Araw-araw na mga Salita ng Diyos: Pagkilala sa Diyos | Sipi 77
Nakaluwalhati sa Diyos ang Muling Pagkabuhay ni Lazaro
Juan 11:43–44 At nang masabi Niya ang gayon, ay sumigaw Siya nang may malakas na tinig, “Lazaro, lumabas ka.” Siya na patay ay lumabas, na natatalian ang mga kamay at mga paa ng mga kayong panlibing; at ang kanyang mukha ay nababalot ng isang panyo. Sinabi sa kanila ni Jesus, “Siya’y inyong kalagan, at bayaan ninyo siyang yumaon.”
Ano ang inyong mga impresyon pagkatapos mabasa ang siping ito? Ang kahalagahan ng himalang ito na isinagawa ng Panginoong Jesus ay mas dakila kaysa sa nauna, sapagkat walang himala ang mas nakamamangha kaysa sa pagbuhay ng isang patay na tao mula sa libingan. Sa kapanahunang iyon, lubhang napakahalaga na isinagawa ng Panginoong Jesus ang isang bagay na gaya nito. Sapagkat ang Diyos ay nagkatawang-tao, nakikita lang ng mga tao ang Kanyang pisikal na kaanyuan, ang Kanyang praktikal na bahagi, at ang Kanyang hindi mahalagang aspeto. Kahit na nakita ng ilang tao at naunawaan ang ilan sa Kanyang katangian o ang ilang natatanging kakayahan na sa wari ay taglay Niya, walang nakakaalam kung saan nagmula ang Panginoong Jesus, kung sino talaga Siya sa Kanyang diwa, at kung ano pa ang kaya Niyang gawin. Ang lahat ng ito ay di-batid ng sangkatauhan. Napakaraming tao ang nagnais na makahanap ng katunayan upang sagutin ang mga katanungang ito ukol sa Panginoong Jesus, at upang malaman ang totoo. Makagagawa ba ang Diyos ng isang bagay upang patunayan ang Kanyang sariling pagkakakilanlan? Para sa Diyos, napakadali nito—madaling-madali lang. Makagagawa Siya ng anumang bagay kahit saan, anumang oras upang patunayan ang Kanyang pagkakakilanlan at diwa, subalit may sariling paraan ang Diyos sa paggawa ng mga bagay—may plano, at may mga hakbang. Hindi Siya basta-basta na lamang gumagawa ng mga bagay, ngunit sa halip ay naghahanap ng tamang panahon at tamang pagkakataon upang gawin ang isang bagay na pahihintulutan Niyang makita ng tao, isang bagay na talagang pinuspos ng kabuluhan. Sa paraang ito, pinatunayan Niya ang Kanyang awtoridad at ang Kanyang pagkakakilanlan. Kung gayon, magagawa bang patunayan ng muling pagkabuhay ni Lazaro ang pagkakakilanlan ng Panginoong Jesus? Tingnan natin ang sumusunod na talata ng kasulatan: “At nang masabi Niya ang gayon, ay sumigaw Siya nang may malakas na tinig, ‘Lazaro, lumabas ka.’ Siya na patay ay lumabas….” Nang ginawa ito ng Panginoong Jesus, isang bagay lang ang sinabi Niya: “Lazaro, lumabas ka.” At sa gayon ay lumabas si Lazaro mula sa kanyang libingan—ito ay naisakatuparan dahil lang sa iilang salita na binigkas ng Panginoon. Sa panahong ito, hindi nagtayo ang Panginoong Jesus ng dambana, at hindi Siya nagsagawa ng anumang iba pang pagkilos. Sinabi lang Niya ang isang bagay na ito. Dapat ba itong tawaging isang himala o isang utos? O isang uri ba ito ng salamangka? Kung tutuusin, tila matatawag itong isang himala, at kung titingnan mo ito mula sa makabagong pananaw, mangyari pa ay matatawag pa rin itong isang himala. Gayunpaman, tiyak na hindi ito maituturing na isang uri ng mahika na dapat magpabalik sa isang kaluluwa mula sa kamatayan, at lalong hindi ito salamangka, o anumang uri nito. Tamang sabihin na ang himalang ito ang pinakanormal, katiting na pagpapakita ng awtoridad ng Lumikha. Ito ang awtoridad at ang kapangyarihan ng Diyos. May awtoridad ang Diyos na hayaang mamatay ang isang tao, na hayaang lisanin ng kanyang espiritu ang kanyang katawan at bumalik sa Hades, o kung saan man ito dapat tumungo. Ang panahon ng kamatayan ng tao, at ang lugar kung saan sila tutungo pagkatapos mamatay—tinutukoy ang mga ito ng Diyos. Makapagpapasya Siya anumang oras at kahit saan, hindi napipigilan ng mga tao, mga pangyayari, mga bagay, espasyo, o heograpiya. Kung nais Niyang gawin ito, magagawa Niya ito, sapagkat ang lahat ng bagay at ang lahat ng buhay na nilalang ay nasa ilalim ng Kanyang pamumuno, at ang lahat ng bagay ay isinisilang, nabubuhay, at naglalaho sa pamamagitan ng Kanyang salita at ng Kanyang awtoridad. Mabubuhay Niyang muli ang isang taong patay—at ito ay isa ring bagay na magagawa Niya anumang oras, kahit saan. Ito ang awtoridad na ang Lumikha lang ang nagtataglay.
Nang gumawa ang Panginoong Jesus ng mga bagay gaya ng pagbuhay muli kay Lazaro mula sa kamatayan, ang Kanyang mithiin ay upang magbigay ng katunayan para sa mga tao at para makita ni Satanas, at upang ipaalam sa mga tao at kay Satanas na ang lahat ng tungkol sa sangkatauhan, ang buhay at kamatayan ng sangkatauhan ay tinutukoy ng Diyos, at na bagaman Siya ay nagkatawang-tao, nananatili Siyang may kapangyarihan sa pisikal na mundo na nakikita at gayundin sa espirituwal na daigdig na hindi nakikita ng mga tao. Ito ay upang ipaalam sa mga tao at kay Satanas na ang lahat ng tungkol sa sangkatauhan ay hindi nasa ilalim ng kapangyarihan ni Satanas. Ito ay isang paghahayag at isang pagpapakita ng awtoridad ng Diyos, at ito ay isa ring paraan para sa Diyos na makapaghatid ng mensahe sa lahat ng bagay, na ang buhay at kamatayan ng sangkatauhan ay nasa mga kamay ng Diyos. Ang muling pagbuhay ng Panginoong Jesus kay Lazaro ay isa sa mga paraan kung paano tinuturuan at binibigyang-tagubilin ng Lumikha ang sangkatauhan. Ito ay isang kongkretong pagkilos na kung saan ay ginamit Niya ang Kanyang kapangyarihan at awtoridad upang bigyang-tagubilin at tustusan ang sangkatauhan. Ito ay isang paraan, na hindi gumagamit ng mga salita, para sa Lumikha na tulutan ang sangkatauhan na makita ang katotohanan na Siya ang may kapangyarihan sa lahat ng bagay. Ito ay isang paraan upang masabi Niya sa sangkatauhan sa pamamagitan ng mga praktikal na pagkilos na walang kaligtasan maliban sa pamamagitan Niya. Ang ganitong tahimik na pamamaraan na ginamit Niya upang bigyang-tagubilin ang sangkatauhan ay walang hanggan, di-napapawi, nagdulot sa mga puso ng tao ng isang pagkagimbal at kaliwanagan na hindi kailanman kukupas. Nakaluwalhati sa Diyos ang muling pagkabuhay ni Lazaro—may malaking epekto ito sa bawat isang tagasunod ng Diyos. Matatag nitong pinananatili sa bawat tao na nauunawaang mabuti ang pangyayaring ito ang pagkaunawa, ang pananaw na ang Diyos lang ang may kapangyarihan sa buhay at kamatayan ng sangkatauhan. Bagaman may ganitong uri ng awtoridad ang Diyos, at bagaman nagpaabot Siya ng isang mensahe tungkol sa Kanyang kataas-taasang kapangyarihan sa buhay at kamatayan ng sangkatauhan sa pamamagitan ng muling pagkabuhay ni Lazaro, hindi ito ang Kanyang pangunahing gawain. Hindi kailanman gumagawa ang Diyos ng isang bagay na walang kahulugan. Ang bawat isang bagay na Kanyang ginagawa ay may malaking halaga at isang nakahihigit na hiyas sa isang kamalig ng mga kayamanan. Tiyak na hindi Niya gagawing pangunahin o tanging mithiin o kasangkapan ng Kanyang gawain ang “pagpapalabas ng tao sa kanyang libingan.” Hindi gumagawa ang Diyos ng anumang bagay na walang kahulugan. Ang muling pagkabuhay ni Lazaro bilang nag-iisang pangyayari ay sapat na upang ipakita ang awtoridad ng Diyos at upang patunayan ang pagkakakilanlan ng Panginoong Jesus. Ito ang dahilan kung bakit hindi na inulit ng Panginoong Jesus ang ganitong uri ng himala. Ginagawa ng Diyos ang mga bagay alinsunod sa Kanyang sariling mga prinsipyo. Sa wikang pantao, masasabi na pinupuno lang ng Diyos ang Kanyang isipan ng seryosong mga bagay. Ibig sabihin, kapag gumagawa ang Diyos ng mga bagay, hindi Siya lumalayo sa layunin ng Kanyang gawain. Alam Niya kung anong gawain ang Kanyang gustong isakatuparan sa yugtong ito, kung ano ang gusto Niyang matapos, at gagawa Siyang alinsunod talaga sa Kanyang plano. Kung nagkaroon ang isang taong tiwali ng gayong uri ng kakayahan, mag-iisip lang siya ng mga paraan upang ihayag ang kanyang kakayahan nang malaman ng iba kung gaano siya kakila-kilabot, nang sa gayon ay yumukod sila sa kanya, upang makontrol niya ang mga ito at lamunin sila. Ito ang kasamaan na nagmumula kay Satanas—tinatawag itong katiwalian. Walang gayong disposisyon ang Diyos, at wala Siyang gayong diwa. Ang Kanyang layunin sa paggawa ng mga bagay ay hindi upang magpakitang-gilas, bagkus ay upang tustusan ang sangkatauhan ng higit pang pahayag at paggabay, at ito ang dahilan kung bakit kakaunti lang ang mga halimbawang nakikita ng mga tao sa Bibliya na gaya ng ganitong uri ng pangyayari. Hindi ito nangangahulugan na ang mga kapangyarihan ng Panginoong Jesus ay limitado, o na hindi Niya magagawa ang gayong mga bagay. Ayaw lang itong gawin ng Diyos, sapagkat ang muling pagbuhay ng Panginoong Jesus kay Lazaro ay may totoong praktikal na kahalagahan, at dahil din sa ang pangunahing gawain ng pagkakatawang-tao ng Diyos ay hindi ang pagsasagawa ng mga himala, hindi ang muling pagbuhay sa mga tao mula sa kamatayan, bagkus ay ang gawain ng pagtubos sa sangkatauhan. Kaya, karamihan sa mga gawain na natapos ng Panginoong Jesus ay pagtuturo sa mga tao, pagtutustos sa kanila, at pagtulong sa kanila, at ang mga pangyayaring kagaya ng muling pagbuhay kay Lazaro ay maliit lang na bahagi ng ministeryo na isinakatuparan ng Panginoong Jesus. Higit pa rito, masasabi na ang “pagpapakitang-gilas” ay hindi bahagi ng diwa ng Diyos, kaya ang Panginoong Jesus ay hindi sadyang nagsagawa ng pagpipigil sa pamamagitan ng hindi pagpapamalas ng marami pang himala, ni dahil man sa mga limitasyong pangkapaligiran, at tiyak na hindi ito dahil sa kawalan ng kapangyarihan.
Nang muling buhayin ng Panginoong Jesus si Lazaro mula sa kamatayan, ginamit lang Niya ang ilang salitang ito: “Lazaro, lumabas ka.” Wala na Siyang sinabi maliban dito. Kung gayon, ano ang ipinapakita ng mga salitang ito? Ipinapakita ng mga ito na magagawa ng Diyos ang anumang bagay sa pamamagitan ng pagsasalita, kabilang na ang muling pagbuhay sa isang taong patay. Nang nilikha ng Diyos ang lahat ng bagay, nang nilikha Niya ang mundo, ginawa Niya iyon sa pamamagitan ng mga salita—sinalitang mga utos, mga salitang may awtoridad, at sa paraang ito ay nalikha ang lahat ng bagay, at sa gayon, ito ay natapos. Ang ilang salitang ito na sinabi ng Panginoong Jesus ay kagaya ng mga salitang sinabi ng Diyos nang Kanyang likhain ang kalangitan at ang lupa at ang lahat ng bagay; sa parehong paraan, taglay ng mga ito ang awtoridad ng Diyos at ang kapangyarihan ng Lumikha. Ang lahat ng bagay ay inanyuan at nanindigan dahil sa mga salita mula sa bibig ng Diyos, at sa parehong paraan, naglakad si Lazaro palabas ng kanyang libingan dahil sa mga salita mula sa bibig ng Panginoong Jesus. Ito ang awtoridad ng Diyos, ipinakita at isinakatuparan sa Kanyang nagkatawang-taong laman. Ang ganitong uri ng awtoridad at kakayahan ay pag-aari ng Lumikha, at ng Anak ng tao na kung kanino naisakatuparan ang Lumikha. Ito ang pagkaunawa na itinuro ng Diyos sa sangkatauhan sa pamamagitan ng muling pagbuhay kay Lazaro mula sa kamatayan.
—Ang Salita, Vol. II. Ukol sa Pagkakilala sa Diyos. Ang Gawain ng Diyos, ang Disposisyon ng Diyos, at ang Diyos Mismo III