Araw-araw na mga Salita ng Diyos: Pagkilala sa Gawain ng Diyos | Sipi 186
Nang pumarito ang Diyos sa lupa, hindi Siya makamundo, at hindi Siya naging tao upang masiyahan sa mundo. Ang lugar kung saan ipapakita ng paggawa ang Kanyang disposisyon at magiging pinakamakahulugan ay ang lugar kung saan Siya isinilang. Banal man o marumi ang lupain, at saan man Siya gumagawa, Siya ay banal. Lahat ng bagay sa mundo ay nilikha Niya, bagama’t lahat ay nagawa nang tiwali ni Satanas. Gayunpaman, lahat ng bagay ay pag-aari pa rin Niya; nasa mga kamay Niya ang lahat ng iyon. Pumupunta Siya sa isang maruming lupain at gumagawa roon upang ihayag ang Kanyang kabanalan; ginagawa lamang Niya ito alang-alang sa Kanyang gawain, na ibig sabihin ay tinitiis Niya ang malaking kahihiyan upang gawin ang gayong gawain upang iligtas ang mga tao ng maruming lupaing ito. Ginagawa ito upang magpatotoo, para sa kapakanan ng buong sangkatauhan. Ang ipinapakita sa mga tao ng gayong gawain ay ang katuwiran ng Diyos, at mas naipapakita nito ang pangingibabaw ng Diyos. Ang Kanyang kadakilaan at pagkamatuwid ay nakikita sa pagliligtas ng isang grupo ng hamak na mga tao na nililibak ng iba. Ang maisilang sa isang maruming lupain ay ni hindi man lang nagpapatunay na Siya ay hamak; tinutulutan lamang nitong makita ng lahat ng nilikha ang Kanyang kadakilaan at Kanyang tunay na pagmamahal para sa sangkatauhan. Habang mas ginagawa Niya ito, mas inihahayag nito ang Kanyang dalisay na pagmamahal, ang Kanyang perpektong pagmamahal sa tao. Ang Diyos ay banal at matuwid. Kahit isinilang Siya sa isang maruming lupain, at kahit kapiling Niya sa buhay ang mga taong iyon na puno ng karumihan, gaya noong namuhay si Jesus sa piling ng mga makasalanan sa Kapanahunan ng Biyaya, hindi ba ginawa ang Kanyang buong gawain upang manatiling buhay ang buong sangkatauhan? Hindi ba lahat ng iyon ay upang magtamo ng dakilang kaligtasan ang sangkatauhan? Dalawang libong taon na ang nakararaan, namuhay Siya sa piling ng mga makasalanan sa loob ng ilang taon. Iyon ay alang-alang sa pagtubos. Ngayon, namumuhay Siya sa piling ng isang grupo ng marurumi at hamak na mga tao. Ito ay alang-alang sa kaligtasan. Hindi ba para sa kapakanan ninyong mga tao ang Kanyang buong gawain? Kung hindi para iligtas ang sangkatauhan, bakit Siya nabuhay at nagdusa kasama ng mga makasalanan sa loob ng napakaraming taon pagkatapos maisilang sa isang sabsaban? At kung hindi para iligtas ang sangkatauhan, bakit Siya magbabalik sa katawang-tao sa ikalawang pagkakataon, isisilang sa lupaing ito kung saan nagtitipon ang mga demonyo, at mamumuhay sa piling ng mga taong ito na lubhang nagawang tiwali ni Satanas? Hindi ba tapat ang Diyos? Anong bahagi ng Kanyang gawain ang hindi naging para sa sangkatauhan? Anong bahagi ang hindi naging para sa inyong tadhana? Ang Diyos ay banal—hindi iyan mababago! Hindi Siya narungisan ng dumi, bagama’t pumunta Siya sa isang maruming lupain; lahat ng ito ay maaari lamang mangahulugan na ang pagmamahal ng Diyos sa sangkatauhan ay lubhang hindi makasarili at ang pagdurusa at kahihiyang Kanyang tinitiis ay napakatindi! Hindi ba ninyo alam kung gaano kalaking kahihiyan ang Kanyang dinaranas, para sa inyong lahat at para sa inyong tadhana? Sa halip na iligtas ang mga dakilang tao o ang mga anak ng mayaman at makapangyarihang mga pamilya, tinitiyak Niyang iligtas yaong mga hamak at minamaliit ng iba. Hindi ba lahat ng ito ay Kanyang kabanalan? Hindi ba lahat ng ito ay Kanyang katuwiran? Para manatiling buhay ang buong sangkatauhan, mas gusto pa Niyang maisilang sa isang maruming lupain at magdusa ng lahat ng kahihiyan. Ang Diyos ay tunay na tunay—wala Siyang ginagawang huwad na gawain. Hindi ba ginagawa ang bawat yugto ng Kanyang gawain sa napakapraktikal na paraan? Kahit sinisiraan Siya ng lahat ng tao at sinasabi na nauupo Siya sa hapag na kasama ang mga makasalanan, kahit iniinsulto Siya ng lahat ng tao at sinasabi na namumuhay Siya sa piling ng mga anak ng karumihan, na namumuhay Siya sa piling ng pinakahamak sa lahat ng tao, iniaalay pa rin Niya nang buung-buo ang Kanyang Sarili, at sa gayo’y tinatanggihan pa rin Siya ng sangkatauhan. Hindi ba mas matindi ang pagdurusang Kanyang tinitiis kaysa sa inyo? Hindi ba mas malaki ang gawaing Kanyang ginagawa kaysa sa inyong naisakripisyo? Kayo ay isinilang sa isang lupain ng karumihan, subalit nakamit ninyo ang kabanalan ng Diyos. Isinilang kayo sa isang lupain kung saan nagtitipon ang mga demonyo, subalit labis kayong naprotektahan. Ano pa ang pagpipilian ninyo? Ano ang inirereklamo ninyo? Hindi ba mas matindi ang pagdurusang Kanyang natiis kaysa sa pagdurusang natiis ninyo? Naparito Siya sa lupa at hindi nagtamasa kailanman ng mga kasiyahan ng tao sa mundo. Kinasusuklaman Niya ang gayong mga bagay. Hindi pumarito ang Diyos sa lupa upang magtamasa ng mga materyal na bagay na bigay ng tao, ni upang masiyahan sa pagkain, damit, at mga palamuti ng tao. Hindi Niya pinapansin ang mga bagay na ito. Naparito Siya sa lupa upang magdusa para sa tao, hindi para magtamasa ng makamundong kayamanan. Naparito Siya upang magdusa, gumawa, at tapusin ang Kanyang plano ng pamamahala. Hindi Siya pumili ng isang magandang lugar, tumira sa isang embahada o isang magarang hotel, at wala rin Siyang mga katulong na magsisilbi sa Kanya. Batay sa inyong nakita, hindi ba ninyo alam kung naparito Siya upang gumawa o masiyahan? Hindi ba nakikita ng inyong mga mata? Gaano ba ang naibigay Niya sa inyo? Kung Siya ay naisilang sa isang komportableng lugar, magagawa kaya Niyang magtamo ng kaluwalhatian? Makakagawa ba Siya? Magkakaroon kaya ng anumang kabuluhan ang paggawa Niya noon? Malulupig kaya Niya nang lubusan ang sangkatauhan? Masasagip kaya Niya ang mga tao mula sa lupain ng karumihan? Itinatanong ng mga tao, ayon sa kanilang mga pagkaintindi: “Yamang ang Diyos ay banal, bakit Siya isinilang dito sa aming maruming lugar? Napopoot at nasusuklam Ka sa amin na maruruming tao; nasusuklam Ka sa aming paglaban at aming pagkasuwail, kaya bakit Ka namumuhay sa piling namin? Ikaw ay isang kataas-taasang Diyos. Maaari Kang isilang kahit saan, kaya bakit Mo kinailangang maisilang sa maruming lupaing ito? Kinakastigo at hinahatulan Mo kami araw-araw, at alam na alam Mo na kami ay mga inapo ni Moab, kaya bakit namumuhay Ka pa rin sa piling namin? Bakit Ka isinilang sa isang pamilya ng mga inapo ni Moab? Bakit Mo ginawa iyon?” Ang mga iniisip ninyong ito ay lubos na wala sa katwiran! Ang gayong gawain lamang ang nagtutulot sa mga tao na makita ang Kanyang kadakilaan, ang Kanyang kapakumbabaan at pagiging tago. Handa Siyang isakripisyo ang lahat alang-alang sa Kanyang gawain, at napagtiisan Niya ang lahat ng pagdurusa para sa Kanyang gawain. Kumikilos Siya para sa kapakanan ng sangkatauhan, at higit pa riyan, para lupigin si Satanas, upang lahat ng nilalang ay magpasakop sa ilalim ng Kanyang kapamahalaan. Ito lamang ang makahulugan at mahalagang gawain.
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang Kabuluhan ng Pagliligtas sa Mga Inapo ni Moab