Araw-araw na mga Salita ng Diyos: Pagpapakita at Gawain ng Diyos | Sipi 61
Kapag kumikidlat mula sa Silangan, na siya rin mismong sandali na nagsisimula Akong bigkasin ang Aking mga salita—kapag kumikidlat, ang buong kalangitan ay nagliliwanag, at nagbabago ng anyo ang lahat ng bituin. Ang buong sangkatauhan ay para bagang napagbukud-bukod. Sa ilalim ng kinang ng sinag ng liwanag na ito mula sa Silangan, nahayag ang buong sangkatauhan sa kanilang orihinal na anyo, nasisilaw ang mga mata, hindi tiyak ang gagawin, at hindi pa rin gaanong sigurado kung paano itatago ang kanilang mga pangit na hitsura. Para din silang mga hayop na nagsisitakas mula sa Aking liwanag upang magkubli sa mga kuweba sa bundok—subalit wala ni isa sa kanila ang maaaring maglaho mula sa sakop ng Aking liwanag. Lahat ng tao ay labis na namamangha, lahat ay naghihintay, lahat ay nagmamasid; sa pagdating ng Aking liwanag, nagagalak ang lahat sa araw na sila ay isinilang, at isinusumpa rin ng lahat ang araw na sila ay isinilang. Ang magkakasalungat na damdamin ay imposibleng bigkasin; ang mga luha ng pagpaparusa sa sarili ay nagbubuo ng mga ilog, at natatangay ng rumaragasang tubig, naglalaho nang walang bakas sa isang iglap. Minsan pa, palapit nang palapit ang Aking araw sa buong sangkatauhan, minsan pang pumupukaw sa sangkatauhan, na nagbibigay sa sangkatauhan ng isa pang bagong simula. Tumitibok ang puso Ko at, sa pagsunod sa mga ritmo ng tibok ng Aking puso, naglulundagan sa galak ang kabundukan, nagsasayawan sa galak ang katubigan, at humahampas ang mga alon sa batuhan. Mahirap ipahayag kung ano ang nasa puso Ko. Nais Kong sunugin ang lahat ng maruming bagay hanggang sa maging abo sa ilalim ng Aking tingin; nais Kong maglaho ang lahat ng anak ng pagsuway mula sa Aking harapan, at hindi na umiral pa kailanman. Hindi lamang Ako nakagawa ng isang bagong simula sa tirahan ng malaking pulang dragon, nagsimula na rin Akong pumasok sa bagong gawain sa sansinukob. Hindi maglalaon, ang mga kaharian sa lupa ay magiging Aking kaharian; hindi maglalaon, ang mga kaharian sa lupa ay magwawakas na lahat magpakailanman dahil sa Aking kaharian, dahil nakamtan Ko na ang tagumpay, dahil nakabalik na Ako nang matagumpay. Naubos na ng malaking pulang dragon ang lahat ng paraang maiisip upang sirain ang Aking plano, sa pag-asang mabura ang Aking gawain sa lupa, ngunit maaari ba Akong mawalan ng pag-asa dahil sa mapanlinlang na mga pakana nito? Maaari ba Akong matakot hanggang sa mawalan Ako ng tiwala dahil sa mga banta nito? Hindi pa nagkaroon kailanman ng kahit isang nilalang sa langit o sa lupa na hindi Ko nahawakan sa palad ng Aking kamay; gaano pa ito higit na totoo sa malaking pulang dragon, ang kasangkapang ito na nagsisilbing hambingan sa Akin? Hindi ba isa rin itong bagay na paiikutin sa Aking mga kamay?
Nang magkatawang-tao Ako sa mundo ng tao, dumating na ang sangkatauhan, sa ilalim ng Aking patnubay, nang hindi sinasadya sa araw na ito at dumating nang hindi sinasadya upang makilala Ako. Ngunit, hinggil sa kung paano tahakin ang landas sa hinaharap, walang sinumang may ideya, walang sinumang nakakaalam—at lalo pang walang sinumang may ideya kung saang direksyon sila dadalhin ng landas na iyon. Sa pagbabantay lamang sa kanila ng Makapangyarihan sa lahat matatahak ng sinuman ang landas hanggang wakas; sa paggabay lamang ng kidlat sa Silangan matatawid ng sinuman ang pintuan papasok sa Aking kaharian. Sa mga tao, wala pa ni isang nakakita sa Aking mukha kailanman, isang nakakita sa kidlat sa Silangan; paano pa kaya magkakaroon ng isang taong nakarinig sa mga pagbigkas mula sa Aking luklukan? Sa katunayan, noon pa mang unang panahon, wala pa ni isang taong tuwirang nakipag-ugnayan sa Aking persona; ngayon lamang nagkaroon ng pagkakataon ang mga tao, ngayong naparito na Ako sa mundo, na makita Ako. Ngunit kahit ngayon, hindi pa rin Ako kilala ng mga tao, tulad ng tinitingnan lamang nila ang Aking mukha at naririnig lamang ang Aking tinig subalit hindi nauunawaan ang ibig Kong sabihin. Ganito ang lahat ng tao. Bilang isa sa Aking mga tao, wala ba kayong nadaramang matinding karangalan kapag nakikita ninyo ang Aking mukha? At wala ba kayong nadaramang labis na kahihiyan dahil hindi ninyo Ako kilala? Naglalakad Ako sa piling ng mga tao, at namumuhay Ako sa piling ng mga tao, sapagkat Ako ay naging tao at naparito Ako sa mundo ng tao. Ang Aking layunin ay hindi lamang upang masilayan ng sangkatauhan ang Aking katawang-tao; ang mas mahalaga, ito ay upang makilala Ako ng sangkatauhan. Bukod pa riyan, sa pamamagitan ng Aking nagkatawang-taong laman, hahatulan Ko ang sangkatauhan sa kanilang mga kasalanan; sa pamamagitan ng Aking nagkatawang-taong laman, igugupo Ko ang malaking pulang dragon at sisirain Ko ang kuta nito.
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Mga Salita ng Diyos sa Buong Sansinukob, Kabanata 12