Araw-araw na mga Salita ng Diyos: Pagkilala sa Diyos | Sipi 45
Ang Isa pang Pagpapamalas ng Takot ni Job sa Diyos at Pag-iwas sa Kasamaan ay ang Kanyang Pagpupuri sa Pangalan ng Diyos sa Lahat ng Bagay
Pinagdusahan ni Job ang pamiminsala ni Satanas, ngunit hindi pa rin niya itinakwil ang pangalan ng Diyos na si Jehova. Ang kanyang asawa ang unang nagpakita at umatake kay Job sa pamamagitan ng pagganap sa katauhan ni Satanas sa paraang makikita ng tao. Inilalarawan ito sa orihinal na teksto nang ganito: “Nang magkagayo’y sinabi ng kanyang asawa sa kanya, ‘Pinananatili mo pa rin ba ang iyong integridad? Sumpain mo ang Diyos, at mamatay ka’” (Job 2:9). Ito ang mga salitang sinabi ni Satanas na nagbabalat-kayong tao. Ang mga ito ay isang pag-atake, at isang bintang, pati na rin pang-aakit, tukso, at paninirang-puri. Matapos mabigo sa pag-atake sa laman ni Job, tuluyang inatake ni Satanas ang integridad ni Job, na gustong gamitin ito upang isuko ni Job ang kanyang integridad, talikuran ang Diyos, at hindi na magpatuloy sa pamumuhay. Tulad nito, gusto ring gamitin ni Satanas ang mga salitang ito upang tuksuhin si Job: Kung itinakwil ni Job ang pangalan ni Jehova, hindi niya kailangang pagtiisan ang ganoong paghihirap; maaari niyang mapalaya ang kanyang sarili mula sa paghihirap ng laman. Nahaharap sa payo ng kanyang asawa, pinagsabihan siya ni Job sa pagsasabing, “Ikaw ay nagsasalita na gaya ng pagsasalita ng isa sa mga hangal na babae. Ano? Tatanggap ba tayo ng mabuti sa kamay ng Diyos, at hindi tayo tatanggap ng masama?” (Job 2:10). Matagal nang alam ni Job ang mga salitang ito, ngunit pinatunayan ng pagkakataong ito ang katotohanan na alam nga ni Job ang mga ito.
Noong pinayuhan siya ng kanyang asawa na sumpain ang Diyos at mamatay na, ang ibig nitong sabihin ay: “Ganito ka tratuhin ng Diyos mo, bakit hindi mo Siya isumpa? Paano mo pa nagagawang mabuhay? Hindi patas sa iyo ang iyong Diyos, ngunit sinasabi mo pa rin na ‘purihin ang pangalan ni Jehova.’ Paano Niya nagagawang magdulot ng sakuna sa iyo samantalang pinupuri mo ang Kanyang pangalan? Magmadali ka at talikuran mo ang pangalan ng Diyos, at huwag ka nang sumunod sa Kanya. Sa ganitong paraan, matatapos ang mga problema mo.” Sa mga sandaling ito, nakita ang pagpapatotoo na ninais na makita ng Diyos kay Job. Walang karaniwang tao na makapagpapatotoo nang ganito, at hindi rin natin ito nababasa sa anumang mga kuwento sa Bibliya—ngunit nakita na ng Diyos ang mga ito bago pa man sinabi ni Job ang mga naturang mga salita. Gusto lamang gamitin ng Diyos ang pagkakataong ito upang pahintulutan si Job na patunayan sa lahat na ang Diyos ay tama. Nahaharap sa payo ng kanyang asawa, hindi lamang hindi isinuko ni Job ang kanyang integridad o kaya ay tumalikod sa Diyos, kundi sinabi rin niya sa kanyang asawa: “Tatanggap ba tayo ng mabuti sa kamay ng Diyos, at hindi tayo tatanggap ng masama?” May bigat ba ang mga salitang ito? Dito, mayroon lamang isang katotohanan na kayang magpatunay sa bigat ng mga salitang ito. Ang bigat ng mga salitang ito ay na pinagtibay ng Diyos ang mga ito sa Kanyang puso, ang mga ito ang ninais ng Diyos, ang mga ito ang ninais na marinig ng Diyos, at ang mga ito ang kalalabasang hinangad na makita ng Diyos; ang mga salitang ito rin ang pinakamahalagang bahagi ng patotoo ni Job. Dito, napatunayan ang pagiging perpekto, pagkamatuwid, pagkakaroon ng takot sa Diyos, at pag-iwas ni Job sa kasamaan. Ang kahalagahan ni Job ay nakasalalay sa kung paano, nang tuksuhin siya, at kahit noong puno ang kanyang buong katawan ng mga namamagang pigsa, noong pinagtiisan niya ang sukdulang paghihirap, at noong pinayuhan siya ng kanyang asawa at kamag-anak, nasabi pa rin niya ang ganoong mga salita. Sa madaling salita, sa kanyang puso, naniniwala siya na kahit ano pang tukso, o gaano man kabigat ang pagtitiis o paghihirap, kahit pa dumating ang kamatayan sa kanya, hindi siya tatalikod sa Diyos o tatanggi sa daan ng pagkakaroon ng takot sa Diyos at pag-iwas sa kasamaan. Samakatwid, nakikita mo na hawak ng Diyos ang pinakamahalagang lugar sa kanyang puso, at na ang Diyos lamang ang nasa kanyang puso. Dahil dito kaya mababasa natin ang mga paglalarawan sa kanya sa Kasulatan bilang: Sa lahat ng ito ay hindi nagkasala si Job sa pamamagitan ng kanyang mga labi. Siya ay hindi lamang di-nagkasala sa kanyang mga labi, kundi maging sa kanyang puso, hindi siya nagreklamo tungkol sa Diyos. Hindi siya nagsabi ng masasakit na salita tungkol sa Diyos, at hindi rin siya nagkasala laban sa Diyos. Hindi lamang basta pinagpala ng kanyang bibig ang pangalan ng Diyos, ngunit sa kanyang puso ay pinuri rin niya ang pangalan ng Diyos; ang kanyang bibig at puso ay iisa. Ito ang tunay na Job na nakita ng Diyos, at ito ang tunay na dahilan kung bakit pinahalagahan ng Diyos si Job.
—Ang Salita, Vol. II. Ukol sa Pagkakilala sa Diyos. Ang Gawain ng Diyos, ang Disposisyon ng Diyos, at ang Diyos Mismo II