Alam Mo Ba? Nakagawa ang Diyos ng Dakilang Bagay sa mga Tao
Lumipas na ang lumang kapanahunan, at dumating na ang bagong kapanahunan. Taun-taon at araw-araw, marami nang nagawang gawain ang Diyos. Pumarito Siya sa mundo at pagkatapos ay lumisan. Paulit-ulit ang siklong ito sa maraming salinlahi. Ngayon, patuloy na ginagawa ng Diyos, gaya ng dati, ang gawaing nararapat Niyang gawin, ang gawaing hindi pa Niya natatapos, dahil hindi pa Siya nakapagpapahinga hanggang sa araw na ito. Mula sa panahon ng paglikha hanggang sa kasalukuyan, marami nang nagawang gawain ang Diyos. Ngunit alam mo bang mas marami kaysa dati ang gawaing ginagawa ng Diyos ngayon, at na mas higit kaysa dati ang antas ng Kanyang gawain? Ito ang dahilan kung bakit sinasabi Kong nakagawa ang Diyos ng dakilang bagay sa mga tao. Napakahalaga ang lahat ng gawain ng Diyos, maging para sa tao man o para sa Diyos, sapagkat may kaugnayan sa tao ang bawat bagay sa Kanyang gawain.
Yamang hindi nakikita o nahahawakan ang gawain ng Diyos—lalong hindi makita ng mundo—paano ito magiging isang dakilang bagay? Anong uri ng bagay ang maituturing na dakila? Tiyak, walang makapagkakaila, na anumang gawain ang ginagawa ng Diyos, maipapalagay itong dakila, ngunit bakit Ko ito sinasabi tungkol sa gawaing ginagawa ng Diyos sa araw na ito? Kapag sinabi Kong nakagawa ng isang dakilang bagay ang Diyos, walang alinlangang kabilangan nito ang maraming hiwagang hindi pa nauunawaan ng tao. Pag-usapan natin sila ngayon.
Isinilang si Jesus sa isang sabsaban sa kapanahunang hindi maaatim ang Kanyang pag-iral, ngunit kahit na ganito, hindi Siya kayang hadlangan ng mundo, at namuhay Siyang kasama ng mga tao sa loob ng tatlumpu’t tatlong taon sa ilalim ng pangangalaga ng Diyos. Sa maraming taong ito ng buhay, naranasan Niya ang kapaitan ng mundo at natikman ang buhay ng pagdurusa sa lupa. Pinasan Niya ang malaking pasanin ng pagkakapako sa krus upang tubusin ang buong sangkatauhan. Tinubos Niya ang lahat ng mga makasalanang namumuhay sa ilalim ng sakop ni Satanas, at sa wakas, bumalik ang Kanyang muling nabuhay na katawan sa Kanyang pahingahan. Ngayon nagsimula na ang bagong gawain ng Diyos, at ito rin ang simula ng bagong kapanahunan. Dinadala ng Diyos sa Kanyang tahanan yaong mga tinubos upang simulan ang Kanyang bagong gawain ng pagliligtas. Sa pagkakataong ito, mas masusi kaysa sa mga nakaraang panahon ang gawain ng pagliligtas. Hindi ang Banal na Espiritu na gumagawa sa tao ang nagdudulot sa kanya na magbago nang mag-isa, ni hindi rin ang katawan ni Jesus na nagpapakita sa mga tao upang isagawa ang gawaing ito, at pinakalalong hindi isinasakatuparan ang gawaing ito sa pamamagitan ng ibang paraan. Sa halip, ang Diyos na nagkatawang-tao ang gumagawa ng gawain at Siya Mismo ang nangangasiwa nito. Ginagawa Niya ito sa ganitong paraan upang akayin ang tao patungo sa bagong gawain. Hindi ba ito isang dakilang bagay? Hindi ginagawa ng Diyos ang gawaing ito sa pamamagitan ng isang bahagi ng pagkatao o sa pamamagitan ng mga propesiya; sa halip, ang Diyos Mismo ang gumagawa nito. Maaaring sabihin ng ilan na hindi ito dakilang bagay at na hindi ito makapagdadala ng labis na kasiyahan sa tao. Ngunit sasabihin Ko sa iyo na hindi lamang ito ang gawain ng Diyos, kundi isang bagay na mas malaki at mas higit pa.
Sa pagkakataong ito, pumaparito ang Diyos upang gumawa ng gawain hindi sa espirituwal na katawan, kundi sa isang napakakaraniwang katawan. Bukod dito, hindi lamang ito ang katawan ng ikalawang pagkakatawang-tao ng Diyos, ito rin ang katawan kung saan bumabalik ang Diyos sa katawang-tao. Isa itong napakapangkaraniwang katawang-tao. Wala kang makikitang anumang nag-aangat sa Kanya mula sa iba, ngunit maaari kang magkamit mula sa Kanya ng mga katotohanang hindi pa dating narinig. Itong hamak na katawang-taong ito ang kumakatawan sa lahat ng mga salita ng katotohanan mula sa Diyos, nangangasiwa sa gawain ng Diyos sa mga huling araw, at nagpapahayag ng kabuuan ng disposisyon ng Diyos upang maintindihan ng tao. Hindi mo ba lubhang ninanais na makita ang Diyos na nasa langit? Hindi mo ba lubhang ninanais na maunawaan ang Diyos na nasa langit? Hindi mo ba lubhang ninanais na makita ang hantungan ng sangkatauhan? Sasabihin Niya sa iyo ang lahat ng mga lihim na ito—mga lihim na wala pang sinumang taong nakapagsabi sa iyo, at sasabihin din Niya sa iyo ang mga katotohanang hindi mo nauunawaan. Siya ang pintuan mo patungo sa kaharian, at gabay mo patungo sa bagong kapanahunan. Nagtataglay ng maraming mga hiwagang di-maarok ang gayong karaniwang katawang-tao. Maaaring di-malirip sa iyo ang Kanyang mga gawa, ngunit ang buong layunin ng lahat ng gawain Niya ay sapat na upang hayaan kang makitang hindi Siya, gaya ng inaakala ng mga tao, isang simpleng katawang-tao. Sapagkat kinakatawan Niya ang kalooban ng Diyos at ang pangangalagang ipinakita ng Diyos para sa sangkatauhan sa mga huling araw. Bagaman hindi mo naririnig ang mga salita Niya na tila yumayanig sa mga kalangitan at lupa, bagaman hindi mo nakikita ang mga mata Niya na tulad ng mga lumalagablab na apoy, at bagaman hindi mo natatanggap ang disiplina ng Kanyang pamalong bakal, gayunman, maririnig mo mula sa Kanyang mga salita na mapagpoot ang Diyos, at mababatid na nagpapakita ang Diyos ng habag para sa sangkatauhan; makikita mo ang matuwid na disposisyon ng Diyos at ang karunungan Niya, at bukod dito, matatanto ang malasakit ng Diyos sa buong sangkatauhan. Ang gawain ng Diyos sa mga huling araw ay ang pahintulutan ang tao na makita ang Diyos na nasa langit na namumuhay kasama ng mga tao sa lupa, at bigyang-kakayahan ang tao na mabatid, sundin, igalang, at mahalin ang Diyos. Ito ang dahilan kung bakit bumalik Siya sa katawang-tao sa pangalawang pagkakataon. Kahit na ang nakikita ng tao ngayon ay isang Diyos na katulad ng tao, isang Diyos na mayroong ilong at dalawang mga mata, at isang hindi kapansin-pansing Diyos, sa huli, ipakikita sa inyo ng Diyos na kung hindi umiral ang taong ito, magdadaan ang langit at lupa sa napakatinding pagbabago; kung hindi umiral ang taong ito, magdidilim ang kalangitan, malulublob sa kaguluhan ang lupa, at mamumuhay ang buong sangkatauhan sa gitna ng taggutom at mga salot. Ipakikita Niya sa inyo na kung hindi dumating ang Diyos na nagkatawang-tao upang iligtas kayo sa mga huling araw, matagal na sanang winasak ng Diyos ang buong sangkatauhan sa impiyerno; kung hindi umiral ang katawang-taong ito, magiging pangunahing mga makasalanan kayo magpakailanman, at magiging mga bangkay kayo habang panahon. Dapat ninyong malaman na kung hindi umiral ang katawang-taong ito, haharap ang buong sangkatauhan sa hindi maiiwasang kapahamakan at makikitang imposibleng makatakas sa mas matinding kaparusahang ilalapat ng Diyos sa sangkatauhan sa mga huling araw. Kung hindi isinilang ang karaniwang katawang-taong ito, mapupunta kayong lahat sa kalagayang kung saan magsusumamo kayo para sa buhay nang walang kakayahang mamuhay, at mananalangin para sa kamatayan nang walang kakayahang mamatay; kung hindi umiral ang katawang-taong ito, hindi ninyo makakamit ang katotohanan at makaparoroon sa harap ng trono ng Diyos ngayon, kundi sa halip, parurusahan kayo ng Diyos dahil sa matindi ninyong mga kasalanan. Alam ba ninyong kung hindi dahil sa pagbalik sa katawang-tao ng Diyos, walang magkakaroon ng pagkakataon sa kaligtasan; at kung hindi dahil sa pagdating ng katawang-taong ito, matagal nang tinapos ng Diyos ang lumang kapanahunan? Dahil dito, magagawa pa rin ba ninyong tanggihan ang ikalawang pagkakatawang-tao ng Diyos? Yamang napakaraming pakinabang ang matatamo ninyo sa karaniwang taong ito, bakit hindi ninyo Siya malugod na tatanggapin?
Ang gawain ng Diyos ay isang bagay na hindi mo mauunawaan. Kung ni hindi mo lubos na maunawaan kung tama ang desisyon mo, ni hindi mo mabatid kung magtatagumpay ang gawain ng Diyos, bakit hindi mo subukan ang kapalaran mo at tingnan kung maaaring maging malaking tulong sa iyo ang karaniwang taong ito, at kung tunay ngang nakagawa na ang Diyos ng dakilang gawain? Gayunman, dapat Kong sabihin sa iyo na sa panahon ni Noe, nagkakainan at nag-iinuman ang mga tao, nag-aasawa at nagbibigay sa pag-aasawa hanggang sa hindi na ito mabatang saksihan ng Diyos, kaya nagpadala Siya ng malaking baha upang wasakin ang sangkatauhan, na iniwang ligtas ang pamilya lamang ni Noe na walong tao at ang lahat ng uri ng mga ibon at mga hayop. Sa mga huling araw, gayunman, yaong mga iniwang ligtas ng Diyos ay lahat yaong mga naging tapat sa Kanya hanggang sa katapusan. Bagaman ang parehong kapanahunan ay puno ng matinding katiwaliang hindi mabata ng Diyos na saksihan, at ang sangkatauhan sa parehong kapanahunan ay naging napakatiwali at itinanggi nila ang Diyos bilang Panginoon nila, tanging ang mga tao lamang sa panahon ni Noe ang winasak ng Diyos. Nagdulot ng matinding pagkabalisa sa Diyos ang sangkatauhan sa parehong kapanahunan, subalit nanatiling mapagtiis ang Diyos sa mga tao sa mga huling araw hanggang ngayon. Bakit ganito? Hindi ba kayo kailanman nagtaka kung bakit? Kung tunay na hindi ninyo alam, hayaan ninyong sabihin Ko sa inyo. Ang dahilan na nagagawang magbigay ng Diyos ng biyaya sa mga tao sa mga huling araw ay hindi dahil sila ay hindi gaanong tiwali kaysa sa mga tao sa panahon ni Noe, o dahil nagpakita sila ng pagsisisi sa Diyos, lalong hindi dahil napakaunlad na ng teknolohiya sa mga huling araw na hindi sila kayang wasakin ng Diyos Mismo. Sa halip, ito ay dahil may gagawin ang Diyos sa isang pangkat ng mga tao sa mga huling araw, at ang Diyos na iyon Mismo ang gagawa ng gawaing ito sa Kanyang pagkakatawang-tao. Higit pa rito, pipili ang Diyos ng isang bahagi ng pangkat na ito na maging mga pagtutuunan ng Kanyang pagliligtas at bunga ng Kanyang plano ng pamamahala, at dalhin ang mga taong ito sa susunod na kapanahunan. Samakatuwid, kahit na anupaman, ang halagang ito na binayaran ng Diyos ay lahat para sa paghahanda para sa gawaing gagawin ng Kanyang pagkakatawang-tao sa mga huling araw. Ang katunayan na nakarating kayo sa kasalukuyan ay dahil sa katawang-taong ito. Dahil nabubuhay ang Diyos sa katawang-tao kaya kayo may pagkakataong mabuhay. Nakamit ang lahat ng magandang kapalarang ito dahil sa karaniwang taong ito. Hindi lamang ito, ngunit sa huli, sasamba ang bawat bansa sa karaniwang taong ito, gayundin magbibigay pasasalamat at susunod sa hamak na taong ito, dahil ang katotohanan, buhay, at daang dala Niya ang nagligtas sa buong sangkatauhan, nagpaluwag sa hidwaan sa pagitan ng tao at Diyos, nagpaikli sa agwat sa pagitan nila, at nagbukas ng ugnayan sa pagitan ng mga saloobin ng Diyos at tao. Siya rin ang nakakuha ng higit pang kaluwalhatian para sa Diyos. Hindi ba karapat-dapat sa tiwala at pagsamba mo ang karaniwang taong gaya nito? Hindi ba karapat-dapat na tawaging Cristo ang ganitong karaniwang katawang-tao? Maaari bang ang ganitong karaniwang tao ay hindi maging pagpapahayag ng Diyos sa mga tao? Hindi ba karapat-dapat ang ganitong tao, na nagligtas sa sangkatauhan mula sa sakuna, sa pagmamahal at pagnanais ninyong kumapit sa Kanya? Kung tinatanggihan ninyo ang mga katotohanang ipinahahayag mula sa Kanyang bibig at kinamumuhian ang Kanyang pag-iral kasama ninyo, ano ang mangyayari sa inyo sa huli?
Gagawin sa pamamagitan ng karaniwang taong ito ang lahat ng gawain ng Diyos sa mga huling araw. Ipagkakaloob Niya ang lahat ng bagay sa iyo, at higit pa rito, makapagpapasiya Siya sa lahat ng bagay na may kaugnayan sa iyo. Maaari bang ang ganitong tao ay tulad ng pinaniniwalaan ninyo sa Kanya: isang taong napakapayak na hindi karapat-dapat banggitin? Hindi ba sapat ang katotohanan Niya upang lubos kayong mapaniwala? Hindi ba sapat ang pagsaksi sa Kanyang mga gawa upang lubos kayong mapaniwala? O hindi ba karapat-dapat para sa inyo na lakaran ang landas na Kanyang dinadala? Kapag nasabi at nagawa na ang lahat, ano ang nagdudulot sa inyo na kasuklaman Siya at itaboy Siya at iwasan Siya? Ang taong ito ang naghahayag ng katotohanan, ang taong ito ang nagbibigay ng katotohanan, at ang taong ito ang nagbibigay sa inyo ng landas na susundan. Maaari kayang hindi pa rin ninyo nakikita ang mga bakas ng gawain ng Diyos sa loob ng mga katotohanang ito? Kung wala ang gawain ni Jesus, hindi makabababa ang sangkatauhan mula sa krus, ngunit kung wala ang pagkakatawang-tao ng ngayon, hindi kailanman makakamit ng yaong mga bumababa mula sa krus ang pag-ayon ng Diyos o makapapasok sa bagong kapanahunan. Kung wala ang pagdating ng karaniwang taong ito, hindi kayo kailanman magkakaroon ng pagkakataong makita ang tunay na mukha ng Diyos, ni magiging karapat-dapat, dahil lahat kayo ay mga bagay na matagal nang dapat winasak. Dahil sa pagdating ng ikalawang pagkakatawang-tao ng Diyos, napatawad kayo ng Diyos at pinakitaan kayo ng habag. Anupaman, ito pa rin ang mga salitang dapat Kong iwan sa inyo sa huli: Ang karaniwang taong ito, na Diyos na nagkatawang-tao, ay napakahalaga sa inyo. Ito ang dakilang bagay na nagawa na ng Diyos sa mga tao.