Ang mga Paglabag ay Magdadala sa Tao sa Impiyerno
Nabigyan Ko na kayo ng maraming babala at nagkaloob na sa inyo ng maraming katotohanan na ang layunin ay lupigin kayo. Sa ngayon, nararamdaman na ninyong lahat na higit kayong pinagyaman kaysa noong nakaraan, naiintindihan na ninyo ang maraming prinsipyo kung paano dapat ang isang tao, at nagtataglay na kayo ng malaking bahagi ng sentido komun na dapat taglayin ng matatapat na tao. Inyong inani ang lahat ng ito sa loob ng maraming taon ng paggapas. Hindi Ko ikinakaila ang inyong mga nagawa, ngunit dapat Ko ring sabihin nang may katapatan na hindi Ko rin ikinakaila ang napakaraming pagsuway at paghihimagsik na inyong nagawa laban sa Akin sa loob ng maraming taon na ito, sapagkat wala ni isa mang banal sa inyo. Lahat kayo, nang walang pagtatangi, ay mga taong ginawa nang tiwali ni Satanas; mga kaaway kayo ni Cristo. Hanggang sa kasalukuyan, hindi na mabilang sa dami ang inyong mga paglabag at pagsuway, kaya hindi na talaga kakatwang maituturing na lagi Ko kayong kinukulit. Hindi Ko nais na kasama ninyong umiral sa ganitong paraan—ngunit alang-alang sa inyong mga kinabukasan, alang-alang sa inyong mga hantungan, dito at ngayon, sasabihan Ko kayong muli. Umaasa Ako na pagbibigyan ninyo Ako, at higit pa, na magagawa ninyong maniwala sa bawat pahayag Ko, at mahinuha ang malalim na mga pahiwatig ng Aking mga salita. Huwag ninyong pagdudahan ang Aking mga sinasabi, at lalong huwag pulutin ang Aking mga salita ayon sa inyong nais at itapon ang mga ito sa isang tabi nang walang pakundangan; hindi Ko ito mapagtitiisan. Huwag ninyong hatulan ang Aking mga salita, at lalong huwag maliitin ang mga ito o sabihin na lagi Ko kayong tinutukso o, higit pang malala, sabihin na ang mga sinabi Ko sa inyo ay hindi tumpak. Hindi Ko rin mapagtitiisan ang mga bagay na ito. Sapagkat itinuturing ninyo Ako at ang Aking sinasabi nang may ganyang paghihinala, hindi kailanman tinatanggap ang Aking mga salita at hindi Ako pinapansin, may lubos na kaseryosohan Kong sinasabi sa bawat isa sa inyo: Huwag ninyong ikawing sa pilosopiya ang Aking sinasabi; huwag ninyong ikawing ang Aking mga salita sa mga kasinungalingan ng mga nagmamarunong. Lalong hindi kayo dapat tumugon sa Aking mga salita nang may pag-aalipusta. Marahil ay walang sinuman sa hinaharap ang makapagsasabi sa inyo ng kung ano ang sinasabi Ko sa inyo, o makapagsasalita sa inyo nang may ganitong kabutihan, o lalo na kahit paano’y maakay kayo nang may tiyaga sa mga bahaging ito. Gugugulin ninyo ang mga araw na darating sa pag-alala sa masasayang panahon, o sa malakas na paghikbi, o pagdaing dahil sa sakit, o mabubuhay kayo sa madidilim na gabi nang walang kaloob na kahit pilas ng katotohanan o buhay, o maghihintay na lamang nang walang pag-asa, o mananahan sa ganoon kapait na panghihinayang na mawawala ang inyong katinuan …. Halos wala ni isa man sa inyo ang makatatakas sa mga posibilidad na ito. Sapagkat wala ni isa man sa inyo ang nasa luklukan kung saan tunay ninyong sinasamba ang Diyos, bagkus ay inilulubog ninyo ang mga sarili ninyo sa mundo ng kahalayan at kasamaan, inihahalo sa inyong mga paniniwala, sa inyong mga espiritu, mga kaluluwa, at mga katawan ang napakaraming bagay na walang kinalaman sa buhay at katotohanan at sa totoo pa nga ay kasalungat ng mga ito. Kaya ang inaasam Ko para sa inyo ay ang madala kayo sa landas ng liwanag. Ang tanging inaasam Ko ay ang magkaroon kayo ng kakayahang kalingain ang inyong mga sarili, mapangalagaan ang inyong mga sarili, at hindi kayo labis na magbigay-diin sa inyong hantungan habang tinitingnan nang may pagwawalang-bahala ang inyong asal at mga paglabag.
Sa loob ng mahabang panahon, ang mga tao na naniniwala sa Diyos ay masugid nang nag-aasam ng isang magandang hantungan, at ang lahat ng mga naniniwala sa Diyos ay umaasa na biglang darating sa kanila ang mabuting kapalaran. Umaasa silang lahat na bago pa nila mamalayan ay masusumpungan nila ang mga sarili na payapang nakaluklok sa isang lugar o sa iba pang dako sa langit. Ngunit sinasabi Ko na ang mga taong ito, taglay ang magaganda nilang mga saloobin, ay hindi kailanman nakabatid kung sila ba ay naaangkop tumanggap ng ganoon kabuting kapalaran na nagmumula sa langit, o kaya ay maupo man lamang sa isang luklukan doon. Kayo, sa kasalukuyan, ay may mabuting kaalaman sa inyong mga sarili, ngunit umaasa pa rin kayo na matatakasan ninyo ang mga sakuna sa mga huling araw at ang kamay ng Makapangyarihan sa lahat kapag pinarusahan na Niya ang masasama. Tila ba ang pagkakaroon ng matatamis na pangarap at paghahangad sa mga bagay ayon sa kanilang kagustuhan ay isang karaniwang katangian ng lahat ng taong ginawang tiwali ni Satanas, at hindi bunga ng katalinuhan ng sinumang nag-iisang indibiduwal. Magkagayon pa man, hangad Ko pa ring wakasan ang inyong mga labis-labis na pagnanasa, gayundin ang inyong kasabikang magkamit ng mga pagpapala. Dahil napakarami ng inyong paglabag, at ang katunayan na patuloy na tumitindi ang inyong paghihimagsik, paano aakma ang mga bagay na ito sa inyong magagandang plano para sa hinaharap? Kung nais mong magkamali ayon sa iyong nais, nang walang pumipigil sa iyo, ngunit kasabay nito’y nais mo pa ring matupad ang mga pangarap mo, hinihimok Kita, kung gayon, na magpatuloy sa iyong kawalang-ulirat at huwag nang gumising kailanman—sapagkat ang sa iyo ay isang hungkag na pangarap at sa harap ng matuwid na Diyos, hindi ka Niya gagawan ng pagtatangi. Kung nais mo lamang na matupad ang iyong mga pangarap, huwag kang mangarap kailanman; bagkus ay harapin mo magpakailanman ang katotohanan at ang mga katunayan. Ito ang tanging paraan upang mailigtas ka. Ano, sa tiyak na pananalita, ang mga hakbang ng pamamaraang ito?
Una, tingnan mo ang lahat ng paglabag mo, at suriin ang anumang asal at mga saloobin mo na hindi umaayon sa katotohanan.
Ito ay isang bagay na madali mong magagawa, at naniniwala Ako na kaya itong gawin ng lahat ng matatalinong tao. Gayunman, yaong mga hindi kailanman nakaaalam kung ano ang kahulugan ng paglabag at katotohanan ay mga di-kabilang, sapagkat sa pangunahing antas ay hindi sila matatalinong tao. Nakikipag-usap Ako sa mga taong sinang-ayunan ng Diyos, matatapat, hindi lubhang lumabag sa anumang mga atas administratibo, at madaling makabatid ng kanilang mga paglabag. Bagama’t itong isang bagay na hinihingi Ko sa inyo ay madaling gawin, hindi lamang ito ang bagay na hinihingi Ko sa inyo. Ano’t anuman, umaasa Ako na hindi ninyo lihim na pagtatawanan ang hinihingi Kong ito, at lalong hindi ninyo ito mamaliitin o hahamakin. Seryosohin ninyo ito, at huwag itong ipagwalang-bahala.
Ikalawa, para sa bawat paglabag at pagsuway mo, dapat kang humanap ng isang katumbas na katotohanan, at pagkaraan ay gamitin ang mga katotohanang ito upang lutasin ang mga usaping iyon. Kasunod niyan, palitan mo ang iyong mapanlabag na mga kilos at masuwaying mga saloobin at mga kilos ng pagsasagawa ng katotohanan.
Ikatlo, dapat kang maging isang matapat na tao, hindi isang laging tuso at laging mapanlinlang. (Dito ay muli Kong hinihingi sa inyo na maging isang matapat na tao.)
Kung matutupad mong lahat ang tatlong bagay na ito, isa ka sa mapapalad—isang tao na natutupad ang mga pangarap at tumatanggap ng mabuting kapalaran. Marahil ay ituturing ninyong seryoso ang tatlong hindi kahali-halinang kahilingang ito, o marahil ay ituturing ninyo nang walang pananagutan ang mga ito. Ano’t anuman, ang Aking layunin ay ang tuparin ang inyong mga pangarap at maisagawa ang inyong mga mithiin, hindi ang pagtawanan kayo o gawin kayong hangal.
Maaaring payak ang Aking mga hinihingi, ngunit ang sinasabi Ko sa inyo ay hindi kasimpayak ng isa dagdag isa ay dalawa. Kung ang ginagawa lamang ninyo ay basta pag-usapan ito, o magsalita nang magsalita tungkol sa mga hungkag at tila mahalagang mga pahayag, ang inyong mga plano at ang inyong mga hangarin ay magiging isang pahinang walang laman na lamang magpakailanman. Hindi Ako makararamdam ng habag sa inyo na nagdurusa sa loob ng maraming taon at nagpapakasipag nang husto sa paggawa ngunit wala namang napapala. Taliwas dito, papatawan Ko ng kaparusahan, hindi ng pabuya at lalong hindi ng simpatya, yaong mga hindi nakatugon sa Aking mga hinihingi. Maipalalagay ninyo marahil, bilang isang tagasunod sa maraming taon, na masipag na kayong gumawa anuman ang mangyari, at dapat kayong pagkalooban ng isang mangkok ng kanin sa tahanan ng Diyos bilang tagapaglingkod. Sasabihin Ko na ang karamihan sa inyo ay nag-iisip sa ganitong paraan, dahil lagi na lamang ninyong sinusunod ang prinsipyo ng kung paano sasamantalahin ang mga bagay at hindi mapagsasamantalahan. Kaya’t sinasabi Ko sa inyo ngayon nang may lubos na pagkaseryoso: Wala Akong pakialam kung gaano man kapuri-puri ang iyong kasipagan, kung gaano man kahanga-hanga ang iyong mga kakayahan, kung gaano mo man kahigpit Akong sinusunod, kung gaano ka man kabantog, o kung gaano mo man pinabuti ang iyong pag-uugali; hangga’t hindi mo natutugunan ang Aking mga hinihingi, hindi mo kailanman makakamit ang Aking papuri. Iwaksi mo na sa lalong madaling panahon ang lahat ng iyong kaisipan at mga pagtataya at simulang seryosohin ang Aking mga hinihingi; kung hindi, gagawin Kong abo ang lahat ng tao nang sa gayon ay mawakasan na ang Aking gawain at, sa pinakamalala ay ipawalang-saysay ang Aking mga taon ng paggawa at pagdurusa, sapagkat hindi Ko madadala ang Aking mga kaaway at yaong mga tao na umaalingasaw sa kasamaan at may anyo ni Satanas sa Aking kaharian o dalhin sila sa susunod na kapanahunan.
Napakarami Kong inaasahan. Umaasa Akong makakikilos kayo sa isang wasto at maayos na paraan, matapat na tutuparin ang inyong tungkulin, magtataglay ng katotohanan at pagkatao, magiging mga tao na matatalikdan ang lahat ng taglay nila at maging ang kanilang mga buhay para sa Diyos, at iba pa. Nagmumula ang lahat ng pag-asang ito sa inyong mga kakulangan at sa inyong katiwalian at pagsuway. Kung wala ni isa man sa mga pakikipag-usap Ko sa inyo ang naging sapat upang matawag ang inyong pansin, malamang na ang tangi Kong magagawa ngayon ay ang huwag nang magsalita pa. Gayunman, nauunawaan ninyo kung ano ang mga ibubunga niyan. Hindi Ako madalas magpahinga, kaya’t kung hindi Ako magsasalita, gagawa Ako ng isang bagay na matutunghayan ng mga tao. Magagawa Kong paagnasin ang dila ng isang tao, o magsanhing mamatay ang isang tao nang putol-putol ang katawan, o bigyan ang mga tao ng mga abnormalidad sa paggalaw ng katawan at pagmukhain silang nakapangingilabot sa napakaraming paraan. Pero, magagawa Kong ipatiis sa mga tao ang mga pagpapahirap na Aking isinalang para lang sa kanila. Magagalak Ako sa ganitong paraan, labis na magiging masaya at lubos na malulugod. Lagi nang sinasabi na “Ang kabutihan ay sinusuklian ng kabutihan, at ang kasamaan ng kasamaan,” kaya’t bakit hindi ngayon? Kung nais mo Akong salungatin at gumawa ng ilang paghatol tungkol sa Akin, paaagnasin Ko ang iyong bibig, at iyan ay ikagagalak Ko nang walang patid. Ito ay dahil, sa huli, ang ginawa mo ay hindi ang katotohanan, at lalong walang kinalaman sa buhay, samantalang ang lahat ng Aking ginagawa ay katotohanan, ang lahat ng pagkilos Ko ay nauugnay sa mga prinsipyo ng Aking gawain at sa mga atas administratibo na Aking itinakda. Samakatuwid, hinihimok Ko ang bawat isa sa inyo na mag-ipon ng ilang kabutihan, tumigil sa paggawa ng napakaraming kasamaan, at pakinggang mabuti ang Aking mga hinihingi sa inyong mga libreng oras. Makadarama Ako sa gayon ng galak. Kung mag-aambag (o maghahandog) kayo sa katotohanan ng kahit ikasanlibo ng pagsisikap na inyong ibinubuhos sa laman, sinasabi Ko, kung gayon, na hindi ka madalas makagagawa ng mga paglabag at magkakaroon ng naaagnas na bibig. Hindi ba ito malinaw?
Habang mas marami ang nagagawa mong paglabag, mas kumakaunti ang iyong mga pagkakataong magtamo ng isang mabuting hantungan. Taliwas dito, habang mas kumakaunti ang nagagawa mong mga paglabag, mas lumalaki ang iyong pagkakataon na mapuri ng Diyos. Kung madaragdagan ang iyong mga paglabag hanggang sa puntong imposible na para sa Akin na mapatawad ka, lubusan mo nang sinayang ang iyong mga pagkakataong mapatawad. Kung magkagayon, ang iyong hantungan ay hindi magiging sa itaas kundi sa ibaba. Kung hindi mo Ako pinaniniwalaan, maging tahas ka kung gayon at gumawa ng mali, at tingnan mo kung ano ang iyong mapapala. Kung ikaw ay isang tao na ang pagsasagawa ng katotohanan ay napakasigasig, tiyak na magkakaroon ka ng pagkakataon na mapatawad sa iyong mga paglabag, at dadalang nang dadalang ang iyong mga pagsuway. Kung ikaw ay isang tao na mabigat sa loob ang pagsasagawa ng katotohanan, ang iyong mga paglabag sa harap ng Diyos ay tiyak na madaragdagan at dadalas nang dadalas ang iyong pagsuway, hanggang marating mo ang hangganan, na siyang magiging oras ng iyong lubos na pagkawasak. Dito na mawawasak ang iyong kaaya-ayang pangarap na tumanggap ng mga pagpapala. Huwag mong ituring ang iyong mga paglabag bilang mga pagkakamali lamang ng isang taong walang hustong pag-iisip o ng isang taong hangal; huwag mong gamiting dahilan na hindi ka nakapagsagawa ng katotohanan dahil ginawa itong imposible ng iyong mahinang kakayahan. Higit pa rito, huwag mong ituring ang mga nagawa mong paglabag na mga pagkilos lamang ng isang tao na kulang sa kaalaman. Kung mahusay ka sa pagpapatawad sa sarili mo at pagiging mapagbigay sa iyong sarili, sinasabi Ko, kung gayon, na ikaw ay isang duwag na hindi kailanman magkakamit ng katotohanan, at hindi ka rin titigilang multuhin ng iyong mga paglabag; hahadlangan ka nila na matugunan kailanman ang mga hinihingi ng katotohanan at magiging sanhi upang manatili kang isang tapat na kasamahan ni Satanas magpakailanman. Ito pa rin ang payo Ko sa iyo: Huwag kang magbigay-pansin lamang sa iyong hantungan habang nabibigong pansinin ang iyong mga nakatagong paglabag; seryosohin mo ang mga paglabag, at huwag kaligtaan ang alinman sa mga ito dahil sa pagmamalasakit sa iyong hantungan.