Araw-araw na mga Salita ng Diyos: Pagkilala sa Gawain ng Diyos | Sipi 175
Ang mga karanasan ng lahat ng uri ng mga tao ay kumakatawan sa mga bagay na nasa kanilang kalooban. Sinumang walang espirituwal na karanasan ay hindi maaaring magsalita tungkol sa kaalaman ng katotohanan, ni ng tamang kaalaman tungkol sa iba-ibang uri ng mga espirituwal na bagay. Ang ipinapahayag ng tao ay kung ano siya sa kanyang kalooban—iyan ang tiyak. Kung nais ng isang tao na magkaroon ng kaalaman tungkol sa mga espirituwal na bagay at sa kaalaman tungkol sa katotohanan, kailangan siyang magkaroon ng tunay na karanasan. Kung hindi ka makapagsalita nang malinaw tungkol sa sentido kumon sa buhay ng tao, paano ka pa makapagsasalita tungkol sa mga espirituwal na bagay? Yaong mga maaaring mamuno sa mga iglesia, tustusan ng buhay ang mga tao, at maging mga apostol sa mga tao ay kailangang magkaroon ng aktwal na karanasan; kailangang magkaroon sila ng tamang pagkaunawa tungkol sa mga espirituwal na bagay at ng tamang pagpapahalaga at karanasan sa katotohanan. Ang gayong mga tao lamang ang nararapat maging mga manggagawa o apostol na namumuno sa mga iglesia. Kung hindi, maaari lamang silang sumunod bilang pinakamababa at hindi maaaring mamuno, lalong hindi sila maaaring maging mga apostol na nagagawang tustusan ng buhay ang mga tao. Iyan ay dahil ang tungkulin ng mga apostol ay hindi upang magparoo’t parito o makipaglaban; iyan ay upang gawin ang gawain ng pagmiministeryo sa buhay at pamumuno sa iba sa pagbabago ng kanilang mga disposisyon. Yaong mga gumaganap sa tungkuling ito ay binigyan ng tagubiling bumalikat ng mabigat na responsibilidad, na hindi kakayaning gawin ng kahit sino. Ang uring ito ng gawain ay maaari lamang gawin ng mga yaon na may kahulugan ang buhay, ibig sabihin, yaong mga may karanasan sa katotohanan. Hindi ito maaaring gawin ng kahit sino na maaaring magbitiw, magparoo’t parito, o handang gugulin ang kanilang sarili; ang mga taong walang karanasan sa katotohanan, na hindi pa natabasan o nahatulan, ay hindi nagagawa ang ganitong uri ng gawain. Ang mga taong walang karanasan, ang mga taong walang realidad, ay hindi nakikita nang malinaw ang realidad dahil sila mismo ay walang ganitong uri ng pagkatao. Kaya, ang ganitong uri ng tao ay hindi lamang hindi nagagawang gawin ang gawaing mamuno, kundi, kung mananatiling wala sa kanila ang katotohanan sa loob ng mahabang panahon, magiging pakay sila ng pag-aalis. Ang kabatirang ipinapahayag mo ay maaaring magpatunay sa mga paghihirap na naranasan mo sa buhay, sa mga bagay kaya ka nakastigo, at sa mga isyu kaya ka nahatulan. Totoo rin ito sa mga pagsubok: Kung saan pinino ang isang tao, ay kung saan mahina ang isang tao—ito ang mga bagay kung saan may karanasan ang isang tao, kung saan may landas ang isang tao. Halimbawa, kung may isang taong nagdaranas ng mga kabiguan sa pagsasama nilang mag-asawa, madalas nilang ibabahagi, “Salamat sa Diyos, purihin ang Diyos, kailangan kong palugurin ang hangarin ng puso ng Diyos at ialay ang aking buong buhay, at kailangan kong ipaubaya nang lubusan ang pagsasama naming mag-asawa sa mga kamay ng Diyos. Handa akong ialay ang buong buhay ko sa Diyos.” Lahat ng bagay na nasa kalooban ng tao ay maaaring magpamalas kung ano siya sa pamamagitan ng pagbabahagi. Ang bilis ng pananalita ng isang tao, nagsasalita man siya nang malakas o tahimik—ang gayong mga bagay ay hindi mga bagay ng karanasan at hindi maaaring kumatawan sa kung ano ang mayroon sila at ano sila. Masasabi lamang ng mga bagay na ito kung ang katangian ng isang tao ay mabuti o masama, o kung mabuti o masama ang kanilang likas na pagkatao, ngunit hindi nito masasabi kung may karanasan ang isang tao. Ang kakayahang ipahayag ang sarili kapag nagsasalita, o ang kasanayan o bilis ng pananalita, ay nakukuha lamang sa pagsasanay at hindi makakapalit sa karanasan ng isang tao. Kapag bumabanggit ka tungkol sa iyong indibiduwal na mga karanasan, ibinabahagi mo ang para sa iyo ay mahalaga at lahat ng bagay na nasa iyong kalooban. Ang Aking pananalita ay kumakatawan sa Aking pagkatao, ngunit ang Aking sinasabi ay hindi kayang abutin ng tao. Ang Aking sinasabi ay hindi yaong nararanasan ng tao, at hindi iyon isang bagay na makikita ng tao; hindi rin iyon isang bagay na mahahawakan ng tao, kundi kung ano Ako. Kinikilala lamang ng ilang tao na ang Aking ibinabahagi ay ang Aking naranasan, ngunit hindi nila kinikilala na iyon ang tuwirang pagpapahayag ng Espiritu. Mangyari pa, ang Aking sinasabi ay ang Aking naranasan. Ako ang siyang nakagawa ng gawaing pamamahala sa loob ng anim na libong taon. Naranasan Ko ang lahat mula sa simula ng paglikha sa sangkatauhan hanggang ngayon; paanong hindi Ko iyon magagawang talakayin? Pagdating sa likas na pagkatao ng tao, nakita Ko na nang malinaw; matagal Ko na itong napagmasdan. Paanong hindi Ko iyon magagawang banggitin nang malinaw? Dahil nakita Ko na nang malinaw ang pinakadiwa ng tao, kwalipikado Akong kastiguhin ang tao at hatulan siya, dahil lahat ng tao ay nagmula sa Akin ngunit nagawang tiwali ni Satanas. Mangyari pa, kwalipikado rin Akong suriin ang gawaing Aking nagawa. Bagama’t ang gawaing ito ay hindi ginagawa ng Aking katawang-tao, ito ang tuwirang pagpapahayag ng Espiritu, at ito ang kung ano ang mayroon Ako at ano Ako. Samakatuwid, kwalipikado Akong ipahayag ito at gawin ang gawaing kailangan Kong gawin. Ang sinasabi ng mga tao ay ang naranasan nila. Iyon ang nakita nila, ang naaabot ng kanilang isipan, at ang nadarama ng kanilang mga pandama. Iyon ang maaari nilang ibahagi. Ang mga salitang sinambit ng nagkatawang-taong laman ng Diyos ay ang tuwirang pagpapahayag ng Espiritu at nagpapahayag ng gawaing nagawa ng Espiritu, na hindi pa naranasan o nakita ng katawang-tao, subalit ipinapahayag pa rin Niya ang Kanyang pagkatao, sapagkat ang diwa ng katawang-tao ay ang Espiritu, at ipinapahayag Niya ang gawain ng Espiritu. Gawain iyon na nagawa na ng Espiritu, bagama’t hindi iyon maabot ng katawang-tao. Matapos ang pagkakatawang-tao, sa pamamagitan ng pagpapahayag ng katawang-tao, binibigyan Niya ng kakayahan ang mga tao na malaman ang pagiging Diyos ng Diyos at tinutulutan ang mga tao na makita ang disposisyon ng Diyos at ang gawaing Kanyang nagawa. Ang gawain ng tao ay nagbibigay sa mga tao ng higit na kalinawan kung ano ang dapat nilang pasukin at kung ano ang dapat nilang maunawaan; kinapapalooban ito ng pag-akay sa mga tao tungo sa pag-unawa at pagdanas ng katotohanan. Ang gawain ng tao ay alalayan ang mga tao; ang gawain ng Diyos ay ang magbukas ng mga bagong landas at mga bagong kapanahunan para sa sangkatauhan, at ibunyag sa mga tao yaong hindi alam ng mga mortal, na nagbibigay-kakayahan sa kanila na malaman ang Kanyang disposisyon. Ang gawain ng Diyos ay pamunuan ang buong sangkatauhan.
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Gawain ng Diyos at Gawain ng Tao