Araw-araw na mga Salita ng Diyos: Pagkilala sa Diyos | Sipi 101
Tanging ang Diyos, na May Pagkakakilanlan ng Lumikha, ang Nagtataglay ng Natatanging Awtoridad
Ano ang isinasagisag ng awtoridad ng Diyos? Isinasagisag ba nito ang pagkakakilanlan ng Diyos Mismo? Isinasagisag ba nito ang kapangyarihan ng Diyos Mismo? Isinasagisag ba nito ang natatanging katayuan ng Diyos Mismo? Sa lahat ng bagay, saan mo na nakita ang awtoridad ng Diyos? Paano mo ito nakita? Kung pag-uusapan ang apat na panahon na nararanasan ng tao, mababago ba ng sinuman ang batas ng pagpapalitan sa pagitan ng tagsibol, tag-init, taglagas at taglamig? Sa tagsibol, sumisibol at namumulaklak ang mga puno; sa tag-init ang mga ito ay nababalot ng mga dahon; sa taglagas ang mga ito ay namumunga, at sa taglamig nalalagas ang mga dahon. Kaya bang baguhin ng sinuman ang batas na ito? Sinasalamin ba nito ang isang aspeto ng awtoridad ng Diyos? Sinabi ng Diyos “Magkaroon ng liwanag,” at nagkaroon ng liwanag. Umiiral pa rin ba ang liwanag na ito? Ano ang dahilan nito para umiral? Umiiral ito dahil sa mga salita ng Diyos, siyempre, at dahil sa awtoridad ng Diyos. Ang hangin ba na nilikha ng Diyos ay umiiral pa rin? Ang hangin ba na hinihinga ng tao ay galing sa Diyos? Maaalis ba ng sinuman ang mga bagay na nanggagaling sa Diyos? Mababago ba ng sinuman ang kanilang diwa at tungkulin? Kaya bang guluhin ng sinuman ang gabi at araw na inilaan ng Diyos, at ang batas ng gabi at araw na iniutos ng Diyos? Magagawa ba ni Satanas ang gayong bagay? Kahit na hindi ka natutulog sa gabi, at ginagawa mong araw ang gabi, ito ay gabi pa rin; maaari mong baguhin ang iyong pang-araw-araw na karaniwang gawain, ngunit wala kang kakayahan na baguhin ang batas ng pagpapalitan ng gabi at araw—ang katunayang ito ay hindi nababago ng sinumang tao, hindi ba? Kaya ba ng sinuman na pag-araruhin ng lupa ang leon tulad ng baka? Kaya ba ng sinuman na gawing buriko ang elepante? Kaya ba ng sinuman na paliparin nang matayog sa himpapawid ang manok tulad ng agila? Kaya ba ng sinuman na pakainin ng damo ang lobo tulad ng tupa? (Hindi.) Kaya ba ng sinuman na patirahin ang isda na nasa tubig sa tuyong lupa? Hindi iyan magagawa ng mga tao. Bakit hindi? Dahil ipinag-utos ng Diyos sa isda na manirahan sa tubig, at kaya naninirahan ang mga ito sa tubig. Ang mga ito ay hindi mananatiling buhay sa lupa, at mamamatay; hindi kayang labagin ng mga ito ang mga hangganan ng kautusan ng Diyos. Ang lahat ng bagay ay may batas at hangganan sa kanilang pag-iral, at may sariling likas na gawi ang bawat isa sa mga ito. Ang mga ito ay itinalaga ng Lumikha, at di-mababago at di-malalampasan ng sinumang tao. Halimbawa, laging maninirahan ang leon sa gubat, malayo sa mga pamayanan ng tao, at hindi kailanman magiging maamo at matapat tulad ng baka na kasamang namumuhay at nagtatrabaho para sa tao. Bagama’t parehong hayop ang mga elepante at buriko at parehong may apat na paa, at mga nilalang na humihinga ng hangin, magkaibang klase ang mga ito, dahil hinati-hati sila ng Diyos sa magkakaibang uri, may kanya-kanya silang likas na gawi, at kaya hindi sila kailanman mapagpapalit. Bagama’t ang manok ay may dalawang binti at mga pakpak tulad ng isang agila, hindi ito kailanman makalilipad sa himpapawid; makakalipad lamang ito papunta sa isang puno—pinagpapasyahan ito ng likas na gawi nito. Hindi na kailangang sabihin, ang lahat ng ito ay dahil sa mga kautusan ng awtoridad ng Diyos.
Sa pag-unlad ngayon ng sangkatauhan, masasabing yumayabong ang siyensya ng sangkatauhan at kung ilalarawan ang mga nagawa ng mga siyentipikong pananaliksik ng tao ay kahanga-hanga ang mga ito. Masasabi rin na ang abilidad ng tao ay humuhusay nang humuhusay, ngunit may isang pambihirang siyentipikong pagtuklas na hindi pa kayang gawin ng sangkatauhan: Nakagawa na ang sangkatauhan ng mga eroplano, mga kargahan ng eroplano, at ng bombang atomika, nakarating na sa kalawakan ang sangkatauhan, nakalakad sa buwan, nakaimbento ng Internet, at namuhay nang may “hi-tech” na estilo ng pamumuhay, ngunit walang kakayahan ang sangkatauhan na lumikha ng isang buhay at humihingang bagay. Ang mga likas na gawi ng bawat buhay na nilalang at ang mga batas na ipinamumuhay ng mga ito, at ang siklo ng buhay at kamatayan ng bawat uri ng buhay na bagay—ang lahat ng ito ay lampas sa kayang gawin ng siyensya ng sangkatauhan at hindi kayang kontrolin nito. Sa puntong ito, masasabi na kahit gaano kataas ang naaabot ng siyensya ng tao, hindi ito naihahambing sa alinman sa mga iniisip ng Lumikha, at walang kakayahang makilala ang mahimalang paglikha ng Lumikha at ang kapangyarihan ng Kanyang awtoridad. Napakarami ng mga karagatan sa ibabaw ng lupa, ngunit hindi kailanman nilabag ng mga ito ang kanilang mga hangganan at basta-basta na lamang umagos sa lupa, at ito ay dahil itinakda ng Diyos ang hangganan ng bawat isa sa kanila; nanatili ang mga ito kung saan man inutusang manatili ang mga ito, at hindi malayang makagagalaw ang mga ito nang walang pahintulot ng Diyos. Kapag walang pahintulot ang Diyos, hindi sila maaaring manghimasok sa bawat isa, at makagagalaw lamang kapag sinabi ito ng Diyos, at tinutukoy ng awtoridad ng Diyos kung saan pumupunta at nananatili ang mga ito.
Para gawin itong malinaw, “ang awtoridad ng Diyos” ay nangangahulugang bahala ang Diyos. May karapatan ang Diyos na magpasya kung paano gawin ang isang bagay, at ginagawa ito sa kung papaanong paraan Niya naisin. Nakasalalay sa Diyos ang batas ng lahat ng bagay, at hindi nakabatay sa tao; ni hindi ito mababago ng tao. Hindi ito matitinag ng kalooban ng tao, bagkus ay binabago ito ng mga iniisip ng Diyos, ng karunungan ng Diyos, at ng mga utos ng Diyos; ito ay isang katunayan na hindi kayang itanggi ng sinumang tao. Ang mga kalangitan at lupa at lahat ng bagay, ang sansinukob, ang mabituing kalawakan, ang apat na panahon ng taon, ang nakikita at di-nakikita ng tao—ang lahat ng ito ay umiiral, gumagana, at nagbabago nang wala ni katiting na pagkakamali, sa ilalim ng awtoridad ng Diyos, ayon sa mga atas ng Diyos, ayon sa mga kautusan ng Diyos, at ayon sa mga batas ng simula ng paglikha. Wala kahit isang tao o bagay ang makakapagbago ng mga batas ng mga ito, o makakapagbago ng likas na landas ng paggana ng mga ito; ang mga ito ay naging kung ano ang mga ito dahil sa awtoridad ng Diyos, at nawawala dahil sa awtoridad ng Diyos. Ito ang mismong awtoridad ng Diyos. Ngayon na ganito na karami ang nasabi na, nararamdaman mo ba na ang awtoridad ng Diyos ay sagisag ng pagkakakilanlan at katayuan ng Diyos? Matataglay ba ng anumang nilikha o di-nilikha ang awtoridad ng Diyos? Maaari ba itong magaya, matularan, o mapalitan ng anumang tao, bagay, o layon?
—Ang Salita, Vol. II. Ukol sa Pagkakilala sa Diyos. Ang Diyos Mismo, ang Natatangi I