Araw-araw na mga Salita ng Diyos: Pagkilala sa Gawain ng Diyos | Sipi 176
Lahat ng gawain ng Banal na Espiritu ay isinasagawa upang makinabang ang mga tao. Tungkol lahat iyon sa paghubog sa mga tao; walang gawain na hindi kapaki-pakinabang sa mga tao. Malalim man o mababaw ang katotohanan, at kahit gaano man ang kakayahan ng mga tumatanggap sa katotohanan, anuman ang ginagawa ng Banal na Espiritu, kapaki-pakinabang iyon sa mga tao. Ngunit ang gawain ng Banal na Espiritu ay hindi maaaring gawin nang tuwiran; kailangan itong ipahayag sa pamamagitan ng mga taong nakikipagtulungan sa Kanya. Doon lamang matatamo ang mga resulta ng gawain ng Banal na Espiritu. Mangyari pa, kapag tuwirang gumagawa ang Banal na Espiritu, wala man lamang iyong bahid-dungis; ngunit kapag gumagawa ang Banal na Espiritu sa pamamagitan ng tao, labis iyong nadudungisan at hindi iyon ang orihinal na gawain ng Banal na Espiritu. Dahil dito, nagbabago ang katotohanan sa magkakaibang antas. Hindi natatanggap ng mga alagad ang orihinal na layunin ng Banal na Espiritu kundi ang pinagsamang gawain ng Banal na Espiritu at ng karanasan at kaalaman ng tao. Ang bahaging natatanggap ng mga alagad na gawain ng Banal na Espiritu ay tama, samantalang ang karanasan at kaalaman ng tao na natatanggap nila ay iba-iba dahil magkakaiba ang mga manggagawa. Ang mga manggagawang may kaliwanagan at patnubay ng Banal na Espiritu ay patuloy na magkakaroon ng mga karanasan batay sa kaliwanagan at patnubay na ito. Nakapaloob sa mga karanasang ito ang magkasamang isipan at karanasan ng tao, pati na ang pagkatao ng tao, at pagkatapos, natatamo nila ang kaalaman o kabatirang dapat ay mayroon sila. Ito ang paraan ng pagsasagawa ng tao matapos maranasan ang katotohanan. Ang paraang ito ng pagsasagawa ay hindi palaging magkakapareho, dahil magkakaiba ang pagdanas ng mga tao at iba-iba ang mga bagay na nararanasan ng mga tao. Sa ganitong paraan, ang ganitong kaliwanagan ng Banal na Espiritu ay nagbubunga ng iba’t ibang kaalaman at pagsasagawa, dahil magkakaiba ang mga taong tumatanggap ng kaliwanagan. Ang ilang tao ay nakakagawa ng maliliit na pagkakamali habang nagsasagawa habang ang ilan naman ay nakakagawa ng malalaking pagkakamali, at ang ilan ay puro mali ang ginagawa. Ito ay dahil magkakaiba ang kakayahang makaunawa ng mga tao at dahil magkakaiba rin ang kanilang likas na mga kakayahan. Ang ilang tao ay may isang uri ng pagkaunawa matapos marinig ang isang mensahe, at ang ilang tao naman ay may ibang pagkaunawa matapos marinig ang isang katotohanan. Lumilihis nang bahagya ang ilang tao, samantalang ni hindi man lamang nauunawaan ng ilan ang tunay na kahulugan ng katotohanan. Samakatuwid, idinidikta ng pang-unawa ng isang tao kung paano niya pamumunuan ang iba; totoo talaga ito, dahil ang gawain ng isang tao ay isang pagpapahayag lamang ng kanyang pagkatao. Ang mga taong pinamumunuan ng mga may tamang pagkaunawa sa katotohanan ay magkakaroon din ng tamang pagkaunawa sa katotohanan. Kahit may mga taong nagkakamali sa kanilang pagkaunawa, kakaunti lamang sila, at hindi lahat ay magkakaroon ng mga kamalian. Kung may mga kamalian ang isang tao sa kanyang pagkaunawa sa katotohanan, siguradong magkakamali rin ang mga sumusunod sa kanya, at ang mga taong ito ay magkakamali sa lahat ng posibleng paraan. Ang antas ng pagkaunawa ng mga alagad sa katotohanan ay lubos na nakasalalay sa mga manggagawa. Mangyari pa, ang katotohanan mula sa Diyos ay tama at walang mali, at talagang tiyak. Gayunman, hindi lubos na tama ang mga manggagawa at hindi masasabi na lubos silang maaasahan. Kung ang mga manggagawa ay may napakapraktikal na paraan sa pagsasagawa ng katotohanan, magkakaroon din ang mga alagad ng isang paraan ng pagsasagawa. Kung walang paraan ang mga manggagawa para isagawa ang katotohanan kundi mayroon lamang silang doktrina, hindi magkakaroon ng anumang realidad ang mga alagad. Ang kakayahan at likas na pagkatao ng mga alagad ay natutukoy sa pagsilang at walang kaugnayan sa mga manggagawa, ngunit ang abot ng pang-unawa ng mga alagad sa katotohanan at pagkilala sa Diyos ay nakasalalay sa mga manggagawa (ganito lamang ito para sa ilang tao). Anuman ang isang manggagawa, magkakagayon din ang mga alagad na kanyang pinamumunuan. Ang ipinahahayag ng isang manggagawa ay ang kanyang sariling pagkatao, nang walang pasubali. Ang mga ipinagagawa niya sa mga sumusunod sa kanya ay yaong handa siya o kaya niyang gawin. Karamihan sa mga manggagawa ay ginagamit ang ginagawa nila mismo bilang batayan ng mga ipinagagawa nila sa kanilang mga alagad, kahit marami dito ang hindi man lamang magawa ng kanilang mga alagad—at yaong hindi magawa ng isang tao ay nagiging isang balakid sa kanyang pagpasok.
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Gawain ng Diyos at Gawain ng Tao