayon sa teorya lamang. Wala sa kanila ang tunay na nakakaintindi at nakakapagpahalaga sa mga salita ng Diyos na si Jehova na si Job ay isang perpekto at matuwid na tao, na natatakot sa Diyos at umiiwas sa masama.
Batay sa mga nabanggit sa itaas na impresyon nila kay Job, mas lalong pinagdududahan ng mga tao ang pagiging matuwid ni Job, dahil ang mga ikinilos at asal ni Job na nakasaad sa mga kasulatan ay hindi nakaaantig nang husto gaya ng iniisip ng mga tao. Hindi lamang siya walang naisagawa na anumang dakilang gawa, kumuha pa siya ng isang basag na palayok upang ipangkayod sa kanyang sarili habang siya ay nakaupo sa mga abo. Dahil din sa kilos na ito, nagugulat ang mga tao at pinagdududahan nila—at itinatanggi pa—ang pagiging matuwid ni Job, dahil habang kinakayod niya ang kanyang sarili, hindi siya nagdasal o nangako sa Diyos; at higit pa rito, hindi rin siya nakitang umiyak sa sakit. Sa oras na ito, nakikita lamang ng mga tao ang kahinaan ni Job at wala nang iba, at dahil dito, kahit na narinig nila si Job na nagsabing “Tatanggap ba tayo ng mabuti sa kamay ng Diyos, at hindi tayo tatanggap ng masama?” talagang hindi sila natitinag, o hindi nagbabago ang kanilang paniniwala, at hindi pa rin nila maintindihan ang pagiging matuwid ni Job ayon sa kanyang mga salita. Ang pangunahing impresyon na ibinibigay ni Job sa mga tao sa panahon ng kanyang paghihirap sa mga pagsubok ay ang hindi siya natakot o nagyabang. Hindi nakikita ng mga tao ang mga kuwento sa likod ng kanyang pag-uugali na nagmula sa kaibuturan ng kanyang puso, at hindi rin nila nakikita ang takot sa Diyos sa loob ng kanyang puso o ang pagsunod sa prinsipyo ng daan ng pag-iwas sa kasamaan. Ang kanyang kahinahunan ang dahilan kung bakit iniisip ng mga tao na ang kanyang pagiging perpekto at matuwid ay mga walang saysay na salita lamang, na ang kanyang takot sa Diyos ay sabi-sabi lamang; samantala, ang “kahinaan” na ipinakita niya ay nag-iiwan ng malalim na impresyon sa kanila, nagbibigay sa kanila ng “bagong pananaw” at “bagong pagkaunawa” sa taong inilalarawan ng Diyos bilang perpekto at matuwid. Napatunayan ang ganitong “bagong pananaw” at “bagong pag-unawa” noong buksan ni Job ang kanyang bibig at isumpa ang araw na ipinanganak siya.
Bagama’t hindi mailarawan at hindi kayang unawain ng sinumang tao ang antas ng paghihirap na pinagdaanan niya, wala siyang sinabi na anumang maling pananampalataya na salita, kundi binawasan lamang niya ang sakit na kanyang nararamdaman sa pamamagitan ng sarili niyang pamamaraan. Gaya ng nakatala sa Kasulatan, sinabi niya: “Maparam nawa ang araw ng kapanganakan sa akin, at ang gabi na nagsabi, may lalaking ipinaglihi” (Job 3:3). Marahil, hindi itinuring ng sinuman na mahalaga ang mga salitang ito, at marahil may mga taong nagbigay-pansin sa mga ito. Sa inyong pananaw, ang ibig ba nilang sabihin ay nilabanan ni Job ang Diyos? Mga reklamo ba ang mga ito laban sa Diyos? Alam Kong marami sa inyo ang may ilang ideya tungkol sa mga salitang ito na sinabi ni Job at naniniwalang kung perpekto at matuwid si Job, hindi dapat siya nagpakita ng anumang kahinaan o pagdadalamhati, at sa halip ay hinarap ang anumang pagsubok mula kay Satanas sa positibong paraan, at may ngiti pa sa harap ng mga panunukso ni Satanas. Hindi dapat siya nagpakita ng anumang reaksyon sa anumang paghihirap na idinulot ni Satanas sa katawan niya, at hindi siya dapat nagpakita ng kahit anong damdamin mula sa kanyang puso. Dapat nga ay hiningi pa niya sa Diyos na gawing mas malupit ang mga pagsubok na ito. Ito ang dapat na ipinapakita at tinataglay ng isang taong matibay at tunay na may takot sa Diyos at umiiwas sa kasamaan. Sa gitna ng ganitong matinding paghihirap, isinumpa lang ni Job ang araw ng kanyang kapanganakan. Hindi siya nagreklamo tungkol sa Diyos, at lalong hindi siya nagbalak na kalabanin ang Diyos. Mas madali itong sabihin kaysa gawin, dahil mula pa sa sinaunang panahon hanggang ngayon, wala pang sinuman ang nakaranas ng ganoong mga tukso o nagdusa gaya ng pinagdaanan ni Job. At bakit wala pang sinuman ang napasailalim sa tuksong katulad ng dumating kay Job? Dahil, ayon sa nakikita ng Diyos, walang sinuman ang may kakayahang magpasan ng ganitong pananagutan o tagubilin, walang makagagawa gaya ng ginawa ni Job, at, higit pa rito, walang sinuman, bukod sa pagsumpa sa araw ng kanilang kapanganakan, ang may kakayahang hindi talikuran ang pangalan ng Diyos at patuloy na purihin ang pangalan ng Diyos na si Jehova, kagaya ng ginawa ni Job noong dumanas siya ng ganoong paghihirap. Mayroon bang kayang gumawa nito? Kapag sinasabi natin ito tungkol kay Job, pinupuri ba natin ang kanyang pag-uugali? Siya ay isang lalaking matuwid, at kayang magpatotoo nang ganoon sa Diyos, at kayang palayasin si Satanas nang hawak sa mga kamay nito ang sariling ulo, kung kaya’t hindi na ito muling lumapit sa harap ng Diyos upang akusahan siya—kaya ano ang mali sa pagpuri sa kanya? Maaari bang mas mataas ang mga pamantayan ninyo kaysa sa Diyos? Dahil ba magiging mas mahusay kayo kaysa kay Job kapag dumating ang mga pagsubok sa inyo? Si Job ay pinuri ng Diyos—anong pagtutol ang mayroon kayo?
—Ang Salita, Vol. II. Ukol sa Pagkakilala sa Diyos. Ang Gawain ng Diyos, ang Disposisyon ng Diyos, at ang Diyos Mismo II