Araw-araw na mga Salita ng Diyos: Pagkilala sa Diyos | Sipi 68
Kalakip ba ng sariling mga kalagayan ang inyong pagkaunawa sa katotohanan? Sa totoong buhay, dapat mo munang isipin kung aling mga katotohanan ang nauugnay sa mga tao, pangyayari, at bagay na iyong nakaharap na; matatagpuan mo sa mga katotohanang ito ang kalooban ng Diyos at maiuugnay kung ano ang iyong nakaharap na sa Kanyang kalooban. Kung hindi mo nalalaman kung aling mga aspeto ng katotohanan ang nauugnay sa mga bagay na iyong nakaharap na subalit sa halip ay dumiretso sa paghahanap sa kalooban ng Diyos, isang bulag na pamamaraan ito na hindi makapagkakamit ng mga resulta. Kung nais mong hanapin ang katotohanan at maunawaan ang kalooban ng Diyos, kailangan mo munang tingnan kung anong uri ng mga bagay ang nangyari na sa iyo, sa aling mga aspeto ng katotohanan nauugnay ang mga ito, at hanapin ang partikular na katotohanan sa salita ng Diyos na nauugnay sa kung anong naranasan mo na. At pagkatapos ay hanapin mo ang landas ng pagsasagawa na naaayon para sa iyo sa katotohanang iyon; sa ganitong paraan ay makakamit mo ang isang di-tuwirang pagkaunawa sa kalooban ng Diyos. Ang paghahanap at pagsasagawa sa katotohanan ay hindi pagsasabuhay ng isang doktrina nang wala sa loob o pagsunod sa isang pormula. Ang katotohanan ay hindi gaya ng isang pormula, hindi rin ito isang batas. Hindi ito patay—ito ay buhay mismo, ito ay isang buhay na bagay, at ito ang patakaran na dapat sundin ng isang nilikha habang nabubuhay at ang patakaran na dapat taglayin ng isang tao habang nabubuhay. Isang bagay ito na dapat mong, hangga’t maaari, ay maunawaan sa pamamagitan ng karanasan. Ano mang yugto ang narating mo na sa iyong karanasan, hindi ka maihihiwalay sa salita ng Diyos o sa katotohanan, at kung ano ang iyong pagkaunawa sa disposisyon ng Diyos at kung ano ang iyong nalalaman sa kung ano ang mayroon at kung ano ang Diyos ay ipinahahayag lahat sa mga salita ng Diyos; nauugnay ang mga ito nang hindi maihihiwalay sa katotohanan. Ang disposisyon ng Diyos at kung ano ang mayroon at kung ano Siya ay, mismong, ang katotohanan; ang katotohanan ay isang tunay na pagpapamalas ng disposisyon ng Diyos at ng kung ano ang mayroon at kung ano Siya. Ginagawa nitong kongkreto ang kung ano ang mayroon at kung ano Siya, at malinaw nitong ipinahahayag ang kung ano ang mayroon at kung ano Siya; sinasabi nito sa iyo nang mas tuwiran kung ano ang gusto ng Diyos, kung ano ang hindi Niya gusto, kung ano ang nais Niyang gawin mo at kung ano ang hindi Niya pinahihintulutang gawin mo, kung anong mga tao ang kinamumuhian Niya at kung anong mga tao ang kinagigiliwan Niya. Sa likod ng mga katotohanang ipinahahayag ng Diyos, makikita ng tao ang Kanyang kaluguran, galit, kalungkutan, at kasiyahan, gayundin ang Kanyang diwa—ito ang paghahayag ng Kanyang disposisyon. Maliban sa pagkaalam sa kung ano ang mayroon at kung ano ang Diyos, at pagkaunawa sa Kanyang disposisyon mula sa Kanyang salita, ang pinakamahalaga ay ang pangangailangan na marating ang pagkaunawang ito sa pamamagitan ng praktikal na karanasan. Kung inaalis ng isang tao ang kanyang sarili mula sa tunay na buhay upang makilala ang Diyos, hindi nila magagawang makamtan iyon. Kahit na may mga tao na makapagkakamit ng kaunting pagkaunawa mula sa salita ng Diyos, limitado ang kanilang pagkaunawa sa mga teorya at mga salita, at doon nagbubuhat ang pagkakaiba-iba sa kung ano talaga ang Diyos Mismo.
Ang ating ipinagbibigay-alam ngayon ay nakapaloob lahat sa saklaw ng mga kuwentong naitala sa Bibliya. Sa pamamagitan ng mga kuwentong ito, at sa pagsusuri sa mga naganap na bagay na ito, mauunawaan ng mga tao ang Kanyang disposisyon at kung ano ang mayroon at kung ano Siya na Kanyang naipahayag na, tinutulutan sila na makilala ang bawat aspeto ng Diyos nang mas malawak, mas malalim, mas komprehensibo, at mas mabuti. Kung gayon, ang tanging paraan ba na makilala ang bawat aspeto ng Diyos ay sa pamamagitan ng mga kuwentong ito? Hindi, hindi ito ang tanging paraan! Sapagkat kung ano ang sinasabi ng Diyos at ang gawain na Kanyang ginagawa sa Kapanahunan ng Kaharian ay makatutulong nang mas maigi sa mga tao na makilala ang Kanyang disposisyon, at makilala ito nang mas lubusan. Gayunpaman, sa palagay Ko ay bahagyang mas madaling makilala ang disposisyon ng Diyos at maunawaan ang kung ano ang mayroon at kung ano Siya sa pamamagitan ng ilang halimbawa o mga kuwentong naitala sa Bibliya na pamilyar sa mga tao. Kung gagamitin Ko ang mga salita ng paghatol at pagkastigo at ang mga katotohanan na inihahayag ng Diyos ngayon, salita-por-salita, upang magawa mong makilala Siya sa paraang ito, mararamdaman mo na masyado itong nakababagot at masyadong nakapapagod, at mararamdaman pa ng ilang tao na ang mga salita ng Diyos ay tila gaya ng isang pormula. Subalit kung gagamitin Kong mga halimbawa ang mga kuwentong ito sa Bibliya upang tulungan ang mga tao na makilala ang disposisyon ng Diyos, hindi sila maiinip dito. Masasabi na sa kalagitnaan ng pagpapaliwanag sa mga halimbawang ito, ang mga detalye ng kung ano ang nasa puso ng Diyos sa panahong iyon—ang Kanyang lagay ng loob o damdamin, o ang Kanyang mga kaisipan at mga ideya—ay nasabi na sa mga tao sa wika ng tao, at ang mithiin ng lahat ng ito ay upang tulutan silang pahalagahan, upang maramdaman na kung ano ang mayroon at kung ano ang Diyos ay hindi gaya ng isang pormula. Hindi ito isang alamat, o isang bagay na hindi nakikita o nahahawakan ng mga tao. Isang bagay ito na talagang umiiral, na mararamdaman at mapahahalagahan ng mga tao. Ito ang sukdulang mithiin. Masasabi na pinagpala ang mga taong nabubuhay sa kapanahunang ito. Magagamit nila ang mga kuwento sa Bibliya upang makamit ang mas malawak na pagkaunawa sa nakaraang gawain ng Diyos; makikita nila ang Kanyang disposisyon sa pamamagitan ng mga gawain na Kanyang nagawa na; mauunawaan nila ang kalooban ng Diyos para sa sangkatauhan sa pamamagitan ng mga disposisyong ito na Kanyang naipahayag na, at mauunawaan ang kongkretong mga pagpapamalas ng Kanyang kabanalan at ng Kanyang pagmamalasakit para sa mga tao, at sa paraang ito ay maaabot nila ang isang mas detalyado at mas malalim na kaalaman sa disposisyon ng Diyos. Naniniwala Ako na nararamdaman na ninyong lahat ito ngayon!
—Ang Salita, Vol. II. Ukol sa Pagkakilala sa Diyos. Ang Gawain ng Diyos, ang Disposisyon ng Diyos, at ang Diyos Mismo III