Araw-araw na mga Salita ng Diyos: Pagkilala sa Diyos | Sipi 129
Ang Ikaanim na Sugpungan: Kamatayan
Matapos ang labis na pagkaabala at pagmamadali, napakaraming pagkadismaya at kabiguan, matapos ang napakaraming galak at kalungkutan at mga tagumpay at mga pagkabigo, matapos ang napakaraming di-malilimutang taon, matapos ang pagmamasid sa muli’t muling pagbabago ng panahon, dumadaan ang isang tao sa mahahalagang pangyayari sa buhay nang hindi ito namamalayan, at sa isang iglap, natatagpuan niya ang kanyang sarili na nasa takipsilim na ng buhay. Nakatatak ang mga marka ng panahon sa lahat ng bahagi ng katawan niya: Hindi na siya makatayo nang tuwid, ang itim na buhok sa ulo ay nagiging puti, habang ang maliliwanag at malilinaw na mata ay nagdidilim at nanlalabo, ang makinis at malambot na balat ay nagiging kulubot at batik-batik. Ang pandinig niya ay humihina, ang mga ngipin ay umuuga at nalalaglag, ang mga reaksyon ay nahuhuli, at ang mga kilos ay bumabagal…. Sa puntong ito, ganap nang nakapagpaalam ang isang tao sa maalab na mga taon ng kanyang kabataan at pumasok na sa takipsilim ng kanyang buhay: ang katandaan. Susunod, haharapin niya ang kamatayan, ang huling sugpungan sa buhay ng tao.
1) Tanging ang Lumikha ang may Kapangyarihan sa Buhay at Kamatayan ng Tao
Kung ang kapanganakan ng isang tao ay itinadhana ng nakaraan niyang buhay, samakatuwid ang kamatayan niya ang nagmamarka sa katapusan ng tadhanang iyon. Kung ang kapanganakan ng isang tao ay simula ng kanyang misyon sa buhay na ito, samakatuwid ang kamatayan niya ang nagmamarka sa katapusan ng misyong iyon. Yamang ang Lumikha ang nagtadhana ng isang itinakdang hanay ng mga pangyayari para sa kapanganakan ng isang tao, hindi man sabihin ay Siya rin ang nagsaayos ng isang itinakdang hanay ng mga pangyayari para sa kamatayan niya. Sa madaling salita, walang sinuman ang ipinanganak na nagkataon lang, walang kamatayan ang biglaan, at kapwa ang kapanganakan at kamatayan ay marapat na konektado sa nakaraan at kasalukuyang buhay ng isang tao. Ang mga pangyayari sa kapanganakan at kamatayan niya ay kapwa itinadhana ng Lumikha; ito ang tadhana ng isang tao, ang kapalaran ng isang tao. Dahil marami ang paliwanag tungkol sa kapanganakan ng isang tao, totoo rin na likas na magaganap ang kamatayan ng tao sa ilalim ng espesyal na hanay ng magkakaibang pangyayari, kung kaya may magkakaibang haba ng buhay ang mga tao at magkakaibang kaparaanan at mga oras ang kanilang mga kamatayan. May ilang tao na malakas at malusog ngunit namamatay nang maaga; ang mga iba ay mahina at sakitin ngunit nabubuhay hanggang sa tumanda at namamatay nang mapayapa. Ang ilan ay namamatay sa di-natural na mga sanhi, ang iba’y sa natural na paraan. Ang ilan ay tinatapos ang kanilang mga buhay nang malayo sa tahanan, ang iba’y ipinipikit ang kanilang mga mata sa huling pagkakataon sa piling ng kanilang mga mahal sa buhay. Ang ilang tao ay namamatay sa himpapawid, ang iba’y sa ilalim ng lupa. Ang ilan ay lumulubog sa ilalim ng tubig, ang iba’y nawawala sa mga sakuna. Ang ilan ay namamatay sa umaga, ang iba ay sa gabi. … Ang lahat ay nagnanais ng isang tanyag na kapanganakan, isang maningning na buhay, at isang maluwalhating kamatayan, subalit walang sinuman ang makakawala sa sarili niyang tadhana, walang sinuman ang maaaring makatakas sa kataas-taasang kapangyarihan ng Lumikha. Ito ang kapalaran ng tao. Maaaring gawin ng tao ang lahat ng uri ng mga plano para sa kanyang kinabukasan, subalit walang sinuman ang maaaring makapagplano ng kaparaanan at panahon ng kanyang kapanganakan at ng kanyang pag-alis mula sa mundo. Bagaman ginagawa ng mga tao ang lahat ng kanilang makakaya upang iwasan at pigilan ang pagdating ng kamatayan, gayunpaman, tahimik na lumalapit ang kamatayan nang hindi nila nalalaman. Walang sinuman ang nakakaalam kung kailan o kung paano sila mamamatay, lalong hindi nila alam kung saan ito magaganap. Malinaw na hindi ang sangkatauhan ang humahawak ng kapangyarihan ng buhay at kamatayan, hindi isang nilalang sa natural na mundo, kundi ang Lumikha, na ang awtoridad ay natatangi. Ang buhay at kamatayan ng sangkatauhan ay hindi bunga ng ilang batas ng mundong natural, ngunit bunga ng kataas-taasang kapangyarihan ng awtoridad ng Lumikha.
2) Ang Hindi Nakakaalam sa Kataas-taasang Kapangyarihan ng Lumikha ay Hindi Patatahimikin ng Takot sa Kamatayan
Kapag pumasok ang isang tao sa katandaan, ang hamon na kinakaharap niya ay hindi ang pagtustos para sa isang pamilya o pagtatatag niya ng matataas na ambisyon sa buhay, kundi kung paano mamamaalam sa sariling buhay, kung paano haharapin ang pagtatapos ng sariling buhay, kung paano tutuldukan ang sariling pag-iral. Bagama’t tila kaunting atensyon lang ang ibinibigay ng mga tao sa kamatayan, walang sinuman ang maaaring makaiwas sa pagsiyasat sa paksa, sapagkat walang sinuman ang nakakaalam kung may isa pa ngang mundo sa dakong mas malayo pa sa kamatayan, isang mundo na hindi maaaring mahiwatigan o maramdaman ng mga tao, isang mundo na wala silang alam. Ito ang sanhi ng takot ng tao na tuwirang harapin ang kamatayan, ng takot na kaharapin ito ayon sa nararapat; sa halip, ginagawa nila ang lahat upang maiwasan ang paksa. Kung kaya pinupuno nito ang bawat tao ng pangamba tungkol sa kamatayan, at nagdaragdag ng tabing ng misteryo sa di-maiiwasang katotohanang ito ng buhay at nagbibigay ng karimlan sa puso ng bawat tao.
Kapag nararamdaman ng isang tao na nanghihina na ang kanyang katawan, kapag nadarama niya na papalapit na siya sa kamatayan, nakakaramdam siya ng malabong pangamba, ng isang di-maipahayag na takot. Ipinadarama sa isang tao ng takot sa kamatayan ang mas matindi pang kalungkutan at kawalang-kakayahan, at sa puntong ito ay tinatanong niya sa sarili: Saan nanggaling ang tao? Saan papunta ang tao? Ganito ba mamamatay ang tao, pagkatapos daanan nang mabilis ang kanyang buhay? Ito ba ang yugto na nagmamarka sa katapusan ng buhay ng tao? Ano, sa bandang huli, ang kahulugan ng buhay? Sa huli, ano ang halaga ng buhay? Tungkol ba ito sa katanyagan o karangyaan? Tungkol ba ito sa pagtataguyod ng isang pamilya? … Napag-iisipan man ng isang tao ang tungkol sa partikular na mga katanungang ito o hindi, kahit gaano katindi ang takot ng isang tao sa kamatayan, sa kaibuturan ng puso ng bawat tao ay palaging may pagnanais na siyasating maigi ang mga misteryo, isang pakiramdam ng kawalan ng pagkaunawa sa buhay, at kahalo ng mga ito, ang pagka-sentimental tungkol sa mundo at ang pag-aatubili na lumisan. Marahil walang sinuman ang makapagsasabi nang malinaw kung ano ang kinatatakutan ng tao, kung ano ang hinahangad ng tao, kung ano ang dahilan ng pagiging sentimental niya at kung ano ang atubili siyang iwanan …
Dahil sa takot nila sa kamatayan, masyadong nag-aalala ang mga tao; dahil sa takot nila sa kamatayan, kay dami nilang hindi mabitawan. Kapag mamamatay na sila, may ilang tao ang naliligalig tungkol sa ganito o sa ganoon; nag-aalala sila tungkol sa kanilang mga anak, sa mga minamahal nila sa buhay, sa kanilang kayamanan, na para bang sa pamamagitan ng pag-aalala ay mabubura nila ang paghihirap at pangamba na dala ng kamatayan, na para bang sa pagpapanatili ng pagiging malapit sa nabubuhay ay maaari nilang matakasan ang kawalang-kakayahan at kalungkutan na kaakibat ng kamatayan. Sa kaibuturan ng puso ng tao ay nakahimlay ang isang di-malinaw na takot, ang takot na malayo mula sa mga minamahal, na hindi na kailanman muling makita ng mga mata ang mga bughaw na kalangitan, na kailanma’y hindi na matingnan ang materyal na mundo. Ang isang nalulungkot na kaluluwa na sanay na kasama ang mga minamahal ay nag-aatubiling pakawalan ang kapit nito at lumisan, na nag-iisa, tungo sa isang di-nakikilala at hindi pamilyar na mundo.
—Ang Salita, Vol. II. Ukol sa Pagkakilala sa Diyos. Ang Diyos Mismo, ang Natatangi III