Jonas 3 At ang salita ni Jehova ay dumating kay Jonas na ikalawa, na nagsasabi, “Bumangon ka, pumaroon ka sa Ninive, sa malaking bayang yaon, at ipangaral mo ang pangaral na Aking iniutos sa iyo.” Sa gayo’y bumangon si Jonas, at naparoon sa Ninive, ayon sa salita ni Jehova. Ang Ninive nga ay totoong malaking bayan, na tatlong araw na lakarin. At pumasok si Jonas sa bayan na may isang araw na gumagala, at siya’y sumigaw, at nagsabi, “Apatnapung araw pa at ang Ninive ay mawawasak.” At ang bayan ng Ninive ay naniwala sa Diyos; at sila’y nangaghayag ng ayuno, at nangagsuot ng kayong magaspang, mula sa kadaki-dakilaan sa kanila hanggang sa kaliit-liitan sa kanila. At ang salita ay dumating sa hari ng Ninive, at siya’y tumindig sa kanyang luklukan, at hinubad niya ang kanyang balabal, at nagbalot siya ng kayong magaspang, at naupo sa mga abo. At kanyang inihayag at iniatas sa buong Ninive sa pasya ng hari at ng kanyang mga maharlika, na sinasabi, “Huwag tumikim maging tao ni hayop man, bakahan ni kawan man, ng anumang bagay: huwag silang magsikain, ni magsiinom man ng tubig; kundi mangagbalot ng kayong magaspang ang tao at gayon din ang hayop, at manangis sila nang malakas sa Diyos: oo, talikdan ng bawat isa ang kanyang masamang gawi, at ang karahasan na nasa kanilang mga kamay. Sino ang nakaaalam kung mapanunumbalik ang Diyos at magsisisi, at tatalikod sa Kanyang mabangis na galit, upang tayo’y huwag mangamatay.” At nakita ng Diyos ang kanilang mga gawa, na sila’y tumalikod sa kanilang masamang gawi; at binawi ng Diyos ang masama, na Kanyang sinabing Kanyang gagawin sa kanila; at hindi Niya ginawa.
Kung ang Paniniwala Mo sa Diyos ay Totoo, Madalas Mong Matatanggap ang Kanyang Pagkalinga
Ang pagbabago ng Diyos ng Kanyang mga intensyon sa mga mamamayan ng Ninive ay walang kasamang pag-aalinlangan o anumang hindi tiyak o malabo. Sa halip, isa itong pagbabago mula sa ganap na pagkagalit tungo sa ganap na pagpaparaya. Ito ay isang tunay na paghahayag ng diwa ng Diyos. Ang Diyos ay hindi kailanman nag-aalangan o nag-aatubili sa Kanyang mga kilos; ang mga prinsipyo at mga layunin sa likod ng Kanyang mga pagkilos ay malinaw at nakikita ng lahat, dalisay at walang kapintasan, lubos na walang mga daya o mga balakin na nakahalo sa loob. Sa madaling salita, walang nakahalong kadiliman o kasamaan sa diwa ng Diyos. Nagalit ang Diyos sa mga taga-Ninive dahil ang kanilang masasamang gawa ay nakaabot na sa Kanyang paningin; noong panahong iyon, ang Kanyang galit ay nagmula sa Kanyang diwa. Ngunit, nang mawala na ang galit ng Diyos at minsan pa ay Kanyang ipinagkaloob ang pagpaparaya sa mga taga-Ninive, lahat ng Kanyang ipinahayag ay ang Kanya pa ring sariling diwa. Ang kabuuan ng pagbabagong ito ay dahil sa pagbabago sa saloobin ng tao tungo sa Diyos. Sa loob ng buong panahong ito, ang hindi nalalabag na disposisyon ng Diyos ay hindi nagbago; ang mapagparayang diwa ng Diyos ay hindi nagbago; ang mapagmahal at maawaing diwa ng Diyos ay hindi nagbago. Kapag nakagawa ng masasamang gawa ang mga tao at nagkasala sa Diyos, ipadadala Niya ang Kanyang galit sa kanila. Kapag tunay na nagsisi ang mga tao, magbabago ang puso ng Diyos, at huhupa ang Kanyang galit. Kapag nagpatuloy ang mga tao sa pagmamatigas na paglaban sa Diyos, ang Kanyang matinding galit ay hindi mapipigil; ang Kanyang poot ay unti-unting ididiin sa kanila hanggang sa sila ay mawasak. Ito ang diwa ng disposisyon ng Diyos. Nagpapahayag man ang Diyos ng poot o awa at mapagmahal na kabaitan, ang asal, pag-uugali at saloobin ng tao para sa Diyos na nagmumula sa kalaliman ng kanyang puso ang magdidikta ng kung ano ang ipinahahayag sa pamamagitan ng paghahayag ng disposisyon ng Diyos. Kung patuloy na isasailalim ng Diyos ang isang tao sa Kanyang galit, walang dudang kinakalaban ng puso ng taong ito ang Diyos. Dahil ang taong ito ay hindi kailanman tunay na nagsisi, hindi nagpakumbaba sa harap ng Diyos o nagtaglay ng tunay na paniniwala sa Diyos, hindi niya kailanman nakamit ang awa at pagpaparaya ng Diyos. Kapag ang isang tao ay madalas makatanggap ng pagkalinga ng Diyos, ng Kanyang awa, ng Kanyang pagpaparaya, walang dudang ang taong ito ay may tunay na paniniwala sa Diyos sa kanyang puso, at hindi kinakalaban ng kanyang puso ang Diyos. Madalas nagsisisi ang taong ito sa harap ng Diyos; samakatuwid, kahit na madalas bumababa sa taong ito ang pagdidisiplina ng Diyos, ang Kanyang poot ay hindi bababa.
Ang maikling kwentong ito ay nagpapahintulot sa mga tao na makita ang puso ng Diyos, makita ang pagiging totoo ng Kanyang diwa, makita na ang Kanyang galit at ang mga pagbabago sa Kanyang puso ay may dahilan. Sa kabila ng malinaw na pagkakaiba na ipinakita ng Diyos nang Siya ay puno ng poot at nang baguhin Niya ang Kanyang puso, bagay na nagpaniwala sa mga tao na parang may malaking puwang o pagkakaiba sa pagitan ng dalawang aspetong ito ng diwa ng Diyos—ang Kanyang galit at ang Kanyang pagpaparaya—ang saloobin ng Diyos tungo sa pagsisisi ng mga taga-Ninive ay muling nagbibigay ng pagkakataon sa mga tao na makita ang isa pang bahagi ng tunay na disposisyon ng Diyos. Ang pagbabago ng puso ng Diyos ay tunay na nagbibigay ng pagkakataon sa sangkatauhan na makitang muli ang pagiging totoo ng awa at mapagmahal na kabaitan ng Diyos at upang makita ang tunay na paghahayag ng diwa ng Diyos. Ngunit kailangan ng sangkatauhan na kilalanin na ang awa at mapagmahal na kabaitan ng Diyos ay hindi mga kathang-isip, ni mga gawa-gawa lamang. Ito ay dahil totoo ang nararamdaman ng Diyos sa pagkakataon na iyon, at ang pagbabago ng puso ng Diyos ay totoo—tunay nga na minsan pang ipinagkaloob ng Diyos ang Kanyang awa at pagpaparaya sa sangkatauhan.
—Ang Salita, Vol. II. Ukol sa Pagkakilala sa Diyos. Ang Diyos Mismo, ang Natatangi II