Menu

Ang Gawain sa Kapanahunan ng Kautusan

Ang gawaing ginawa ni Jehova sa mga Israelita ay itinatag sa sangkatauhan, ang panlupang lugar na pinagmulan ng Diyos, na siya ring sagradong lugar kung saan Siya naroroon. Itinuon Niya ang Kanyang gawain sa mga tao ng Israel. Noong una, hindi Siya gumawa sa labas ng Israel, ngunit sa halip, pumili Siya ng mga taong natagpuan Niyang angkop upang malimitahan ang nasasaklawan ng gawain Niya. Ang Israel ay ang lugar kung saan nilikha ng Diyos sina Adan at Eba, at ginawa ni Jehova ang tao mula sa alabok sa lugar na iyon; ang lugar na ito ang naging himpilan ng gawain Niya sa lupa. Ang mga Israelita, na mga inapo ni Noe at mga inapo rin ni Adan, ay ang mga pantaong saligan ng gawain ni Jehova sa lupa.

Sa panahong ito, ang kabuluhan, layunin, at mga hakbang ng gawain ni Jehova sa Israel ay upang simulan ang gawain Niya sa buong mundo, na ang Israel ang nasa sentro at unti-unting lumaganap sa mga bansang Gentil. Nakaayon sa prinsipyong ito ang paraan ng Kanyang paggawa sa buong sansinukob—upang magtatag ng huwaran at pagkatapos ay palawakin ito hanggang sa ang lahat ng tao sa sansinukob ay nakatanggap na ng ebanghelyo Niya. Ang unang mga Israelita ay ang mga inapo ni Noe. Ang mga taong ito ay pinagkalooban lamang ng hininga ni Jehova, at nakaunawa nang sapat upang asikasuhin ang mga pangunahing pangangailangan sa buhay, ngunit hindi nila alam kung anong uri ng Diyos si Jehova, o kung ano ang kalooban Niya para sa tao, lalo na kung paano nila dapat igalang ang Panginoon ng buong sangnilikha. Patungkol naman sa kung mayroong mga alituntunin at mga kautusan na dapat sundin,[a] o kung may isang tungkuling dapat gampanan ang mga nilalang para sa Lumikha, walang alam ang mga inapo ni Adan sa mga bagay na ito. Ang alam lamang nila ay na dapat magpawis at magsikap ang asawang lalaki upang matustusan ang pamilya niya, at na dapat magpasakop ang asawang babae sa kanyang asawang lalaki at ipagpatuloy ang lahi ng mga tao na nilikha ni Jehova. Sa madaling salita, ang gayong mga tao, na tanging nagkaroon lamang ng hininga ni Jehova at buhay Niya, ay hindi nalalaman kung paano sundin ang mga kautusan ng Diyos o kung paano bigyang-kasiyahan ang Panginoon ng buong sangnilikha. Lubhang napakaliit ang naunawaan nila. Kaya bagamat walang kabuktutan o panlilinlang sa mga puso nila at bihirang umusbong ang pagseselos at pagtatalo sa kanila, gayunman ay wala silang kaalaman o pagkaunawa kay Jehova, ang Panginoon ng buong sangnilikha. Ang alam lamang ng mga ninunong ito ng tao ay ang kumain ng mga bagay ni Jehova, at tamasahin ang mga bagay ni Jehova, ngunit hindi nila alam kung paano igalang si Jehova; hindi nila alam na si Jehova ang Siyang dapat nilang sambahin nang nakaluhod. Kaya paano sila matatawag na mga nilalang Niya? Kung magkagayon, hindi ba ang mga salitang, “Si Jehova ay ang Panginoon ng buong sangnilikha” at “Nilikha Niya ang tao upang maipamalas Siya ng tao, luwalhatiin Siya, at katawanin Siya” ay nasabi nang walang katuturan? Paanong ang mga taong walang pagpitagan kay Jehova ay naging patotoo ng kaluwalhatian Niya? Paano sila naging pagpapamalas ng kaluwalhatian Niya? Hindi ba ang mga salita ni Jehova na “Nilikha Ko ang tao sa larawan Ko” kung gayon ay naging sandata sa mga kamay ni Satanas na masama? Hindi ba ang mga salitang ito kung gayon ay naging isang tatak ng kahihiyan sa paglikha ni Jehova sa tao? Upang gawing ganap ang yugtong iyon ng gawain, pagkaraang likhain ang sangkatauhan, si Jehova ay hindi sila tinagubilinan o ginabayan mula kay Adan hanggang kay Noe. Sa halip, pagkaraang wasakin ng baha ang daigdig Siya nagsimulang pormal na gabayan ang mga Israelita, na mga inapo ni Noe at gayundin ni Adan. Ang gawain at mga pagbigkas Niya sa Israel ay nagbigay ng patnubay sa lahat ng tao ng Israel habang namumuhay sila sa buong lupain ng Israel, na nagpakita sa sangkatauhan na si Jehova ay hindi lamang kayang humihip ng hininga sa tao, upang magkaroon siya ng buhay mula sa Kanya at bumangon mula sa alabok at maging nilikhang tao, kundi maaari rin Niyang sunugin ang sangkatauhan, at sumpain ang sangkatauhan, at gamitin ang pamalo Niya upang pamahalaan ang sangkatauhan. Kaya rin nakita nila na maaaring gabayan ni Jehova ang buhay ng tao sa lupa, at magsalita at gumawa sa gitna ng sangkatauhan ayon sa mga oras ng araw at ng gabi. Ang gawaing ginawa Niya ay tanging upang mabatid ng mga nilalang Niya na nagmula ang tao sa alabok na pinulot Niya, at bukod dito, na ginawa Niya ang tao. Hindi lamang iyan, kundi una Niyang ginawa ang gawain Niya sa Israel upang ang ibang mga tao at mga bansa (na sa katunayan ay hindi hiwalay mula sa Israel, bagkus ay nagsanga mula sa mga Israelita, gayon pa man nagmula pa rin kina Adan at Eba) ay maaaring tumanggap ng ebanghelyo ni Jehova mula sa Israel, upang ang lahat ng nilikha sa sansinukob ay maigagalang si Jehova at ituring Siyang dakila. Kung hindi sinimulan ni Jehova ang gawain Niya sa Israel, ngunit sa halip, sa paglikha sa sangkatauhan, ay hinayaan silang mamuhay sa lupa nang walang inaalala, sa usaping iyon, dahil sa pisikal na kalikasan ng tao (ang ibig sabihin ng kalikasan ay hindi kailanman malalaman ng tao ang mga bagay na hindi niya nakikita, na ang ibig sabihin ay hindi niya malalaman na si Jehova ang lumikha sa sangkatauhan, at lalo na kung bakit Niya ginawa ito), hindi niya kailanman malalaman na si Jehova ang lumikha sa sangkatauhan o na Siya ang Panginoon ng buong sangnilikha. Kung nilikha ni Jehova ang tao at inilagay siya sa daigdig, at basta pinagpag ang alikabok mula sa mga kamay Niya at umalis, sa halip na manatili sa gitna ng sangkatauhan para bigyan sila ng patnubay sa loob ng ilang panahon, kung gayon ang sangkatauhan ay bumalik sana sa kawalan; maging ang langit at lupa at ang lahat ng di-mabilang na bagay na ginawa Niya, at ang buong sangkatauhan, ay bumalik sana sa kawalan at bukod dito ay niyurakan na ni Satanas. Sa ganitong paraan ang nais ni Jehova na “Sa lupa, iyon ay, sa gitna ng Kanyang nilikha, marapat Siyang magkaroon ng lugar na matitindigan, isang banal na lugar” ay nasira na. At kaya, matapos likhain ang sangkatauhan na sinamahan Niya upang gabayan sila sa mga buhay nila, at kausapin sila sa gitna nila—ang lahat ng ito ay upang mapagtanto ang hangad Niya, at makamtan ang plano Niya. Ang gawain na ginawa Niya sa Israel ay nilayon lamang na isakatuparan ang plano na ginawa Niya bago ang paglikha Niya ng lahat ng bagay, at samakatuwid ang paggawa Niya muna sa gitna ng mga Israelita at ang paglikha Niya ng lahat ng mga bagay ay hindi salungat sa isa’t isa, kundi kapwa ginawa para sa kapakanan ng pamamahala Niya, gawain Niya, at luwalhati Niya, at ginawa upang laliman ang kahulugan ng paglikha Niya sa sangkatauhan. Ginabayan Niya ang buhay ng sangkatauhan sa lupa nang dalawang libong taon pagkatapos ni Noe, kung kailan ay tinuruan Niya ang sangkatauhan na unawain kung paano igalang si Jehova, ang Panginoon ng buong sangnilikha, kung paano pamamahalaan ang mga buhay nila, at kung paano magpatuloy sa pamumuhay, at higit sa lahat, kung paano kumilos bilang saksi para kay Jehova, magbigay sa Kanya ng pagsunod, at bigyan Siya ng pagpipitagan, maging ang purihin Siya sa pamamagitan ng musikang katulad ng ginawa ni David at ng mga pari niya.

Bago ang dalawang libong taon kung kailan ginawa ni Jehova ang gawain Niya, walang alam ang tao, at nahulog sa kabuktutan ang halos lahat ng sangkatauhan, hanggang, bago ang pagkawasak ng mundo sa pamamagitan ng baha, umabot sila sa isang kasukdulan ng kahalayan at katiwalian kung saan ang mga puso nila ay ganap na walang-walang Jehova at karagdagang pagnanais ng daan Niya. Hindi nila kailanman naunawaan ang gawaing gagawin ni Jehova; kulang sila sa katwiran, mayroong mas kaunting kaalaman, at, katulad ng mga makinang humihinga, ay lubos na mangmang sa tao, sa Diyos, sa daigdig, sa buhay, at iba pa. Sa lupa, nakilahok sila sa maraming mga pang-aakit, katulad ng ahas, at nagsalita ng maraming bagay na nakasakit kay Jehova, ngunit sapagkat mangmang sila, hindi sila kinastigo o dinisiplina ni Jehova. Tanging pagkatapos ng baha, noong si Noe ay 601 taong gulang, pormal na nagpakita si Jehova kay Noe at ginabayan siya at ang pamilya niya, nanguna sa mga ibon at mga hayop na nakaligtas sa baha kasama si Noe at ang mga inapo niya, hanggang sa katapusan ng Kapanahunan ng Kautusan, na tumagal ng 2,500 taon. Nasa gawain Siya sa Israel, iyon ay, pormal na nasa gawain, sa loob ng 2,000 taon sa kabuuan, at nasa gawain kapwa sa Israel at sa labas nito nang 500 taon, na kapag pinagsama ay 2,500 taon. Sa panahong ito, tinagubilinan Niya ang mga Israelita na upang maglingkod kay Jehova, dapat silang magtayo ng isang templo, magsuot ng mga pang-paring kasuotan, at lumakad nang nakayapak sa templo sa madaling araw, dahil baka dungisan ng mga sapatos nila ang templo at ang apoy ay ipadala pababa sa kanila mula sa tugatog ng templo at sunugin sila hanggang kamatayan. Isinakatuparan nila ang kanilang mga tungkulin at nagpasakop sa mga plano ni Jehova. Nanalangin sila kay Jehova sa templo, at pagkatapos tumanggap ng paghahayag ni Jehova, iyon ay, pagkatapos magsalita ni Jehova, pinangunahan nila ang maraming tao at tinuruan sila na dapat silang magpakita ng pagpipitagan kay Jehova—ang Diyos nila. At sinabihan sila ni Jehova na dapat silang magtayo ng templo at ng dambana, at sa oras na itinakda ni Jehova, iyon ay sa Paskwa, dapat silang maghanda ng mga bagong silang na guya at mga cordero upang ilagay sa dambana bilang mga alay upang isakripisyo kay Jehova, upang pigilan sila at lagyan ng pagpipitagan para kay Jehova sa mga puso nila. Ang pagsunod nila sa kautusang ito ang naging sukatan ng katapatan nila kay Jehova. Itinalaga rin ni Jehova ang Araw ng Kapahingahan para sa kanila, ang ikapitong araw ng paglikha Niya. Kinabukasan pagkaraan ng Araw ng Kapahingahan, ginawa Niya ang unang araw, isang araw para purihin nila si Jehova, para mag-alay sa Kanya ng mga handog, at lumikha ng musika para sa Kanya. Sa araw na ito, kinalap ni Jehova ang lahat ng mga pari upang hatiin ang mga handog na nasa dambana para kainin ng mga tao, upang matamasa nila ang mga handog sa dambana ni Jehova. At sinabi ni Jehova na pinagpala sila, na nagbahagi sila ng isang putol sa Kanya, at na sila ang hinirang na mga tao Niya (na siyang tipan ni Jehova sa mga Israelita). Ito ang dahilan kaya hanggang sa araw na ito, sinasabi pa rin ng mga tao ng Israel na si Jehova ay Diyos lamang nila, at hindi Diyos ng mga Gentil.

Noong Kapanahunan ng Kautusan, naglatag si Jehova ng maraming mga utos kay Moises upang ipasa sa mga Israelitang sumunod sa kanya palabas ng Ehipto. Ang mga utos na ito ay ibinigay ni Jehova sa mga Israelita, at walang kaugnayan sa mga taga-Ehipto; nilayon ang mga ito upang pigilan ang mga Israelita, at ginamit Niya ang mga utos upang gumawa ng mga kahilingan sa kanila. Kung nangilin man sila sa Araw ng Kapahingahan, kung iginalang man nila ang kanilang mga magulang, kung sinamba man nila ang mga diyos-diyosan, at iba pa—ito ang mga prinsipyong ginagamit para hatulan silang makasalanan o matuwid. Sa kanila, mayroong ilang tinamaan ng apoy ni Jehova, mayroong ilang binato hanggang kamatayan, at mayroong ilang tumanggap ng pagpapala ni Jehova, at tinukoy ito ng pagsunod nila o hindi pagsunod sa mga utos na ito. Binato hanggang kamatayan yaong mga hindi nangilin sa Araw ng Kapahingahan. Ang mga paring hindi nangilin sa Araw ng Kapahingahan ay tinamaan ng apoy ni Jehova. Binato rin hanggang kamatayan ang mga hindi nagpakita ng paggalang sa mga magulang nila. Inihabilin ni Jehova ang lahat ng ito. Itinatag ni Jehova ang Kanyang mga kautusan at mga batas Niya upang, habang pinangungunahan Niya sila sa mga buhay nila, ang mga tao ay makikinig at susunod sa salita Niya at hindi maghihimagsik sa Kanya. Ginamit Niya ang mga kautusang ito upang mapanatili sa ilalim ng pagsupil ang bagong silang na sangkatauhan, upang mas mainam na mailatag ang sandigan para sa panghinaharap Niyang gawain. At kaya, batay sa gawain na ginawa ni Jehova, tinawag ang unang kapanahunan na Kapanahunan ng Kautusan. Bagaman gumawa ng maraming pagbigkas at maraming ginawang gawain si Jehova, ginabayan lamang Niya ang mga tao sa positibong paraan, tinuturuan ang mga mangmang na taong ito kung paano maging tao, kung paano mamuhay, kung paano maunawaan ang daan ni Jehova. Sa malaking bahagi, ang gawaing ginawa Niya ay upang ang mga tao ay tumalima sa daan Niya at sundin ang mga kautusan Niya. Ang gawain ay ginawa sa mga taong mababaw ang katiwalian; hindi umabot ang saklaw nito sa pagbabago ng kanilang disposisyon o pag-unlad sa buhay. Interesado lamang Siya sa paggamit ng mga kautusan para higpitan at supilin ang mga tao. Para sa mga Israelita sa panahong iyon, si Jehova ay isang Diyos lamang sa templo, isang Diyos sa kalangitan. Isa Siyang haliging ulap, isang haliging apoy. Ang kinakailangan lamang ni Jehova na gawin nila ay ang sumunod sa alam ng mga tao ngayon bilang mga batas at mga kautusan Niya—maaari pa ngang sabihin ng isang tao na mga alituntunin—sapagkat ang ginawa ni Jehova ay hindi nilayon para baguhin sila, kundi para bigyan sila ng mas maraming bagay na dapat magkaroon ang tao at para tagubilinan sila mula sa sarili Niyang bibig sapagkat, pagkaraang malikha, wala ang tao ng anumang dapat na tinataglay niya. At kaya, ibinigay ni Jehova sa mga tao ang mga bagay na dapat nilang tinataglay para sa mga buhay nila sa lupa, upang ang mga taong ito na Kanyang pinangunahan ay magawa na malampasan ang kanilang mga ninuno, sina Adan at Eba, sapagkat ang ibinigay ni Jehova sa kanila ay higit sa ibinigay Niya kina Adan at Eba sa simula. Anupaman, ang gawaing ginawa ni Jehova sa Israel ay upang gabayan lamang ang sangkatauhan at gawin ang sangkatauhan na kumikilala sa kanilang Lumikha. Hindi Niya sila nilupig o binago, kundi ginabayan lamang sila. Ito ang kabuuan ng gawain ni Jehova sa Kapanahunan ng Kautusan. Ito ang konteksto, ang totoong kuwento, ang diwa ng gawain Niya sa buong lupain ng Israel, at ang simula ng anim na libong taong gawain Niya—ang panatilihin ang sangkatauhan sa ilalim ng pagsupil ng kamay ni Jehova. Mula rito ay isinilang ang mas marami pang gawain sa anim-na-libong-taong plano ng pamamahala Niya.

Talababa:
a. Wala sa orihinal na teksto ang pariralang “dapat sundin.”

Mag-iwan ng Tugon