Menu

Ang mga Pangako sa Yaong mga Nagawang Perpekto

Ano ang landas kung saan ginagawang perpekto ng Diyos ang tao? Anong mga aspeto ang kasama nito? Handa ka bang gawing perpekto ng Diyos? Handa ka bang tanggapin ang paghatol at pagkastigo Niya? Ano ang nalalaman mo sa mga katanungang ito? Kung wala kang kaalamang maipahahayag, patunay itong hindi mo pa rin alam ang gawain ng Diyos, na hindi ka pa niliwanagan ng Banal na Espiritu. Imposibleng gawing perpekto ang ganitong mga tao. Binibigyan lamang sila ng kaunting biyaya upang panandaliang matamasa, at hindi ito magtatagal. Hindi magagawang perpekto ng Diyos ang mga tao kung nagtatamasa lamang sila ng Kanyang biyaya. Nasisiyahan ang ilan kapag may kapayapaan at kasiyahan ang laman nila, kapag madali at walang kagipitan o kasawian ang buhay nila, kapag namumuhay ang buong pamilya nila nang nagkakaisa, nang walang pagtatalo o sigalot—at maaari pang paniwalaan nilang pagpapala ito ng Diyos. Sa katotohanan, biyaya lamang ito ng Diyos. Hindi kayo dapat masiyahan sa pagtamasa lamang ng biyaya ng Diyos. Masyadong mababa ang ganitong pag-iisip. Kahit na araw-araw mong binabasa ang mga salita ng Diyos, at araw-araw kang nananalangin, at nakararamdam ang espiritu mo ng labis na kasiyahan at talagang payapa, kung sa huli ay wala ka nang masasabi sa kaalaman mo sa Diyos at sa gawain Niya, at walang naranasan, at kahit na gaano man karaming salita ng Diyos ang nakain at nainom mo na, kung espirituwal na kapayapaan at kasiyahan lamang ang nararamdaman mo, at na matamis na walang kaparis ang salita ng Diyos, na para bang hindi mo ito matatamasa nang sapat, ngunit wala kang kahit na ano pa mang praktikal na karanasan sa mga salita ng Diyos at ganap na salat sa realidad ng mga salita Niya, ano ang makakamit mo mula sa ganitong pananampalataya sa Diyos? Kung hindi mo kayang isabuhay ang pinakadiwa ng mga salita ng Diyos, ang pagkain at pag-inom mo ng mga salitang ito at ang mga panalangin mo ay walang iba kundi relihiyosong paniniwala. Hindi magagawang perpekto at hindi makakamit ng Diyos ang ganitong mga tao. Ang mga taong nakakamit ng Diyos ay yaong mga taong hinahangad na matamo ang katotohanan. Ang nakakamit ng Diyos ay hindi ang laman ng tao, hindi ang mga bagay na pagmamay-ari niya, kundi ang bahagi ng loob niya na pagmamay-ari ng Diyos. Kaya naman, kapag ginagawang perpekto ng Diyos ang mga tao, hindi ang laman nila ang ginagawa Niyang perpekto, kundi ang mga puso nila, na hinahayaang makamit ng Diyos ang mga puso nila; na ang ibig sabihin, ang pagpeperpekto ng Diyos sa tao, sa pinakadiwa, ay ang pagpeperpekto ng Diyos sa puso ng tao upang makabaling ang pusong ito sa Diyos at upang mahalin Siya nito.

Laman at dugo ang katawan ng tao. Walang silbi para sa Diyos ang pagkamit ng laman ng tao, sapagkat ang laman ng tao ay isang bagay na hindi maiiwasang mabulok at hindi makatatanggap ng pamana o ng mga pagpapala Niya. Kung nakamtan ang laman ng tao, at ang laman ng tao lamang ang nasa daloy, bagaman sa turing ay nasa daloy ang tao, ang puso niya ay magiging pag-aari ni Satanas. Yamang ganito, hindi lamang hindi magagawa ng mga tao na maging paghahayag ng Diyos, kundi sila ay magiging pasanin din Niya, at ang pagpili ng Diyos ng mga tao sa gayon ay magiging walang katuturan. Yaong mga balak gawing perpekto ng Diyos ay makatatanggap lahat ng mga pagpapala Niya at ng pamana Niya. Iyon ay, isasaloob nila kung anong mayroon at kung ano ang Diyos upang ito ay maging kung ano ang nasa kalooban nila; pinanday sa loob nila ang lahat ng salita ng Diyos; anuman ang Diyos, nagagawa ninyong tanggapin ang lahat ng ito nang eksakto, at sa gayon ay naisasabuhay ang katotohanan. Ito ang uri ng taong ginagawang perpekto ng Diyos at nakakamit ng Diyos. Ang ganitong tao lamang ang may karapatang tumanggap ng mga pagpapalang ipinagkakaloob ng Diyos:

1. Pagkakamit ng kabuuan ng pagmamahal ng Diyos.

2. Pagkilos alinsunod sa kalooban ng Diyos sa lahat ng bagay.

3. Pagkakamit ng gabay ng Diyos, pamumuhay sa liwanag ng Diyos, at pagkakamit ng kaliwanagan ng Diyos.

4. Pagsasabuhay sa lupa ng larawang mahal ng Diyos; pagmamahal nang tunay sa Diyos gaya ng ginawa ni Pedro, na ipinako sa krus para sa Diyos at karapat-dapat na mamatay bilang kabayaran sa pagmamahal ng Diyos; pagkakaroon ng kaparehong kaluwalhatian gaya ni Pedro.

5. Pagiging minamahal, iginagalang, at hinahangaan ng lahat ng tao sa lupa.

6. Pananaig sa lahat ng aspeto ng pagkagapos sa kamatayan at Hades, hindi pagbibigay ng pagkakataong gawin ni Satanas ang gawain nito, pagiging naangkin ng Diyos, pamumuhay sa loob ng isang sariwa at masiglang espiritu, at hindi pagsasawa.

7. Pagkakaroon ng di-mailarawang pagkaramdam ng tuwa at kasabikan sa lahat ng oras sa buong buhay, na para bang napagmasdan ang pagdating ng araw ng kaluwalhatian ng Diyos.

8. Pagwawagi ng kaluwalhatian kasama ng Diyos at pagkakaroon ng isang anyong kahawig ng mga banal na minamahal ng Diyos.

9. Pagiging yaong minamahal ng Diyos sa lupa, iyon ay, isang sinisintang anak na lalaki ng Diyos.

10. Pagbabagong-anyo at pag-akyat sa ikatlong langit kasama ang Diyos at paglampas sa laman.

Tanging ang mga tao lamang na maaaring magmana ng mga pagpapala ng Diyos ang ginagawang perpekto at nakakamit ng Diyos. May nakamit ka na bang kahit ano sa kasalukuyan? Hanggang saan ka ginawang perpekto ng Diyos? Hindi ginagawang perpekto ng Diyos ang tao nang walang tiyak na layunin; may kondisyon ang pagpeperpekto Niya sa tao, at may malinaw at makikitang mga bunga. Hindi ito, tulad ng iniisip ng tao, na hanggang may pananampalataya siya sa Diyos, magagawa siyang perpekto at makakamit ng Diyos, at makatatanggap siya sa lupa ng mga pagpapala at pamana ng Diyos. Lubhang napakahirap ang ganitong mga bagay—lalo na ang pagbabago sa anyo ng mga tao. Sa kasalukuyan, ang pangunahing dapat ninyong hangarin ay ang gawin kayong perpekto ng Diyos sa lahat ng bagay, at gawing perpekto ng Diyos sa pamamagitan ng lahat ng tao, usapin, at bagay na hinaharap ninyo, upang higit pa sa kung ano ang Diyos ay mapapanday sa loob ninyo. Kailangan mo munang tanggapin ang pamana ng Diyos sa lupa; saka ka lamang magkakaroon ng karapatang magmana ng mas marami, at mas higit pang, mga pagpapala mula sa Diyos. Ito ang lahat ng bagay na dapat ninyong hangarin, at na dapat muna ninyong unawain bago ang lahat. Kapag mas hinahangad mong magawang perpekto ng Diyos sa lahat ng bagay, mas magagawa mong makita ang kamay ng Diyos sa lahat ng bagay, at bunga nito ay, sa pamamagitan ng iba’t ibang pananaw at sa iba’t ibang usapin, aktibo mong hahangarin na makapasok sa katauhan ng salita ng Diyos at makapasok sa realidad ng salita Niya. Hindi ka maaaring masiyahan sa mga balintiyak na kalagayan gaya ng hindi lamang gumagawa ng kasalanan, o walang mga pagkaunawa, walang pilosopiya sa pamumuhay, at walang pantaong kalooban. Ginagawang perpekto ng Diyos ang tao sa napakaraming paraan; sa lahat ng bagay ay may posibilidad na magawang perpekto, at magagawa ka Niyang perpekto hindi lamang sa positibong mga paraan kundi pati sa negatibong mga paraan, upang gawing mas masagana ang makakamit mo. Bawat isang araw ay may mga pagkakataong magawang perpekto at dahilang makamtan ng Diyos. Matapos maranasan ang ganito nang maikling panahon, lubos kang mababago, at likas na maiintindihan mo ang maraming bagay na dati ay hindi mo alam. Hindi na kakailanganin ang tagubilin mula sa iba; lingid sa kaalaman mo, liliwanagan ka ng Diyos, upang makatanggap ka ng kaliwanagan sa lahat ng bagay at makapasok sa lahat ng karanasan mo nang detalyado. Tiyak na gagabayan ka ng Diyos upang hindi ka gumawi sa kaliwa o sa kanan, at sa gayon tatapak ka sa landas ng pagpeperpekto Niya.

Ang pagiging ginagawang perpekto ng Diyos ay hindi maaaring limitahan sa pagiging perpekto sa pamamagitan ng pagkain at pag-inom ng salita ng Diyos. Ang ganitong pagdanas ay magiging masyadong may kinikilingan, masyadong kaunti ang magiging kasama rito, at maaari lamang nitong higpitan ang mga tao sa isang napakaliit na saklaw. Yamang ganito, labis na magkukulang ang mga tao sa espirituwal na pampalusog na kinakailangan nila. Kung nais ninyong gawing perpekto ng Diyos, dapat ninyong matutuhan kung paanong dumanas sa lahat ng bagay, at makamit ang kaliwanagan sa lahat ng mangyayari sa inyo. Mabuti man ito o masama, dapat itong magdala ng kapakinabangan sa iyo, at dapat hindi ka gawing negatibo. Anupaman, dapat mong maisaalang-alang ang mga bagay habang nakatayo sa panig ng Diyos, at hindi suriin o aralin ang mga ito mula sa pananaw ng tao (ito ay magiging isang paglihis sa karanasan mo). Kung ganito ka dumanas, mapupuno ang puso mo ng mga pasanin ng buhay mo; palagi kang mamumuhay sa liwanag ng anyo ng Diyos, na hindi madaling malilihis ng landas sa pagsasagawa mo. May magandang kinabukasan ang ganitong mga tao sa hinaharap. Mayroong napakaraming pagkakataong magawang perpekto ng Diyos. Nakasalalay ang lahat ng ito sa kung kayo ay isang taong tunay na nagmamahal sa Diyos at kung taglay ninyo ang kapasyahang gawing perpekto ng Diyos, makamit ng Diyos, at tumanggap ng mga biyaya at pamana Niya. Hindi sapat ang kapasyahan lamang; dapat mayroon kayong malawak na kaalaman, kung hindi, palagi kayong malilihis sa pagsasagawa ninyo. Handa ang Diyos na gawing perpekto ang bawat isa sa inyo. Sa kasalukuyan, bagamat matagal nang tinanggap ng karamihan ng tao ang gawain ng Diyos, nilimitahan nila ang mga sarili nila sa pagpapainit lamang sa biyaya ng Diyos, at handa lamang na hayaan ang Diyos na bigyan sila ng kaunting ginhawa ng laman, subalit ayaw nilang tumanggap ng mas higit pa, at mas matataas, na mga pahayag. Ipinapakita nitong palagi pa ring nasa labas ang puso ng tao. Bagamat ang gawain ng tao, ang paglilingkod niya, at ang puso ng pagmamahal niya para sa Diyos ay may mas kaunting karumihan, kung ang panloob na diwa niya at ang paurong na pag-iisip niya ang pag-uusapan, palagi pa ring hinahangad ng tao ang kapayapaan at kasiyahan ng laman, at walang pakialam sa kung anu-ano ang mga kondisyon at mga layunin ng Diyos para sa pagpeperpekto sa tao. Kaya naman, masagwa at nabubulok pa rin ang buhay ng karamihan ng tao. Hindi nagbago kahit katiting ang mga buhay nila; sadyang hindi nila itinuturing na isang mahalagang bagay ang pananampalataya sa Diyos, na para bang may pananampalataya lamang sila alang-alang sa iba, kumikilos nang walang pagsisikap at pabayang nakararaos, inaanod sa isang walang-layong pag-iral. Kakaunti lamang yaong mga nagagawang maghangad na makapasok sa salita ng Diyos sa lahat ng bagay, na nagkakamit ng mas higit at mas masasaganang bagay, nagiging mga taong may mas higit na kayamanan sa tahanan ng Diyos ngayon, at tumatanggap ng mas higit pang mga pagpapala ng Diyos. Kung hinahangad mong gawing perpekto ng Diyos sa lahat ng bagay, at nagagawang tanggapin ang ipinangako ng Diyos sa lupa, kung hinahangad mong maliwanagan ng Diyos sa lahat ng bagay at hindi hinahayaang lumipas ang mga taon nang nakatunganga, ito ang pinakamainam na landas na aktibong pasukin. Sa ganitong paraan ka lamang magiging karapat-dapat at magkakaroon ng karapatang gawing perpekto ng Diyos. Tunay ka bang naghahangad na gawing perpekto ng Diyos? Tunay ka bang taimtim sa lahat ng bagay? Mayroon ka bang kaparehong espiritu ng pagmamahal para sa Diyos tulad ng kay Pedro? Mayroon ka bang kaloobang mahalin ang Diyos tulad ng kay Jesus? Nanampalataya ka na kay Jesus sa loob ng maraming taon; nakita mo na ba kung paanong minahal ni Jesus ang Diyos? Tunay bang si Jesus ang pinaniniwalaan mo? Naniniwala ka sa praktikal na Diyos ng ngayon; nakita mo na ba kung paanong minamahal ng praktikal na Diyos sa katawang-tao ang Diyos na nasa langit? Mayroon kang pananampalataya sa Panginoong Jesucristo; iyon ay dahil sa ang pagkakapako ni Jesus sa krus alang-alang sa pagtubos sa sangkatauhan at ang mga himalang ginawa Niya ay pangkalahatang tinatanggap na mga katotohanan. Subalit hindi nagmumula sa kaalaman at tunay na pagkaunawa kay Jesucristo ang pananampalataya ng tao. Naniniwala ka lamang sa pangalan ni Jesus, ngunit hindi ka naniniwala sa Espiritu Niya, sapagkat hindi ka nagbibigay ng anumang pansin sa kung paanong minahal ni Jesus ang Diyos. Masyadong walang muwang ang pananampalataya mo sa Diyos. Sa kabila ng paniniwala kay Jesus sa loob ng maraming taon, hindi mo alam kung paanong mahalin ang Diyos. Hindi ka ba nito ginagawang ang pinakamalaking hangal sa mundo? Patunay itong sa loob ng maraming taon, kinakain mo ang pagkain ng Panginoong Jesucristo nang walang katuturan. Hindi Ko lamang inaayawan ang ganitong mga tao, nagtitiwala Akong ang Panginoong Jesucristo—na binibigyang pitagan ninyo—ay aayawan din sila. Paano mapeperpekto ang mga taong ganito? Hindi ka ba namumula sa kahihiyan? Hindi ka ba nakararamdam ng kahihiyan? Mayroon ka pa bang lakas ng loob na harapin ang iyong Panginoong Jesucristo? Nauunawaan ba ninyong lahat ang kahulugan ng sinabi Ko?

Mag-iwan ng Tugon