Menu

Susunod

Araw-araw na mga Salita ng Diyos: Pagkilala sa Diyos | Sipi 47

672 2020-06-10

Isinusumpa ni Job ang Araw ng Kanyang Kapanganakan Dahil Hindi Niya Gustong Masaktan ang Diyos nang Dahil sa Kanya

Madalas Kong sabihin na tumitingin ang Diyos sa puso ng mga tao, habang ang mga tao ay tumitingin sa panlabas na anyo ng mga tao. Dahil ang Diyos ay tumitingin sa puso ng mga tao, nauunawaan Niya ang kanilang diwa, samantalang inilalarawan ng mga tao ang diwa ng ibang tao batay sa kanilang panlabas na anyo. Noong binuksan ni Job ang kanyang bibig at isumpa ang araw ng kanyang kapanganakan, ginulat nito ang lahat ng mga kilalang espirituwal, kabilang na ang tatlong kaibigan ni Job. Ang tao ay nanggaling sa Diyos, at dapat na nagpapasalamat para sa buhay at laman, pati na rin sa araw ng kanyang kapanganakan, na ibinigay sa kanya ng Diyos, at hindi niya dapat isumpa ang mga ito. Ito ang bagay na kayang maunawaan at maisip ng mga ordinaryong tao. Para sa sinumang sumusunod sa Diyos, ang pang-unawang ito ay banal at hindi dapat lapastanganin, at ito ay isang katotohanan na hindi kailanman magbabago. Sa kabilang banda, nilabag ni Job ang mga patakaran: Isinumpa niya ang araw ng kanyang kapanganakan. Isa itong pagkilos na itinuturing ng mga karaniwang tao na pagtawid sa ipinagbabawal na lupain. Si Job ay hindi lamang walang karapatan sa pang-unawa at simpatiya ng mga tao, wala rin siyang karapatan sa kapatawaran ng Diyos. Kasabay nito, mas marami pang tao ang nagduda sa pagiging matuwid ni Job, dahil tila naging mapagpalayaw si Job sa sarili bunga ng kabutihan ng Diyos sa kanya; naging sobrang mapangahas at walang ingat siya dahil dito kung kaya’t hindi lamang siya hindi nagpasalamat sa Diyos sa mga biyaya at pag-aalaga ng Diyos sa kanya sa buong buhay niya, kundi isinumpa niya ang araw ng kanyang kapanganakan sa punto ng pagkawasak. Kung hindi ito paglaban sa Diyos, ano ito? Ang ganitong mga kababawan ay nagbibigay sa mga tao ng patunay upang kondenahin ang ginawang ito ni Job, ngunit sino ang makakaalam ng tunay na iniisip ni Job sa oras na iyon? At sino ang makakaalam kung bakit kumilos si Job nang ganoon? Tanging ang Diyos at si Job lamang ang may alam ng tunay na kuwento at ng mga dahilan nito.

Noong iniunat ni Satanas ang kamay nito upang saktan ang mga buto ni Job, nahulog si Job sa mga kuko nito, nang walang paraan upang makatakas o lakas upang makalaban. Nagdusa ang kanyang katawan at kaluluwa ng napakatinding sakit, at dahil dito, nagkaroon siya ng malalim na kamalayan sa kawalang-saysay, kahinaan, at kawalan ng kapangyarihan ng taong namumuhay sa laman. Kasabay nito, nagkaroon din siya ng malalim na pagpapahalaga at pag-unawa kung bakit inaalagaan at iniingatan ng Diyos ang sangkatauhan. Sa mga kuko ni Satanas, naunawaan ni Job na ang tao, na may laman at dugo, ay talagang walang kapangyarihan at mahina. Nang lumuhod siya at nanalangin sa Diyos, nadama niya na tila ba tinatakpan ng Diyos ang Kanyang mukha at nagtatago, sapagkat ganap na siyang inilagay ng Diyos sa mga kamay ni Satanas. Kasabay nito, ang Diyos ay umiyak din para sa kanya, at, higit pa rito, nasaktan para sa kanya; ang Diyos ay nasaktan dahil sa naramdaman niyang sakit, at nasugatan dahil sa kanyang mga sugat…. Nadama ni Job ang sakit na naramdaman ng Diyos, at kung gaano ito kahirap para sa Diyos…. Ayaw na ni Job na magdulot ng karagdagang pighati sa Diyos, at hindi rin niya nais na umiyak ang Diyos para sa kanya, at lalong hindi niya nais na makitang nasasaktan ang Diyos dahil sa kanya. Sa sandaling ito, ang nais lamang ni Job ay ang ihiwalay ang sarili niya sa kanyang laman upang hindi na kailangang tiisin ang sakit na dala sa kanya ng laman na ito, dahil ito ang makakapigil sa paghihirap ng Diyos dahil sa kanyang sakit—ngunit hindi niya kaya, at kinailangan niyang tiisin hindi lamang ang sakit ng laman, kundi pati ang paghihirap na dala ng kanyang pagnanais na huwag mag-alala ang Diyos. Ang dalawang sakit na ito—isa mula sa laman, at isa mula sa espiritu—ay nagdala ng makabagbag-damdamin at makapanginig-laman na sakit kay Job, at nagparamdam sa kanya kung paanong ang mga limitasyon ng tao, na may dugo at laman, ay maaaring maging dahilan upang ang tao ay makaramdam ng kabiguan at kahinaan. Sa pagdaan sa mga sitwasyong ito, naging mas matindi ang kanyang pananabik sa Diyos, at naging mas matindi ang kanyang pagkamuhi kay Satanas. Sa panahong ito, mas gugustuhin pa ni Job ang hindi siya ipinanganak sa mundo ng tao, mas gugustuhin pa niya ang hindi umiiral, kaysa makita ang Diyos na lumuluha o nasasaktan dahil sa kanyang kapakanan. Nagsimula siyang kasuklaman nang husto ang kanyang laman, mamuhi at mapagod sa kanyang sarili, sa araw ng kanyang kapanganakan, at maging sa lahat ng nagkaroon ng kinalaman sa kanya. Ayaw na niyang makarinig ng tungkol sa kanyang araw ng kapanganakan o sa anumang bagay na may kinalaman dito, kaya binuksan niya ang kanyang bibig at isinumpa ang kanyang pagsilang: “Maparam nawa ang araw ng kapanganakan sa akin, at ang gabi na nagsabi, may lalaking ipinaglihi. Magdilim nawa ang kaarawang yaon; huwag nawang pansinin ng Diyos mula sa itaas, ni sinagan man ng liwanag” (Job 3:3–4). Dala ng mga salita ni Job ang pagkasuklam niya sa kanyang sarili, “Maparam nawa ang araw ng kapanganakan sa akin, at ang gabi na nagsabi, may lalaking ipinaglihi,” pati na ang kanyang pagsisi sa kanyang sarili at pakiramdam na siya ay may pagkakautang dahil naging sanhi siya ng pasakit sa Diyos, “Magdilim nawa ang kaarawang yaon; huwag nawang pansinin ng Diyos mula sa itaas, ni sinagan man ng liwanag.” Ang dalawang siping ito ay ang pinakamainam na pagpapahayag sa nadarama ni Job noon, at ganap na nagpakita ng kanyang pagiging perpekto at matuwid sa lahat. Kasabay nito, gaya ng ninais ni Job, tunay ngang umangat ang kanyang pananampalataya at pagsunod sa Diyos, pati na ang kanyang takot sa Diyos. Tiyak na ang pagtataas na ito mismo ang resultang inaasahan ng Diyos.

—Ang Salita, Vol. II. Ukol sa Pagkakilala sa Diyos. Ang Gawain ng Diyos, ang Disposisyon ng Diyos, at ang Diyos Mismo II

Mag-iwan ng Tugon