Araw-araw na mga Salita ng Diyos: Pagkilala sa Diyos | Sipi 63
Kung ang nalalaman at ang nauunawaan ng mga tao ay ang disposisyon ng Diyos at kung ano ang mayroon at kung ano Siya, ang kanilang matatamo ay buhay na nagmumula sa Diyos. Sa sandaling maisakatuparan na ang buhay na ito sa iyo, lalo pang lalaki nang lalaki ang iyong takot sa Diyos. Isang bunga ito na dumarating nang napakanatural. Kung ayaw mong maunawaan o malaman ang tungkol sa disposisyon ng Diyos o sa Kanyang diwa, kung ayaw mo man lang pagnilayan o pagtuunan ng pansin ang mga bagay na ito, masasabi Ko sa iyo nang may katiyakan na ang paraan ng iyong kasalukuyang paghahangad sa iyong pananampalataya sa Diyos ay hindi ka kailanman matutulutang matugunan ang Kanyang kalooban o makamit ang Kanyang papuri. Higit pa roon, hindi mo kailanman tunay na matatamo ang kaligtasan—ito ang panghuling mga kahihinatnan. Kapag hindi nauunawaan ng mga tao ang Diyos at hindi nalalaman ang Kanyang disposisyon, hindi kailanman magagawang tunay na magbukas sa Kanya ang kanilang mga puso. Sa sandaling maunawaan na nila ang Diyos, magsisimula silang pahalagahan at lasapin kung ano ang nasa Kanyang puso nang may interes at pananampalataya. Kapag pinahahalagahan at nilalasap mo kung ano ang nasa puso ng Diyos, ang iyong puso ay dahan-dahan, unti-unting, nagbubukas sa Kanya. Kapag nagbubukas ang iyong puso sa Kanya, madarama mo kung gaano kahiya-hiya at kasuklam-suklam ang iyong mga pakikitungo sa Diyos, ang iyong mga hinihingi sa Diyos, at ang iyong sariling labis-labis na mga pagnanais. Kapag tunay na nagbubukas sa Diyos ang iyong puso, makikita mo na ang Kanyang puso ay isang walang hanggang mundo, at papasok ka sa isang dako na hindi mo pa naranasan kailanman. Sa dakong ito ay walang pandaraya, walang panlilinlang, walang kadiliman, at walang kasamaan. Mayroon lang sinseridad at katapatan; tanging liwanag at karangalan; tanging pagiging matuwid at kagandahang-loob. Puno ito ng pagmamahal at pagmamalasakit, puno ng habag at pagpapaubaya, at sa pamamagitan nito ay nararamdaman mo ang kaligayahan at kagalakan ng pagiging buhay. Ang mga bagay na ito ang ibubunyag sa iyo ng Diyos kapag binuksan mo ang iyong puso sa Kanya. Ang walang hanggang mundong ito ay puno ng karunungan at walang hanggang kapangyarihan ng Diyos; puno rin ito ng Kanyang pag-ibig at ng Kanyang awtoridad. Makikita mo rito ang bawat aspeto ng kung ano ang mayroon at kung ano ang Diyos, kung ano ang nagbibigay sa Kanya ng kagalakan, kung bakit Siya nag-aalala at kung bakit Siya nalulungkot, kung bakit Siya nagagalit…. Ito ang makikita ng bawat isang tao na nagbubukas ng kanilang puso at tinutulutang makapasok ang Diyos. Makapapasok lang sa iyong puso ang Diyos kung bubuksan mo ito sa Kanya. Makikita mo lang kung ano ang mayroon at kung ano ang Diyos, at makikita mo lang ang Kanyang mga layunin para sa iyo, kung nakapasok na Siya sa iyong puso. Sa sandaling iyon, matutuklasan mo na napakahalaga ng lahat ng tungkol sa Diyos, na talagang karapat-dapat pakaingatan ang kung ano ang mayroon at kung ano Siya. Kumpara roon, ang mga taong nakapaligid sa iyo, ang mga bagay at mga pangyayari sa iyong buhay, at maging ang iyong mga mahal sa buhay, ang iyong kapareha, at ang mga bagay na iyong minamahal, ay hindi man lang karapat-dapat na banggitin. Napakaliit ng mga ito, at napakababa; mararamdaman mo na walang materyal na bagay ang muling makahahatak sa iyo, o na may anumang materyal na bagay ang muling makaaakit sa iyo na magbayad ng anumang halaga para rito. Sa pagpapakumbaba ng Diyos ay makikita mo ang Kanyang kadakilaan at ang Kanyang pangingibabaw. Higit pa rito, makikita mo ang walang hanggang karunungan ng Diyos at ang Kanyang pagpapaubaya sa ilang gawa Niya na pinaniwalaan mo noon na masyadong maliit, at makikita mo ang Kanyang pagtitiyaga, ang Kanyang pagtitimpi, at ang Kanyang pag-unawa sa iyo. Magdudulot ito sa iyo ng pagsamba para sa Kanya. Sa araw na iyon, mararamdaman mo na nabubuhay ang sangkatauhan sa isang maruming mundo, na ang mga taong nasa tabi mo at ang mga bagay na nangyayari sa iyong buhay, at maging yaong iyong iniibig, ang kanilang pag-ibig para sa iyo, at ang kanilang tinatawag na pag-iingat o ang kanilang malasakit para sa iyo ay hindi man lang karapat-dapat na banggitin—ang Diyos lang ang iyong minamahal, at ang Diyos lang ang pinakaiingatan mo sa lahat. Kapag dumating ang araw na iyon, naniniwala Ako na magkakaroon ng ilang tao na nagsasabing: Napakadakila ng pag-ibig ng Diyos, at napakabanal ng Kanyang diwa—sa Diyos ay walang panlilinlang, walang kasamaan, walang inggit, at walang alitan, kundi tanging pagiging matuwid at pagiging tunay, at ang lahat ng kung ano ang mayroon at kung ano ang Diyos ay dapat kasabikan ng mga tao. Dapat itong pagsikapan at hangarin ng mga tao. Sa anong batayan nakatayo ang kakayahan ng mga tao na makamtam ito? Nakatayo ito batay sa pagkaunawa nila sa disposisyon ng Diyos, at sa kanilang pagkaunawa sa diwa ng Diyos. Kaya ang pag-unawa sa disposisyon ng Diyos at kung ano ang mayroon at kung ano Siya, ay isang panghabang-buhay na aral sa bawat tao; isang panghabang-buhay na mithiin na hinahangad ng bawat tao na nagsisikap na mabago ang kanilang disposisyon, at nagsisikap na makilala ang Diyos.
—Ang Salita, Vol. II. Ukol sa Pagkakilala sa Diyos. Ang Gawain ng Diyos, ang Disposisyon ng Diyos, at ang Diyos Mismo III