Mag-subscribe

Menu

Tungkol sa Biblia (1)

tungkol-sa-biblia

Paano dapat pag-aralan ang Biblia tungkol sa paniniwala sa Diyos? Ito ay isang tanong ng prinsipyo. Bakit natin pinag-uusapan ang tanong na ito? Dahil sa hinaharap ay ipalalaganap mo ang ebanghelyo at palalawakin ang gawain ng Kapanahunan ng Kaharian, at hindi sapat na pag-usapan lamang ang gawain ng Diyos ngayon. Upang palawakin ang Kanyang gawain, mas mahalaga na malutas mo ang mga lumang relihiyosong pagkaintindi ng tao at lumang paraan ng paniniwala, at iwan sila na lubos na kumbinsido—at ang pagtungo sa puntong ito ay may kinalaman sa Biblia. Sa maraming taon, ang mga kinaugaliang paraan ng paniniwala ng mga tao (ng Kristiyanismo, ang isa sa tatlong pangunahing relihiyon ng mundo) ay ang basahin ang Biblia; ang paglihis mula sa Biblia ay hindi paniniwala sa Panginoon, ang paglihis mula sa Biblia ay paglihis sa pananampalataya, at maling paniniwala, at kahit na basahin pa ng mga tao ang ibang mga libro, ang pundasyon ng mga librong ito ay dapat ang pagpapaliwanag sa Biblia. Na ang ibig sabihin, kung naniniwala ka sa Panginoon, dapat mong basahin ang Biblia, at bukod sa Biblia, hindi ka dapat sumamba sa anumang aklat na walang kinalaman sa Biblia. Kung gagawin mo iyon, samakatuwid pinagtataksilan mo ang Diyos. Mula noong panahong mayroong Biblia, ang pananalig ng mga tao sa Panginoon ay ang paniniwala sa Biblia. Sa halip na sabihing ang mga tao ay nananalig sa Panginoon, mas mabuti pang sabihin na naniniwala sila sa Biblia; sa halip na sabihing nagsimula na silang magbasa ng Biblia, mas mabuti pang sabihing nagsimula na silang maniwala sa Biblia; at sa halip na sabihing nagbalik na sila sa Panginoon, mas mabuti pang sabihing nagbalik na sila sa Biblia. Sa ganitong paraan, sinasamba ng mga tao ang Biblia na para bang ito ang Diyos, na para bang ito ang kanilang ikinabubuhay at ang mawalan nito ay kapareho ng mawalan ng kanilang buhay. Itinuturing ng mga tao ang Biblia na kasintaas ng Diyos, at may mga tao pa na itinuturing itong mas mataas pa kaysa sa Diyos. Kung wala sa mga tao ang gawain ng Banal na Espiritu, kung hindi nila nadarama ang Diyos, maaari silang patuloy na mabuhay—ngunit sa sandaling mawala sa kanila ang Biblia, o mawala ang mga bantog na kabanata at kasabihan mula sa Biblia, parang nawalan na sila ng buhay. At kaya, sa sandaling maniwala ang tao sa Panginoon nag-uumpisa na nilang basahin ang Biblia, at kabisahin ang Biblia, at mas higit sa Biblia na kanilang makakabisa, mas napapatunayan nito ang kanilang pagmamahal sa Panginoon at may malaking pananampalataya. Ang mga taong nakapagbasa ng Biblia at nakapagsasalita nito sa iba ay lahat mabubuting kapatid na lalaki at babae. Sa buong panahong ito, ang pananampalataya ng mga tao at katapatan sa Panginoon ay sinusukat ayon sa lawak ng kanilang pag-unawa sa Biblia. Talagang hindi nauunawaan ng karamihan ng mga tao kung bakit sila kailangang maniwala sa Diyos, ni kung paano maniwala sa Diyos, at walang gagawin kundi pikit-matang naghahanap ng mga pahiwatig upang maunawaan ang mga kabanata sa Biblia. Hindi kailanman hinanap ng tao ang direksyon ng gawain ng Banal na Espiritu; mula’t sapul, wala silang ginawa kundi desperadong mag-aral at mag-imbestiga ng Biblia, at walang sinumang naghanap kahit minsan ng bagong gawain ng Banal na Espiritu sa labas ng Biblia, walang sinumang lumihis kahit minsan mula sa Biblia, o nangahas na lumihis mula sa Biblia. Sa lahat ng nakaraang taon pinag-aralan ng mga tao ang Biblia, nakabuo sila ng napakaraming paliwanag, at nag-ukol ng napakaraming paggawa; marami rin silang magkakaibang opinyon tungkol sa Biblia, na walang katapusan nilang pinagtatalunan, kaya nga halos dalawang libong magkakaibang denominasyon na ang nabuo ngayon. Silang lahat ay nagnanais makahanap ng ilang natatanging mga paliwanag, o mas malalalim na mga misteryo sa Biblia, nais nilang galugarin ito, at makita rito ang pinagmulan ng gawain ni Jehova sa Israel, o pinagmulan ng gawain ni Jesus sa Judea, o karagdagang mga misteryo na walang sinumang nakakaalam. Ang pag-aaral ng mga tao sa Biblia ay isang pagkahumaling at pananampalataya, at walang sinuman ang lubusang malinaw tungkol sa nakapaloob na kuwento o diwa ng Biblia. Kaya, ngayon ay mayroon pa ring di-mailarawang diwa ng kahiwagaan ang mga tao pagdating sa Biblia, at mas nahuhumaling pa sila rito, at mas sumasampalataya rito. Ngayon, lahat ay nagnanais na mahanap ang mga propesiya ng mga gawain sa mga huling araw sa Biblia, nais nilang matuklasan kung anong gawain ang ginagawa ng Diyos sa mga huling araw, at kung anong mga tanda ang naroon sa mga huling araw. Sa ganitong paraan, ang kanilang pagsamba sa Biblia ay nagiging mas taimtim, at habang mas nalalapit ang mga huling araw, mas bulag silang nagtitiwala sa mga propesiya ng Biblia, partikular na tungkol sa mga huling araw. Sa gayon kabulag na paniniwala sa Biblia, sa gayong pagtitiwala sa Biblia, wala silang hangad na hanapin ang gawain ng Banal na Espiritu. Sa mga pagkaintindi ng mga tao, iniisip nila na ang Biblia lamang ang maaaring maghatid ng gawain ng Banal na Espiritu; sa Biblia lamang nila makikita ang mga yapak ng Diyos; sa Biblia lamang nakatago ang mga hiwaga ng gawain ng Diyos; ang Biblia lamang—hindi ang ibang mga aklat o tao—ang maaaring maglinaw ng lahat tungkol sa Diyos at sa kabuuan ng Kanyang gawain; ang Biblia ang maaaring maghatid ng gawain ng langit sa lupa; at ang Biblia ay maaaring kapwa simulan at tapusin ang mga kapanahunan. Sa mga pagkaintinding ito, walang kagustuhan ang mga tao na hanapin ang gawain ng Banal na Espiritu. Kaya, gaano man kalaki ang naging tulong ng Biblia sa mga tao noong araw, naging isang balakid ito sa pinakabagong gawain ng Diyos. Kung wala ang Biblia, maaaring hanapin ng mga tao ang mga yapak ng Diyos sa ibang lugar, ngunit ngayon, naglalaman na ng Kanyang mga yapak ang Biblia, at naging doble ang hirap ng pagpapalaganap ng Kanyang pinakabagong gawain, at napakahirap gawin niyon. Lahat ng ito ay dahil sa bantog na mga kabanata at kasabihan mula sa Biblia, gayundin sa iba’t ibang mga propesiya sa Biblia. Ang Biblia ay naging idolo sa isipan ng mga tao, ito ay naging isang palaisipan sa kanilang utak, at talagang hindi nila kayang paniwalaan na makakagawa ang Diyos ng gawaing wala sa Biblia, hindi nila kayang paniwalaan na maaaring makita ng mga tao ang Diyos sa labas ng Biblia, mas lalong hindi nila magawang paniwalaan na maaaring lumayo ang Diyos sa Biblia sa huling gawain at magsimulang muli. Hindi ito sukat akalain ng mga tao; hindi sila makapaniwala rito, ni hindi nila maisip ito. Naging isa nang malaking balakid ang Biblia sa pagtanggap ng mga tao sa bagong gawain ng Diyos, at nagpahirap ito sa pagpapalawak ng bagong gawaing ito. Kaya, kung hindi ninyo nauunawaan ang kuwentong napapaloob sa Biblia, hindi ninyo matagumpay na mapapalaganap ang ebanghelyo, ni hindi kayo makapagpapatotoo sa bagong gawain. Bagaman, ngayon, hindi ninyo binabasa ang Biblia, kayo pa rin ay lubhang magiliw dito, na ibig sabihin ay, maaaring ang Biblia ay wala sa inyong mga kamay, ngunit marami sa inyong mga pagkaintindi ay nagmula rito. Hindi ninyo nauunawaan ang pinagmulan ng Biblia o ang kuwentong napapaloob tungkol sa nakaraang dalawang yugto ng gawain ng Diyos. Kahit na hindi ninyo madalas na binabasa ang Biblia, dapat ninyong maunawaan ang Biblia, dapat ninyong matamo ang tamang kaalaman sa Biblia, at tanging sa paraang ito malalaman ninyo kung ano ang tungkol sa 6,000 taon na plano ng pamamahala ng Diyos. Gagamitin ninyo ang mga bagay na ito upang mapaniwala ang mga tao, para kilalanin nila na ang agos na ito ang tamang daan, para kilalanin nila na ang landas na inyong tinatahak ngayon ay ang landas ng katotohanan, na ginagabayan ito ng Banal na Espiritu, at hindi pa nabubuksan ninuman.

Matapos gawin ng Diyos ang gawain ng Kapanahunan ng Kautusan, ginawa ang Lumang Tipan, at noon nagsimulang magbasa ng Biblia ang mga tao. Matapos dumating si Jesus, ginawa Niya ang gawain ng Kapanahunan ng Biyaya, at isinulat ng Kanyang mga apostol ang Bagong Tipan. Sa gayon ay nagawa ang Luma at Bagong Tipan ng Biblia, at kahit hanggang ngayon, lahat ng naniniwala sa Diyos ay nagbabasa na ng Biblia. Ang Biblia ay isang aklat ng kasaysayan. Siyempre, ito rin ay naglalaman ng ilan sa mga hula ng mga propeta, at siyempre, ang mga hulang ito ay hindi nangangahulugan na kasaysayan. Napapaloob sa Biblia ang ilang bahagi—hindi lamang propesiya, o gawain lang ni Jehova, ni mayroon lamang mga sulat ni Pablo. Kailangan mong malaman kung gaano karaming mga bahagi ang napapaloob sa Biblia; ang Lumang Tipan ay naglalaman ng Genesis, Exodo…, at mayroon ding mga aklat ng propesiya na isinulat ng mga propeta. Sa katapusan, ang Lumang Tipan ay nagtatapos sa Aklat ni Malakias. Itinatala nito ang gawain sa Kapanahunan ng Kautusan, na siyang pinamunuan ni Jehova; mula sa Genesis hanggang Aklat ni Malakias, ito ay komprehensibong tala ng lahat ng gawain ng Kapanahunan ng Kautusan. Na ibig sabihin ay, ang Lumang Tipan ay tala ng lahat ng karanasan ng tao na ginabayan ni Jehova sa Kapanahunan ng Kautusan. Noong Kapanahunan ng Kautusan sa Lumang Tipan, ang malaking bilang ng mga propeta na ibinangon ni Jehova ay nagsalita ng hula para sa Kanya, nagbigay sila ng mga tagubilin sa iba’t ibang mga tribo at bansa, at inihula ang gawain na gagawin ni Jehova. Ang mga taong ito na itinindig ay lahat nabigyan ng Espiritu ng propesiya ni Jehova: Kanilang nakita ang mga pangitain mula kay Jehova, at narinig ang Kanyang boses, at kaya sila’y nabigyang-inspirasyon Niya at nagsulat ng propesiya. Ang gawain na kanilang ginawa ay ang pahayag ng tinig ni Jehova, ang pagpapahayag ng propesiya ni Jehova, at ang gawain ni Jehova noong panahong iyon ay basta lamang gabayan ang mga tao gamit ang Espiritu; hindi Siya naging katawang-tao, at walang nakita ang mga tao sa Kanyang mukha. Kaya, itinindig Niya ang maraming propeta upang magawa ang Kanyang gawain, at binigyan sila ng mga orakulo na kanilang ipinasa sa bawat tribo at lahi ng Israel. Ang kanilang gawain ay magsalita ng propesiya, at ang ilan sa kanila’y isinulat ang mga tagubilin ni Jehova sa kanila upang maipakita sa iba. Itinindig ni Jehova ang mga taong ito upang magsalita ng propesiya, upang hulaan ang gawain ng hinaharap o ang gawain na dapat pang matapos sa panahong iyon, upang makita ng mga tao ang pagkanakakamangha at karunungan ni Jehova. Ang mga aklat na ito ng propesiya ay sadyang naiiba sa ibang mga aklat ng Biblia; ang mga ito ay mga salita na binigkas o isinulat ng mga nabigyan ng Espiritu ng propesiya—ng mga nagkamit ng mga pangitain o boses mula kay Jehova. Bukod sa mga aklat ng propesiya, ang lahat ng iba pa sa Lumang Tipan ay mga talaan na gawa ng mga tao matapos magawa ni Jehova ang Kanyang gawain. Ang mga librong ito ay hindi panghalili sa mga hulang sinabi ng mga propeta na itinindig ni Jehova, katulad ng Genesis at Exodo na hindi maikukumpara sa Aklat ni Isaias at sa Aklat ni Daniel. Ang mga propesiya ay sinabi bago naisagawa ang gawain; ang ibang aklat, samantala, ay isinulat pagkatapos nito, na siya namang kaya ng mga tao. Ang mga propeta nang panahong iyon ay nabigyang-inspirasyon ni Jehova at nagwika ng ilang propesiya, maraming salita ang kanilang winika, at ipinropesiya nila ang mga bagay ng Kapanahunan ng Biyaya, pati na rin ang pagkawasak ng mundo sa huling mga araw—ang gawain na plinanong gawin ni Jehova. Itinala ng lahat ng mga natitirang aklat ang ginawa ni Jehova sa Israel. Kaya, kapag binasa mo ang Biblia, pangunahin mong binabasa kung ano ang ginawa ni Jehova sa Israel; ang Lumang Tipan ng Biblia ay pangunahing nagtala ng gawain ni Jehova sa paggabay sa Israel, ang paggamit Niya kay Moises upang gabayan ang mga Israelita palabas ng Ehipto, na nag-alis sa kanila ng mga kadena ng Faraon, at dinala sila sa ilang, matapos noon ay pumasok sila sa Canaan at ang lahat ng sumusunod dito ay ang kanilang buhay sa Canaan. Ang lahat bukod dito ay mga tala ng gawain ni Jehova sa buong Israel. Lahat ng nakatala sa Lumang Tipan ay gawain ni Jehova sa Israel, ito’y gawain ni Jehova sa lupa kung saan nilikha Niya sina Adan at Eva. Mula nang opisyal na sinimulan ng Diyos na pamunuan ang mga tao sa daigdig pagkaraan ni Noe, ang lahat ng nakatala sa Lumang Tipan ay gawain sa Israel. At bakit walang nakatala na kahit anong gawaing lampas sa Israel? Dahil ang lupain ng Israel ay ang duyan ng sangkatauhan. Sa pasimula, walang ibang bansa maliban sa Israel, at si Jehova ay hindi gumawa sa iba pang lugar. Sa paraang ito, kung ano ang nakasulat sa Lumang Tipan ng Biblia ay pulos gawain ng Diyos sa Israel nang panahong iyon. Ang mga salitang winika ng mga propeta, ni Isaias, Daniel, Jeremias, at Ezekiel … ipinropropesiya ng kanilang mga salita ang Kanyang ibang gawain sa daigdig, ipinropropesiya nila ang gawain ng Mismong Diyos na si Jehova. Ang lahat ng ito ay mula sa Diyos, ito ay ang gawain ng Banal na Espiritu, at bukod sa mga aklat na ito ng mga propeta, lahat ng iba ay tala ng mga karanasan ng mga tao sa gawain ni Jehova nang panahong iyon.

Ang gawain ng paglikha ay nangyari bago ang sangkatauhan, ngunit dumating lamang ang Aklat ng Genesis matapos magkaroon ng sangkatauhan; ito ay isang aklat na isinulat ni Moises noong Kapanahunan ng Kautusan. Ito ay tulad ng mga bagay na nangyayari sa inyo ngayon: Pagkatapos nilang mangyari, isinusulat ninyo ang mga ito para ipakita sa mga tao sa hinaharap, at para sa mga tao sa hinaharap, ang inyong mga naitala ay bagay na nangyari noong nakalipas na panahon—ito’y wala nang iba pa kundi isang kasaysayan. Ang mga bagay na naitala sa Lumang Tipan ay gawain ni Jehova sa Israel, at yaong nakatala sa Bagong Tipan ay gawain ni Jesus noong Kapanahunan ng Biyaya; itinala ng mga ito ang gawain na tinapos ng Diyos sa dalawang magkaibang kapanahunan. Ang Lumang Tipan ay nagtatala ng gawain ng Diyos noong Kapanahunan ng Kautusan, at kaya ang Lumang Tipan ay makasaysayang libro, habang ang Bagong Tipan ay bunga ng gawain sa Kapanahunan ng Biyaya. Nang magsimula ang bagong gawain, nawala rin sa uso ang Lumang Tipan—at kaya, ang Bagong Tipan ay isa ring pangkasaysayang libro. Siyempre, ang Bagong Tipan ay hindi kasing-sistematiko tulad ng Lumang Tipan, ni nagtatala ng kasindaming mga bagay. Ang lahat ng maraming salita na winika ni Jehova ay nakatala sa Lumang Tipan ng Biblia, samantala ilan lamang sa mga salita ni Jesus ang nakatala sa Apat na Ebanghelyo. Siyempre, marami ring ginawa si Jesus, ngunit hindi ito naitala nang detalyado. Na mas kakaunti ang naitala sa Bagong Tipan ay dahil sa kung gaano karami ang nagawa ni Jesus; ang dami ng Kanyang gawain sa loob ng tatlo-at-kalahating taon sa daigdig at yaong ginawa ng mga apostol ay higit na kakaunti kaysa sa gawain ni Jehova. At sa gayon, mas kaunti ang mga aklat sa Bagong Tipan kaysa sa Lumang Tipan.

Anong uri ng libro ang Biblia? Ang Lumang Tipan ay ang gawain ng Diyos sa Kapanahunan ng Kautusan. Ang Lumang Tipan ng Biblia ay nagtatala ng lahat ng gawain ni Jehova noong Kapanahunan ng Kautusan at ang Kanyang gawain ng paglikha. Ang lahat ng ito ay nagtatala ng gawain na tinapos ni Jehova, at tinatapos nito sa bandang huli ang mga salaysay ng gawain ni Jehova sa Aklat ni Malakias. Ang Lumang Tipan ay nagtatala ng dalawang bahagi ng gawain na tinapos ng Diyos: Ang isa ay ang gawain ng paglikha, at ang isa ay pag-aatas ng mga kautusan. Ito ay parehong gawain na ginawa ni Jehova. Ang Kapanahunan ng Kautusan ay kumakatawan sa gawain sa ilalim ng pangalan ng Diyos na si Jehova; ito ay kabuuan ng mga gawain na pangunahing ipinatupad sa ilalim ng pangalan ni Jehova. Kaya, ang Lumang Tipan ay nagtatala ng gawain ni Jehova, at ang Bagong Tipan ay nagtatala ng gawain ni Jesus, gawain na pangunahing ipinatupad sa ilalim ng pangalan ni Jesus. Ang kabuluhan ng pangalan ni Jesus at gawain na Kanyang ginawa ay karamihang nakatala sa Bagong Tipan. Sa panahon ng Kapanahunan ng Kautusan ng Lumang Tipan, itinatag ni Jehova ang templo at altar sa Israel, ginabayan Niya ang buhay ng mga Israelita sa daigdig, pinatutunayan na sila ang Kanyang bayang pinili, ang unang grupo ng mga tao na Kanyang pinili sa daigdig at ayon sa Kanyang sariling puso, ang unang grupo na personal Niyang pinamunuan. Ang labindalawang lipi ng Israel ay ang mga unang pinili ni Jehova, at sa gayon Siya ay palaging gumawa sa kanila, hanggang sa katapusan ng gawain ni Jehova sa Kapanahunan ng Kautusan. Ang ikalawang yugto ng gawain ay ang gawain ng Kapanahunan ng Biyaya ng Bagong Tipan, at ito ay isinagawa sa mga taong Judio, sa isa sa labindalawang tribo ng Israel. Ang saklaw ng gawaing ito ay mas maliit dahil si Jesus ay Diyos na naging tao. Si Jesus ay gumawa lamang sa buong lupain ng Judea, at gumawa lamang ng tatlo-at-kalahating taong gawain; sa gayon, ang nakatala sa Bagong Tipan ay malayong malagpasan ang bilang ng gawain na nakatala sa Lumang Tipan. Pangunahing nakatala ang gawain ni Jesus sa Kapanahunan ng Biyaya sa Apat na mga Ebanghelyo. Ang landas na nilakaran ng mga tao ng Kapanahunan ng Biyaya ay ang pinakamababaw na pagbabago sa kanilang disposisyon sa buhay, na karamihan ay nakatala sa mga sulat. Ang mga sulat ay nagpapakita kung paano gumawa ang Banal na Espiritu noong panahong iyon. (Siyempre, hindi alintana kung si Pablo ay kinastigo o tinamaan ng kamalasan, sa trabahong ginawa niya siya ay tinuruan ng Banal na Espiritu, siya’y ginamit ng Banal na Espiritu noong panahong iyon; si Pedro, rin, ay ginamit ng Banal na Espiritu, ngunit hindi kasindami ang kanyang ginawa tulad ng kay Pablo. Kahit na ang gawa ni Pablo ay nagtaglay ng karumihan ng tao, mula sa mga sulat na sinulat ni Pablo makikita kung paano gumawa ang Banal na Espiritu noong panahong iyon; ang landas na tinahak ni Pablo ay ang tama, wasto ito, at landas ito ng Banal na Espiritu.)

Kung nais mong makita ang gawain ng Kapanahunan ng Kautusan, at makita kung paano sumunod ang mga Israelita sa landas ni Jehova, kung gayon dapat mong basahin ang Lumang Tipan; kung nais mong maunawaan ang gawain ng Kapanahunan ng Biyaya, kung gayon dapat mong basahin ang Bagong Tipan. Ngunit paano mo makikita ang mga gawain sa huling mga araw? Kailangan mong tanggapin ang pamumuno ng Diyos sa kasalukuyan, at makilahok sa gawain sa kasalukuyan, dahil ito ang bagong gawain, at wala pang nakapagtatala nito sa Biblia. Ngayon, ang Diyos ay naging tao at pumili ng ibang mga hinirang sa Tsina. Ang Diyos ay gumagawa sa mga taong ito, nagpapatuloy Siya mula sa Kanyang gawain sa daigdig, nagpapatuloy mula sa gawain sa Kapanahunan ng Biyaya. Ang gawain sa kasalukuyan ay isang daan na hindi pa kailanman nalakaran ng tao, at daan na walang sinuman ang nakakita. Ito ay gawain na hindi pa kailanman nagawa—ito ang pinakabagong gawain ng Diyos sa mundo. Kaya, ang gawain na hindi pa nagawa noon ay hindi kasaysayan, dahil ang ngayon ay ngayon, at hindi pa nagiging nakaraan. Hindi alam ng mga tao na ang Diyos ay nakagawa nang mas higit, mas bagong gawain sa mundo, at sa labas ng Israel, na lumampas ito sa saklaw ng Israel, at lampas sa mga ipinropesiya ng mga propeta, na bago at kahanga-hangang gawain ito na wala sa mga propesiya, at bagong gawain na lampas sa Israel, at gawain na hindi maaaring mahiwatigan o akalain ng mga tao. Paanong ang Biblia ay naglalaman ng malinaw na mga talaan ng nasabing gawain? Sino ang maaaring magtala ng bawat isang kapiraso ng gawain ngayon, nang walang makakaligtaan, sa patiuna? Sino ang maaaring magtala nitong mas makapangyarihan, mas matalinong gawain na sumasalungat sa kinaugalian na nasa lumang inaamag na libro? Ang gawain sa kasalukuyan ay hindi kasaysayan, at dahil dito, kung nais mong lumakad sa bagong landas ngayon, sa gayon kailangan mong lisanin ang Biblia, dapat mong higitan ang mga aklat ng propesiya o kasaysayan na nasa Biblia. Saka ka lamang maaaring makalakad sa bagong landas nang maayos, at saka ka lamang makakapasok sa bagong kaharian at sa bagong gawain. Dapat mong maunawaan kung bakit, ngayon, hinihiling na huwag mong basahin ang Biblia, kung bakit mayroong ibang gawain na hiwalay sa Biblia, kung bakit ang Diyos ay hindi na naghahanap ng mas bago, mas detalyadong pagsasagawa sa Biblia, kung bakit sa halip ay mayroong mas makapangyarihang gawain sa labas ng Biblia. Ito ang lahat ng dapat ninyong maunawaan. Kailangan mong malaman ang pagkakaiba sa pagitan ng luma at bagong gawain, at kahit na hindi mo binabasa ang Biblia, dapat kaya mo itong suriin; kung hindi, sasambahin mo pa rin ang Biblia, at magiging mahirap para sa iyo na makapasok sa bagong gawain at sumailalim sa mga bagong pagbabago. Yamang mayroong mas mataas na daan, bakit mag-aaral ng mas mababa, makalumang daan? Yamang may bagong mga pagbigkas, at mas bagong gawain, bakit mamumuhay sa gitna ng lumang makasaysayang mga talaan? Ang mga bagong pagbigkas ay maaaring makapaglaan sa inyo, na nagpapatunay na ito ang bagong gawain; ang mga lumang talaan ay hindi magagawang pagsawain ka, o tutugon sa iyong kasalukuyang pangangailangan, na nagpapatunay na kasaysayan ang mga ito, at hindi gawain ng dito at ngayon. Ang pinakamataas na daan ay ang pinakabagong gawain, at sa bagong gawain, kahit gaano pa kataas ang daan ng nakaraan, ito pa rin ay kasaysayan ng mga pagninilay ng mga tao, at kahit gaano pa ang halaga nito bilang sanggunian, ito pa rin ay lumang daan. Kahit na ito ay naitala sa “banal na aklat,” ang lumang daan ay kasaysayan; kahit na walang nakatala nito sa “banal na aklat,” ang bagong daan ay ang dito at ngayon. Ang daan na ito ay maaari kang iligtas, at ang daan na ito ay maaari kang baguhin, dahil ito ang gawain ng Banal na Espiritu.

Dapat ninyong maunawaan ang Biblia—ang gawaing ito ay ang pinakakinakailangan! Ngayon, hindi mo kailangang basahin ang Biblia, dahil walang bago dito; lahat ito ay luma. Ang Biblia ay isang makasaysayang aklat, at kung nakain at nainom mo ang Lumang Tipan sa Kapanahunan ng Biyaya—kung naisagawa mo kung ano ang kinailangan sa panahon ng Lumang Tipan noong Kapanahunan ng Biyaya—maaaring natanggihan ka ni Jesus, at nakondena ka; kung inilapat mo ang Lumang Tipan sa gawain ni Jesus, naging isang Fariseo ka sana. Kung, ngayon, ipinag-isa mo ang Luma at Bagong Tipan upang kainin at inumin, at isagawa, kung gayon kokondenahin ka ng Diyos ng ngayon; ikaw ay maiiwanan ng gawain ng Banal na Espiritu sa kasalukuyan! Kung kumain at uminom ka ng Lumang Tipan at ng Bagong Tipan, sa gayon ikaw ay nasa labas ng daloy ng Banal na Espiritu! Sa panahon ni Jesus, pinamunuan ni Jesus ang mga Judio at ang lahat ng sumunod sa Kanya ayon sa gawain ng Banal na Espiritu sa Kanya noong panahong iyon. Hindi Niya ginamit ang Biblia bilang basehan ng Kanyang ginawa, kundi nagsalita ayon sa Kanyang gawain; hindi Niya binigyang-pansin kung ano ang sinabi ng Biblia, ni naghanap Siya sa Biblia ng landas upang pamunuan ang Kanyang mga tagasunod. Mula sa kung kailan Siya nagsimulang gumawa, ipinalaganap Niya ang daan ng pagsisisi—isang salita kung saan lubusang walang nabanggit sa mga propesiya sa Lumang Tipan. Hindi lamang Siya hindi kumilos ayon sa Biblia, kundi Siya ay namuno rin sa bagong daan, at gumawa ng bagong gawain. Kahit kailanman hindi Siya sumangguni sa Biblia kapag Siya ay nangangaral. Sa Kapanahunan ng Kautusan, walang sinuman ang nakagawa ng Kanyang mga himala ng pagpapagaling sa maysakit at pagpapalayas ng mga demonyo. Kaya, gayon din, ang Kanyang gawain, ang Kanyang mga turo at ang awtoridad at kapangyarihan ng Kanyang mga salita ay lampas sa sinumang tao noong Kapanahunan ng Kautusan. Basta lang ginawa ni Jesus ang Kanyang mas bagong gawain, at kahit na maraming tao ang kumondena sa Kanya gamit ang Biblia—at ginamit pa nga ang Lumang Tipan para ipako Siya sa krus—ang Kanyang gawain ay nahigitan ang Lumang Tipan; kung hindi, bakit ipinako Siya ng mga tao sa krus? Hindi ba ito dahil sa walang binanggit ang Lumang Tipan sa Kanyang turo, at ang Kanyang kakayahan na magpagaling ng maysakit at magpalayas ng mga demonyo? Ang Kanyang gawain ay para manguna sa bagong daan, hindi ito para sadyang maghamon ng away laban sa Biblia, o para sadyang iwaksi ang Lumang Tipan. Siya ay basta lang dumating upang gampanan ang Kanyang ministeryo, upang dalhin ang bagong gawain sa mga naghahangad at naghahanap sa Kanya. Hindi Siya dumating upang ipaliwanag ang Lumang Tipan o itaguyod ang gawain nito. Ang Kanyang gawain ay hindi para pahintulutan ang Kapanahunan ng Kautusan na magpatuloy sa pagyabong, dahil ang Kanyang gawain ay hindi nagsaalang-alang kung ang Biblia ba ang batayan nito; basta lang dumating si Jesus upang gawin ang gawain na dapat Niyang gawin. Kaya, hindi Niya ipinaliwanag ang mga propesiya ng Lumang Tipan, ni gumawa Siya ng ayon sa mga salita ng Kapanahunan ng Kautusan ng Lumang Tipan. Hindi Niya pinansin ang sinabi ng Lumang Tipan, hindi mahalaga sa Kanya kung ang Kanyang gawain ay sinang-ayunan nito o hindi, at hindi mahalaga kung ano ang alam ng iba sa Kanyang gawain, o kung paano nila kinondena ito. Basta lang ipinagpatuloy Niya ang gawain na dapat Niyang gawin, kahit na maraming tao ang gumamit ng mga propesiya ng mga propeta ng Lumang Tipan upang kondenahin Siya. Sa mga tao, lumitaw na parang ang Kanyang gawain ay walang batayan, at marami rito ang salungat sa mga talaan sa Lumang Tipan. Hindi ba ito kamalian ng tao? Ang doktrina ba ay kailangang iangkop sa gawain ng Diyos? At ito ba ay dapat ayon sa mga propesiya ng mga propeta? Pagkatapos ng lahat, alin ang mas dakila: ang Diyos o ang Biblia? Bakit kailangang maging ayon sa Biblia ang gawain ng Diyos? Maaari kaya na walang karapatan ang Diyos na higitan ang Biblia? Hindi ba maaaring lumayo ang Diyos sa Biblia at gumawa ng ibang gawain? Bakit hindi ipinangilin ni Jesus at ng Kanyang mga disipulo ang araw ng Sabbath? Kung mangingilin Siya sa araw ng Sabbath at magsasagawa ayon sa mga utos ng Lumang Tipan, bakit hindi nangilin si Jesus sa Sabbath nang dumating Siya, kundi sa halip ay naghugas ng mga paa, nagtaklob ng ulo, naghati-hati ng tinapay, at uminom ng alak? Hindi ba wala itong lahat sa mga utos ng Lumang Tipan? Kung iginalang ni Jesus ang Lumang Tipan, bakit Siya humiwalay sa mga doktrinang ito? Dapat mong malaman kung alin ang nauna, ang Diyos o ang Biblia! Bilang Panginoon ng Sabbath, hindi ba Siya maaaring maging Panginoon din ng Biblia?

Ang gawain na ginawa ni Jesus sa panahon ng Bagong Tipan ay nagbukas ng bagong gawa: Hindi Siya gumawa ayon sa gawain ng Lumang Tipan, ni hindi rin Niya ginamit ang mga salita na sinabi ni Jehova ng Lumang Tipan. Ginawa Niya ang Kanyang sariling gawain, at gumawa Siya ng mas bagong gawain, at gawain na mas mataas kaysa sa kautusan. Kaya, sinabi Niya: “Huwag ninyong isiping ako’y naparito upang sirain ang kautusan o ang mga propeta: ako’y naparito hindi upang sirain, kundi upang ganapin.” Kaya, alinsunod sa kung ano ang naisakatuparan Niya, maraming mga doktrina ang nasira. Sa araw ng Sabbath na dinala Niya ang mga alagad sa mga palayan, sila ay nanguha at kumain ng mga ulo ng butil; hindi Niya sinunod ang Sabbath, at sinabing “ang Anak ng tao ay panginoon ng sabbath.” Sa panahong iyon, ayon sa mga tuntunin ng mga Israelita, kung sinuman ang hindi mangilin sa Sabbath ay babatuhin hanggang kamatayan. Si Jesus, gayunpaman, ay hindi pumasok sa templo o nangilin sa Sabbath, at ang Kanyang gawa ay hindi nagawa ni Jehova sa panahon ng Lumang Tipan. Kaya, ang gawain na ginawa ni Jesus ay nahigitan ang kautusan ng Lumang Tipan, ito ay mas mataas kaysa dito, at ito ay hindi naaayon dito. Noong Kapanahunan ng Biyaya, hindi gumawa si Jesus ayon sa kautusan ng Lumang Tipan, at humiwalay na sa mga doktrinang iyon. Ngunit mabangis na kumapit ang mga Israelita sa Biblia at tinuligsa si Jesus—hindi ba ito pagtanggi sa gawain ni Jesus? Ngayon, mabangis ding kumakapit ang relihiyosong mundo sa Biblia, at sinasabi ng ilang tao, “Ang Biblia ay isang banal na aklat at ito ay dapat basahin.” Sinasabi ng ilang mga tao na, “Ang gawain ng Diyos ay dapat itaguyod magpakailanman, ang Lumang Tipan ay tipan ng Diyos sa mga Israelita, at hindi maaaring iwaksi, at ang Sabbath ay dapat laging ipangilin!” Hindi ba sila katawa-tawa? Bakit hindi ipinangilin ni Jesus ang Sabbath? Siya ba’y nagkakasala? Sino ang maaaring makaaninag sa mga nasabing bagay? Paano man basahin ng mga tao ang Biblia, magiging imposibleng malaman ang gawain ng Diyos gamit ang kanilang kapangyarihang umunawa. Hindi lamang sila hindi makakakuha ng dalisay na kaalaman tungkol sa Diyos, kundi magiging mas kapansin-pansin ang kanilang mga pagkaintindi, kaya magsisimula silang tumutol sa Diyos. Kung hindi dahil sa pagkakatawang-tao ng Diyos ngayon, wawasakin ang mga tao ng sarili nilang mga pagkaintindi, at sila’y mamamatay sa gitna ng pagkastigo ng Diyos.

Mag-iwan ng Tugon