Marami ang Tinatawag, Datapuwa’t Kakaunti ang Nahihirang
Marami na Akong nahanap sa lupa upang maging Aking mga tagasunod. Kabilang sa lahat nitong mga tagasunod, mayroon yaong nagsisilbing mga pari, yaong mga namumuno, yaong mga anak ng Diyos, yaong mga bumubuo sa bayan ng Diyos, at yaong mga naglilingkod. Ipinagpangkat-pangkat Ko sila batay sa katapatan na ipinakikita nila sa Akin. Kapag napagbukud-bukod na ang lahat ng tao ayon sa kanilang uri, iyon ay, kapag ang likas ng bawat uri ng tao ay nabunyag na, Akin namang ibibilang ang bawat tao sa kanilang nararapat na uri at ilalagay ang bawat uri sa kanilang naaangkop na lugar upang sa gayon ay matupad ang Aking layunin ng pagliligtas ng sangkatauhan. Pangkat-pangkat Kong tinatawag sa Aking tahanan yaong mga nais Kong iligtas, at pagkatapos ay ipatatanggap sa kanilang lahat ang Aking gawain ng mga huling araw. Kasabay nito, Aking pinagbubukud-bukod ang tao ayon sa uri, pagkatapos ay ginagantimpalaan o pinarurusahan ang bawat isa batay sa kanilang mga gawa. Ganito ang mga hakbang na bumubuo sa Aking gawain.
Ngayon, nakatira Ako sa lupa, at namumuhay Ako sa piling ng mga tao. Dinaranas ng mga tao ang Aking gawain, at sinusubaybayan ang Aking mga pagbigkas, at kasabay nito Aking ipinagkakaloob ang lahat ng katotohanan sa bawat isa sa Aking mga tagasunod upang sila ay maaaring tumanggap ng buhay mula sa Akin at sa gayon ay magkaroon ng landas na kanilang matatahak. Sapagkat Ako ang Diyos, Tagapagbigay ng buhay. Sa loob ng maraming taon ng Aking gawain, ang tao ay nakatanggap ng marami, at nagtakwil ng marami, ngunit sinasabi Ko pa rin na sila’y hindi totoong naniniwala sa Akin. Sapagkat ang tao ay kinikilala lamang na Ako ang Diyos gamit ang kanilang mga labi, ngunit sumasalungat sa mga katotohanang sinasabi Ko, at, dagdag dito, ay hindi isinasagawa ang mga katotohanang kinakailangan Ko mula sa kanila. Ibig sabihin, kinikilala lamang ng mga tao ang pag-iral ng Diyos, ngunit hindi ang katotohanan; kinikilala lamang ng mga tao ang pag-iral ng Diyos, ngunit hindi ang buhay; kinikilala lamang ng mga tao ang pangalan ng Diyos, ngunit hindi ang Kanyang diwa. Kinasusuklaman Ko sila dahil sa kanilang sigasig, sapagkat gumagamit lamang sila ng mga salitang masarap pakinggan upang linlangin Ako; wala sa kanila ang tunay na sumasamba sa Akin. Taglay ng inyong pananalita ang tukso ng ahas; higit pa, sukdulan itong mapagmataas, mistulang proklamasyon ng arkanghel. Dagdag dito, gula-gulanit at punit sa isang kahiya-hiyang antas ang inyong mga gawa; masakit sa pandinig ang inyong mga walang-habas na kagustuhan at mga mapagnasang layunin. Kayong lahat ay naging mga gamu-gamo sa Aking bahay, mga bagay na dapat itapon nang may pagkamuhi. Dahil walang sinuman sa inyo ang nagmamahal sa katotohanan; bagkus, hinahangad ninyo ang biyaya, ang makaakyat sa langit, ang masaksihan ang kagila-gilalas na pangitain ni Cristo na ginagamit ang Kanyang kapangyarihan sa lupa. Ngunit naisip ba ninyo kahit kailan kung papaanong ang katulad ninyong napakatiwali, at walang kaalaman kung ano ang Diyos, ay magiging karapat-dapat na sumunod sa Diyos? Papaano kayo makakaakyat sa langit? Papaano kayo magiging karapat-dapat makasaksi ng mga tagpong mariringal, mga tagpong walang katulad sa kanilang ningning? Puno ng mga salita ng panlilinlang at dumi, ng pagkakanulo at yabang, ang inyong mga bibig. Kailanman ay hindi kayo bumigkas ng mga salita ng katapatan sa Akin, walang mga banal na salita, walang mga salita ng pagpapasakop sa Akin kapag naranasan ang Aking salita. Ano, sa katapusan, ang katulad ng inyong pananampalataya? Walang laman ang inyong mga puso kundi pagnanasa at salapi; wala kundi mga materyal na bagay sa inyong mga isipan. Araw-araw, kinakalkula ninyo kung paano makakakuha ng isang bagay sa Akin. Araw-araw, binibilang ninyo kung gaano karaming yaman at kung gaano karaming materyal na bagay ang natamo ninyo mula sa Akin. Araw-araw, naghihintay kayong bumaba sa inyo ang lalo pang maraming biyaya nang sa gayon ay maaari kayong masiyahan sa mga bagay na mas higit sa bilang at sa kalidad. Hindi Ako ang laman ng inyong mga iniisip sa bawat sandali, o ang katotohanang nagmumula sa Akin, kundi ang inyong asawang lalaki o asawang babae, ang inyong mga anak na lalaki, mga anak na babae, at kung ano ang inyong kinakain at isinusuot. Pinag-iisipan ninyo kung papaano makakamit ang mas higit at mas mataas pang kaligayahan. Ngunit kahit napuno na ninyong sagad ang inyong tiyan, hindi ba’t isa pa rin kayong bangkay? Kahit pa palamutian ninyo nang marangya ang inyong panlabas na anyo, hindi ba’t kayo pa rin ay naglalakad na bangkay na walang lakas? Nagpapakahirap kayo alang-alang sa inyong sikmura, hanggang sa tubuan na kayo ng uban, subalit wala man lamang handang magsakripisyo ng kahit isang hibla man lamang ng kanyang buhok para sa Aking gawain. Palagi kayong nagmamadali, pinapagod ang inyong katawan at pinahihirapan ang inyong utak, para sa kapakanan ng inyong laman, at ng inyong mga anak—ngunit wala ni isa sa inyo ang nagpapakita ng anumang malasakit para sa Aking kalooban. Ano pa ang inaasahan ninyong matamo mula sa Akin?
Hindi Ako kailanman nagmamadali sa paggawa. Sa anumang paraan Ako sundin ng mga tao, ginagawa Ko ang Aking gawain alinsunod sa bawat hakbang, alinsunod sa Aking plano. Samakatuwid, sa kabila ng lahat ng inyong paghihimagsik laban sa Akin, hindi Ako humihinto sa paggawa, at patuloy Ko pa ring binibigkas ang mga salitang kailangan Kong sabihin. Tinatawag Ko sa Aking tahanan ang lahat ng Aking itinadhana, nang sa gayon ay maging tagapakinig ng Aking mga salita. Lahat ng nagpapasakop at nananabik sa Aking mga salita ay dinadala Ko sa harap ng Aking trono; lahat ng tinatalikdan ang Aking salita, yaong mga hindi sumusunod sa Akin, at yaong mga hayagang sumasalungat sa Akin, ay itatakwil Ko sa isang tabi upang hintayin ang kanilang huling kaparusahan. Namumuhay ang lahat ng tao sa gitna ng katiwalian at sa ilalim ng kamay ng masama, kung kaya hindi marami sa mga sumusunod sa Akin ang nananabik para sa katotohanan. Ibig sabihin, hindi tunay na sumasamba ang karamihan sa Akin, hindi sila sumasamba sa Akin taglay ang katotohanan, bagkus ay sinusubukang kunin ang Aking tiwala sa pamamagitan ng katiwalian at paghihimagsik, sa pamamagitan ng mga pamamaraang mapanlinlang. Sa kadahilanang ito kaya Ko sinasabi: Marami ang tinatawag, datapuwa’t kakaunti ang mga nahirang. Labis ang naging pagkakatiwali ng mga tinawag at namumuhay silang lahat sa parehong kapanahunan—ngunit isang bahagi lamang nila ang mga nahirang, sila ang mga naniniwala at kinikilala ang katotohanan, at isinasagawa ang katotohanan. Isa lamang napakaliit na bahagi ng kabuuan ang mga taong ito, at mula sa kanila ay tatanggap Ako ng higit pang kaluwalhatian. Sa pagsukat batay sa mga salitang ito, alam ba ninyo kung kayo ay kabilang sa mga nahirang? Ano kaya ang inyong magiging katapusan?
Gaya ng nabanggit Ko na, marami ang sumusunod sa Akin ngunit kakaunti ang tunay na nagmamahal sa Akin. Marahil ay sasabihin ng ilan, “Magsasakripisyo ba ako nang sobra kung hindi Kita mahal? Susunod ba ako sa Iyo hanggang dito kung hindi Kita mahal?” Tiyak, marami kang mga dahilan, at ang iyong pagmamahal, tiyak, ay napakadakila, ngunit ano ang pinakadiwa ng iyong pagmamahal para sa Akin? Ang “pag-ibig,” ayon sa tawag dito, ay tumutukoy sa isang damdaming dalisay at walang dungis, kung saan ginagamit mo ang iyong puso upang magmahal, makaramdam, at maging maalalahanin. Sa pag-ibig walang mga kondisyon, walang mga balakid, at walang agwat. Sa pag-ibig walang paghihinala, walang pandaraya, at walang katusuhan. Sa pag-ibig walang kalakalan at walang karumihan. Kung nagmamahal ka, hindi ka manlilinlang, magrereklamo, magkakanulo, maghihimagsik, mangunguha, o hihiling na tumanggap ng anumang bagay o magtamo ng magkano mang halaga. Kung nagmamahal ka, malugod mong itatalaga ang iyong sarili, malugod na magtitiis ng paghihirap, magiging kasundo ka sa Akin, tatalikuran mo ang lahat ng iyo para sa Akin, isusuko mo ang iyong pamilya, ang iyong hinaharap, ang iyong kabataan, at ang iyong pag-aasawa. Kung hindi, ang iyong pag-ibig ay hindi talagang pag-ibig, bagkus ay panlilinlang at pagkakanulo! Anong uri ng pag-ibig ang sa iyo? Ito ba ay tunay na pag-ibig? O huwad? Gaano ba ang iyong naisuko? Gaano ba ang iyong naisakripisyo? Gaano ba ang pag-ibig na natanggap Ko mula sa iyo? Alam mo ba? Ang inyong puso ay puno ng kasamaan, pagkakanulo, at panlilinlang—at yamang ganoon, gaano sa pag-ibig ninyo ang marumi? Iniisip ninyong sapat na ang naisuko ninyo para sa Akin; iniisip ninyong ang inyong pagmamahal para sa Akin ay sapat na. Ngunit kung ganoon, bakit ang mga salita at kilos ninyo ay lagi pa ring mapanghimagsik at mapanlinlang? Sumusunod kayo sa Akin, datapuwa’t hindi ninyo kinikilala ang Aking salita. Itinuturing ba itong pag-ibig? Sumusunod kayo sa Akin, ngunit isinasantabi naman Ako. Itinuturing ba itong pag-ibig? Sumusunod kayo sa Akin, ngunit hindi kayo nagtitiwala sa Akin. Itinuturing ba itong pag-ibig? Sumusunod kayo sa Akin, ngunit hindi ninyo tinatanggap ang Aking pag-iral. Itinuturing ba itong pag-ibig? Sumusunod kayo sa Akin, ngunit hindi ninyo Ako itinuturing nang angkop sa kung sino Ako, at pinahihirapan Ako sa bawat banda. Itinuturing ba itong pag-ibig? Sumusunod kayo sa Akin, ngunit sinusubukan ninyo Akong lokohin at nililinlang Ako sa bawat pagkakataon. Itinuturing ba itong pag-ibig? Naglilingkod kayo sa Akin, ngunit hindi kayo takot sa Akin. Itinuturing ba itong pag-ibig? Tinututulan ninyo Ako sa lahat ng paraan at sa lahat ng bagay. Itinuturing ba ang lahat ng ito bilang pag-ibig? Totoo, malaki na ang naisakripisyo ninyo, gayon pa man ay hindi ninyo kailanman isinagawa kung ano ang kinakailangan Ko sa inyo. Maituturing ba itong pag-ibig? Ipinapakita ng maingat na pagninilay-nilay na wala kahit katiting na pahiwatig ng pag-ibig para sa Akin sa loob ninyo. Pagkatapos ng napakaraming taon ng gawain at sa dami ng mga salitang naitustos Ko, gaano ba karami ang tunay ninyong natamo? Hindi ba ito karapat-dapat sa isang maingat na pagbabalik-tanaw? Kayo ay Aking pinapayuhan: Silang Aking mga tinatawag ay hindi silang kailanman ay hindi naging tiwali; sa halip, yaong mga hinihirang Ko ay silang tunay na nagmamahal sa Akin. Samakatuwid, dapat kayong maging mapagbantay sa inyong mga salita at gawa, at suriin ang inyong mga layunin at saloobin nang sa gayon ay hindi lumampas ang mga iyon sa hanggahan. Sa panahon ng mga huling araw, gawin ang buo ninyong makakayang ialay ang pag-ibig ninyo sa Aking harapan, kung hindi, hindi kailanman lilisan ang Aking poot sa inyo!