Paano Mo Dapat Asikasuhin ang Misyon Mo sa Hinaharap?
Nagagawa mo bang ipabatid ang disposisyong ipinahayag ng Diyos sa bawat kapanahunan sa isang kongkretong paraan, gamit ang wikang angkop na nagpapahayag ng kabuluhan ng kapanahunan? Ikaw ba, na nakakaranas ng gawain ng Diyos sa mga huling araw, ay may kakayahan na detalyadong ilarawan ang matuwid na disposisyon ng Diyos? Malinaw at tumpak ka bang makapagpapatotoo tungkol sa disposisyon ng Diyos? Paano mo ipapasa ang iyong nakita at naranasan sa mga taong nakakaawa, dukha, at tapat na relihiyosong mga mananampalataya na nagugutom at nauuhaw sa katuwiran at naghihintay sa iyo na akayin sila? Anong klaseng mga tao ang naghihintay sa iyo na akayin sila? Naiisip mo ba? Alam mo ba ang pasaning nasa iyong mga balikat, ang iyong tungkulin, at ang iyong responsibilidad? Nasaan ang iyong diwa ng makasaysayang misyon? Paano ka magsisilbi nang sapat bilang isang panginoon sa susunod na kapanahunan? Mayroon ka bang matinding diwa ng pagiging panginoon? Paano mo ipaliliwanag ang panginoon ng lahat ng bagay? Ito ba talaga ang panginoon ng lahat ng nabubuhay na nilalang at lahat ng pisikal na bagay sa mundo? Ano ang mga plano mo para sa pagsulong ng sumunod na yugto ng gawain? Ilang tao ang naghihintay sa iyo na maging pastol nila? Mabigat ba ang iyong gawain? Sila ay dukha, kaawa-awa, bulag, at nalilito, dumaraing sa kadiliman—nasaan ang daan? Lubha silang nananabik sa liwanag, tulad ng isang bulalakaw, upang biglang bumulusok at itaboy ang mga puwersa ng kadiliman na nang-api sa tao sa loob ng maraming taon. Sino ang makakaalam kung gaano sila sabik na umaasa, at gaano sila nananabik, araw at gabi, para dito? Kahit sa isang araw na nagdaraan ang kumikinang na liwanag, ang mga taong ito na labis na nagdurusa ay nananatiling nakakulong sa isang madilim na piitan nang walang pag-asang mapalaya; kailan sila titigil sa pagluha? Grabe ang kasawian ng marurupok na espiritung ito na hindi kailanman napagkalooban ng kapahingahan, at matagal nang patuloy na nakatali sa kalagayang ito ng walang-awang mga gapos at malamig na kasaysayan. At sino na ang nakarinig sa ingay ng kanilang pagdaing? Sino na ang nakakita sa kanilang kaawa-awang kalagayan? Naisip mo na ba kung gaano kalungkot at kabalisa ang puso ng Diyos? Paano Niya matitiis na makita ang inosenteng sangkatauhan, na nilikha ng sarili Niyang mga kamay, na nagdaranas ng gayong paghihirap? Kunsabagay, ang sangkatauhan ang kapus-palad na mga biktimang nalason na. At bagama’t nanatiling buhay ang tao hanggang sa araw na ito, sino ang makakaalam na matagal nang nalason ng masamang nilalang ang sangkatauhan? Nalimutan mo na ba na isa ka sa mga biktima? Hindi ka ba handang patuloy na mabuhay, dala ng iyong pagmamahal sa Diyos, upang iligtas ang mga taong ito? Hindi ka ba handang ilaan ang lahat ng iyong lakas upang suklian ang Diyos, na nagmamahal sa sangkatauhan na parang sarili Niyang laman at dugo? Kapag nasabi at nagawa na ang lahat, paano mo bibigyang-kahulugan ang pagkakasangkapan ng Diyos sa iyo upang maipamuhay mo ang iyong pambihirang buhay? Talaga bang mayroon kang matibay na pasiya at tiwala na ipamuhay ang makabuluhang buhay ng isang taong madasalin at mapaglingkod sa Diyos?