Menu

Susunod

Araw-araw na mga Salita ng Diyos: Pagpasok sa Buhay | Sipi 420

925 2021-07-31

Ang pagninilay at pagdarasal tungkol sa mga salita ng Diyos habang kumakain at umiinom ng Kanyang kasalukuyang mga salita ang unang hakbang sa pagiging payapa sa harap ng Diyos. Kung kaya mong tunay na mapayapa sa harap ng Diyos, sasamahan ka ng kaliwanagan at pagpapalinaw ng Banal na Espiritu. Lahat ng espirituwal na buhay ay nakakamtan sa pamamagitan ng pagiging payapa sa presensya ng Diyos. Sa pagdarasal, kailangan mong maging payapa sa harap ng Diyos, at saka ka lamang maaantig ng Banal na Espiritu. Kapag payapa ka sa harap ng Diyos kapag ikaw ay kumakain at umiinom ng mga salita ng Diyos, maaari kang liwanagan at paliwanagin, at magkakaroon ka ng tunay na pagkaunawa sa mga salita ng Diyos. Sa iyong karaniwang mga pagmumuni-muni at pakikibahagi at paglapit sa Diyos sa puso mo, kapag napayapa ka sa presensya ng Diyos, matatamasa mo ang tunay na pagiging malapit sa Diyos, magkakaroon ka ng tunay na pagkaunawa sa pag-ibig ng Diyos at sa Kanyang gawain, at magpapakita ka ng tunay na pagkamaalalahanin at malasakit sa mga layon ng Diyos. Habang mas karaniwan kang napapayapa sa harap ng Diyos, mas paliliwanagin ka at mas mauunawaan mo ang iyong sariling tiwaling disposisyon, kung ano ang kulang sa iyo, kung ano ang dapat mong pasukin, kung saang katungkulan ka dapat maglingkod, at kung nasaan ang mga depekto mo. Lahat ng ito ay natatamo sa pagiging payapa sa presensya ng Diyos. Kung tunay mong napapalalim ang iyong kapayapaan sa harap ng Diyos, mauunawaan mo ang ilang hiwaga ng espiritu, mauunawaan kung ano ang gusto ng Diyos na isagawa sa iyo sa kasalukuyan, mauunawaan nang mas malalim ang mga salita ng Diyos, mauunawaan ang diwa ng mga salita ng Diyos, ang yaman ng mga salita ng Diyos, ang kabuuan ng mga salita ng Diyos, at makikita mo ang landas ng pagsasagawa nang mas malinaw at tumpak. Kung bigo kang magkamit ng sapat na lalim sa pagiging payapa sa iyong espiritu, maaantig ka lamang nang kaunti ng Banal na Espiritu; madarama mo na lumakas ang loob mo at makadarama ka ng kaunting kasiyahan at kapayapaan, ngunit hindi higit na lalalim ang pagkaunawa mo sa anumang bagay. Nasabi Ko na noon: Kung hindi gagamitin ng mga tao ang buong lakas nila, mahihirapan silang marinig ang Aking tinig o makita ang Aking mukha. Tumutukoy ito sa pagkakaroon ng malalim na kapayapaan sa harap ng Diyos, at hindi sa paimbabaw na mga pagsisikap. Ang isang tao na talagang kayang pumayapa sa presensya ng Diyos ay nagagawang palayain ang kanilang sarili mula sa lahat ng makamundong ugnayan, at maangkin ng Diyos. Lahat ng walang kakayahang pumayapa sa presensya ng Diyos ay tiyak na buktot at hindi masawata. Lahat ng may kakayahang pumayapa sa harap ng Diyos ay yaong mga banal sa harap ng Diyos, at nasasabik sa Diyos. Yaon lamang mga payapa sa harap ng Diyos ang nagpapahalaga sa buhay, nagpapahalaga sa pakikisama sa espiritu, nauuhaw sa mga salita ng Diyos, at naghahangad na matamo ang katotohanan. Sinumang hindi nagpapahalaga sa pagiging payapa sa harap ng Diyos at hindi isinasagawang pumayapa sa harap ng Diyos ay hambog at mapagpaimbabaw, nakakapit sa mundo at walang buhay; kahit sabihin pa nila na naniniwala sila sa Diyos, sabi lang nila iyon. Yaong mga pinerpekto ng Diyos sa huli at ginagawang ganap ay mga taong kayang pumayapa sa Kanyang presensya. Samakatuwid, yaong mga payapa sa harap ng Diyos ay binibiyayaan ng mga dakilang pagpapala. Ang mga taong bihirang gumugugol ng oras na kumain at uminom ng mga salita ng Diyos sa buong maghapon, na abalang-abala sa mga bagay na walang kinalaman sa kanila at kakatiting ang pagpapahalaga sa pagpasok sa buhay—mapagkunwari silang lahat na walang pag-asang lumago sa hinaharap. Yaong mga kayang pumayapa sa harap ng Diyos at tunay na makipagniig sa Diyos ang mga tao ng Diyos.

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Tungkol sa Pagpapatahimik sa Puso Mo sa Harap ng Diyos

Mag-iwan ng Tugon