Araw-araw na mga Salita ng Diyos: Pagkilala sa Diyos | Sipi 75
Pinakain ni Jesus ang Limang Libo
Juan 6:8–13 Sinabi sa Kanya ng isa sa Kanyang mga alagad, si Andres, na kapatid ni Simon Pedro, “May isang batang lalaki rito, na mayroong limang tinapay na sebada, at dalawang isda: datapuwat gaano na ang mga ito sa ganyang karamihan?” Sinabi ni Jesus, “Inyong paupuin ang mga tao.” Madamo nga sa dakong yaon. Kaya’t nagsiupo ang mga lalaki, na may limang libo ang bilang. Kinuha nga ni Jesus ang mga tinapay; at nang makapagpasalamat, ipinamahagi Niya sa mga disipulo, at ipinamahagi ng mga disipulo sa kanilang nangakaupo; at gayon din naman binigyan sila ng mga isda kung gaanong ibigin nila. At nang sila’y mangabusog, ay sinabi Niya sa Kanyang mga disipulo, “Pulutin ninyo ang mga pinagputol-putol na lumabis, upang walang anumang masayang.” Kaya’t kanilang tinipon, at nangapuno ang labindalawang bakol ng mga pinagputol-putol sa limang tinapay na sebada, na lumabis sa nagsikain.
Ano ang ideya ng “limang tinapay at dalawang isda”? Karaniwan, ilang tao ang mapapakain nang sapat ng limang piraso ng tinapay at dalawang isda? Kung susukatin batay sa ganang kumain ng isang karaniwang tao, magiging sapat lang ito para sa dalawang tao. Ito ang pinaka-pangunahing ideya ng “limang tinapay at dalawang isda”. Gayunpaman, sa talatang ito, gaano karaming tao ang napakain sa pamamagitan ng limang tinapay at dalawang isda? Ang sumusunod ay ang nakatala sa Kasulatan: “Madamo nga sa dakong yaon. Kaya’t nagsiupo ang mga lalaki, na may limang libo ang bilang.” Kumpara sa limang tinapay at dalawang isda, malaking bilang ba ang limang libo? Paano maipapakita na napakalaki ng bilang na ito? Mula sa pantaong pananaw, magiging imposible ang paghahati-hati ng limang tinapay at dalawang isda sa pagitan ng limang libong tao, sapagkat masyadong napakalaki ng kulang sa pagitan ng mga tao at ng pagkain. Kahit na ang bawat isang tao ay magkaroon lang ng isang maliit na kagat, hindi pa rin ito kakasya sa limang libong tao. Subalit narito, gumawa ng isang milagro ang Panginoong Jesus—hindi lang Niya tiniyak na makakain ang limang libong tao hanggang sa mabusog sila, bagkus ay may sobra pa ngang pagkain. Mababasa sa Kasulatan: “At nang sila’y mangabusog, ay sinabi Niya sa Kanyang mga disipulo, ‘Pulutin ninyo ang mga pinagputol-putol na lumabis, upang walang anumang masayang.’ Kaya’t kanilang tinipon, at nangapuno ang labindalawang bakol ng mga pinagputol-putol sa limang tinapay na sebada, na lumabis sa nagsikain.” Pinangyari ng himalang ito na makita ng mga tao ang pagkakakilanlan at katayuan ng Panginoong Jesus, at na makita na walang imposible para sa Diyos—sa paraang ito, nakita nila ang katotohanan ng walang hanggang kapangyarihan ng Diyos. Naging sapat ang limang tinapay at dalawang isda upang mapakain ang limang libo, ngunit kung sakaling walang anumang pagkain, magagawa kayang pakainin ng Diyos ang limang libong tao? Siyempre ay magagawa Niya! Isang himala ito, kaya hindi maiiwasang nadama ng mga tao na ito ay mahirap intindihin, hindi kapani-paniwala at mahiwaga, ngunit para sa Diyos, wala lang ang paggawa ng gayong bagay. Yamang ito ay isang bagay na ordinaryo para sa Diyos, bakit dapat itong piliin para sa pagpapakahulugan? Sapagkat ang nasa likod ng himalang ito ay ang kalooban ng Panginoong Jesus, na hindi pa kailanman naunawaan ng sangkatauhan.
Una, subukan nating unawain kung anong uri ng mga tao ang limang libong ito. Mga tagasunod ba sila ng Panginoong Jesus? Mula sa Kasulatan, nalalaman natin na sila ay hindi Niya mga tagasunod. Alam ba nila noon kung sino ang Panginoong Jesus? Siguradong hindi! Ano’t anuman, hindi nila alam na si Cristo ang taong nakatayo sa harap nila, o marahil ang ilan sa mga tao ay alam lang kung ano ang Kanyang pangalan at nalaman o narinig ang kung anong tungkol sa mga bagay na Kanyang ginawa. Napukaw lang ang kanilang pagkamausisa tungkol sa Panginoong Jesus nang marinig nila ang mga kuwento tungkol sa Kanya, ngunit tiyak na hindi masasabi na sumusunod sila sa Kanya, lalong hindi masasabi na nauunawaan Siya. Nang makita ng Panginoong Jesus ang limang libong taong ito, sila ay gutom at ang naiisip lang ay ang mabusog sila, dahil sa kontekstong ito kaya tinugunan ng Panginoong Jesus ang kanilang pagnanais. Nang matugunan Niya ang kanilang pagnanais, ano ang nasa Kanyang puso? Ano ang Kanyang saloobin tungo sa mga taong ito na ang ninais lang ay mabusog? Sa panahong ito, ang mga kaisipan ng Panginoong Jesus at ang Kanyang saloobin ay may kaugnayan sa disposisyon at diwa ng Diyos. Yamang nahaharap sa limang libong taong ito na pawang walang laman ang tiyan na nais lamang makakain ng isang kumpletong pagkain, yamang nahaharap sa mga taong ito na puno ng pagkamausisa at pag-asa ukol sa Kanya, naisip lang ng Panginoong Jesus na gamitin ang himalang ito upang pagkalooban ng biyaya ang mga ito. Gayunpaman, hindi Siya umasa na sila ay magiging Kanyang mga tagasunod, sapagkat alam Niya na nais lamang nilang makisali sa kasayahan at mabusog, kaya ginawa Niya ang pinakamahusay Niyang magagawa sa kung ano ang mayroon Siya roon, at ginamit ang limang piraso ng tinapay at dalawang isda upang mapakain ang limang libong tao. Binuksan Niya ang mga mata ng mga taong ito na nasisiyahang makakita ng kapana-panabik na mga bagay, na nais makasaksi ng mga himala, at nakita nila sa kanilang sariling mga mata ang mga bagay na kayang magawa ng Diyos na nagkatawang-tao. Bagaman gumamit ang Panginoong Jesus ng isang bagay na nahahawakan upang masapatan ang kanilang pagkamausisa, batid na Niya sa Kanyang puso na ang limang libong taong ito ay nais lang makakain ng masarap, kaya hindi Siya nangaral sa kanila o nagsalita man ng kahit ano—hinayaan lang Niya silang makitang nagaganap ang himalang ito. Tiyak na hindi Niya magagawang ituring ang mga taong ito kagaya ng kung paano Niya itinuturing ang Kanyang mga disipulo na totoong sumusunod sa Kanya, ngunit sa puso ng Diyos, nasa ilalim ng Kanyang pamumuno ang lahat ng nilalang, at hahayaan Niya ang lahat ng nilalang sa Kanyang paningin na tamasahin ang biyaya ng Diyos kung kinakailangan ito. Kahit na hindi alam ng mga taong ito kung sino Siya at hindi Siya nauunawaan o mayroong partikular na impresyon ukol sa Kanya o pasasalamat tungo sa Kanya maging pagkatapos nilang kainin ang mga tinapay at isda, hindi ito isang bagay na ginawang usapin ng Diyos—binigyan Niya ang mga taong ito ng kamangha-manghang pagkakataon na matamasa ang biyaya ng Diyos. Sinasabi ng ilang tao na ang Diyos ay may prinsipyo sa kung ano ang Kanyang ginagawa, na hindi Niya binabantayan o pinangangalagaan ang mga hindi mananampalataya, at na, sa partikular, hindi Niya tinutulutang tamasahin nila ang Kanyang biyaya. Ganoon ba talaga? Sa mga mata ng Diyos, hangga’t sila ay mga buhay na nilalang na Siya Mismo ang lumikha, pamamahalaan at pagmamalasakitan Niya sila, at sa iba’t ibang paraan, pakikitunguhan Niya sila, magpaplano para sa kanila, at pamumunuan sila. Ito ang mga kaisipan at saloobin ng Diyos tungo sa lahat ng bagay.
Bagaman hindi binalak na sumunod sa Panginoong Jesus ng limang libong taong kumain ng mga piraso ng tinapay at isda, wala Siyang hininging mabigat sa kanila; sa sandaling nabusog sila, alam ba ninyo kung ano ang ginawa ng Panginoong Jesus? Nangaral ba Siya ng anuman sa kanila? Saan Siya nagpunta pagkatapos gawin ito? Hindi nakatala sa mga kasulatan na nagsabi ng anuman ang Panginoong Jesus sa kanila, tahimik lang Siyang umalis nang maisagawa Niya ang Kanyang himala. May hiningi ba Siya na anuman sa mga taong ito? Mayroon bang anumang pagkamuhi? Wala, walang ganito rito. Ayaw na lang Niyang isipin ang mga taong ito na hindi magagawang sumunod sa Kanya, at sa panahong ito ay nagdurusa ang Kanyang puso. Sapagkat nakita Niya ang kabulukan ng sangkatauhan at naramdaman Niya ang pagtanggi sa Kanya ng sangkatauhan, nang makita Niya ang mga taong ito at Siya ay kasama nila, ang kapurulan at kamangmangan ng tao ay nagpalungkot sa Kanya, at nagdurusa ang Kanyang puso, ang ninais lang Niyang gawin ay iwanan ang mga taong ito sa lalong madaling panahon. Hindi humingi ng anuman sa kanila ang Panginoon sa Kanyang puso, ayaw Niyang isipin sila, at lalo na, ayaw Niyang gugulin ang Kanyang lakas sa kanila. Alam Niyang hindi nila magagawang sumunod sa Kanya, subalit sa kabila ng lahat ng ito, napakalinaw pa rin ng Kanyang saloobin tungo sa kanila. Ninais lang Niya na tratuhin sila nang may kabaitan, na pagkalooban sila ng biyaya, at tunay na ito ang saloobin ng Diyos tungo sa bawat nilalang sa ilalim ng Kanyang pamumuno—na tratuhin ang bawat nilalang nang may kabaitan, na magtustos sa kanila at palusugin sila. Sa mismong kadahilanan na ang Panginoong Jesus ay ang Diyos na nagkatawang-tao, lubos na likas Niyang ibinunyag ang sariling diwa ng Diyos at tinrato ang mga taong ito nang may kabaitan. Tinrato Niya ang mga ito nang may puso na puno ng kagandahang-loob at pagpaparaya, at nang may gayong puso ay nagpakita Siya ng kabaitan sa kanila. Paano man nakita ng mga taong ito ang Panginoong Jesus, at anumang uri ang magiging kalalabasan, tinrato Niya ang bawat nilalang batay sa Kanyang posisyon bilang Panginoon ng lahat ng nilikha. Ang lahat ng Kanyang ibinunyag, nang walang pagtatangi, ay disposisyon ng Diyos, at kung anong mayroon at kung ano Siya. Tahimik na ginawa ng Panginoong Jesus ang bagay na ito, at pagkatapos ay tahimik na umalis—anong aspeto ng disposisyon ng Diyos ito? Masasabi mo ba na ito ang mapagmahal na kabaitan ng Diyos? Masasabi mo ba na ito ang pagiging di-makasarili ng Diyos? Isang bagay ba ito na magagawa ng karaniwang tao? Siguradong hindi! Sa diwa, sinu-sino ang limang libong taong ito na pinakain ng Panginoong Jesus ng limang tinapay at dalawang isda? Masasabi ba na sila ang mga taong naging kaayon Niya? Masasabi ba na silang lahat ay laban sa Diyos? Masasabi nang may katiyakan na sila ay ganap na hindi kaayon ng Panginoon, at ang kanilang diwa ay tiyak na laban sa Diyos. Subalit paano sila tinrato ng Diyos? Gumamit Siya ng isang pamamaraan upang ibsan ang paglaban ng mga tao tungo sa Diyos—ang pamamaraang ito ay tinatawag na “kabaitan.” Ibig sabihin, bagaman nakita ng Panginoong Jesus ang mga taong ito bilang mga makasalanan, gayunman sa paningin ng Diyos sila ay Kanyang nilikha, kaya tinrato pa rin Niya ang mga makasalanang ito nang may kabaitan. Ito ang pagpaparaya ng Diyos, at natutukoy ang pagpaparayang ito ng sariling pagkakakilanlan at diwa ng Diyos. Kaya, ito ay isang bagay na walang sinumang tao na nilikha ng Diyos ang makagagawa—tanging Diyos ang makagagawa nito.
—Ang Salita, Vol. II. Ukol sa Pagkakilala sa Diyos. Ang Gawain ng Diyos, ang Disposisyon ng Diyos, at ang Diyos Mismo III