Araw-araw na mga Salita ng Diyos: Pagkilala sa Diyos | Sipi 67
Ang pangungusap na “ang Anak ng tao ay Panginoon maging ng araw ng sabbath” ay nagsasabi sa mga tao na ang lahat ng tungkol sa Diyos ay hindi materyal, at bagaman kayang tustusan ng Diyos ang lahat ng iyong materyal na mga pangangailangan, sa sandaling matugunan na ang lahat ng iyong materyal na mga pangangailangan, mapapalitan ba ng kasiyahan mula sa mga bagay na ito ang iyong paghahangad sa katotohanan? Malinaw na hindi posible iyon! Ang disposisyon ng Diyos at kung ano ang mayroon at kung ano Siya, na atin nang ibinahagi, ay kapwa ang katotohanan. Hindi masusukat ang halaga nito sa pamamagitan ng anumang materyal na bagay, gaano man kahalaga, ni mabibilang ang halaga nito batay sa salapi, dahil hindi ito isang materyal na bagay, at tinutustusan nito ang mga pangangailangan ng puso ng bawat isang tao. Para sa bawat isang tao, ang halaga ng di-nahahawakang mga katotohanang ito ay dapat na higit kaysa sa halaga ng anumang materyal na mga bagay na maaaring pahalagahan mo, hindi ba? Ang pahayag na ito ay isang bagay na kailangan ninyong pag-isipang mabuti. Ang pangunahing punto ng Aking nasabi na ay na kung ano ang mayroon at kung ano ang Diyos at ang lahat ng tungkol sa Diyos ay ang pinakamahahalagang bagay para sa bawat isang tao at hindi mapapalitan ng anumang materyal na bagay. Bibigyan kita ng isang halimbawa: Kapag nagugutom ka, kailangan mo ng pagkain. Maaaring kahit paano ay masarap ang pagkaing ito, o halos hindi kasiya-siya, subalit hanggang nabusog ka, mawawala na ang hindi magandang pakiramdam na iyon ng pagiging gutom—mapapawi na ito. Makauupo ka na nang payapa, at magpapahinga ang iyong katawan. Malulutas ng pagkain ang gutom ng mga tao, subalit kapag sumusunod ka sa Diyos at nadarama na walang pagkaunawa sa Kanya, paano malulutas ang kahungkagan sa iyong puso? Malulutas ba ito ng pagkain? O kapag sumusunod ka sa Diyos at hindi nauunawaan ang Kanyang kalooban, ano ang magagamit mo upang punan ang gutom na yaon sa iyong puso? Sa proseso ng iyong karanasan ng kaligtasan sa pamamagitan ng Diyos, habang naghahangad ng pagbabago sa iyong disposisyon, kung hindi mo nauunawaan ang Kanyang kalooban o hindi nalalaman kung ano ang katotohanan, kung hindi mo nauunawaan ang disposisyon ng Diyos, hindi ka ba makadarama ng lubhang pagkabalisa? Hindi ka ba makadarama ng isang matinding pagkagutom at pagkauhaw sa iyong puso? Hindi ba mahahadlangan ng mga damdaming ito na madama mo ang kapahingahan sa iyong puso? Kaya paano mo mapupunan ang pagkagutom na yaon sa iyong puso—mayroon bang paraan upang malutas ito? Namimili ang ilang tao, hinahanap ng ilan ang kanilang mga kaibigan upang magtapat, nagpapakasasa sa mahabang pagtulog ang ilang tao, nagbabasa ng mas maraming salita ng Diyos ang iba, o mas lalo silang nagsusumikap at gumugugol ng mas maraming pagsisikap upang tuparin ang kanilang mga tungkulin. Malulutas ba ng mga bagay na ito ang tunay mong mga paghihirap? Ganap na nauunawaan ninyong lahat ang mga ganitong uri ng mga pagsasagawa. Kapag nakadarama ka ng kawalan ng lakas, kapag nakadarama ka ng isang matinding pagnanais na magkamit ng kaliwanagan mula sa Diyos upang tulutan kang malaman ang realidad ng katotohanan at ang Kanyang kalooban, ano ang pinakakailangan mo? Hindi isang kumpletong pagkain ang kailangan mo, at hindi ilang mabuting salita, lalo na ang panandaliang aliw at kasiyahan ng laman—ang kailangan mo ay ang sabihin ng Diyos sa iyo nang tuwiran at malinaw kung ano ang dapat mong gawin at kung paano mo gagawin ito, na sabihin sa iyo nang malinaw kung ano ang katotohanan. Pagkatapos mong maunawaan ito, kahit na kakatiting lang na pagkaunawa ang nakamit mo, hindi ba mas masisiyahan ka sa iyong puso kaysa sa nakakain ka ng isang kumpletong pagkain? Kapag nasisiyahan ang puso mo, hindi ba nagkakamit ng tunay na kapahingahan ang iyong puso at ang iyong buong pagkatao? Sa pamamagitan ng paghahambing at pagsusuring ito, nauunawaan na ba ninyo ngayon kung bakit nais Kong ibahagi sa inyo ang pangungusap na ito, “ang Anak ng tao ay Panginoon maging ng araw ng sabbath”? Nangangahulugan ito na kung anong mula sa Diyos, kung ano ang mayroon at kung ano Siya, at ang lahat ng tungkol sa Kanya, ay higit na dakila kaysa sa anumang ibang bagay, kabilang ang bagay o ang tao na minsang pinaniwalaan mong pinakamahalaga sa iyo. Ibig sabihin, kung hindi nakapagkakamit ang isang tao ng mga salita mula sa bibig ng Diyos o hindi nila nauunawaan ang Kanyang kalooban, hindi sila makapagkakamit ng kapahingahan. Sa inyong mga karanasan sa hinaharap, mauunawaan ninyo kung bakit nais Kong makita ninyo ang talatang ito ngayong araw—napakahalaga nito. Ang lahat ng bagay na ginagawa ng Diyos ay katotohanan at buhay. Ang katotohanan ay isang bagay na hindi maaaring mawala sa mga tao sa kanilang mga buhay, at isang bagay na hindi sila mabubuhay nang wala; maaari ring sabihin na ito ang pinakadakilang bagay. Bagaman hindi mo nakikita o nahahawakan ito, hindi maaaring balewalain ang kahalagahan nito sa iyo; ito ang tanging bagay na makapagbibigay ng kapahingahan sa iyong puso.
—Ang Salita, Vol. II. Ukol sa Pagkakilala sa Diyos. Ang Gawain ng Diyos, ang Disposisyon ng Diyos, at ang Diyos Mismo III