Araw-araw na mga Salita ng Diyos: Pagkilala sa Diyos | Sipi 9
Gumagamit ang Diyos ng Iba-ibang Pagsubok Upang Suriin Kung ang mga Tao ay May Takot sa Diyos at Umiiwas sa Kasamaan
Sa bawat kapanahunan, habang gumagawa sa mga tao, ipinagkakaloob ng Diyos ang ilang salita sa kanila at sinasabi sa kanila ang ilang katotohanan. Ang mga katotohanang ito ay nagsisilbing daan na dapat sundan ng mga tao, ang daan na dapat nilang lakaran, ang daan na nagbibigay-kakayahan sa kanila na magkaroon ng takot sa Diyos at makaiwas sa kasamaan, at ang daan na dapat isagawa at sundan ng mga tao sa kanilang buhay at sa buong paglalakbay nila sa buhay. Ito ang mga dahilan kaya ipinapahayag ng Diyos ang mga pagbigkas na ito sa sangkatauhan. Ang mga salitang ito na nagmumula sa Diyos ay dapat sundin ng mga tao, at ang pagsunod sa mga ito ay pagtanggap ng buhay. Kung hindi susundin ng isang tao ang mga ito, hindi isasagawa ang mga ito, at hindi isasabuhay ang mga salita ng Diyos, hindi isinasagawa ng taong ito ang katotohanan. Bukod pa riyan, kung hindi isinasagawa ng mga tao ang katotohanan, hindi sila natatakot sa Diyos at hindi nila iniiwasan ang kasamaan, ni hindi rin nila mapapalugod ang Diyos. Ang mga taong hindi kayang palugurin ang Diyos ay hindi matatanggap ang Kanyang papuri, at walang kahihinatnan ang gayong mga tao. Kaya, kung gayon, sa takbo ng Kanyang gawain, paano ipinapasya ng Diyos ang kahihinatnan ng isang tao? Anong mga pamamaraan ang ginagamit ng Diyos upang ipasya ang kahihinatnan ng isang tao? Marahil ay hindi pa rin masyadong malinaw ito sa inyo sa ngayon, ngunit kapag sinabi Ko sa inyo ang proseso, medyo magiging malinaw ito, dahil marami sa inyo mismo ang nakaranas na nito.
Sa kabuuan ng gawain ng Diyos, mula pa sa simula, nagtakda na ng mga pagsubok ang Diyos para sa bawat tao—o maaari ninyong sabihing, bawat taong sumusunod sa Kanya—at iba-iba ang bigat ng mga pagsubok na ito. May mga taong nakaranas ng pagsubok na maitakwil ng kanilang pamilya, may mga nakaranas ng pagsubok na masasamang kapaligiran, may mga nakaranas ng pagsubok na maaresto at mapahirapan, may mga nakaranas ng pagsubok na maharap sa mga pagpipilian, at may mga naharap sa mga pagsubok na pera at katayuan. Sa pangkalahatan, bawat isa sa inyo ay naharap na sa lahat ng uri ng mga pagsubok. Bakit ganito kung gumawa ang Diyos? Bakit Niya tinatrato ang lahat sa ganitong paraan? Anong klaseng resulta ang hinahanap Niya? Narito ang puntong nais Kong iparating sa inyo: Nais makita ng Diyos kung ang taong ito ang uri na may takot sa Kanya at umiiwas sa kasamaan. Ang ibig sabihin nito ay na kapag binibigyan ka ng Diyos ng isang pagsubok, at inihaharap ka sa ilang sitwasyon, layon Niyang suriin kung isa kang taong may takot sa Kanya at umiiwas sa kasamaan o hindi. Kung nahaharap ang isang tao sa tungkuling ingatan ang isang handog, at humantong ang tungkuling ito sa paggalaw sa handog sa Diyos, sasabihin mo ba na ito ay isang bagay na naisaayos ng Diyos? Walang duda! Lahat ng bagay na kinakaharap mo ay isang bagay na naisaayos ng Diyos. Kapag nahaharap ka sa bagay na ito, lihim kang oobserbahan ng Diyos, minamatyagan kung anong mga pagpili ang ginagawa mo, paano ka nagsasagawa, at ano ang mga naiisip mo. Ang pinakamahalaga sa Diyos ay ang huling resulta, dahil ito ang resultang tutulong sa Kanya na masukat kung namuhay ka ayon sa Kanyang pamantayan o hindi sa partikular na pagsubok na ito. Gayunman, tuwing nahaharap ang mga tao sa isang problema, madalas ay hindi nila iniisip kung bakit sila nahaharap sa mga ito, anong pamantayan ang inaasahan ng Diyos na matugunan nila, ano ang nais Niyang makita sa kanila o ano ang nais Niyang matamo mula sa kanila. Kapag naharap sa problemang ito, iniisip lamang ng mga tao ito: “Ito ang bagay na kinakaharap ko; kailangan kong mag-ingat, hindi magpabaya! Anuman ang mangyari, ito ay handog sa Diyos, at hindi ko ito maaaring galawin.” Nasasaisip ang mga simpleng bagay na ito, naniniwala ang mga tao na natupad na nila ang kanilang mga responsibilidad. Malulugod ba ang Diyos sa resulta ng pagsubok na ito o hindi? Sumige kayo at pag-usapan ninyo ito. (Kung may takot sa Diyos ang mga tao sa kanilang puso, kapag naharap sila sa isang tungkulin na nagtutulot sa kanila na magalaw ang handog sa Diyos, isasaalang-alang nila kung gaano kadaling magkasala sa disposisyon ng Diyos, at sisiguraduhin nilang mag-ingat sa kanilang pagkilos.) Ang tugon mo ay nasa tamang landas, ngunit hindi iyon nagtatapos doon. Ang paglalakad sa daan ng Diyos ay hindi tungkol sa pagsunod sa mabababaw na panuntunan; sa halip, nangangahulugan ito na kapag nahaharap ka sa isang problema, ituring mo muna ito una sa lahat bilang isang sitwasyon na naisaayos ng Diyos, isang responsibilidad na naipagkaloob Niya sa iyo, o isang gawaing naipagkatiwala Niya sa iyo. Kapag nahaharap sa problemang ito, dapat mo ngang ituring ito bilang isang pagsubok ng Diyos sa iyo. Kapag nahaharap ka sa problemang ito, kailangan ay mayroon kang pamantayan sa puso mo, kailangan mong isipin na ang bagay na ito ay nagmula sa Diyos. Kailangan mong pag-isipan kung paano mo haharapin ito sa isang paraan na matutupad mo ang iyong responsibilidad habang nananatili kang tapat sa Diyos, gayundin kung paano ito gawin nang hindi Siya ginagalit o hindi ka nagkakasala sa Kanyang disposisyon. Kanina lamang ay pinag-usapan natin ang pag-iingat sa mga handog. Kasali rito ang mga handog, at binabanggit din dito ang iyong tungkulin at iyong responsibilidad. Nakatali ka sa responsibilidad na ito. Gayunman, kapag naharap ka sa problemang ito, mayroon bang anumang tukso? Mayroon! Saan nanggagaling ang tuksong ito? Galing ang tuksong ito kay Satanas, at nagmumula rin ito sa masasama at tiwaling mga disposisyon ng mga tao. Dahil may tukso, kasali sa isyung ito ang paninindigan sa patotoo na dapat panindigan ng mga tao, na responsibilidad at tungkulin mo rin. Sabi ng ilang tao, “Napakaliit na bagay nito; kailangan ba talagang palakihin ito?” Oo, kailangan! Dahil para makalakad sa daan ng Diyos, hindi natin maaaring hayaan ang anumang nangyayari sa atin o sa paligid natin, kahit ang maliliit na bagay; iniisip man natin na dapat itong bigyang-pansin o hindi, basta’t may anumang bagay tayong nakakaharap, hindi natin ito dapat hayaan. Lahat ng bagay na nangyayari ay dapat ituring na mga pagsubok na bigay sa atin ng Diyos. Ano sa palagay mo ang ganitong paraan ng pagtingin sa mga bagay-bagay? Kung mayroon kang ganitong klaseng saloobin, nagpapatibay ito sa isang katunayan: Sa iyong kalooban, may takot ka sa Diyos at handa kang umiwas sa kasamaan. Kung may hangarin kang palugurin ang Diyos, hindi malayong matugunan ng isinasagawa mo ang pamantayan ng pagkakaroon ng takot sa Diyos at pag-iwas sa kasamaan.
Madalas ay may mga taong naniniwala na ang mga bagay na hindi gaanong pinapansin ng mga tao at hindi karaniwang binabanggit ay maliliit na bagay lamang na walang kinalaman sa pagsasagawa ng katotohanan. Kapag naharap sa ganito lamang na isyu, hindi ito gaanong pinag-iisipan ng mga taong ito, at hinahayaan lamang nila ito. Gayunman, sa katunayan, ang bagay na ito ay isang aral na dapat mong pag-aralan—isang aral kung paano magkaroon ng takot sa Diyos at paano umiwas sa kasamaan. Bukod pa riyan, ang dapat mong higit na alalahanin ay ang pag-alam kung ano ang ginagawa ng Diyos kapag dumarating ang bagay na ito sa iyong harapan. Nasa tabi mo ang Diyos, inoobserbahan ang bawat salita at kilos mo, at minamatyagan ang lahat ng ginagawa mo at ang mga pagbabagong nagaganap sa iyong isipan—ito ay gawain ng Diyos. Nagtatanong ang ilang tao, “Kung totoo iyan, bakit hindi ko iyon naramdaman?” Hindi mo iyon naramdaman dahil hindi ka sumunod sa daan ng pagkakaroon ng takot sa Diyos at pag-iwas sa kasamaan bilang pangunahin mong daan; kaya hindi mo maramdaman ang banayad na gawaing ginagawa ng Diyos sa mga tao, na nagpapamalas mismo ayon sa iba-ibang saloobin at kilos ng mga tao. Isa kang hangal! Ano ang malaking bagay? Ano ang maliit na bagay? Ang mga bagay na nauugnay sa paglakad sa daan ng Diyos ay hindi nahahati sa pagitan ng malalaki o maliliit na bagay, lahat ng ito ay malalaking bagay—matatanggap ba ninyo iyon? (Matatanggap namin iyon.) Pagdating sa pang-araw-araw na mga bagay, may ilan na itinuturing ng mga tao na napakalaki at makabuluhan, at ang iba pa na itinuturing nilang maliliit na bagay. Madalas ituring ng mga tao ang malalaking bagay na ito na napakahalaga, at itinuturing nila ang mga ito na nagmula sa Diyos. Gayunman, habang lumalabas ang malalaking bagay na ito, dahil sa kamusmusan ng isip ng tao at dahil sa kanilang mahinang kakayahan, madalas ay hindi natutupad ng mga tao ang kalooban ng Diyos, hindi sila makatanggap ng anumang mga paghahayag, at hindi sila makakuha ng anumang aktuwal na kaalaman na may halaga. Pagdating sa maliliit na bagay, hindi talaga napapansin ng mga tao ang mga ito at hinahayaan lamang na unti-unting mawala. Sa gayon, nawala sa mga tao ang maraming pagkakataong masuri sa harap ng Diyos at masubok Niya. Kung lagi mong kinaliligtaan ang mga tao, pangyayari, at bagay, at mga sitwasyong naisaayos ng Diyos para sa iyo, ano ang ibig sabihin niyan? Ang ibig sabihin niyan ay na bawat araw, at kahit bawat sandali, palagi mong tinatalikuran ang pagpeperpekto ng Diyos sa iyo, pati na ang Kanyang pamumuno. Tuwing nagsasaayos ang Diyos ng isang sitwasyon para sa iyo, lihim Siyang nakamasid, nakatingin sa iyong puso, inoobserbahan Niya ang iyong mga iniisip at pagwawari, minamasdan kung paano ka mag-isip, at hinihintay na makita kung paano ka kikilos. Kung isa kang pabayang tao—isang taong hindi kailanman naging seryoso tungkol sa daan ng Diyos, sa Kanyang mga salita, o sa katotohanan—hindi ka magiging maingat o hindi mo papansinin ang nais ng Diyos na tapusin o ang mga kinakailangang inasahan Niyang tugunan mo kapag nagsaayos Siya ng isang sitwasyon para sa iyo. Hindi mo rin malalaman kung paano nauugnay ang mga tao, mga pangyayari, at mga bagay na nakakatagpo mo sa katotohanan o sa kalooban ng Diyos. Pagkatapos mong harapin ang paulit-ulit na mga sitwasyon at pagsubok na tulad nito, nang walang nakikita ang Diyos na anumang resulta sa iyo, paano Siya magpapatuloy? Pagkatapos ng paulit-ulit na pagharap sa mga pagsubok, hindi mo dinakila ang Diyos sa puso mo, ni hindi mo nakita kung ano ang mga sitwasyong isinaayos ng Diyos para sa iyo: mga pagsubok at pagsusuri mula sa Diyos. Sa halip, sunud-sunod mo nang tinanggihan ang mga pagkakataong ibinigay ng Diyos sa iyo, at hinayaang makalampas ang mga ito nang paulit-ulit. Hindi ba sukdulang pagsuway ang ipinapakitang ito ng mga tao? (Oo.) Masasaktan ba ang Diyos dahil dito? (Oo.) Mali, hindi masasaktan ang Diyos! Minsan pa kayong nagulat na marinig Akong sabihin ang gayong bagay. Iniisip siguro ninyo: “Hindi ba sinabi kanina na palaging nasasaktan ang Diyos? Kung gayon ba ay hindi nasasaktan ang Diyos? Kung gayon, kailan nasasaktan ang Diyos?” Sa madaling salita, hindi masasaktan ang Diyos sa sitwasyong ito. Kaya, ano, kung gayon, ang saloobin ng Diyos sa uri ng pag-uugaling nakabalangkas sa itaas? Kapag tinatanggihan ng mga tao ang mga pagsubok at pagsusuring ipinadadala sa kanila ng Diyos, at kapag iniiwasan nila ang mga ito, iisa lamang ang saloobin ng Diyos sa gayong mga tao. Anong saloobin ito? Tinatanggihan ng Diyos ang ganitong klaseng tao, sa kaibuturan ng Kanyang puso. May dalawang antas ng kahulugan para sa salitang “tanggihan.” Paano Ko dapat ipaliwanag ito mula sa Aking pananaw? Sa Aking kaibuturan, ang salitang “tanggihan” ay nangangahulugan ding kasuklaman at kamuhian. Ano naman ang isa pang antas ng kahulugan nito? Iyan ang bahaging nagpapahiwatig ng pagsuko sa isang bagay. Alam ninyong lahat ang kahulugan ng “pagsuko,” hindi ba? Sa madaling sabi, ang “tanggihan” ay isang salitang kumakatawan sa huling reaksyon at saloobin ng Diyos sa mga taong kumikilos sa ganitong paraan; iyon ay sukdulang pagkamuhi sa kanila, at pagkayamot, at, sa gayon, nagreresulta ito sa desisyon na pabayaan sila. Ito ang panghuling desisyon ng Diyos sa isang taong hindi kailanman lumakad sa daan ng Diyos at hindi kailanman nagkaroon ng takot sa Diyos at umiwas sa kasamaan. Makikita ba ninyong lahat ngayon ang kahalagahan ng kasabihang binanggit Ko kanina?
Nauunawaan na ba ninyo ngayon ang pamamaraang ginagamit ng Diyos sa pagpapasya sa mga kahihinatnan ng mga tao? (Nagsasaayos Siya ng iba’t ibang sitwasyon araw-araw.) “Nagsasaayos Siya ng iba’t ibang sitwasyon”—ito ang mga bagay na nadarama at nahahawakan ng mga tao. Kaya, ano ang motibo ng Diyos sa paggawa nito? Ang Kanyang layunin ay bigyan ang bawat isang tao ng iba-ibang pamamaraan ng mga pagsubok sa iba’t ibang panahon at iba’t ibang lugar. Anong mga aspeto ng isang tao ang sinusuri sa panahon ng isang pagsubok? Tinutukoy ng isang pagsubok kung ikaw ay isang uri ng tao na may takot sa Diyos at umiiwas sa kasamaan o hindi sa bawat isyung iyong kinakaharap, naririnig, nakikita, at personal mong nararanasan. Lahat ay haharap sa ganitong klaseng pagsubok, dahil makatarungan ang Diyos sa lahat ng tao. Sinasabi ng ilan sa inyo, “Nanampalataya na ako sa Diyos sa loob ng maraming taon, kaya bakit hindi pa ako naharap sa anumang mga pagsubok?” Pakiramdam mo ay hindi ka pa naharap sa anuman dahil kapag nagsaayos ang Diyos ng mga sitwasyon para sa iyo, hindi mo sineseryoso ang mga ito at ayaw mong lumakad sa daan ng Diyos. Sa gayon, talagang hindi mo man lamang nadarama ang mga pagsubok ng Diyos. Sinasabi ng ilang tao, “Naharap na ako sa ilang pagsubok, ngunit hindi ko alam kung paano magsagawa nang wasto. Kahit noong magsagawa ako, hindi ko pa rin alam kung nanindigan ba ako sa panahon ng mga pagsubok ng Diyos.” Ang mga tao sa ganitong uri ng kalagayan ay tiyak na hindi lamang kakaunti. Sa gayon, ano ang pamantayang ginagamit ng Diyos sa pagsukat sa mga tao? Katulad ng sinabi Ko kanina: Iyon ay kung may takot ka man sa Diyos o wala at umiiwas ka sa kasamaan o hindi sa lahat ng bagay na ginagawa, iniisip, at ipinapakita mo. Ganito magpasya kung isa kang taong may takot sa Diyos o wala at umiiwas ka sa kasamaan o hindi. Simple ba ang konseptong ito, o hindi? Madali itong sabihin, ngunit madali ba itong isagawa? (Hindi iyon gayon kadali.) Bakit hindi iyon gayon kadali? (Dahil hindi kilala ng mga tao ang Diyos, at hindi nila alam kung paano ginagawang perpekto ng Diyos ang mga tao, kaya kapag nahaharap sila sa mga bagay-bagay, hindi nila alam kung paano hanapin ang katotohanan para malutas ang kanilang mga problema. Kailangan silang magdaan sa iba-ibang pagsubok, pagpipino, pagkastigo, at paghatol bago nila taglayin ang realidad na magkaroon ng takot sa Diyos.) Maaari ninyong sabihin iyan nang ganyan, ngunit para sa inyo, tila napakadaling magkaroon ng takot sa Diyos at umiwas sa kasamaan ngayon. Bakit Ko sinasabi ito? Dahil nakinig kayo sa maraming sermon at marami kayong natanggap na pagdidilig mula sa realidad ng katotohanan; ito ang nagtulot sa inyo na teoretikal at matalinong unawain kung paano magkaroon ng takot sa Diyos at umiwas sa kasamaan. Tungkol sa kung paano talaga isagawa ang pagkakaroon ng takot sa Diyos at pag-iwas sa kasamaan, malaking tulong ang lahat ng kaalamang ito at ipinadama nito sa inyo na parang madaling makamtan ang gayong bagay. Kung gayon, bakit hindi ito talaga nakakamtan ng mga tao kailanman? Ito ay dahil ang kalikasan at diwa ng mga tao ay walang takot sa Diyos, at gusto nito ang kasamaan. Ito ang tunay na dahilan.
—Ang Salita, Vol. II. Ukol sa Pagkakilala sa Diyos. Paano Malalaman ang Disposisyon ng Diyos at ang mga Resultang Makakamtan ng Kanyang Gawain