Menu

Paano Makilala ang Tinig ng Diyos

Mga Talata ng Bibliya para sa Sanggunian

Mayroon pa akong maraming bagay na sa inyo ay sasabihin, nguni’t ngayon ay hindi ninyo mangatitiis. Gayon ma’y kung siya, ang Espiritu ng katotohanan ay dumating, ay papatnubayan niya kayo sa buong katotohanan: sapagka’t hindi siya magsasalita ng mula sa kaniyang sarili; kundi ang anomang bagay na kaniyang marinig, ang mga ito ang kaniyang sasalitain: at kaniyang ipahahayag sa inyo ang mga bagay na magsisidating” (Juan 16:12–13).

Narito, ang Leon sa angkan ni Juda, ang Ugat ni David, ay nagtagumpay upang magbukas ng aklat at ng pitong tatak nito(Pahayag 5:5).

nauugnay-salita-ng-Diyos

Nauugnay na mga Salita ng Diyos

Siya na pagkakatawang-tao ng Diyos ay magkakaroon ng diwa ng Diyos, at Siya na pagkakatawang-tao ng Diyos ang magkakaroon ng pagpapahayag ng Diyos. Yamang ang Diyos ay nagiging katawang-tao, ilalahad Niya ang gawaing dapat Niyang gawin, at yamang ang Diyos ay nagiging katawang-tao, ipapahayag Niya kung ano Siya, at nagagawa Niyang ihatid ang katotohanan sa tao, pagkalooban ng buhay ang tao, at ipakita sa tao ang daan. Ang katawan na walang diwa ng Diyos ay tiyak na hindi ang Diyos na nagkatawang-tao; walang duda ito. Para masiyasat kung ito ang katawang-tao ng Diyos, kailangan itong matukoy ng tao mula sa disposisyon na Kanyang ipinapahayag at sa mga salitang Kanyang sinasambit. Ibig sabihin, kung ito nga ang katawang-tao ng Diyos o hindi, at kung ito nga ang tunay na daan o hindi, kailangan itong matukoy mula sa Kanyang diwa. Kaya nga, sa pagtukoy[a] kung ito ang katawan ng Diyos na nagkatawang-tao, ang susi ay bigyang-pansin ang Kanyang diwa (Kanyang gawa, Kanyang mga salita, Kanyang disposisyon, at marami pang iba), sa halip na ang panlabas na anyo. Kung ang nakikita lamang ng tao ay ang Kanyang panlabas na anyo, at hindi niya napapansin ang Kanyang diwa, ipinapakita niyan ang kamangmangan at kawalang-muwang ng tao.

—mula sa “Tanging Yaong Nakararanas ng Gawain ng Diyos ang Tunay na Naniniwala sa Diyos”

Kung ang mga salita man na sinabi ng Diyos ay payak o malalim sa tingin, lahat ng iyon ay mga katotohanang kailangang-kailangan ng tao sa pagpasok niya sa buhay; ang mga iyon ang pinagmumulan ng tubig na buhay na nagbibigay sa kanya ng kakayahang mabuhay kapwa sa espiritu at laman. Ipinagkakaloob ng mga ito ang kailangan ng tao para manatiling buhay; ang doktrina at paniniwala para sa pagpapatakbo ng pang-araw-araw na buhay; ang daan, layunin, at direksyon na dapat daanan upang makatanggap ng kaligtasan; bawat katotohanan na dapat niyang taglayin bilang isang nilikha sa harapan ng Diyos; at bawat katotohanan tungkol sa kung paano sumusunod ang tao at sumasamba sa Diyos. Ang mga iyon ang garantiya na tumitiyak ng pananatiling buhay ng tao, ang mga iyon ang pang-araw-araw na tinapay ng tao, at ang mga iyon din ang matibay na suportang nagsasanhi sa tao na maging malakas at tumayo. Sagana ang mga iyon sa katunayan ng katotohanan ng normal na pagkatao tulad ng pagsasapamuhay nito ng nilikhang sangkatauhan, mayaman sa katotohanan kung saan sa pamamagitan nito ang sangkatauhan ay nakakatakas mula sa kasamaan at nakakaiwas sa mga patibong ni Satanas, mayaman sa walang-pagod na pagtuturo, panghihikayat, pagpapalakas ng loob, at kaaliwan na ibinibigay ng Lumikha sa nilikhang sangkatauhan. Ang mga iyon ang mga parolang gumagabay at nagliliwanag sa mga tao para maunawaan ang lahat ng positibo, ang garantiya na tumitiyak na ang mga tao ay magsasabuhay at magtataglay ng lahat ng matuwid at mabuti, ang pamantayan kung saan ang mga tao, mga pangyayari, at mga bagay ay lahat sinusukat, at ang tanda sa paglalakbay na nag-aakay sa mga tao tungo sa kaligtasan at sa daan ng liwanag. Tanging sa tunay na karanasan sa mga salita ng Diyos natutustusan ang tao ng katotohanan at ng buhay; tanging dito siya nagkakaroon ng kaunawaan kung ano ang normal na pagkatao, ano ang isang makahulugang buhay, ano ang isang tunay na nilalang, ano ang tunay na pagsunod sa Diyos; tanging dito siya dumarating sa pagkaunawa kung paano siya dapat magmalasakit sa Diyos, paano tumupad ng tungkulin ng isang nilikhang kabuuan, at kung paano magtaglay ng wangis ng isang tunay na tao; tanging dito lamang siya dumarating sa pagkaunawa kung ano ang ibig sabihin ng tunay na pananampalataya at tunay na pagsamba; tanging dito lamang niya nauunawaan kung sino ang Naghahari sa kalangitan at lupa at lahat ng bagay; tanging dito siya dumarating sa pagkaunawa ng pamamaraan kung saan ang Isa na Panginoon ng lahat ng sangnilikha ay naghahari, nangunguna, at nagkakaloob para sa sangnilikha; at tanging dito siya nakakarating sa pagkaunawa at pagkatarok ng paraan kung saan ang Isa na Panginoon ng buong sangnilikha ay umiiral, nahahayag, at gumagawa…. Hiwalay sa tunay na karanasan ng mga salita ng Diyos, ang tao ay walang tunay na kaalaman o panloob na pananaw tungo sa mga salita ng Diyos at sa katotohanan. Ang ganitong tao ay talagang isang buhay na bangkay, isang lalagyang walang kalaman-laman, at lahat ng kaalaman na may kaugnayan sa Lumikha ay walang anumang kinalaman sa kanya. Sa mga mata ng Diyos, ang ganitong tao ay hindi kailanman nanampalataya sa Kanya, ni hindi kahit minsan sumunod sa Kanya, kaya hindi siya kinikilala ng Diyos bilang Kanyang mananampalataya o Kanyang tagasunod, lalong hindi bilang isang tunay na nilalang.

—mula sa “Pagkilala sa Diyos ang Landas tungo sa Pagkakaroon ng Takot sa Diyos at Pag-iwas sa Kasamaan”

Ang pagkilala sa Diyos ay dapat gawin sa pamamagitan ng pagbasa at pag-unawa sa salita ng Diyos. Sinasabi ng ilan: “Hindi ko pa nakikita ang Diyos na nagkatawang-tao, kaya paano ko makikilala ang Diyos?” Sa katunayan, ang salita ng Diyos ay isang pagpapahayag ng disposisyon ng Diyos. Mula sa salita ng Diyos ay nakikita mo ang pag-ibig ng Diyos at pagliligtas para sa sangkatauhan, at Kanyang pamamaraan ng pagliligtas sa kanila…. Ito ay dahil ang salita ng Diyos ay inihahayag ng Diyos Mismo kasalungat sa paggamit sa tao para isulat ito. Ito ay personal na inihahayag ng Diyos—inihahayag Niya ang sarili Niyang mga salita at Kanyang panloob na tinig. Bakit sinasabi na ang mga ito ay mga taos-pusong salita? Dahil ang mga ito’y nanggagaling sa kaibuturan, inihahayag ang Kanyang disposisyon, Kanyang kalooban, Kanyang mga iniisip, Kanyang pag-ibig sa sangkatauhan, Kanyang pagliligtas sa sangkatauhan at Kanyang mga inaasahan sa sangkatauhan…. Kasama sa mga salita ng Diyos ay masasakit na salita, banayad at may pagsasaalang-alang na mga salita, at may ilang salitang nagbubunyag na hindi naaayon sa mga pantaong pagnanais. Kung titingnan mo lamang ang mga salitang nagbubunyag, mararamdaman mo na ang Diyos ay medyo mahigpit. Kung titingnan mo lamang ang mga banayad na salita, mararamdaman mo na walang masyadong awtoridad ang Diyos. Kaya, hindi mo dapat kuhanin ito nang wala sa konteksto, kundi tingnan ito mula sa bawat anggulo. Kung minsan nagsasalita ang Diyos mula sa isang banayad at mahabaging pananaw, at nakikita ng mga tao ang pag-ibig ng Diyos para sa sangkatauhan; kung minsan nagsasalita Siya mula sa isang istriktong pananaw, at nakikita ng mga tao ang disposisyon ng Diyos na hindi kukunsinti sa kasalanan. Ang tao’y kalunus-lunos sa karumihan at hindi karapat-dapat na tumingin sa mukha ng Diyos o humarap sa Diyos. Na nakakaharap ngayon sa Diyos ang mga tao ay tanging sa biyaya ng Diyos. Nakikita ang karunungan ng Diyos mula sa Kanyang paraan ng paggawa at sa kahulugan ng Kanyang gawain. Nakikita pa rin ng mga tao ang mga bagay na ito sa salita ng Diyos kahit hindi tuwirang nakikipag-ugnayan sa Kanya.

—mula sa “Paano Kikilalanin ang Diyos na Nagkatawang-tao

Sa pagkakataong ito, pumaparito ang Diyos upang gumawa ng gawain hindi sa espirituwal na katawan kundi sa isang napakakaraniwang katawan. Hindi lamang ito ang katawan ng ikalawang pagkakatawang-tao ng Diyos, kundi ito rin ang katawan kung saan magbabalik ang Diyos. Ito ay isang napaka-ordinaryo na katawang-tao. Sa Kanya, wala kang makikitang anumang kaiba kumpara sa iba, nguni’t maaari kang makatanggap mula sa Kanya ng mga katotohanang hindi mo pa kailanman dating narinig. Ang hamak na katawang-taong ito ay ang pagsasakatawan ng lahat ng salita ng katotohanan mula sa Diyos, na siyang pumapasan sa gawain ng Diyos sa mga huling araw, at isang pagpapahayag ng kabuuan ng disposisyon ng Diyos para malaman ng tao. Hindi ba gustung-gusto mong makita ang Diyos sa langit? Hindi ba gustung-gusto mong maunawaan ang Diyos sa langit? Hindi ba gustung-gusto mong makita ang hantungan ng sangkatauhan? Sasabihin Niya sa iyo ang lahat ng lihim na ito na wala pang sinumang tao ang nakapagsabi sa iyo, at sasabihin din Niya sa iyo ang mga katotohanan na hindi mo nauunawaan. Siya ang iyong pintuan patungo sa kaharian, at ang iyong gabay patungo sa bagong kapanahunan. Ang gayong karaniwang katawang-tao ay nagtataglay ng maraming hindi maarok na mga hiwaga. Ang Kanyang mga gawa ay maaaring hindi mo maabot, nguni’t ang adhikain ng lahat ng gawaing Kanyang ginagawa ay sapat upang iyong makita na hindi Siya isang simpleng katawang-tao gaya ng inaakala ng tao. Sapagka’t kinakatawan Niya ang kalooban ng Diyos gayundin ang pangangalaga na ipinakita ng Diyos sa sangkatauhan sa mga huling araw. Kahit na hindi mo naririnig ang mga salitang Kanyang sinasabi na tila yumayanig sa langit at lupa, o nakikita ang Kanyang mga mata na tila mga naglalagablab na ningas, at kahit na hindi mo nararamdaman ang disiplina ng Kanyang bakal na pamalo, maririnig mo mula sa Kanyang mga salita ang galit ng Diyos at nalalaman na ang Diyos ay nagpapamalas ng pagkahabag sa sangkatauhan; nakikita mo ang matuwid na disposisyon ng Diyos at ang Kanyang karunungan, at higit sa lahat, natatanto ang pagmamalasakit at pag-aalaga ng Diyos sa buong sangkatauhan.

—mula sa “Alam Mo Ba? Nakagawa ng Isang Dakilang Bagay ang Diyos sa mga Tao”

Alam Niyang lubos ang diwa ng tao, anupa’t kaya Niyang ibunyag ang lahat ng uri ng mga pagsasagawa na may kinalaman sa lahat ng uri ng mga tao. Mas mahusay pa nga Siya sa paghahayag ng tiwaling disposisyon ng tao at mapanghimagsik na pag-uugali. Hindi Siya namumuhay sa gitna ng makamundong mga tao, ngunit alam Niya ang kalikasan ng mga mortal at ang lahat ng katiwalian ng makamundong mga tao. Ito ay kung ano Siya. Kahit hindi Siya nakikitungo sa mundo, alam Niya ang mga tuntunin sa pakikitungo sa mundo, sapagkat lubos Niyang nauunawaan ang kalikasan ng tao. Alam Niya ang tungkol sa gawain ng Espiritu na hindi nakikita ng mga mata ng tao at hindi naririnig ng mga tainga ng tao, maging ngayon at noong nakaraan. Kasama rito ang karunungan na hindi isang pilosopiya sa buhay ng tao at himalang mahirap maarok ng mga tao. Ito ay kung ano Siya, ginawang bukas sa mga tao at nakatago rin sa mga tao. Ang Kanyang ipinahahayag ay hindi ang kung ano ang isang di-pangkaraniwang tao, kundi ang likas na mga katangian at kung ano ang Espiritu. Hindi Siya naglalakbay sa buong mundo ngunit alam ang lahat tungkol dito. Nakikipag-ugnayan Siya sa mga “unggoy na hawig sa tao” na walang kaalaman o pananaw, ngunit nagpapahayag Siya ng mga salita na mas mataas sa kaalaman at mas higit sa mga dakilang tao. Namumuhay Siya sa gitna ng pangkat ng mapupurol ang isip at manhid na mga tao na walang pagkatao at hindi nakakaunawa sa mga kalakaran at buhay ng tao, ngunit kaya Niyang hingin sa sangkatauhan na isabuhay ang normal na pagkatao, habang ibinubunyag ang hamak at mababang pagkatao ng sangkatauhan. Lahat ng ito ay kung ano Siya, mas mataas sa kahit anong laman-at-dugong tao. Para sa Kanya, hindi kailangang makaranas ng isang magulo, mahirap at nakakarimarim na buhay panlipunan upang gawin ang gawaing kailangan Niyang gawin at lubusang ibunyag ang diwa ng tiwaling sangkatauhan. Ang nakakarimarim na buhay panlipunan ay hindi nakapagtataas sa Kanyang katawang-tao. Ang Kanyang gawain at mga salita ay nagbubunyag lamang ng pagsuway ng tao at hindi nagkakaloob sa tao ng karanasan at mga aralin sa pakikitungo sa mundo. Hindi Niya kailangang suriin ang lipunan o ang pamilya ng tao kapag tinutustusan Niya ang tao ng buhay. Ang paglalantad at paghatol sa tao ay hindi isang pagpapahayag ng mga karanasan ng Kanyang katawang-tao; ito ay upang ibunyag ang di-pagkamakatuwiran ng tao pagkatapos alamin na pangmatagalan ang pagsuway ng tao at kapootan ang katiwalian ng sangkatauhan. Ang gawain na ginagawa Niya ay upang ibunyag ang Kanyang disposisyon sa tao at ipahayag ang kung ano Siya. Siya lamang ang maaaring gumawa nito, hindi ito isang bagay na maaaring makamit ng laman-at-dugong tao.

—mula sa “Ang Gawain ng Diyos at ang Gawain ng Tao

Ang pagbabalik ni Jesus ay isang dakilang kaligtasan para sa mga kayang tumanggap ng katotohanan, nguni’t para sa mga hindi kayang tumanggap ng katotohanan, ito’y tanda ng paghuhusga. Dapat ninyong piliin ang sarili ninyong landas, at hindi ninyo dapat lapastanganin ang Banal na Espiritu at itakwil ang katotohanan. Hindi kayo dapat maging isang mangmang at mapagmataas na tao, kundi isang taong sumusunod sa patnubay ng Banal na Espiritu at nananabik at naghahanap sa katotohanan; sa ganitong paraan lamang kayo makikinabang. Pinapayuhan Ko kayo na tahakin nang maingat ang landas ng paniniwala sa Diyos. Huwag kayong magsalita nang tapos; bukod pa rito, huwag maging mapagwalang-bahala at walang-ingat sa inyong paniniwala sa Diyos. Dapat man lamang ninyong malaman na yaong mga naniniwala sa Diyos ay dapat maging mapagpakumbaba at mapitagan. Yaong mga nakarinig na sa katotohanan subali’t minamaliit ito ay mga hangal at mangmang. Yaong mga nakarinig na sa katotohanan subali’t walang-ingat na nagsasalita nang tapos o hinuhusgahan ito ay puno ng kayabangan. Walang sinumang naniniwala kay Jesus ang may karapatang sumpain o husgahan ang kapwa. Kayong lahat ay dapat maging isang taong makatwiran at tumatanggap sa katotohanan. Marahil, dahil narinig mo na ang daan ng katotohanan at nabasa na ang salita ng buhay, naniniwala ka na isa lamang sa 10,000 ng mga salitang ito ang naaayon sa iyong mga paniniwala at sa Biblia, at sa gayo’y dapat kang patuloy na maghanap sa ika-10,000 ng mga salitang ito. Pinapayuhan pa rin kita na maging mapagpakumbaba, huwag maging masyadong tiwala sa sarili, at huwag masyadong magmalaki. Kapag may kaunting paggalang sa Diyos sa puso mo, magtatamo ka ng higit na liwanag. Kung sinusuri mong mabuti at paulit-ulit na pinagninilayan ang mga salitang ito, mauunawaan mo kung ang mga iyon ay ang katotohanan o hindi, at kung ang mga iyon ay buhay o hindi. Marahil, dahil ilang pangungusap lamang ang nabasa, pikit-matang huhusgahan ng ilang tao ang mga salitang ito, nagsasabing, “Kaunting kaliwanagan lamang ito mula sa Banal na Espiritu,” o, “Huwad na Cristo ito na naparito upang linlangin ang mga tao.” Yaong mga nagsasabi ng gayong mga bagay ay nabubulagan ng kamangmangan! Kakaunti ang nauunawaan mo tungkol sa gawain at karunungan ng Diyos, at pinapayuhan kita na magsimula kang muli sa wala! Huwag ninyong pikit-matang husgahan ang mga salitang ipinahayag ng Diyos dahil sa paglitaw ng mga huwad na Cristo sa panahon ng mga huling araw, at hindi dapat maging isang tao na lumalapastangan sa Banal na Espiritu dahil sa takot kayong malinlang. Hindi ba’t masyadong kaawa-awa ang gayon? Kung, matapos ang maraming pagsusuri, naniniwala ka pa rin na ang mga salitang ito ay hindi ang katotohanan, hindi ang daan, at hindi ang pagpapahayag ng Diyos, sa kahuli-huliha’y mapaparusahan ka, at hindi magtatamo ng mga pagpapala. Kung hindi mo matatanggap ang gayong katotohanang sinambit nang lantaran at napakalinaw, hindi ba’t hindi ka naaakma sa pagliligtas ng Diyos? Hindi ba’t isa kang tao na hindi pinapalad nang sapat upang makabalik sa harapan ng luklukan ng Diyos? Pag-isipan mo ito! Huwag magpadalus-dalos at mapusok, at huwag ituring na laro ang paniniwala sa Diyos. Mag-isip alang-alang sa iyong hantungan, alang-alang sa iyong mga inaasahan, alang-alang sa iyong buhay, at huwag mong paglaruan ang iyong sarili. Matatanggap mo ba ang mga salitang ito?

—mula sa “Sa Sandaling Mamasdan Mo ang Espirituwal na Katawan ni Jesus, Napanibago na ng Diyos ang Langit at Lupa”

Talababa:
a. Ang nakasaad sa orihinal na teksto ay “para sa.”

Mag-iwan ng Tugon