Mag-subscribe

Menu

8 mga Bible Verse About Wisdom Tagalog

Alam mo ba kung paano haharapin ang mga masalimuot na tao, kaganapan, at bagay sa buhay sa matalinong paraan? Gusto mo bang maging isang matalinong tao na sinang-ayunan ng Diyos? Basahin ang sumusunod na mga talata sa Bibliya tungkol sa karunungan upang mahanap ang paraan.

Kawikaan 9:10

Ang pagkatakot sa Panginoon ay pasimula ng karunungan: at ang pagkakilala sa Banal ay kaunawaan.

Kawikaan 12:15

Ang lakad ng mangmang ay matuwid sa kaniyang sariling mga mata: nguni’t siyang pantas ay nakikinig sa payo.

Kawikaan 12:18

May nagsasalitang madalas na parang saliwan ng tabak: nguni’t ang dila ng pantas ay kagalingan.

Kawikaan 15:2

Ang dila ng pantas ay nagbabadya ng tuos ng kaalaman: nguni’t ang bibig ng mga mangmang ay nagbubugso ng kamangmangan.

Kawikaan 14:8

Ang karunungan ng mabait ay makaunawa ng kaniyang lakad: nguni’t ang kamangmangan ng mga mangmang ay karayaan.

Kawikaan 2:20

Upang ikaw ay makalakad ng lakad ng mabubuting tao, at maingatan ang mga landas ng matuwid.

Awit 101:2

Ako’y magpapakapantas sa sakdal na lakad.

Kawikaan 11:2

Pagka dumarating ang kapalaluan ay dumarating nga ang kahihiyan: nguni’t nasa mababa ang karunungan.

Nauugnay na mga Salita ng Diyos

May isang mahalagang linya sa bahaging ito ng Banal na Kasulatan: “ang bawa’t itinawag ng lalake sa bawa’t kinapal na may buhay ay yaon ang naging pangalan niyaon.” Kaya, sino ang nagbigay sa lahat ng buhay na nilikha ng kanilang mga pangalan? Ito ay si Adan, hindi ang Diyos. May sinasabing katotohanan sa sangkatauhan ang linyang ito: Binigyan ng Diyos ang tao ng katalinuhan noong siya ay Kanyang nilikha. Ang ibig sabihin, ang katalinuhan ng tao ay nagmula sa Diyos. Ito ay isang katiyakan. Ngunit bakit? Matapos likhain ng Diyos si Adan, pumasok ba sa paaralan si Adan? Marunong ba siyang magbasa? Matapos likhain ng Diyos ang iba’t ibang buhay na nilikha, nakilala ba ni Adan ang lahat ng nilalang na ito? Sinabi ba ng Diyos sa kanya kung ano ang mga pangalan nila? Siyempre, hindi rin itinuro ng Diyos sa kanya kung paano pangalanan ang mga nilikhang ito. Iyan ang totoo! Kung ganoon, paano nalaman ni Adan kung paano pangalanan ang mga buhay na nilikhang ito at kung anong uri ng mga pangalan ang ibibigay sa kanila? Ito ay kaugnay sa tanong na kung ano ang idinagdag ng Diyos kay Adan noong nilikha Niya siya. Ang mga katotohanan ay nagpapatunay na noong nilikha ng Diyos ang tao, idinagdag Niya ang Kanyang katalinuan sa kanya.

Hinango mula sa “Ang Gawain ng Diyos, ang Disposisyon ng Diyos, at ang Diyos Mismo I”

Ang pinakadakilang karunungan ay ang hingin ang tulong ng Diyos at umasa sa Diyos sa lahat ng bagay. Ito ay isang bagay na hindi pa naiintindihan ng karamihan sa mga tao. Sa halip ay ano ang kanilang pinaniniwalaan? “Mas nag-aaral ako, mas nakikinig at nagbabasa ng maraming salita ng Diyos, at dumadalo sa maraming pulong, natututo ng maraming kasanayan at maraming awitin. Pagkatapos ay lalo pa akong nananalangin, lalo pang nakikibahagi sa mga kapatid, lalo pang ginagawa ang aking mga tungkulin, lalo pang nagdurusa, lalo pang nagsasakripisyo, tumatalikod sa mas marami pang bagay, at ito na marahil ang pinakadakilang karunungan.” Ngunit nakaligtaan ninyo ang pinakahuling layunin ng paggawa ng lahat ng ito. Gaano man kalaking katotohanan ang nauunawaan ng isang tao, gaano man karami ang mga tungkuling kanyang nagampanan, gaano man katindi ang dinanas ng isang tao habang ginagampanan ang mga tungkuling iyon, gaano man kataas o kababa ang katayuan ng isang tao, o ano man ang uri ng kapaligiran ang kanyang kinapapalooban, ang isang hindi dapat mawala sa kanya ay ang tumingala sa Diyos at umasa sa Kanya sa lahat ng kanyang gagawin. Ito ang pinakadakilang uri ng karunungan. Bakit Ko sinasabing ito ang pinakadakilang karunungan? Kahit pa naunawaan ng isang tao ang maraming katotohanan, sapat na ba ito kung hindi siya aasa sa Diyos? May mga tao na makaraang maniwala sa Diyos nang may katagalan ay nakauunawa na ng ilang katotohanan at nakaranas na ng ilang pagsubok. Maaaring may natamo na silang kaunting praktikal na karanasan, ngunit hindi nila alam kung paano umasa sa Diyos, o hindi nila nauunawaan kung paano tumingala sa Diyos at umasa sa Kanya. Nagtataglay ba ng karunungan ang ganoong mga tao? Sila ang pinakahangal sa lahat ng tao, at ang uri na ang palagay sa sarili ay napakatalino nila; hindi sila natatakot sa Diyos at hindi iwinawaksi ang masama. Sinasabi ng ilang tao: “Nauunawaan ko ang maraming katotohanan at nagtataglay ako ng katotohanang realidad. Ayos lamang na gawin ang mga bagay sa isang paraang may prinsipyo. Tapat ako sa Diyos, at alam ko kung paano maging malapit sa Diyos. Hindi pa ba sapat na umaasa ako sa katotohanan?” Kung doktrina ang pag-uusapan, mainam ang “Umasa sa katotohanan”. Gayunman, maraming pagkakataon at sitwasyon kung saan hindi alam ng mga tao kung ano ang katotohanan o kung ano ang mga katotohanang prinsipyo. Alam ito ng lahat ng may praktikal na karanasan. Halimbawa, kapag may makaharap kang ilang usapin, maaaring hindi mo alam kung paano isasagawa o ilalapat ang katotohanang may kabuluhan sa usaping ito. Ano ang dapat mong gawin sa mga pagkakataong tulad nito? Gaano man karami ang taglay mong praktikal na karanasan, hindi mo makakayang taglayin ang katotohanan sa lahat ng mga sitwasyon. Gaano man karaming taon kang naniwala sa Diyos, gaano mang karaming bagay ang naranasan mo, at gaano man karaming pagtatabas, pagwawasto, o pagdisiplina ang naranasan mo, ikaw ba ang pinagmumulan ng katotohanan? Sinasabi ng ilang tao: “Alam na alam ko ang mga kilalang pananalita at talatang iyon sa aklat na Ang Salita ay Nagpapakita sa Katawang-tao; hindi ko na kailangang umasa sa Diyos o tumingala sa Kanya. Pagdating ng panahon, magiging maayos ako sa pamamagitan lamang ng pag-asa sa mga salitang ito ng Diyos.” Hindi nagbabago ang mga salitang isinaulo mo, ngunit ang mga kapaligirang nakatagpo mo gayundin ang iyong mga katayuan ay pabago-bago. Ang pagkakaroon ng kaalaman sa mga literal na salita at pagsasalita tungkol sa maraming espirituwal na doktrina ay hindi nangangahulugan ng pagkaunawa sa katotohanan, at lalong hindi ito nangangahulugan ng pagkaunawa sa kalooban ng Diyos sa bawat sitwasyon. Kaya’t may napakahalagang aral na matututuhan dito: Iyon ay ang pangangailangan ng mga tao na tumingala sa Diyos sa lahat ng bagay, at sa pagsasagawa nito, makakamtan nila ang pag-asa sa Diyos. Tanging sa pag-asa sa Diyos magkakaroon ang mga tao ng landas na susundan. Kung hindi magkagayon, may bagay kang magagawa nang tama at naaayon sa mga katotohanang prinsipyo, ngunit kung hindi ka aasa sa Diyos, kung gayon ang mga pagkilos mo ay mga gawain lamang ng tao at hindi nangangahulugang nabibigyang-lugod mo na ang Diyos. Sapagkat may ganoong kababaw na pagkaunawa sa katotohanan ang mga tao, malamang na sumunod sila sa mga tuntunin at pilit na mangunyapit sa mga titik at doktrina sa pamamagitan ng paggamit ng gayunding katotohanan kapag nahaharap sa iba’t ibang sitwasyon. Posible na makumpleto nila ang maraming bagay bilang pangkalahatang pagsunod sa mga katotohanang prinsipyo, ngunit hindi makikita rito ang patnubay ng Diyos, o ang gawain ng Espiritu Santo. May malubhang problema rito, iyan ay ang mga tao na nagsasagawa ng maraming bagay na umaasa lamang sa kanilang karanasan at sa mga tuntunin na naunawaan nila, at sa ilang paglalarawan sa isip ng tao. Halos hindi nila matamo ang pinakamahusay na resulta, na nagmumula sa malinaw na pag-unawa sa kalooban ng Diyos sa pamamagitan ng pagtingala sa Kanya at pananalangin sa Kanya, at sa pag-asa sa gawain at patnubay Niya. Dahil dito, sinasabi Ko na ang pinakadakilang karunungan ay ang tumingala sa Diyos at umasa sa Kanya sa lahat ng bagay.

Hinango mula sa “Ang mga Mananampalataya ay Dapat Munang Makaaninag sa Masasamang Kalakaran ng Mundo” sa Mga Talaan ng mga Pananalita ni Cristo ng mga Huling Araw

Inirerekomenda:

Mag-iwan ng Tugon