Araw-araw na mga Salita ng Diyos: Ang Pagkakatawang-tao | Sipi 129
Ang bawa’t yugto ng gawaing ginagawa ng Diyos ay may sariling praktikal na kabuluhan. Noong una, nang pumarito si Jesus, Siya ay lalaki, ngunit nang dumating ang Diyos sa pagkakataong ito, Siya ay babae. Mula rito, makikita mo na nilikha ng Diyos ang kapwa lalaki at babae para sa kapakanan ng Kanyang gawain, at sa Kanya ay walang pagkakaiba ang kasarian. Kapag dumarating ang Kanyang Espiritu, maaari Niyang kunin ang anumang uri ng katawang-tao na gusto Niya at maaari Siyang katawanin ng katawang yaon. Maging lalaki man o babae, maaari nitong katawanin ang Diyos hangga’t ito ay Kanyang nagkatawang-taong lamán. Kung si Jesus ay nagpakita bilang isang babae nang Siya ay dumating, sa madaling salita, kung isang sanggol na babae, at hindi isang lalaki, ang ipinaglihi sa pamamagitan ng Banal na Espiritu, ang yugtong yaon ng gawain ay kapareho ding natapos. Kung gayon ang naging sitwasyon, ang kasalukuyang yugto ng gawain ay kailangan sanang kumpletuhin ng isang lalaki, nguni’t pareho pa ring makukumpleto ang gawain. Ang gawaing ginawa sa alinmang yugto ay parehong makabuluhan; hindi naulit ang alinmang yugto ng gawain ni sumasalungat sa isa. Noon, nang ginagawa ni Jesus ang Kanyang gawain, Siya ay tinawag na ang bugtong na Anak-na-lalaki, at tinutukoy ng “Anak-na-lalaki” ang kasariang lalaki. Kung gayon, bakit hindi nababanggit sa yugtong ito ang bugtong na Anak-na-lalaki? Ito ay dahil ang mga kinakailangan ng gawain ay nangailangan ng pagbabago sa kasarian na iba mula roon kay Jesus. Para sa Diyos walang pagkakaiba ang kasarian. Ginagawa Niya ang Kanyang gawain ayon sa kagustuhan Niya at sa paggawa ng Kanyang gawain wala Siya sa ilalim ng anumang mga pagbabawal, kundi natatanging malaya. Gayunpaman, ang bawa’t yugto ng gawain ay may sariling praktikal na kabuluhan. Dalawang beses na naging katawang-tao ang Diyos, at hindi na kailangang sabihin pa na ang pagkakatawang-tao Niya sa mga huling araw ang huling pagkakataon. Naparito Siya upang ibunyag ang lahat ng Kanyang mga gawa. Kung hindi Siya naging katawang-tao sa yugtong ito upang personal na gumawa para masaksihan ng tao, panghahawakan ng tao magpakailanman ang paniwalang lalaki lamang ang Diyos, hindi babae. Bago nito, naniwala ang buong sangkatauhan na maari lamang maging lalaki ang Diyos at hindi maaaring matawag ang isang babae na Diyos, sapagka’t itinuring ng buong sangkatauhan ang lalaki na may awtoridad sa itaas ng babae. Naniwala silang walang babae ang maaaring magkaroon ng awtoridad, kundi lalaki lamang. Higit pa rito, sinabi pa nila na lalaki ang ulo ng babae at dapat sumunod ang babae sa lalaki at hindi niya maaaring higitan ito. Sa nakaraan, nang sinabi na ang lalaki ang ulo ng babae, ito ay nakatuon kina Adan at Eva na nalinlang ng ahas, at hindi sa lalaki at babae na nilikha ni Jehova noong pasimula. Sabihin pa, dapat na sundin at mahalin ng isang babae ang kanyang asawa, tulad ng kailangang matutunan ng asawang lalaki na pakainin at suportahan ang kanyang pamilya. Mga batas at utos ito na itinatag ni Jehova na kailangang sundin ng sangkatauhan sa kanilang pamumuhay sa lupa. Sinabi ni Jehova sa babae, “at sa iyong asawa ay magnanais ang iyong kalooban, at siya’y mamumuno sa iyo.” Sinabi Niya lamang iyon upang ang sangkatauhan (na, parehong lalaki at babae) ay mamuhay nang normal na mga buhay sa ilalim ng pamamahala ni Jehova, at tanging upang ang mga buhay ng sangkatauhan ay magkaroon ng isang kayarian at hindi mawala sa kanilang wastong pagkakaayos. Samakatuwid, gumawa si Jehova ng angkop na mga alituntunin sa kung paano dapat kikilos ang lalaki at babae, nguni’t ito ay kaugnay lamang sa lahat ng nilalang na nabubuhay sa lupa at walang kaugnayan sa nagkatawang-taong lamán ng Diyos. Paano magiging kapareho ng Diyos ang Kanyang sangnilikha? Ang mga salita Niya ay nakatuon lamang sa sangkatauhan ng Kanyang sangnilikha; itinatag Niya lamang ang mga alituntunin para sa lalaki at babae upang makapamuhay nang normal na mga buhay ang sangkatauhan. Noong pasimula, nang likhain ni Jehova ang sangkatauhan, gumawa Siya ng dalawang uri ng tao, parehong lalaki at babae; kaya’t ang Kanyang nagkatawang-taong laman ay napag-iba rin sa alinman sa lalaki o babae. Hindi Siya nagpasya sa Kanyang gawain batay sa mga salitang sinabi Niya kina Adan at Eva. Ang dalawang beses Niyang pagiging katawang-tao ay ganap na ipinasya ayon sa Kanyang kaisipan noong una Niyang likhain ang sangkatauhan, iyon ay, kinumpleto Niya ang gawain ng Kanyang dalawang pagkakatawang-tao batay sa lalaki at babae bago sila napásámâ. Kung kinuha ng sangkatauhan ang mga salitang sinabi ni Jehova kina Adan at Eva na nalinlang ng ahas at inilapat ito sa gawain ng pagkakatawang-tao ng Diyos, hindi ba dapat din na mahalin ni Jesus ang Kanyang asawa gaya ng nararapat Niyang gawin? Sa ganitong paraan, magiging Diyos pa rin ba ang Diyos? At dahil ganito, makakaya pa rin ba Niyang kumpletuhin ang Kanyang gawain? Kung mali para sa nagkatawang-taong lamán ng Diyos ang maging babae, hindi ba magiging mali na rin sa pinakamalaking sukat na nalíkhâ ng Diyos ang babae? Kung iniisip pa rin ng tao na mali para sa Diyos ang magkatawang-tao bilang babae, kung gayon hindi ba si Jesus, na hindi nag-asawa at samakatuwid ay hindi maaaring magmahal sa Kanyang asawa, ay nasa kamalian din tulad ng kasalukuyang pagkakatawang-tao? Yamang ginagamit mo ang mga salitang binigkas ni Jehova kay Eva upang sukatin ang katotohanan ng pagkakatawang-tao ng Diyos sa kasalukuyan, dapat mong gamitin kung gayon ang mga salita ni Jehova kay Adan upang hatulan ang Panginoong Jesus na naging katawang-tao sa Kapanahunan ng Biyaya. Hindi ba pareho ang dalawang ito? Yamang sinusukat mo ang Panginoong Jesus batay sa lalaki na hindi nalinlang ng ahas, hindi mo maaaring hatulan kung gayon ang katotohanan ng pagkakatawang-tao ngayon batay sa babae na nalinlang ng ahas. Magiging hindi patas ito! Kung ginawa mo ang gayong paghatol, patunay ito na wala ka sa katinuan. Nang dalawang beses na naging katawang-tao si Jehova, ang kasarian ng kanyang katawang-tao ay naugnay sa lalaki at babae na hindi nalinlang ng ahas; alinsunod ito sa lalaki at babae na hindi nalinlang ng ahas na dalawang beses Siyang nagkatawang-tao. Huwag isipin na ang pagkalalaki ni Jesus ay pareho sa Adan na nalinlang ng ahas. Ganap na wala silang kaugnayan, at ang dalawa ay mga lalaki na may magkaibang kalikasan. Tiyak na ang pagkalalaki ni Jesus ay hindi maaaring magpatunay na ulo lamang Siya ng lahat ng babae nguni’t hindi ng lahat ng lalaki? Hindi ba Siya ang Hari ng lahat ng mga Judio (kasama ang parehong mga lalaki at babae)? Siya ay Diyos Mismo, hindi lamang ang ulo ng babae kundi ulo rin ng lalaki. Siya ang Panginoon ng lahat ng nilalang at ulo ng lahat ng nilalang. Paano mo nagagawang tukuyin ang pagkalalaki ni Jesus bilang ang sagisag ng ulo ng babae? Hindi ba ito kalapastanganan? Si Jesus ay isang lalaki na hindi nadungisan ng kasamaan. Siya ay Diyos; Siya ang Cristo; Siya ang Panginoon. Paano Siya magiging isang lalaki na tulad ni Adan na pinásámâ? Si Jesus ang katawang-tao na isinuot ng pinakabanal na Espiritu ng Diyos. Paano mo nagagawang sabihin na Siya ay isang Diyos na nagtataglay ng pagkalalaki ni Adan? Sa ganyang sitwasyon, hindi ba magiging mali ang lahat ng gawain ng Diyos? Magagawa ba ni Jehova na isama sa loob ni Jesus ang pagkalalaki ni Adan na nalinlang? Hindi ba ang pagkakatawang-tao sa kasalukuyan ay isa pang pagkakataon ng gawain ng Diyos na nagkatawang-tao na naiiba sa kasarian mula kay Jesus nguni’t katulad Niya sa kalikasan? Nangangahas ka pa rin bang sabihin na hindi maaaring maging babae ang Diyos na nagkatawang-tao, dahil babae ang unang nalinlang ng ahas? Nangangahas ka pa rin bang sabihin na, dahil ang babae ang pinakamarumi at ang pinagmulan ng kasamaan ng sangkatauhan, ang Diyos ay hindi maaaring maging katawang-tao bilang isang babae? Nangangahas ka bang magpumilit sa pagsasabi na “ang babae ay dapat laging sumunod sa lalaki at maaaring hindi kailanman maghayag o direktang kumatawan sa Diyos”? Hindi mo naunawaan sa nakaraan, nguni’t makapagpapatuloy ka ba ngayon sa paglapastangan sa gawain ng Diyos, lalo na sa nagkatawang-taong lamán ng Diyos? Kung hindi mo kayang makita ito nang may ganap na kalinawan, pinakamahusay na isaalang-alang mo ang iyong pananalita, upang hindi mabunyag ang iyong kahangalan at kamangmangan at malantad ang iyong kapangitan. Huwag mong isipin na nauunawaan mo ang lahat. Sinasabi ko sa iyo na ang lahat ng nakita at naranasan mo na ay hindi sapat para maunawaan mo kahit ang ika-sanlibong bahagi ng Aking plano ng pamamahala. Kaya bakit kung kumilos ka ay labis na mapagmataas? Ang kakapiranggot na talento at ang kakaunting kaalaman mo ay hindi sapat para gamitin ni Jesus sa kahit isang segundo lamang ng Kanyang gawain! Gaano ba talaga karami ang karanasan mo? Ang nakita mo at lahat ng narinig mo sa buong buhay mo at ang naguni-guni mo ay mas maliit kaysa sa gawain na ginagawa Ko sa isang saglit! Pinakamahusay na huwag kang mamintas at maghanap ng kamalian. Gaano ka man kaarogante, isa ka lamang nilalang na mas maliit pa sa langgam! Ang nakakarga mo sa iyong tiyan ay mas kaunti kaysa sa binubuhat ng langgam sa kanyang tiyan! Huwag isipin na, dahil nagkamit ka lamang ng ilang karanasan at pagiging-nauna sa tungkulin, ay may karapatan ka nang kumumpas nang magaspang at magmayabang. Hindi ba bunga ng mga salitang nabígkás Ko ang iyong karanasan at iyong pagiging-nauna? Naniniwala ka bang binili mo ang mga iyon sa pamamagitan ng sarili mong paggawa at pagsisikap? Ngayon, nakikita mong Ako ay naging katawang-tao, at dahil lamang dito ikaw ay napupuno ng gayon kayamang mga konsepto, at nakahirang ng hindi mabilang na mga paniwala mula sa mga iyon. Kung hindi dahil sa Aking pagkakatawang-tao, kahit pa may angkin kang hindi pangkaraniwang mga talento, hindi ka magkakaroon ng napakaraming mga konsepto; at hindi ba nagmumula sa mga ito ang mga paniwala mo? Kung hindi naging katawang-tao si Jesus sa unang pagkakataong iyan, malalaman mo ba ang tungkol sa pagkakatawang-tao? Hindi ba dahil binigyan ka ng unang pagkakatawang-tao ng kaalaman kaya walang-pakundangan mong sinusubukang hatulan ang ikalawang pagkakatawang-tao? Bakit, sa halip na maging masunuring tagasunod, ay isinasailalim mo ito sa pag-aaral? Kapag nakapasok ka tungo sa daloy na ito at lumapit sa harapan ng nagkatawang-taong Diyos, papayagan ka ba Niyang gumawa ng isang pag-aaral tungkol dito? Ayos lamang para sa iyo na pag-aralan ang kasaysayan ng sarili mong pamilya, nguni’t kung susubukan mong pag-aralan ang “kasaysayan ng pamilya” ng Diyos, papayagan ka ba ng Diyos ng kasalukuyan na isagawa ang naturang pag-aaral? Hindi ka ba bulag? Hindi mo ba hinahamak ang iyong sarili?
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ginagawang Ganap ng Dalawang Pagkakatawang-tao ang Kabuluhan ng Pagkakatawang-tao