Menu

Ang Tapat na Damdamin ng Lumikha Tungo sa Sangkatauhan

Madalas na sinasabi ng mga tao na hindi madaling bagay ang makilala ang Diyos. Ngunit sinasabi Ko na ang pagkilala sa Diyos ay hindi talaga isang mahirap na bagay, sapagkat madalas na ipinapakita ng Diyos sa tao ang Kanyang mga gawa. Hindi kailanman itinigil ng Diyos ang Kanyang pakikipag-usap sa sangkatauhan; at hindi Niya kailanman ikinubli ni itinago ang Sarili Niya mula sa tao. Ang Kanyang mga kaisipan, ang Kanyang mga ideya, ang Kanyang mga salita at ang Kanyang mga gawa ay ibinubunyag na lahat sa sangkatauhan. Samakatuwid, hangga’t nais ng tao na kilalanin ang Diyos, maaari niyang unawain at kilalanin Siya sa pamamagitan ng lahat ng uri ng mga paraan at pamamaraan. Ang dahilan kung bakit bulag na iniisip ng tao na sinasadyang iwasan siya ng Diyos, na sinasadyang pagtaguan ng Diyos ang sangkatauhan, na ang Diyos ay walang intensyon na pahintulutan ang tao na unawain at kilalanin Siya, ay yaong hindi niya alam kung sino ang Diyos, ni ninanais na maunawaan ang Diyos. Lalong higit pa riyan, wala siyang pakialam sa mga kaisipan, mga salita o mga gawa ng Lumikha…. Sa totoo lang, kung ginagamit lamang ng isa ang kanilang bakanteng oras upang pagtuunan ng pansin at unawain ang mga salita o gawa ng Lumikha, at kung magbibigay sila ng kaunting pansin sa mga kaisipan ng Lumikha at sa tinig ng Kanyang puso, hindi magiging mahirap para sa kanila na mapagtanto na nakikita at malinaw ang mga kaisipan, mga salita at mga gawa ng Lumikha. Gayundin, kakailanganin ang kaunting pagsisikap upang mapagtanto na ang Lumikha ay kasama ng tao sa lahat ng pagkakataon, na lagi Siyang nakikipag-usap sa tao at sa kabuuan ng sangnilikha, at Siya ay gumaganap ng mga bagong gawa sa araw-araw. Ang Kanyang diwa at disposisyon ay ipinahahayag sa Kanyang pakikipag-usap sa tao; ang Kanyang mga kaisipan at mga ideya ay ganap na ibinubunyag sa Kanyang mga gawa; Sinasamahan Niya at inoobserbahan ang sangkatauhan sa lahat ng pagkakataon. Tahimik Siyang nakikipag-usap sa sangkatauhan at sa buong sangnilikha sa Kanyang tahimik na mga salita: Ako ay nasa kalangitan, at Ako ay kasama ng Aking sangnilikha. Ako ay patuloy na nagmamasid; Ako ay naghihintay; Ako ay nasa iyong tabi…. Ang Kanyang mga kamay ay mainit-init at malakas; ang Kanyang mga yapak ay magaan; ang Kanyang tinig ay mahina at kaaya-aya; ang Kanyang anyo ay pabalik-balik, niyayakap ang buong sangkatauhan; ang Kanyang mukha ay maganda at magiliw. Hindi Siya kailanman lumisan, ni naglaho man. Araw at gabi, Siya ang palaging kasama ng sangkatauhan, hindi umaalis sa kanilang tabi kailanman. Ang Kanyang matapat na pag-iingat at natatanging pagmamahal sa sangkatauhan, gayon din ang Kanyang tunay na pagmamalasakit at pag-ibig sa tao, ay unti-unting naipakita nang iligtas Niya ang lungsod ng Ninive. Sa partikular, ang palitan sa pagitan ng Diyos na si Jehova at ni Jonas ay inilantad nang ganap ang pagkagiliw ng Lumikha sa sangkatauhan na Siya Mismo ang lumikha. Sa pamamagitan ng mga salitang ito, makakamit mo ang malalim na pagkaunawa sa tapat na damdamin ng Diyos para sa sangkatauhan …

Ang Taos na Damdamin ng Lumikha Tungo sa Sangkatauhan

Ang mga sumusunod ay nakatala sa Aklat ni Jonas 4:10–11: “At sinabi ni Jehova, Ikaw ay nanghinayang sa kikayon na hindi mo pinagpagalan o pinatubo man; na sumampa sa isang gabi, at nawala sa isang gabi: At hindi baga Ako manghihinayang sa Ninive, sa malaking bayang yaon, na mahigit sa isang daan at dalawampung libong katao na hindi marunong magmuni-muni ng kanilang kanang kamay at ng kanilang kaliwang kamay; at marami ring hayop?” Ang mga ito ang aktuwal na sinabi ng Diyos na si Jehova, naitala mula sa pag-uusap sa pagitan Niya at ni Jonas. Bagaman ang pag-uusap na ito ay maigsi lamang, ito ay puno ng pagkalinga ng Lumikha sa sangkatauhan at ng Kanyang pag-aatubili na bitawan ito. Ang mga salitang ito ay nagpapahayag ng tunay na saloobin at mga nararamdaman ng Diyos sa Kanyang puso para sa Kanyang sangnilikha. Sa pamamagitan ng mga salitang ito na malinaw at tiyak, na ang katulad ay madalang marinig ng tao, ay inilalahad ng Diyos ang Kanyang tunay na intensyon para sa sangkatauhan. Ang palitan na ito ay kumakatawan sa saloobin na taglay ng Diyos sa mga mamamayan ng Ninive—ngunit anong uri ng saloobin ito? Ito ang saloobin na Kanyang taglay sa mga taga-Ninive bago at pagkatapos ng kanilang pagsisisi at ang saloobin na ipinampapakitungo Niya sa sangkatauhan. Nasa loob ng mga salitang ito ang Kanyang mga kaisipan at Kanyang disposisyon.

Anong mga kaisipan ng Diyos ang ibinubunyag sa mga salitang ito? Sa masusing pagbabasa ay makikita agad na ginagamit Niya ang salitang “awa”; ang paggamit ng salitang ito ay nagpapakita ng tunay na saloobin ng Diyos tungo sa sangkatauhan.

Sa lebel ng literal na kahulugan, maaaring bigyang-kahulugan ng mga tao ang salitang “awa” sa iba’t ibang paraan: Una, nangangahulugan itong “mahalin at ingatan, ang makadama ng pagiging malambing sa isang bagay”; pangalawa, nangangahulugan itong “magmahal nang buong giliw”; at panghuli, nangangahulugan itong “pagiging ‘di handang makasakit at kawalan ng kakayahang tiisin na gawin ito.” Sa madaling sabi, nagpapahiwatig ang salitang ito ng magiliw na pagmamahal at pag-ibig, gayundin ang hindi pagiging handa na isuko ang isang tao o isang bagay; nagpapahiwatig ito ng awa at pagpaparaya ng Diyos sa tao. Bagaman ginamit ng Diyos ang isang salitang ito na madalas ginagamit ng mga tao, inilalantad ng paggamit ng salitang ito ang tinig ng puso ng Diyos at ang Kanyang saloobin sa sangkatauhan.

Kahit na ang lungsod ng Ninive ay puno ng mga taong tiwali, masama at marahas katulad ng sa Sodoma, ang kanilang pagsisisi ang nagdulot sa Diyos na baguhin ang Kanyang puso at magpasya na hindi na sila wasakin. Dahil ang kanilang pagtugon sa mga salita at tagubilin ng Diyos ay nagpakita ng saloobing malinaw na kabaligtaran ng sa mga mamamayan ng Sodoma, at dahil sa kanilang tapat na pagpapasakop sa Diyos at tapat na pagsisisi sa kanilang mga kasalanan, gayon din sa kanilang tunay at matapat na pag-uugali sa lahat ng pagkakataon, minsan pa ay ipinakita ng Diyos ang Kanyang taos-pusong awa at ipinagkaloob ito sa kanila. Ang ipinagkakaloob ng Diyos at ang Kanyang pagkahabag sa sangkatauhan ay imposibleng magaya ninuman; imposibleng taglayin ninuman ang awa o pagpaparaya ng Diyos, maging ang Kanyang tapat na damdamin sa sangkatauhan. Mayroon bang sinuman na ipinapalagay mong dakilang lalaki o babae, o maging isang makapangyarihang tao, na mula sa isang mataas na kinalalagyan ay nagsasalita bilang isang dakilang lalaki o babae, o sa pinakamataas na kalagayan ay makapangungusap ng ganitong uri sa sangkatauhan o sa sangnilikha? Sino sa sangkatauhan ang makaaalam ng kundisyon ng pag-iral ng sangkatauhan na tulad ng palad ng kanilang mga kamay? Sino ang makapagdadala ng pasanin at pananagutan para sa pag-iral ng sangkatauhan? Sino ang nararapat magproklama ng pagkawasak ng isang lungsod? At sino ang nararapat magpatawad sa isang lungsod? Sino ang makapagsasabi na minamahal nila ang kanilang sariling nilikha? Tanging ang Lumikha! Tanging ang Lumikha ang may paggiliw sa sangkatauhang ito. Tanging ang Lumikha ang nagpapakita ng pagkahabag at pagmamahal sa sangkatauhang ito. Tanging ang Lumikha ang may tunay at hindi napapatid na pagmamahal para sa sangkatauhan. Gayundin, tanging ang Lumikha ang makapagkakaloob ng awa sa sangkatauhang ito at umiibig sa Kanyang buong sangnilikha. Lumulundag at sumasakit ang Kanyang puso sa bawat isa sa mga kilos ng tao: Siya ay nagagalit, nababalisa, at nagdadalamhati sa kasamaan at katiwalian ng tao. Siya ay nalulugod, nagagalak, nagpapatawad at nagsasaya sa pagsisisi at paniniwala ng tao; ang bawat isa sa Kanyang mga kaisipan at mga ideya ay umiiral at umiikot para sa sangkatauhan; kung ano Siya at kung anong mayroon Siya ay lubos na ipinahahayag para sa kapakanan ng sangkatauhan; ang kabuuan ng Kanyang mga damdamin ay nakaugnay sa pag-iral ng sangkatauhan. Para sa kapakanan ng sangkatauhan, naglalakbay Siya at nagmamadali; tahimik Niyang ibinibigay ang bawat himaymay ng Kanyang buhay; iniaalay Niya ang bawat minuto at segundo ng Kanyang buhay…. Hindi Niya kailanman nalaman kung paano kaawaan ang Kanyang sariling buhay, ngunit lagi Niyang kinaaawaan at minamahal ang sangkatauhan na Siya Mismo ang lumikha…. Ibinibigay Niya ang lahat ng mayroon Siya para sa sangkatauhang ito…. Iginagawad Niya ang Kanyang awa at pagpaparaya nang walang kundisyon at walang inaasahang kapalit. Ginagawa lamang Niya ito upang patuloy na manatili ang sangkatauhan sa Kanyang harapan, na tinatanggap ang Kanyang bigay na buhay; ginagawa lamang Niya ito upang balang araw ay magpasakop sa Kanya ang sangkatauhan at kilalanin na Siya ang nag-aalaga sa pag-iral ng tao at nagbibigay ng buhay ng buong sangnilikha.

Hinango mula sa “Ang Diyos Mismo, ang Natatangi II” sa Ang Salita ay Nagpapakita sa Katawang-tao

Mag-iwan ng Tugon