Menu

Araw-araw na mga Salita ng Diyos: Ang Tatlong Yugto ng Gawain | Sipi 11 Araw-araw na mga Salita ng Diyos: Ang Tatlong Yugto ng Gawain | Sipi 11
00:00/ 00:00

Araw-araw na mga Salita ng Diyos: Ang Tatlong Yugto ng Gawain | Sipi 11

00:00
00:00

Bakit patuloy ang pagtukoy na ito sa tatlong yugto ng gawain? Ang paglipas ng mga kapanahunan, pag-unlad ng lipunan, at pagpapalit ng anyo ng kalikasan ay sumusunod na lahat sa mga pagbabago sa tatlong yugto ng gawain. Nagbabago ang sangkatauhan sa paglipas ng panahon kasabay ng gawain ng Diyos, at hindi umuunlad mag-isa. Binabanggit ang tatlong yugto ng gawain ng Diyos upang dalhin ang lahat ng nilalang, at lahat ng tao ng bawat relihiyon at denominasyon, sa ilalim ng kapamahalaan ng isang Diyos. Saanmang relihiyon kayo nabibilang, sa huli ay magpapasakop kayong lahat sa ilalim ng kapamahalaan ng Diyos. Ang Diyos lamang Mismo ang maaaring magsagawa ng gawaing ito; hindi ito magagawa ng sinumang pinuno ng relihiyon. May ilang pangunahing relihiyon sa mundo, at bawat isa ay may sariling pinuno, o lider, at ang mga alagad ay nagkalat sa iba’t ibang bansa at rehiyon sa buong mundo; halos bawat bansa, malaki man o maliit, ay may iba’t ibang relihiyon sa loob nito. Gayunman, gaano man karami ang mga relihiyon sa buong mundo, lahat ng tao sa loob ng sansinukob ay umiiral sa huli sa ilalim ng patnubay ng isang Diyos, at ang kanilang pag-iral ay hindi ginagabayan ng mga pinuno o lider ng relihiyon. Ibig sabihin, ang sangkatauhan ay hindi ginagabayan ng isang partikular na pinuno o lider ng relihiyon; sa halip, ang buong sangkatauhan ay pinamumunuan ng Lumikha, na lumikha ng kalangitan at lupa at lahat ng bagay, at lumikha rin sa sangkatauhan—at ito ay totoo. Bagama’t ang mundo ay may ilang pangunahing relihiyon, gaano man kalaki ang mga ito, lahat sila ay umiiral sa ilalim ng kapamahalaan ng Lumikha, at walang isa man sa kanila ang makalalampas sa saklaw ng kapamahalaang ito. Ang pag-unlad ng sangkatauhan, pagpapalit ng lipunan, pag-unlad ng mga sangay ng siyensya patungkol sa pisikal na mundo—bawat isa ay hindi maihihiwalay mula sa mga plano ng Lumikha, at ang gawaing ito ay hindi isang bagay na magagawa ng sinumang pinuno ng relihiyon. Ang isang pinuno ng relihiyon ay pinuno lamang ng isang partikular na relihiyon, at hindi maaaring kumatawan sa Diyos, ni hindi nila maaaring katawanin ang Isa na lumikha ng kalangitan at lupa at lahat ng bagay. Ang isang pinuno ng relihiyon ay maaaring mamuno sa lahat ng nasa loob ng buong relihiyon, ngunit hindi nila mauutusan ang lahat ng nilalang sa silong ng kalangitan—tanggap ng buong sansinukob ang katunayang ito. Ang isang pinuno ng relihiyon ay isang pinuno lamang, at hindi makakapantay sa Diyos (ang Lumikha). Lahat ng bagay ay nasa mga kamay ng Lumikha, at sa katapusan ay babalik silang lahat sa mga kamay ng Lumikha. Ang sangkatauhan ay ginawa ng Diyos, at anuman ang relihiyon, bawat tao ay babalik sa ilalim ng kapamahalaan ng Diyos—hindi ito maiiwasan. Diyos lamang ang Kataas-taasan sa lahat ng bagay, at ang pinakamataas na pinuno sa lahat ng nilalang ay kailangan ding bumalik sa ilalim ng Kanyang kapamahalaan. Gaano man kataas ang katayuan ng isang tao, hindi niya madadala ang sangkatauhan sa isang angkop na hantungan, at walang sinumang nagagawang ibukod ang lahat ng bagay ayon sa uri. Si Jehova Mismo ang lumikha sa sangkatauhan at ibinukod ang bawat isa ayon sa uri, at pagdating ng mga huling araw ay gagawin pa rin Niya Mismo ang Kanyang sariling gawain, na ibinubukod ang lahat ng bagay ayon sa uri—ang gawaing ito ay hindi magagawa ng sinuman maliban sa Diyos. Ang tatlong yugto ng gawaing isinagawa sa simula pa lamang hanggang ngayon ay isinagawang lahat ng Diyos Mismo, at isinagawa ng isang Diyos. Ang katunayan ng tatlong yugto ng gawain ay ang katunayan ng pamumuno ng Diyos sa buong sangkatauhan, isang katunayang hindi maikakaila ng sinuman. Sa katapusan ng tatlong yugto ng gawain, lahat ng bagay ay ibubukod ayon sa uri at babalik sa ilalim ng kapamahalaan ng Diyos, sapagkat sa lahat ng dako ng buong sansinukob ay nag-iisa lamang ang umiiral na Diyos na ito, at wala nang iba pang mga relihiyon. Siya na walang kakayahang lumikha ng mundo ay walang kakayahang wakasan ito, samantalang Siya na lumikha ng mundo ay siguradong kayang wakasan ito. Samakatuwid, kung ang isang tao ay walang kakayahang wakasan ang kapanahunan at tinutulungan lamang ang tao na payabungin ang kanyang isipan, siguradong hindi siya ang Diyos, at siguradong hindi siya ang Panginoon ng sangkatauhan. Wala siyang kakayahang gawin ang gayon kadakilang gawain; isa lamang ang maaaring magsagawa ng gayong gawain, at lahat ng hindi makakagawa ng gawaing ito ay siguradong mga kaaway at hindi ang Diyos. Lahat ng masamang relihiyon ay hindi nakaayon sa Diyos, at dahil hindi sila nakaayon sa Diyos, mga kaaway sila ng Diyos. Lahat ng gawain ay ginagawa ng isang tunay na Diyos na ito, at ang buong sansinukob ay inuutusan ng isang Diyos na ito. Gawain man Niya sa Israel o sa Tsina, sa Espiritu man o sa katawang-tao isinasagawa ang gawain, lahat ay ginagawa ng Diyos Mismo, at hindi magagawa ng sinupamang iba. Ito ay dahil mismo sa Siya ang Diyos ng buong sangkatauhan kaya malaya Siyang gumagawa, hindi pinipigilan ng anumang mga kundisyon—ito ang pinakadakila sa lahat ng pangitain. Bilang isang nilalang ng Diyos, kung nais mong gampanan ang tungkulin ng isang nilalang ng Diyos at nauunawaan mo ang kalooban ng Diyos, kailangan mong maunawaan ang gawain ng Diyos, kailangan mong maunawaan ang kalooban ng Diyos para sa mga nilalang, kailangan mong maunawaan ang Kanyang plano ng pamamahala, at kailangan mong maunawaan ang buong kabuluhan ng gawaing Kanyang ginagawa. Yaong mga hindi nakakaunawa rito ay mga hindi karapat-dapat na nilalang ng Diyos! Bilang isang nilalang ng Diyos, kung hindi mo nauunawaan kung saan ka nanggaling, hindi mo nauunawaan ang kasaysayan ng sangkatauhan at lahat ng gawaing ginawa ng Diyos, at, bukod pa riyan, hindi mo nauunawaan kung paano umunlad ang tao hanggang sa ngayon, at hindi mo nauunawaan kung sino ang nag-uutos sa buong sangkatauhan, wala kang kakayahang gampanan ang iyong tungkulin. Pinamumunuan na ng Diyos ang sangkatauhan hanggang ngayon, at simula nang likhain Niya ang tao sa lupa hindi na Niya siya iniwan. Hindi tumitigil kailanman ang Banal na Espiritu sa paggawa, hindi tumitigil kailanman sa paggabay sa sangkatauhan, at hindi iniwan kailanman ang sangkatauhan. Ngunit hindi natatanto ng sangkatauhan na may isang Diyos, lalo nang hindi niya kilala ang Diyos. Mayroon pa bang ibang mas nakakahiya kaysa rito para sa lahat ng nilalang ng Diyos? Personal na ginagabayan ng Diyos ang tao, ngunit hindi nauunawaan ng tao ang gawain ng Diyos. Ikaw ay isang nilalang ng Diyos, subalit hindi mo nauunawaan ang iyong sariling kasaysayan, at hindi mo namamalayan kung sino ang gumabay sa iyo sa iyong paglalakbay, nalilimutan mo ang mga gawaing ginagawa ng Diyos, kaya hindi mo makilala ang Diyos. Kung hindi mo pa rin alam ngayon, hindi ka magiging karapat-dapat kailanman na magpatotoo sa Diyos. Ngayon, minsan pang personal na ginagabayan ng Lumikha ang lahat ng tao, at hinahayaang mamasdan ng lahat ng tao ang Kanyang karunungan, pagiging makapangyarihan sa lahat, pagliligtas, at pagiging kamangha-mangha. Subalit hindi mo pa rin natatanto o nauunawaan—samakatuwid ay hindi ba ikaw ang hindi tatanggap ng kaligtasan? Yaong mga nabibilang kay Satanas ay hindi nauunawaan ang mga salita ng Diyos, samantalang yaong mga nabibilang sa Diyos ay naririnig ang tinig ng Diyos. Lahat ng nakakatanto at nakakaunawa sa mga salitang Aking sinasambit ang siyang maliligtas at magpapatotoo sa Diyos; lahat ng hindi nakakaunawa sa mga salitang Aking sinasambit ay hindi makapagpapatotoo sa Diyos, at sila yaong aalisin. Yaong mga hindi nauunawaan ang kalooban ng Diyos at hindi natatanto ang gawain ng Diyos ay walang kakayahang magkamit ng kaalaman tungkol sa Diyos, at ang gayong mga tao ay hindi magagawang magpatotoo sa Diyos. Kung nais mong magpatotoo sa Diyos, kailangan mong makilala ang Diyos; ang kaalaman tungkol sa Diyos ay natutupad sa pamamagitan ng gawain ng Diyos. Sa kabuuan, kung nais mong makilala ang Diyos, kailangan mong malaman ang gawain ng Diyos: Ang pag-alam sa gawain ng Diyos ang pinakamahalaga. Kapag nagwakas na ang tatlong yugto ng gawain, magkakaroon ng isang grupo ng mga nagpapatotoo sa Diyos, isang grupo ng mga nakakakilala sa Diyos. Makikilala ng lahat ng taong ito ang Diyos at maisasagawa nila ang katotohanan. Magtataglay sila ng pagkatao at katinuan, at malalaman nilang lahat ang tatlong yugto ng gawain ng pagliligtas ng Diyos. Ito ang gawaing matutupad sa huli, at ang mga taong ito ang nabuo ng gawain ng 6,000 taon ng pamamahala, at ang pinakamakapangyarihang patotoo sa sukdulang pagkatalo ni Satanas. Yaong mga maaaring magpatotoo sa Diyos ay makatatanggap ng pangako at pagpapala ng Diyos, at magiging grupong mananatili sa pinakahuli, ang grupong nagtataglay ng awtoridad ng Diyos at nagpapatotoo sa Diyos. Marahil ay maaaring maging miyembrong lahat ng grupong ito yaong mga kasama ninyo, o marahil ay kalahati lamang, o ilan lamang—depende iyon sa gusto ninyo at hinahangad ninyo.

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Pag-alam sa Tatlong Yugto ng Gawain ng Diyos ang Landas Tungo sa Pagkilala sa Diyos

Mag-iwan ng Tugon