Araw-araw na mga Salita ng Diyos: Pagkilala sa Diyos | Sipi 41
Tinukso ni Satanas si Job sa Unang Pagkakataon (Ninakaw ang Kanyang mga Alagang Hayop at Sumapit ang Kalamidad sa Kanyang mga Anak) (Mga piling sipi)
a. Ang mga Salitang Binigkas ng Diyos
Job 1:8 At sinabi ni Jehova kay Satanas, “Iyo bang pinansin ang Aking lingkod na si Job, sapagkat walang gaya niya sa lupa, na sakdal at matuwid na lalaki, na natatakot sa Diyos at umiiwas sa kasamaan?”
Job 1:12 At sinabi ni Jehova kay Satanas, “Narito, lahat niyang tinatangkilik ay nasa iyong kapangyarihan; siya lamang ang huwag mong pagbuhatan ng iyong kamay.” Sa gayo’y lumabas si Satanas na mula sa harapan ni Jehova.
b. Sagot ni Satanas
Job 1:9–11 Nang magkagayo’y sumagot si Satanas kay Jehova, at nagsabi, “Natatakot ba ng walang kabuluhan si Job sa Diyos? Hindi Mo ba kinulong siya, at ang kanyang sambahayan, at ang lahat niyang tinatangkilik, sa bawat dako? Iyong pinagpala ang gawa ng kanyang mga kamay, at ang kanyang pag-aari ay dumami sa lupain. Ngunit pagbuhatan Mo siya ng Iyong kamay ngayon, at galawin Mo ang lahat niyang tinatangkilik, at susumpain Ka niya ng mukhaan.”
Pinahihintulutan ng Diyos si Satanas na Tuksuhin si Job Upang Gawing Perpekto ang Pananampalataya ni Job
Ang Job 1:8 ay ang unang tala na makikita natin sa Bibliya tungkol sa isang pag-uusap sa pagitan ng Diyos na si Jehova at ni Satanas. At ano ang sinabi ng Diyos? Ang orihinal na teksto ay naglalaman ng sumusunod na salaysay: “At sinabi ni Jehova kay Satanas, ‘Iyo bang pinansin ang Aking lingkod na si Job, sapagkat walang gaya niya sa lupa, na sakdal at matuwid na lalaki, na natatakot sa Diyos at umiiwas sa kasamaan?’” Ito ay pagsusuri ng Diyos kay Job sa harap ni Satanas; sinabi ng Diyos na siya ay isang lalaking perpekto at matuwid, na may takot sa Diyos at umiiwas sa kasamaan. Bago pa man ang mga salitang ito sa pagitan ng Diyos at ni Satanas, pinagpasyahan na ng Diyos na gagamitin Niya si Satanas upang tuksuhin si Job—na ipapasa Niya si Job kay Satanas. Sa isang banda, patutunayan nito na ang pagmamasid at pagsusuri ng Diyos kay Job ay tumpak at walang pagkakamali, at magdudulot ng kahihiyan kay Satanas sa pamamagitan ng patotoo ni Job; sa kabilang banda, gagawin nitong perpekto ang pananampalataya at takot ni Job sa Diyos. Dahil dito, nang si Satanas ay naparoon sa harap ng Diyos, hindi nagpaliguy-ligoy ang Diyos. Diretso Niyang sinabi at tinanong kay Satanas: “Iyo bang pinansin ang Aking lingkod na si Job, sapagkat walang gaya niya sa lupa, na sakdal at matuwid na lalaki, na natatakot sa Diyos at umiiwas sa kasamaan?” Nasa tanong ng Diyos ang sumusunod na kahulugan: Alam ng Diyos na nililibot ni Satanas ang lahat ng lugar, at madalas niyang nasusubaybayan si Job, na lingkod ng Diyos. Madalas na nitong tinukso at sinalakay si Job, sa paghahanap nito ng paraan upang wasakin si Job at mapatunayan na ang pananampalataya ni Job sa Diyos at ang kanyang takot sa Diyos ay hindi matatag. Agad-agad ding naghanap si Satanas ng mga pagkakataon para ganap na masira si Job, upang itakwil ni Job ang Diyos, at upang agawin si Job mula sa mga kamay ng Diyos. Ngunit ang Diyos ay tumingin sa loob ng puso ni Job at nakita Niya na siya ay perpekto at matuwid, at siya ay may takot sa Diyos at lumalayo sa kasamaan. Ginamit ng Diyos ang isang tanong upang sabihin kay Satanas na si Job ay isang perpekto at matuwid na tao na may takot sa Diyos at lumalayo sa kasamaan, na hindi kailanman tatalikuran ni Job ang Diyos at susunod kay Satanas. Nang marinig ang pagsusuri ng Diyos kay Job, nagalit si Satanas dahil sa kahihiyan, at lalo itong napoot, at lalong nainip na agawin si Job, dahil hindi kailanman naniwala si Satanas na may isang taong maaaring maging perpekto at matuwid, o kaya ay makakaya niyang magkaroon ng takot sa Diyos at layuan ang kasamaan. Kasabay nito, si Satanas ay napoot din sa pagka-perpekto at pagkamatuwid ng tao, at nagalit sa mga tao na nakakayanang magkaroon ng takot sa Diyos at layuan ang kasamaan. Kaya naman nasusulat sa Job 1:9–11 na “Nang magkagayo’y sumagot si Satanas kay Jehova, at nagsabi, ‘Natatakot ba ng walang kabuluhan si Job sa Diyos? Hindi Mo ba kinulong siya, at ang kanyang sambahayan, at ang lahat niyang tinatangkilik, sa bawat dako? Iyong pinagpala ang gawa ng kanyang mga kamay, at ang kanyang pag-aari ay dumami sa lupain. Ngunit pagbuhatan Mo siya ng Iyong kamay ngayon, at galawin Mo ang lahat niyang tinatangkilik, at susumpain Ka niya ng mukhaan.’” Kilalang-kilala ng Diyos ang malisyosong kalikasan ni Satanas, at alam na alam na Niyang matagal nang balak ni Satanas na sirain si Job, kung kaya’t ninais ng Diyos, sa pamamagitan ng pagsabing muli kay Satanas na si Job ay perpekto at matuwid at siya ay may takot sa Diyos at lumalayo sa kasamaan, upang mailagay sa kanyang lugar si Satanas, maipakita ang tunay nitong mukha at lusubin at tuksuhin si Job. Sa madaling salita, sinadya ng Diyos na idiin na perpekto at matuwid si Job, at na may takot siya sa Diyos at umiiwas sa kasamaan, at sa pamamagitan nito ay hinayaan Niyang lusubin ni Satanas si Job dahil sa pagkamuhi at galit ni Satanas sa pagiging perpekto at matuwid ni Job, isang taong may takot sa Diyos at umiiwas sa kasamaan. Bunga nito, magdadala ng kahihiyan ang Diyos kay Satanas dahil sa katunayan na si Job ay perpekto at matuwid na tao, isang tao na may takot sa Diyos at umiiwas sa kasamaan, at si Satanas ay maiiwang lubos na napahiya at talunan. Pagkatapos nito, si Satanas ay hindi na muling mag-aalinlangan o gagawa ng mga paratang kay Job tungkol sa kanyang pagka-perpekto, pagkamatuwid, pagkakaroon ng takot sa Diyos, o paglayo sa kasamaan. Sa ganitong paraan, ang pagsubok ng Diyos at panunukso ni Satanas ay halos hindi na maiiwasan. Ang nag-iisang nakatiis sa pagsubok ng Diyos at panunukso ni Satanas ay si Job. Pagkatapos ng usapang ito, si Satanas ay nabigyan ng pahintulot na tuksuhin si Job. Kaya nagsimula ang unang mga pag-atake ni Satanas. Ang pinatamaan ng mga pag-atake na ito ay ang mga ari-arian ni Job, sapagkat ginawa ni Satanas ang mga sumusunod na paratang laban kay Job: “Natatakot ba ng walang kabuluhan si Job sa Diyos? … Iyong pinagpala ang gawa ng kanyang mga kamay, at ang kanyang pag-aari ay dumami sa lupain.” Bunga nito, pinahintulutan ng Diyos si Satanas na kunin ang lahat ng ari-arian ni Job—na siyang tunay na layunin kung bakit nakipag-usap ang Diyos kay Satanas. Gayunman, gumawa ang Diyos ng isang utos kay Satanas: “Lahat niyang tinatangkilik ay nasa iyong kapangyarihan; siya lamang ang huwag mong pagbuhatan ng iyong kamay” (Job 1:12). Ito ang kondisyong ginawa ng Diyos matapos Niyang payagan si Satanas na tuksuhin si Job at ilagay si Job sa kamay ni Satanas, at ito ang hangganan na itinakda Niya para kay Satanas: inutusan Niya si Satanas na huwag saktan si Job. Dahil kinilala ng Diyos na si Job ay perpekto at matuwid, at mayroon Siyang pananampalataya na ang pagka-perpekto at pagkamatuwid ni Job sa Kanyang harapan ay walang pag-aalinlangan at kakayanin ang pagsubok, kung kaya’t pinahintulutan ng Diyos na tuksuhin ni Satanas si Job, ngunit nagpataw Siya ng hangganan kay Satanas: si Satanas ay pinahintulutan na kunin ang lahat ng ari-arian ni Job, ngunit hindi nito maaaring saktan si Job. Ano ang ibig sabihin nito? Ang ibig sabihin nito ay hindi lubusang ibinigay ng Diyos si Job kay Satanas noong panahong iyon. Maaaring tuksuhin ni Satanas si Job sa anumang paraan na nais nito, ngunit hindi nito maaaring saktan si Job mismo—kahit man lamang isang buhok sa kanyang ulo—dahil ang lahat tungkol sa tao ay pinamamahalaan ng Diyos, at ang pagkabuhay o pagkamatay man ng tao ay pinagpapasyahan ng Diyos. Si Satanas ay walang ganitong karapatan. Matapos sabihin ng Diyos ang mga salitang ito kay Satanas, si Satanas ay hindi na makapaghintay na magsimula. Ginamit nito ang lahat ng paraan upang tuksuhin si Job, at hindi nagtagal nawalan si Job ng gabundok na dami ng tupa at baka at ang lahat ng ari-arian na ibinigay sa kanya ng Diyos…. Sa ganito dumating ang mga pagsubok ng Diyos sa kanya.
Kahit sinasabi sa atin ng Bibliya ang mga pinagmulan ng panunukso kay Job, si Job ba mismo, na sumailalim sa mga tuksong ito, ay may kamalayan kung ano ang nangyayari? Si Job ay isa lamang mortal na tao; natural lamang na wala siyang alam sa mga nangyayari sa paligid niya. Gayunman, ang kanyang takot sa Diyos, at ang kanyang pagka-perpekto at pagkamatuwid, ang nakatulong sa kanya upang maunawaan na ang mga pagsubok ng Diyos ay dumating sa kanya. Hindi niya alam kung ano ang naganap sa espirituwal na mundo, o kung ano ang mga layunin ng Diyos sa likod ng mga pagsubok na ito. Ngunit alam niya na kahit ano pa man ang mangyari sa kanya, dapat niyang patotohanan ang kanyang pagka-perpekto at pagkamatuwid, at dapat siyang sumunod sa daan ng pagkatakot sa Diyos at paglayo sa kasamaan. Malinaw na nakita ng Diyos ang saloobin at reaksyon ni Job sa mga bagay na ito. At ano ang nakita ng Diyos? Nakita Niya ang puso ni Job na may takot sa Diyos, dahil magmula pa sa simula hanggang sa pagdaan ni Job sa pagsubok, nanatiling bukas ang puso ni Job sa Diyos, nakalatag ito sa harap ng Diyos, at hindi itinakwil ni Job ang kanyang pagka-perpekto o pagkamatuwid, at hindi rin siya tumanggi o tumalikod sa daan ng pagkatakot sa Diyos at paglayo sa kasamaan—walang ibang mas kasiya-siya pa sa Diyos kaysa rito.
—Ang Salita, Vol. II. Ukol sa Pagkakilala sa Diyos. Ang Gawain ng Diyos, ang Disposisyon ng Diyos, at ang Diyos Mismo II