Paano Maglingkod na Kaayon ng Kalooban ng Diyos
Kapag naniniwala ang isang tao sa Diyos, paano ba niya talaga Siya dapat paglingkuran? Anong mga kondisyon ang dapat matupad at anong mga katotohanan ang dapat maunawaan ng mga naglilingkod sa Diyos? At saan kayo maaaring malihis sa inyong paglilingkod? Dapat ninyong malaman ang mga sagot sa lahat ng bagay na ito. Ang mga isyung ito ay tungkol sa kung paano kayo nananalig sa Diyos, at kung paano kayo lumalakad tungo sa landas na pinapatnubayan ng Banal na Espiritu at kung paano kayo nagpapasakop sa mga pagsasaayos ng Diyos sa lahat ng bagay, sa gayo’y tinutulutan kayong maunawaan ang bawa’t hakbang ng gawain ng Diyos sa inyo. Kapag naabot na ninyo ang puntong iyon, pahahalagahan ninyo kung ano ang pananampalataya sa Diyos, kung paano manampalataya nang wasto sa Diyos, at kung ano ang dapat ninyong gawin upang kumilos na kaayon ng kalooban ng Diyos. Gagawin ka nitong ganap at lubos na masunurin sa gawain ng Diyos; hindi ka magrereklamo at hindi mo hahatulan, o susuriin, at lalong hindi mo sasaliksikin ang gawain ng Diyos. Dahil dito, magagawa ninyong lahat na maging masunurin sa Diyos hanggang kamatayan, hinahayaan ang Diyos na patnubayan kayo at katayin kayo na parang isang tupa, upang kayong lahat ay maaaring maging mga Pedro ng dekada ’90, at maaaring magmahal sa Diyos hanggang sa kasukdulan kahit doon sa krus, nang wala kahit kaunting reklamo. Saka lamang kayo makapamumuhay bilang mga Pedro ng dekada ’90.
Ang bawa’t isang nakapagpasya na ay maaaring maglingkod sa Diyos—subali’t kailangan na yaon lamang masusing pinangangalagaan ang kalooban ng Diyos at nauunawaan ang kalooban ng Diyos ang mga karapat-dapat at may karapatang maglingkod sa Diyos. Natuklasan Ko na ito sa inyo: Maraming tao ang naniniwala na hangga’t sila ay masigasig na nagpapalaganap ng ebanghelyo para sa Diyos, humahayo para sa Diyos, gumugugol ng kanilang mga sarili at isinusuko ang mga bagay-bagay para sa Diyos, at iba pa, ito ay paglilingkod sa Diyos. Mas marami pang relihiyosong tao ang naniniwalang ang paglilingkod sa Diyos ay nangangahulugan ng pagbibitbit ng Biblia paroo’t parito, pagpapalaganap ng ebanghelyo ng kaharian ng langit at pagliligtas sa mga tao sa pamamagitan ng pag-aakay sa kanila na magsisi at magtapat. Marami ring opisyal ng relihiyon ang nag-iisip na ang paglilingkod sa Diyos ay pangangaral sa mga kapilya matapos makakuha ng mataas na edukasyon at magsanay sa seminaryo, at pagtuturo sa mga tao sa pamamagitan ng pagbabasa ng mga kasulatan ng Biblia. Higit pa rito, may mga tao rin sa naghihirap na mga rehiyon na naniniwalang ang paglilingkod sa Diyos ay ang pagpapagaling sa maysakit at pagpapalayas ng mga demonyo sa kanilang mga kapatiran o pananalangin para sa kanila, o paglilingkod sa kanila. Sa gitna ninyo, marami ang naniniwala na ang paglilingkod sa Diyos ay nangangahulugan ng pagkain at pag-inom ng mga salita ng Diyos, pananalangin sa Diyos araw-araw, pati na ang pagbisita at paggawa ng mga gawain sa mga iglesia saanman. May ibang mga kapatiran na naniniwala na ang paglilingkod sa Diyos ay nangangahulugan ng hindi pag-aasawa kailanman o pagkakaroon ng pamilya at paglalaan ng kanilang buong sarili sa Diyos. Nguni’t iilang tao ang nakaaalam kung ano ang aktuwal na kahulugan ng paglilingkod sa Diyos. Bagaman ang mga naglilingkod sa Diyos ay kasindami ng mga bituin sa kalangitan, ang bilang ng mga direktang makapaglilingkod, at mga may kakayahang maglingkod ayon sa kalooban ng Diyos, ay kakaunti—hamak na kakaunti. Bakit Ko sinasabi ito? Sinasabi Ko ito dahil hindi ninyo naiintindihan ang diwa ng pariralang “paglilingkod sa Diyos,” at napakababaw ng inyong pagkaunawa hinggil sa kung paano maglingkod ayon sa kalooban ng Diyos. May agarang pangangailangan na maunawaan ng mga tao kung anong uri talaga ng paglilingkod sa Diyos ang maaaring umayon sa Kanyang kalooban.
Kung nais mong maglingkod ayon sa kalooban ng Diyos, kailangan mo munang maunawaan kung anong klaseng mga tao ang nakalulugod sa Diyos, kung anong uri ng mga tao ang kinamumuhian ng Diyos, kung anong uri ng mga tao ang ginagawang perpekto ng Diyos, at kung anong uri ng mga tao ang karapat-dapat na maglingkod sa Diyos. Kahit ang kaalamang ito man lamang ay dapat na maisangkap sa inyo. Dagdag pa rito, dapat mong malaman ang mga mithiin ng gawain ng Diyos, at ang gawain na gagawin ng Diyos ngayon dito. Matapos unawain ito, at sa pamamagitan ng patnubay ng mga salita ng Diyos, dapat muna kayong pumasok, at tumanggap muna ng tagubilin ng Diyos. Kapag aktuwal ninyo nang naranasan ang mga salita ng Diyos, at kapag tunay ninyo nang nalalaman ang gawain ng Diyos, kayo ay magiging karapat-dapat na maglingkod sa Diyos. At kapag kayo ay naglilingkod sa Kanya na binubuksan ng Diyos ang inyong espirituwal na mga mata, at tinutulutan kayong magkaroon ng higit na pagkaunawa sa Kanyang gawain at mas malinaw itong makita. Kapag pumasok ka sa realidad na ito, ang iyong mga karanasan ay magiging mas malalim at tunay, at ang lahat sa inyo na nagkaroon na ng ganoong mga karanasan ay makakayang lumakad sa mga iglesia at magkaloob sa inyong mga kapatiran, upang ang bawa’t isa sa inyo ay makahuhugot ng lakas sa iba upang mapunan ang inyong sariling mga kakulangan, at makapagtamo ng mas mayamang kaalaman sa inyong mga espiritu. Matapos makamit ang epektong ito, saka lamang ninyo makakayang maglingkod ayon sa kalooban ng Diyos at magagawang perpekto ng Diyos sa panahon ng inyong pagseserbisyo.
Yaong naglilingkod sa Diyos ay dapat maging mga kaniig ng Diyos, dapat ay nakalulugod sila sa Diyos, at may kakayahan ng sukdulang katapatan sa Diyos. Ikaw man ay kumikilos sa pribado o sa harap ng publiko, ikaw ay nakatatamo ng kagalakan ng Diyos sa harap ng Diyos, ikaw ay may kakayahang manindigan sa harap ng Diyos, at paano ka man tratuhin ng ibang mga tao, lagi mong tinatahak ang landas na dapat mong tahakin, at masusing pinangangalagaan ang pasanin ng Diyos. Tanging ganitong mga tao ang mga kaniig ng Diyos. Na nakakaya ng mga kaniig ng Diyos na direktang maglingkod sa Kanya ay dahil nabigyan na sila ng dakilang tagubilin ng Diyos, at pasanin ng Diyos, nagagawa nilang damahin ang puso ng Diyos bilang kanila, at dalhin ang pasanin ng Diyos bilang kanila, at hindi nila isinasaalang-alang ang kanilang mga layunin sa hinaharap: Kahit na wala silang mga layunin, at hindi sila makikinabang, sila ay palaging maniniwala sa Diyos nang may mapagmahal na puso. At dahil dito, ang ganitong uri ng tao ay kaniig ng Diyos. Ang mga kaniig ng Diyos ay Kanya ring mga pinagkakatiwalaan; ang mga pinagkakatiwalaan lamang ng Diyos ang magagawang makibahagi sa Kanyang pagkabalisa, at sa Kanyang mga saloobin, at bagaman ang kanilang laman ay makirot at mahina, natitiis nila ang kirot at tinatalikdan yaong kanilang kasiyahan upang mapasaya ang Diyos. Nagbibigay ang Diyos ng mas maraming pasanin sa gayong mga tao, at kung ano ang nais gawin ng Diyos ay pinatutunayan ng ganoong patotoo ng mga tao. Sa gayon, nakalulugod ang mga taong ito sa Diyos, sila ay mga lingkod ng Diyos na kaayon ng Kanyang sariling puso, at ang mga tao lamang na tulad nito ang maaaring mamuno kasama ng Diyos. Kapag ikaw ay tunay na naging kaniig ng Diyos ay kung kailan ka talaga mamumuno na kasama ng Diyos.
Nagawa ni Jesus na tapusin ang tagubilin ng Diyos—ang gawain ng pagtubos sa buong sangkatauhan—dahil ibinigay Niya ang masusing pangangalaga sa kalooban ng Diyos, nang walang pansariling mga plano at pagsasaayos. Kaya, ganoon din, Siya ay kaniig ng Diyos—ang Diyos Mismo, na isang bagay na nauunawaan ninyong lahat nang napakaigi. (Ang totoo, Siya ang Diyos Mismo na pinatotohanan ng Diyos. Binabanggit Ko ito rito upang gamitin ang katunayan ni Jesus upang isalarawan ang usapin.) Nagawa Niyang ilagay ang plano ng pamamahala ng Diyos sa pinakasentro, at palaging nanalangin sa Ama sa langit at hinangad ang kalooban ng Ama sa langit. Nanalangin Siya at nagsabi: “Diyos Ama! Ganapin yaong Iyong kalooban, at kumilos hindi ayon sa Aking mga kagustuhan kundi ayon sa Iyong plano. Maaaring mahina ang tao, nguni’t bakit Ka dapat mag-alala para sa kanya? Paano magiging karapat-dapat ang tao sa Iyong pag-aalala, ang tao na tulad ng isang langgam sa Iyong kamay? Sa Aking puso, nais Ko lamang na tuparin ang Iyong kalooban, at nais Ko na Iyong magagawa ang nais Mong gawin sa Akin ayon sa Iyong sariling mga kagustuhan.” Habang nasa daan patungong Jerusalem, si Jesus ay nagdurusa, na para bang isang kutsilyo ang pinipilipit sa Kanyang puso, subali’t Siya ay wala ni bahagya mang intensyong talikuran ang Kanyang salita; palaging mayroong isang makapangyarihang puwersang humihimok sa Kanya na sumulong kung saan Siya ay ipapako sa krus. Sa kahuli-hulihan, Siya ay ipinako sa krus at naging wangis ng makasalanang laman, tinatapos ang gawain ng pagtubos sa sangkatauhan. Nakawala Siya sa mga gapos ng kamatayan at ng Hades. Sa harap Niya, ang mortalidad, impiyerno, at Hades ay nawalan ng kapangyarihan, at nalupig Niya. Siya ay nabuhay sa loob ng tatlumpu’t tatlong taon, sa kabuuan nito ay palagi Niyang ginawa ang Kanyang makakaya upang tuparin ang kalooban ng Diyos ayon sa gawain ng Diyos sa panahong iyon, hindi kailanman isinasaalang-alang ang Kanyang pansariling pakinabang o kawalan, at palaging iniisip ang kalooban ng Diyos Ama. Kaya, matapos na Siya ay nabautismuhan, sinabi ng Diyos: “Ito ang sinisinta Kong Anak, na siya Kong lubos na kinalulugdan.” Dahil sa Kanyang serbisyo sa harap ng Diyos na ayon sa kalooban ng Diyos, inilagay ng Diyos ang mabigat na pasanin ng pagtubos sa buong sangkatauhan sa Kanyang mga balikat at pinahayo Siya upang tuparin ito, at Siya ay kwalipikado at nararapat na tumapos sa mahalagang gawaing ito. Sa kabuuan ng Kanyang buhay, tiniis Niya ang di-masusukat na pagdurusa para sa Diyos, at Siya ay tinukso ni Satanas nang di-mabilang na beses, nguni’t Siya ay hindi kailanman pinanghinaan ng loob. Binigyan Siya ng Diyos ng gayong napakalaking gawain dahil ang Diyos ay nagtitiwala sa Kanya, at nagmamahal sa Kanya, at kaya personal na sinabi ng Diyos: “Ito ang sinisinta Kong Anak, na siya Kong lubos na kinalulugdan.” Sa panahong iyon, si Jesus lamang ang maaaring tumupad sa tagubilin na ito, at ito ay isang praktikal na aspeto ng pagtatapos ng Diyos sa Kanyang gawain ng pagtubos sa buong sangkatauhan sa Kapanahunan ng Biyaya.
Kung, katulad ni Jesus, may kakayahan kayo na masusing pangalagaan ang pasanin ng Diyos, at talikuran ang inyong laman, ipagkakatiwala sa inyo ng Diyos ang Kanyang mahahalagang gawain sa inyo, upang inyong matugunan ang mga kondisyon sa paglilingkod sa Diyos. Sa gayong mga pagkakataon lamang kayo mangangahas magsabi na inyong ginagawa ang kalooban ng Diyos at tinatapos ang Kanyang tagubilin, at doon lamang kayo mangangahas magsabi na kayo ay tunay na naglilingkod sa Diyos. Kumpara sa halimbawa ni Jesus, nangangahas ka bang sabihin na ikaw ay kaniig ng Diyos? Nangangahas ka bang sabihin na ginagawa mo ang kalooban ng Diyos? Nangangahas ka bang sabihin na ikaw ay tunay na naglilingkod sa Diyos? Ngayon, hindi mo nauunawaan kung paano paglingkuran ang Diyos, ikaw ba ay nangangahas sabihin na kaniig ka ng Diyos? Kung sinasabi mong ikaw ay naglilingkod sa Diyos, hindi mo ba Siya nilalapastangan? Pag-isipan ito: Ikaw ba ay naglilingkod sa Diyos, o sa iyong sarili? Naglilingkod ka kay Satanas, nguni’t nagmamatigas kang sabihin na naglilingkod ka sa Diyos—sa ganito, hindi mo ba nilalapastangan ang Diyos? Maraming tao sa Aking likuran ang nag-iimbot sa mga pakinabang ng katayuan, nagpapakasasa sila sa pagkain, mahilig silang matulog at masusing pinangangalagaan ang laman, palaging natatakot na wala nang pag-asa para sa laman. Hindi nila ginagampanan ang kanilang nararapat na tungkulin sa iglesia, bagkus ay sinasamantala ang iglesia, o kaya ay pinagsasabihan ang kanilang mga kapatiran gamit ang Aking mga salita, pinaghaharian ang iba mula sa mga posisyon ng awtoridad. Palaging sinasabi ng mga taong ito na ginagawa nila ang kalooban ng Diyos at palaging sinasabi na sila ay mga kaniig ng Diyos—hindi ba ito katawa-tawa? Kung ikaw ay may tamang mga intensyon, nguni’t hindi kayang maglingkod ayon sa kalooban ng Diyos, ikaw ay nagpapakahangal; nguni’t kung ang iyong mga intensyon ay hindi tama, at sinasabi mo pa rin na ikaw ay naglilingkod sa Diyos, ikaw ay isang taong sumasalungat sa Diyos, at nararapat kang parusahan ng Diyos! Wala Akong simpatya sa mga ganoong tao! Sa bahay ng Diyos, nagsasamantala sila, palaging nag-iimbot sa mga kaginhawahan ng laman, at walang pagsasaalang-alang sa mga interes ng Diyos. Palagi nilang hinahanap kung ano ang mabuti para sa kanila, at hindi nila iniintindi ang kalooban ng Diyos. Hindi nila tinatanggap ang pagsusuri ng Espiritu ng Diyos sa anumang ginagawa nila. Palagi nilang minamaniobra at nililinlang ang kanilang mga kapatiran, at dalawa ang kanilang mukha, tulad ng isang soro sa ubasan, palaging nagnanakaw ng mga ubas at tinatapak-tapakan ang ubasan. Maaari bang maging mga kaniig ng Diyos ang gayong mga tao? Ikaw ba ay angkop na tumanggap ng mga pagpapala ng Diyos? Hindi ka nagdadala ng pasanin para sa iyong buhay at sa iglesia, ikaw ba ay angkop na tumanggap ng tagubilin ng Diyos? Sino ang mangangahas na magtiwala sa isang katulad mo? Kapag ikaw ay naglilingkod nang ganito, maaari bang mangahas ang Diyos na ipagkatiwala sa iyo ang mas malaking gawain? Hindi ba ito magdudulot ng mga pagkaantala sa gawain?
Sinasabi Ko ito upang inyong malaman kung anong mga kondisyon ang dapat matupad upang maglingkod nang kaayon sa kalooban ng Diyos. Kung hindi ninyo ibinibigay ang inyong puso sa Diyos, kung hindi ninyo binibigyan ng masusing pangangalaga ang kalooban ng Diyos katulad ni Jesus, hindi kayo mapagkakatiwalaan ng Diyos, at hahantong sa paghatol ng Diyos sa huli. Marahil ngayon, sa iyong paglilingkod sa Diyos, palagi kang nagkikimkim ng intensyong linlangin ang Diyos at palagi Siyang pinakikitunguhan nang padalus-dalos. Sa madaling salita, ano’t anuman, kung dinadaya mo ang Diyos, malupit na paghatol ang darating sa iyo. Dapat ninyong samantalahin ang pagkakapasok sa tamang landas ng paglilingkod sa Diyos para ibigay muna ang inyong puso sa Diyos, nang walang nahahating katapatan. Ikaw man ay nasa harap ng Diyos, o nasa harap ng ibang tao, ang iyong puso ay dapat laging nakaharap sa Diyos, at dapat mong panindigan na mahalin ang Diyos katulad ni Jesus. Sa paraang ito, gagawin kang perpekto ng Diyos, upang ikaw ay maging tagapaglingkod ng Diyos na kaayon ng Kanyang puso. Kung tunay na nais mong magawang perpekto ng Diyos, at upang ang iyong serbisyo ay maging kaayon ng Kanyang kalooban, dapat mong baguhin ang iyong mga dating pananaw tungkol sa pananampalataya sa Diyos, at baguhin ang dating paraan ng iyong paglilingkod sa Diyos, nang sa gayon ay higit ka pang magawang perpekto ng Diyos. Sa paraang ito, hindi ka tatalikuran ng Diyos, at, katulad ni Pedro, pangungunahan mo yaong nagmamahal sa Diyos. Kung ikaw ay mananatiling walang-pagsisisi, makakamit mo ang katapusang katulad ng kay Judas. Ito ay dapat na maunawaan ng lahat ng naniniwala sa Diyos.