Ang Ikalimang Sugpungan: Supling
Pagkatapos mag-asawa, nagsisimula ang isang tao na alagaan ang susunod na henerasyon. Walang kontrol ang tao sa bilang at uri ng mga anak na mayroon siya; pinagpasyahan din ito ng kapalaran ng isang tao at itinadhana ng Lumikha. Ito ang ikalimang sugpungan na dapat pagdaanan ng isang tao.
Kapag ang isang tao ay ipinanganak upang punan ang papel ng pagiging anak ng isang tao, kung gayon ay nag-aalaga ang isang tao ng susunod na henerasyon upang punan ang papel ng pagiging magulang ng isang tao. Ang paghahaliling ito ng mga papel ang nagpaparanas sa isang tao ng iba’t ibang yugto ng buhay mula sa iba’t ibang perspektibo. Nagbibigay din ito sa isang tao ng iba’t ibang mga karanasan sa buhay na nagpapakilala sa kanya ng kataas-taasang kapangyarihan ng Lumikha, na palaging isinasagawa sa parehong paraan, at nagpaparanas sa isang tao ng katunayan na walang sinuman ang maaaring makialam o magbago sa pagtatadhana ng Lumikha.
1. Walang Kontrol ang Isang Tao sa Mangyayari sa Sariling Supling
Ang kapanganakan, paglaki, at pag-aasawa ay naghahatid lahat ng iba’t ibang uri at antas ng kabiguan. May mga tao na di-nasisiyahan sa kanilang mga pamilya o sa kanilang pisikal na anyo; may mga tao na hindi gusto ang kanilang mga magulang; ang ilan ay nagdaramdam o may mga reklamo sa kapaligiran na kinalakihan nila. At sa lahat ng kabiguang ito, ang pag-aasawa ang pinakahindi kasiya-siya para sa karamihan ng mga tao. Kahit gaano pa di-kasiya-siya para sa isang tao ang kanyang kapanganakan, pag-abot sa hustong pag-iisip, o pag-aasawa, alam ng bawat isang dumaan na sa mga ito na hindi mapipili ng isang tao kung saan at kailan siya ipapanganak, ano ang hitsura niya, sino ang kanyang mga magulang, at sino ang kanyang kabiyak, bagkus tinatanggap lamang niya ang kalooban ng Langit. Subalit kapag dumating na ang panahon upang mag-aruga ang mga tao ng susunod na henerasyon, kanilang ipinapasa ang lahat ng kanilang di-natupad na mga pagnanais sa unang bahagi ng kanilang buhay sa kanilang mga inanak, umaasa na mababawi ng kanilang mga supling ang lahat ng kabiguan na naranasan nila sa unang bahagi ng kanilang mga buhay. Kung kaya ginagawa ng mga tao ang lahat ng uri ng pagpapantasya tungkol sa kanilang mga anak: na ang kanilang mga anak na babae ay magiging nakamamanghang mga dilag, na ang kanilang mga anak na lalaki ay magiging makisig at maginoo; na ang kanilang mga anak na babae ay magkakaroon ng pinag-aralan at magkakaroon ng mga talento at ang kanilang mga anak na lalaki ay magiging mga napakatalinong mag-aaral at nangungunang atleta; na ang kanilang mga anak na babae ay magiging magiliw, mabait, at matino, at ang kanilang mga anak na lalaki ay magiging matalino, mahusay, at madaling makaramdam. Umaasa sila na mapababae o mapalalaki man ang kanilang anak, igagalang nito ang nakatatanda sa kanila, magiging maalalahanin sa kanilang mga magulang, mamahalin at pupurihin ng lahat…. Sa puntong ito, muling bumubukal ang pag-asa sa buhay, at nag-aalab ang mga bagong simbuyo sa puso ng mga tao. Alam ng mga tao na sila ay walang kapangyarihan at walang-pag-asa sa buhay na ito, na hindi na sila magkakaroon ng ibang pagkakataon o ng ibang pag-asa na mamukod-tangi sa iba, at wala na silang magagawa kundi ang tanggapin ang kanilang mga kapalaran. At kaya ipinapasa nila ang lahat ng kanilang inaasam, ang kanilang di-natupad na mga ninanais at mithiin, sa susunod na henerasyon, umaasa na makakatulong sa kanila ang kanilang supling na makamit ang kanilang mga pangarap at matupad ang kanilang mga ninanais; na ang kanilang mga anak na babae at mga anak na lalaki ay magdadala ng karangalan sa pangalan ng pamilya, magiging importante, mayaman, o bantog. Sa madaling salita, nais nilang makita na namamayagpag ang tagumpay ng kanilang mga anak. Ang mga plano at pantasya ng mga tao ay perpekto; hindi ba nila alam na ang bilang ng mga anak na mayroon sila, ang hitsura, mga kakayahan ng kanilang mga anak, at iba pa, ay hindi nila mapagpapasyahan, na ni kapiraso ng mga kapalaran ng kanilang mga anak ay wala sa kanilang mga palad? Ang mga tao ay hindi mga panginoon ng kanilang sariling kapalaran, subalit umaasa sila na mababago nila ang mga kapalaran ng mas nakababatang henerasyon; wala silang kapangyarihan na takasan ang kanilang sariling mga kapalaran, subalit sinusubukan nilang kontrolin ang kapalaran ng kanilang mga anak na babae’t lalaki. Hindi kaya nasosobrahan ang tiwala nila sa kanilang mga sarili? Hindi ba ito kahangalan at kamangmangan ng tao? Gagawin ng mga tao ang lahat para sa kapakanan ng kanilang supling, subalit sa bandang huli, hindi maaaring diktahan ng mga plano at mga naisin ng isang tao kung gaano karami at kung anong uri ang mga anak na mayroon sila. May mga tao na walang pera subalit nagkakaanak ng marami; ang ilang tao ay mayaman ngunit wala ni isang anak. Ang ilan ay gusto ng isang anak na babae ngunit pinagkaitan ng ganoong kahilingan; ang ilan ay gusto ng isang anak na lalaki ngunit bigong magkaanak ng lalaki. Para sa ilan, ang mga anak ay isang pagpapala; para sa iba, ang mga ito ay isang sumpa. May mga mag-asawa na matatalino, ngunit nagkakaanak ng mga batang mapupurol ang isip; may mga magulang na masisipag at matatapat, ngunit ang mga pinalalaki nilang anak ay mga tamad. Ang ilang magulang ay mababait at matuwid subalit may mga anak na nagiging mapanlinlang at malupit. May mga magulang na matino ang isip at katawan subalit nagkakaanak ng mga may-kapansanan. May mga magulang na pangkaraniwan at di-matagumpay gayunpaman ay may mga anak na nakagagawa ng mga dakilang bagay. May mga magulang na mababa ang estado sa buhay datapwat may mga anak na umaangat sa kasikatan. …
2. Pagkatapos Palakihin ang Susunod na Henerasyon, Nagtatamo ang mga Tao ng Bagong Pagkaunawa sa Kapalaran
Karamihan sa mga tao na nag-aasawa ay ginagawa ito sa mga edad na tatlumpu, sa punto ng buhay na wala pang anumang pagkaunawa ang isang tao sa tadhana ng tao. Subalit kapag nagsimulang magpalaki ng mga anak ang mga tao, at habang lumalaki ang kanilang supling, napagmamasdan nilang inuulit ng bagong henerasyon ang buhay at ang lahat ng karanasan ng nakaraang henerasyon, at dahil nasasalamin nila ang kanilang sariling mga nakaraan sa mga ito, natatanto nila na ang daan na tinatahak ng mas batang henerasyon, tulad din ng sa kanila, ay hindi maaaring planuhin at piliin. Nahaharap sa ganitong katunayan, wala silang pagpipilian kundi ang aminin na ang kapalaran ng bawat tao ay naitadhana, at nang hindi ganap na natatanto ito, unti-unti nilang isinasantabi ang sarili nilang mga pagnanais, at ang mga kinahihiligan ng kanilang mga puso ay unti-unting naglalaho at nauupos…. Sa panahong ito, ang mga tao ay nakalampas na sa karamihan ng mahahalagang pagsubok sa buhay, nakamit na ang isang bagong pagkaunawa sa buhay, at nagkaroon ng bagong saloobin. Gaano karami ang maaaring asahan sa hinaharap ng isang tao sa ganitong edad at ano ang mga posibilidad na dapat nilang asamin? Sinong limampung taong gulang na babae ang nangangarap pa rin ng Prince Charming? Sinong limampung taong gulang na lalaki ang naghahanap pa rin sa kanyang Snow White? Sinong nasa katanghaliang-gulang na babae ang umaasa pa rin na maging isang sisne mula sa pagiging pangit na sisiw ng pato? Ang karamihan ba sa mga nakakatandang lalaki ay mayroong parehong sigla sa karera tulad ng mga kabataang lalaki? Sa kabuuan, lalaki man o babae ang isang tao, ang sinumang nabubuhay sa edad na ito ay malamang na may makatwiran at praktikal na saloobin sa pag-aasawa, pamilya, at mga anak. Ang ganoong tao, kung tutuusin, ay wala nang natitirang pagpipilian at wala nang simbuyo na hamunin ang kapalaran. Kung karanasan ng tao ang pag-uusapan, sa sandaling makarating ang isang tao sa edad na ito, siya ay natural na nagkakaroon ng ganitong saloobin: “Dapat tanggapin ang kapalaran; ang mga anak ng isang tao ay may kani-kaniyang sariling suwerte; ang kapalaran ng tao ay itinadhana ng Langit.” Karamihan sa mga tao na hindi nakakaunawa ng katotohanan, matapos malampasan ang lahat ng malalaking pagbabago, pagkabigo, at paghihirap sa mundong ito, ay ibubuod ang kanilang mga pananaw sa buhay ng tao sa tatlong salita: “Ganyan ang kapalaran!” Bagaman binubuod ng pariralang ito ang pagkatanto sa kapalaran ng mga tao ng mundo at ang nabuo nilang konklusyon, at bagama’t ito ay nagpapahayag ng kawalang-kakayahan ng sangkatauhan at masasabi na tumatagos at tumpak, ito ay napakalayo sa pagkaunawa sa kataas-taasang kapangyarihan ng Lumikha, at ito ay talagang hindi pamalit sa kaalaman tungkol sa awtoridad ng Lumikha.
3. Ang Paniniwala sa Kapalaran ay Hindi Pamalit sa Kaalaman Tungkol sa Kataas-taasang Kapangyarihan ng Lumikha
Matapos maging isang tagasunod ng Diyos nang napakaraming taon, mayroon bang makabuluhang pagkakaiba sa kaalaman sa kapalaran sa pagitan ninyo at ng mga tao ng mundo? Tunay ba ninyong nauunawaan ang pagtatadhana ng Lumikha, at tunay ba ninyong nalalaman ang kataas-taasang kapangyarihan ng Lumikha? Ang ilang tao ay may malalim at taos-pusong pagkaunawa sa pariralang “ganyan ang kapalaran,” subalit hindi sila nananalig man lamang sa kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos; hindi sila naniniwala na ang kapalaran ng tao ay inihanda at isinaayos ng Diyos, at hindi sila handang magpasakop sa kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos. Ang mga ganoong tao ay para bang natangay ng agos ng dagat, ihinampas ng mga alon, lumulutang sa agos, at walang magawa kundi ang maghintay nang walang kibo at isuko ang kanilang mga sarili sa kapalaran. Ngunit hindi nila nakikilala na ang kapalaran ng tao ay nasa ilalim ng kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos; hindi nila kayang matalos ang kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos sa sarili nilang pagkukusa, at nang sa gayon ay makamit ang kaalaman tungkol sa awtoridad ng Diyos, magpasakop sa mga pagsasaayos at paghahanda ng Diyos, huminto sa paglaban sa kapalaran, at mabuhay sa ilalim ng pangangalaga, proteksyon, at paggabay ng Diyos. Sa ibang salita, ang pagtanggap sa kapalaran ay hindi katulad ng pagpapasakop sa kataas-taasang kapangyarihan ng Lumikha; ang paniniwala sa kapalaran ay hindi nangangahulugang tinatanggap, kinikilala, at nalalaman ng isang tao ang kataas-taasang kapangyarihan ng Lumikha; ang paniniwala sa kapalaran ay pagkilala lamang sa katotohanan nito at sa panlabas na pagpapamalas nito. Iba ito sa pagkaalam kung paano pinamamahalaan ng Lumikha ang kapalaran ng sangkatauhan, mula sa pagkilala na ang Lumikha ang pinagmumulan ng kapamahalaan sa lahat ng kapalaran ng lahat ng bagay, at tiyak na malayo sa pagpapasailalim sa mga pagsasaayos at paghahanda ng Lumikha para sa kapalaran ng sangkatauhan. Kung ang isang tao ay naniniwala lamang sa kapalaran—kahit na matindi ang paniniwala niya rito—ngunit hindi nalalaman, nakikilala, nagpapasailalim, at tinatanggap ang kataas-taasang kapangyarihan ng Lumikha sa kapalaran ng sangkatauhan, kung gayon ang buhay niya ay magiging isang trahedya, isang buhay na isinasabuhay nang walang saysay, isang kahungkagan; hindi pa rin siya mapapasailalim sa kapamahalaan ng Lumikha, upang maging isang nilikhang tao sa pinakatotoong kahulugan ng parirala, at tamasahin ang pagsang-ayon ng Lumikha. Ang isang tao na tunay na nakatatalos at nakakaranas sa kataas-taasang kapangyarihan ng Lumikha ay dapat nasa aktibong kalagayan, hindi walang-kibo o nasa kawalang-kakayahang kalagayan. Kahit na tinatanggap ng taong ito na ang lahat ng bagay ay itinadhana, siya ay dapat magtaglay ng isang tumpak na kahulugan ng buhay at kapalaran: Na ang bawat buhay ay nasa ilalim ng kataas-taasang kapangyarihan ng Lumikha. Kapag nililingon ng isang tao ang daan na kanyang tinahak, kapag ginugunita niya ang bawat yugto ng kanyang paglalakbay, makikita niya na sa bawat hakbang, nakakapagod man o magaan ang kanyang paglalakbay, ang Diyos ay gumagabay sa landas ng isang tao at pinaplano ito. Ang maingat na mga pagsasaayos ng Diyos, ang Kanyang maingat na pagpaplano, ang umakay sa tao, nang hindi niya nalalaman, tungo sa ngayon. Ang matanggap ang kataas-taasang kapangyarihan ng Lumikha at matanggap ang Kanyang pagliligtas—anong dakilang kayamanan iyon! Kapag negatibo ang saloobin ng isang tao sa kapalaran, pinapatunayan nito na siya ay tumututol sa lahat ng bagay na isinaayos ng Diyos para sa kanya, na siya ay walang nagpapasakop na saloobin. Kapag ang saloobin ng isang tao sa kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos sa kapalaran ng tao ay positibo, kapag nagbalik-tanaw siya sa sarili niyang paglalakbay, kapag tunay niyang nauunawaan ang kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos, mas marubdob niyang nanaisin na magpasakop sa lahat ng isinasaayos ng Diyos, magkakaroon ng mas matibay na determinasyon at pagtitiwala na hayaan ang Diyos na isaayos ang kanyang kapalaran, at huminto sa pagrerebelde laban sa Diyos. Sapagkat nakikita ng isang tao na kapag hindi niya naiintindihan ang kapalaran, kapag hindi niya nauunawaan ang kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos, kapag nangangapa siya pasulong nang kusang-loob, pasuray-suray at pagiray-giray sa kalituhan, ang paglalakbay ay napakahirap at masyadong nakakasakit ng damdamin. Kaya kapag nakikilala ng mga tao ang kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos sa kapalaran ng tao, pinipili ng matatalino na alamin at tanggapin ito, na magpaalam sa masasakit na araw nang sinubukan nilang magtatag ng isang mabuting buhay sa pamamagitan ng sarili nilang mga kamay, at na tigilan ang pakikipagbuno laban sa kapalaran at ang paghahangad ng kanilang tinatawag na “mga layunin sa buhay” sa sarili nilang paraan. Kapag walang Diyos ang isang tao, kapag hindi niya Siya nakikita, kapag hindi niya malinaw na nakikilala ang kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos, ang bawat araw ay walang kabuluhan, walang halaga, kahabag-habag. Saanman naroroon ang isang tao, anuman ang trabaho niya, ang paraan ng paghahanap-buhay niya at ang pagsisikap niya sa sariling mga layunin ay nagdadala lamang sa kanya ng walang-katapusang sakit sa damdamin at di-maibsang pagdurusa, hanggang sa hindi na siya makalingon sa nakaraan. Sa pamamagitan lamang ng pagtanggap ng isang tao sa kataas-taasang kapangyarihan ng Lumikha, pagpapasailalim sa Kanyang mga pagsasaayos at paghahanda, at paghahanap sa tunay na buhay ng tao siya unti-unting makakalaya mula sa lahat ng sakit ng damdamin at pagdurusa, at maiibsan ang lahat ng kahungkagan sa buhay.
4. Tanging ang mga Nagpapasakop sa Dakilang Kapangyarihan ng Lumikha ang Maaaring Makatamo ng Tunay na Kalayaan
Dahil hindi nakikilala ng mga tao ang pagsasaayos ng Diyos at ang kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos, palagi nilang hinaharap ang kapalaran nang may pagtanggi at mapanghimagsik na saloobin, at palaging nais isantabi ang awtoridad at kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos at ang mga bagay na inilaan ng kapalaran, umaasa nang walang-saysay na mababago ang kanilang kasalukuyang mga kalagayan at mapapalitan ang kanilang kapalaran. Subalit hindi sila kailanman magtatagumpay at nahahadlangan sila sa bawat liko. Ang pakikibakang ito na nagaganap sa kaibuturan ng sariling kaluluwa ay nagdudulot ng matinding kirot na tila tagos hanggang buto habang unti-unti niyang inaaksaya ang kanyang buhay. Ano ang sanhi ng kirot na ito? Dahil ba sa kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos, o dahil sa ang tao ay ipinanganak na hindi maswerte? Malinaw na alinman dito ay hindi totoo. Pangunahin na ito ay dahil sa mga landas na tinatahak ng mga tao, sa mga paraan na pinili ng mga tao na isabuhay ang kanilang mga buhay. May ilang tao na maaaring hindi nakatanto ng mga bagay na ito. Subalit kapag tunay mong nalalaman, kapag tunay mong nakikilala na ang Diyos ay may kataas-taasang kapangyarihan sa kapalaran ng tao, kapag tunay mong nauunawaan na ang lahat ng pinlano at pinagpasyahan ng Diyos para sa iyo ay isang malaking benepisyo at proteksyon, kung gayon unti-unting mapapawi ang iyong kirot, at ang buo mong pagkatao ay walang tensyon, malaya, may kasarinlan. Batay sa mga kalagayan ng karamihan sa mga tao, hindi nila kayang tanggapin sa katunayan ang praktikal na halaga at kahulugan ng kataas-taasang kapangyarihan ng Lumikha sa kapalaran ng tao, bagaman sa personal na lebel, ayaw na nilang patuloy na mamuhay gaya ng dati at nais nila ng ginhawa mula sa kanilang kirot; talagang hindi nila kayang tunay na makilala at magpasakop sa kataas-taasang kapangyarihan ng Lumikha, at lalong hindi alam kung paano hahanapin at tatanggapin ang mga pagsasaayos at paghahanda ng Lumikha. Kung kaya, kapag hindi talaga makilala ng mga tao ang katotohanan na ang Lumikha ay may kataas-taasang kapangyarihan sa kapalaran ng tao at sa lahat ng bagay na pantao, kung hindi sila tunay na makapagpapasakop sa kapamahalaan ng Lumikha, kung gayon ay magiging mahirap para sa kanila na hindi madala at hindi mapigilan ng ideya na “ang kapalaran ng isang tao ay nasa kanyang sariling mga kamay.” Magiging mahirap para sa kanila na pagpagin ang kirot ng kanilang matinding pakikibaka laban sa kapalaran at sa awtoridad ng Lumikha, at hindi man kailangang sabihin, magiging mahirap din para sa kanila na maging tunay na may kasarinlan at kalayaan, na maging mga taong sumasamba sa Diyos. Ngunit may napakasimpleng paraan upang mapalaya ang sarili mula sa ganitong kalagayan: ang magpaalam sa dating sariling paraan ng pamumuhay; ang magpaalam sa sariling dating mga layunin sa buhay; ibuod at suriin ang dating istilo ng pamumuhay, pananaw sa buhay, mga pagsusumikap, mga pagnanais, at mga minimithi; at pagkatapos ay ihambing ang mga ito sa kalooban at mga hinihingi ng Diyos sa tao, at tingnan kung tugma ang alinman sa mga ito sa kalooban at mga hinihingi ng Diyos, kung may alinman sa mga ito ang naghahatid ng mga tamang prinsipyo sa buhay, nagdadala sa isang tao sa isang mas malaking pagkaunawa sa katotohanan, at nagtutulot sa kanya na mabuhay nang may pagkatao at kawangis ng tao. Kapag paulit-ulit mong sinisiyasat at maingat na sinusuri ang iba’t ibang layunin sa buhay na pinagsisikapan ng mga tao at ang kanilang di-mabilang na paraan ng pamumuhay, matutuklasan mo na ni isa sa mga ito ay hindi akma sa orihinal na layon ng Lumikha nang Kanyang likhain ang sangkatauhan. Lahat ng ito ay naglalayo sa mga tao mula sa kataas-taasang kapangyarihan at pangangalaga ng Lumikha; lahat ng ito ay mga bitag na nagsasanhi na maging napakasama ng mga tao, at naghahatid sa kanila sa impiyerno. Matapos mong makilala ito, ang tungkulin mo ay isantabi ang iyong lumang pananaw sa buhay, manatiling malayo sa sari-saring mga patibong, hayaan ang Diyos na mamahala sa iyong buhay at gumawa ng mga pagsasaayos para sa iyo; ito ay para subukan lamang na magpasakop sa mga pagsasaayos at paggabay ng Diyos, na mamuhay na hindi gumagawa ng indibiduwal na pagpili, at maging isang tao na sumasamba sa Diyos. Mukhang madali ito, ngunit isang bagay ito na mahirap gawin. Kayang tiisin ng ilang tao ang kirot nito, ang iba ay hindi. May ilan na handang sumunod, ang iba ay hindi. Ang mga hindi handa ay kulang sa pagnanais at sa kapasyahan na gawin ito; malinaw na batid nila ang kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos, alam na alam nila na ang Diyos ang Siyang nagpaplano at nagsasaayos ng kapalaran ng tao, gayunman ay patuloy silang sumisipa at nakikipagbuno at nananatiling hindi umaayon na ilagay ang kanilang mga kapalaran sa palad ng Diyos at magpasakop sa kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos, dagdag pa rito, naghihinanakit sila sa mga pagsasaayos at paghahanda ng Diyos. Kung kaya palaging mayroong ilang tao na nagnanais na sila mismo ang makakita kung ano ang kaya nilang gawin; nais nilang baguhin ang kanilang mga kapalaran sa sarili nilang mga kamay, o makamit ang kaligayahan sa ilalim ng kanilang sariling kapangyarihan, upang makita kung malalampasan nila ang hangganan ng awtoridad ng Diyos at pangibabawan ang kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos. Ang trahedya ng tao ay hindi sa hinahanap niya ang maligayang buhay, hindi sa hinahangad niya ang katanyagan at tagumpay o sa pakikipagbuno laban sa kanyang sariling kapalaran nang naliliton, kundi pagkatapos niyang makita ang pag-iral ng Lumikha, matapos niyang matutuhan ang katotohanan na ang Lumikha ang may kataas-taasang kapangyarihan sa kapalaran ng tao, hindi pa rin niya maiwasto ang kanyang mga nakagawian, hindi niya maalis ang kanyang mga paa sa pusali, ngunit pinatitigas ang kanyang puso at nagpupumilit sa kanyang mga pagkakamali. Mas nanaisin pa niyang magpatuloy na maglupasay sa putikan, matigas ang ulong nakikipagpaligsahan sa kataas-taasang kapangyarihan ng Lumikha, nilalabanan ito hanggang sa mapait na katapusan, nang wala ni katiting na pagsisisi. Magpapasya lamang siyang sumuko at bumalik kapag siya ay nakahiga na nang wasak at nagdurugo. Ito ang tunay na pighati ng tao. Kaya sinasabi Ko, ang mga pumipili na magpasakop ay matatalino, at ang mga pumipili na makipagbuno at tumakas ay hangal.
—Ang Salita, Vol. II. Ukol sa Pagkakilala sa Diyos. Ang Diyos Mismo, ang Natatangi III