Tanging Yaong Nakararanas ng Gawain ng Diyos ang Tunay na Naniniwala sa Diyos
Bagaman maraming tao ang naniniwala sa Diyos, kakaunti ang nakakaunawa kung ano ang kahulugan ng pananampalataya sa Diyos, at kung ano ang dapat nilang gawin upang makasunod sa puso ng Diyos. Ito ay dahil, bagaman alam na alam ng mga tao ang salitang “Diyos” at mga parirala tulad ng “ang gawain ng Diyos,” hindi nila kilala ang Diyos, lalong hindi nila alam ang Kanyang gawain. Hindi nakapagtataka, kung gayon, na lahat niyaong mga hindi nakakakilala sa Diyos ay nagtataglay ng isang magulong paniniwala. Ang mga tao ay hindi seryoso sa kanilang paniniwala sa Diyos sapagka’t ang paniniwala sa Diyos ay masyadong di-kilala, masyadong kakaiba para sa kanila. Sa ganitong paraan, hindi sila makaabot sa mga hinihingi ng Diyos. Sa ibang salita, kung hindi kilala ng tao ang Diyos, hindi alam ang Kanyang gawain, kung gayon hindi sila angkop para gamitin ng Diyos, lalong hindi nila maaaring tuparin ang ninanais ng Diyos. Ang “paniniwala sa Diyos” ay nangangahulugang paniniwala na mayroong Diyos; ito ang pinakasimpleng pagkakaintindi sa pananampalataya sa Diyos. Bukod pa rito, ang paniniwalang mayroong Diyos ay hindi kapareho ng tunay na pananalig sa Diyos; kundi, ito ay isang uri ng simpleng pananampalataya na may malakas na pangrelihiyong mga kahulugan. Ang tunay na pananampalataya sa Diyos ay nangangahulugan ng pagdanas sa mga salita at gawain ng Diyos na batay sa isang paniniwala na ang Diyos ang may tangan ng kapangyarihan sa lahat ng bagay. Sa gayon ikaw ay mapapalaya mula sa iyong tiwaling disposisyon, makakatupad sa ninanais ng Diyos at makakakilala sa Diyos. Tanging sa pamamagitan ng ganoong paglalakbay maaaring masabing ikaw ay naniniwala sa Diyos. Datapwa’t ang mga tao ay madalas makita ang paniniwala sa Diyos bilang isang bagay na napakasimple at walang gaanong kabuluhan. Nawala na sa mga taong naniniwala sa Diyos sa ganitong paraan ang kahulugan ng maniwala sa Diyos, at bagama’t maaari silang patuloy na maniwala hanggang sa kahuli-hulihan, hindi nila kailanman matatamo ang pagsang-ayon ng Diyos, sapagkat sila’y tumatahak sa maling landas. Ngayon, mayroon pa ring mga naniniwala sa Diyos sa mga titik, sa mga doktrinang walang laman. Wala silang malay na ang kanilang paniniwala sa Diyos ay walang substansya at na hindi sila makatatamo ng pagsang-ayon ng Diyos, at nananalangin pa rin sila para sa kapayapaan at sapat na biyaya mula sa Diyos. Dapat tayong huminto at tanungin ang ating mga sarili: Maaari kayang ang paniniwala sa Diyos ang tunay na pinakamadaling bagay sa lupa? Ang paniniwala ba sa Diyos ay nangangahulugan lamang ng pagtanggap ng maraming biyaya mula sa Diyos? Maaari bang ang mga tao na naniniwala sa Diyos ngunit hindi Siya nakikilala, at naniniwala sa Diyos ngunit tinututulan Siya, ay tunay na makakatupad sa ninanasa ng Diyos?
Ang Diyos at ang tao ay hindi maaaring masabing magkapantay. Ang Kanyang substansya at ang Kanyang gawain ay ang pinaka-di-maaarok at hindi-kayang-unawain ng tao. Kung ang Diyos ay hindi personal na gumagawa ng Kanyang gawain at bumibigkas ng Kanyang mga salita sa mundo ng tao, kung gayon hindi kailanman mauunawaan ng tao ang kalooban ng Diyos, at sa gayon, kahit yaong mga naglaan ng kanilang buong buhay sa Diyos ay hindi maaaring makatamo ng Kanyang pagsang-ayon. Kung wala ang gawain ng Diyos, gaano man kabuti ang ginagawa ng tao, mababalewala iyon, pagka’t ang mga pag-iisip ng Diyos ay palaging magiging mas mataas kaysa mga pag-iisip ng tao, at ang karunungan ng Diyos ay hindi maaarok ng tao. At sa gayon sinasabi Ko na yaong mga “nakakakita nang malinaw” sa Diyos at sa Kanyang gawain ay walang silbi, lahat sila ay mayabang at mangmang. Hindi dapat bigyang-kahulugan ng tao ang gawain ng Diyos; higit pa rito, hindi maaaring bigyang-kahulugan ng tao ang gawain ng Diyos. Sa mga mata ng Diyos, ang tao ay mas maliit kaysa isang langgam, kaya paano maaarok ng tao ang gawain ng Diyos? Yaong mga patuloy na nagsasabi, “Ang Diyos ay hindi gumagawa sa ganito o ganoong paraan” o “Ang Diyos ay tulad nito o noon”—hindi ba silang lahat ay mayabang? Dapat nating kilalaning lahat na ang mga tao, na siyang galing sa laman, ay nagawang tiwali lahat ni Satanas. Kanilang kalikasan na tutulan ang Diyos, at hindi sila kapantay ng Diyos, lalong hindi nila kayang mag-alok ng payo para sa gawain ng Diyos. Kung paano ginagabayan ng Diyos ang tao ay gawain ng Diyos Mismo. Dapat magpasailalim ang tao, at dapat hindi magkaroon ng gayo’t gayong pananaw, pagka’t ang tao ay alabok lamang. Yamang sinusubukan nating hanapin ang Diyos, hindi natin dapat ipaibabaw ang ating mga pagkaintindi sa gawain ng Diyos para sa pagsasaalang-alang ng Diyos, lalong hindi natin dapat gamitin ang ating mga tiwaling disposisyon upang sadyang subukan na tutulan ang gawain ng Diyos. Hindi kaya gagawin niyan tayong mga anticristo? Paano maaaring sabihin ng mga ganoong tao na sila’y naniniwala sa Diyos? Yamang tayo ay naniniwala na mayroong Diyos, at yamang ninanais natin na bigyang-kasiyahan Siya at makita Siya, dapat nating hanapin ang daan ng katotohanan, at dapat humanap ng paraan upang maging kaayon ng Diyos. Hindi tayo dapat nakikipagmatigasan sa pagsalungat sa Diyos; anong kabutihan ang maaaring maibunga ng ganoong mga pagkilos?
Ngayon, ang Diyos ay may bagong gawain. Maaaring hindi mo tanggapin ang mga salitang ito, maaaring kakaiba ang pakiramdam mo sa mga iyon, subali’t ang payo Ko sa iyo ay huwag ibunyag ang iyong pagiging likas, pagka’t tanging yaong mga tunay na nagugutom at nauuhaw para sa pagkamatuwid sa harap ng Diyos ang maaaring makatamo ng katotohanan, at tanging yaong mga tunay na taos-puso ang maaaring maliwanagan at magabayan ng Diyos. Walang ibubunga ang paghahanap sa katotohanan sa pamamagitan ng pakikipag-away. Tanging sa paghahanap nang mahinahon tayo maaaring makakuha ng mga resulta. Kapag sinabi Ko na, “ngayon, ang Diyos ay may bagong gawain,” ang tinutukoy Ko ay ang pagbabalik ng Diyos sa katawang-tao. Marahil hindi mo pinapansin ang mga salitang ito, marahil kinamumuhian mo ang mga iyon, o marahil ikaw ay may malaking interes sa mga iyon. Ano man ang kaso, inaasahan Ko na lahat niyaong mga tunay na naghahangad ng pagpapakita ng Diyos ay kayang harapin ang katotohanang ito at bigyan ito ng maingat na pagsasaalang-alang. Pinakamainam na huwag padalus-dalos sa mga pagpapasya. Ito ang paraan na dapat ikilos ng mga taong marurunong.
Ang pag-aralan ang ganoong bagay ay hindi mahirap, ngunit kinakailangan ng bawat isa sa atin na malaman ang katotohanang ito: Siya na pagkakatawang-tao ng Diyos ay dapat nagtataglay ng diwa ng Diyos, at Siya na pagkakatawang-tao ng Diyos ay dapat natataglay ng pagpapahayag ng Diyos. Yamang ang Diyos ay naging katawang-tao, ilalahad Niya ang gawaing dapat Niyang gawin, at yamang ang Diyos ay naging katawang-tao, ipapahayag Niya kung ano Siya, at nagagawa Niyang ihatid ang katotohanan sa tao, pagkalooban ng buhay ang tao, at ipakita sa tao ang daan. Ang katawan na walang diwa ng Diyos ay tiyak na hindi ang Diyos na nagkatawang-tao; walang duda ito. Para masiyasat kung ito ang katawang-tao ng Diyos, kailangan itong matukoy ng tao mula sa disposisyon na Kanyang ipinapahayag at sa mga salitang Kanyang sinasambit. Ibig sabihin, kung ito nga ang katawang-tao ng Diyos o hindi, at kung ito nga ang tunay na daan o hindi, kailangan itong matukoy mula sa Kanyang diwa. Kaya nga, sa pagtukoy[a] kung ito ang katawan ng Diyos na nagkatawang-tao, ang susi ay bigyang-pansin ang Kanyang diwa (Kanyang gawa, Kanyang mga salita, Kanyang disposisyon, at marami pang iba), sa halip na ang panlabas na anyo. Kung ang nakikita lamang ng tao ay ang Kanyang panlabas na anyo, at hindi napapansin ang Kanyang diwa, ipinapakita niyan ang kamangmangan at kawalang-muwang ng tao. Ang substansya ay hindi nalalaman sa panlabas na kaanyuan; bukod pa rito, ang gawain ng Diyos ay hindi kailanman maaaring umayon sa mga pagkaintindi ng tao. Hindi ba’t ang panlabas na kaanyuan ni Jesus ay salungat sa mga pagkaintindi ng tao? Hindi ba’t ang Kanyang kaanyuan at pananamit ay hindi nakapagbigay ng anumang palatandaan hinggil sa Kanyang tunay na pagkakakilanlan? Hindi ba’t ang dahilan kung bakit ang mga pinakaunang mga Fariseo ay sumalungat kay Jesus ay sapagka’t tiningnan lamang nila ang Kanyang panlabas na kaanyuan, at hindi isinapuso ang mga salita na Kanyang binigkas? Aking pag-asa na ang mga kapatid na lalaki at kapatid na babae na naghahanap ng pagpapakita ng Diyos ay hindi uulitin ang trahedya ng kasaysayan. Hindi kayo dapat maging mga Fariseo ng modernong panahon at muling ipako ang Diyos sa krus. Dapat ninyong maingat na isaalang-alang kung paano malugod na tatanggapin ang pagbabalik ng Diyos, at dapat magkaroon ng malinaw na isipan kung paano maging isang tao na nagpapasailalim sa katotohanan. Ito ang pananagutan ng bawa’t isa na naghihintay kay Jesus na bumalik kasama ng mga ulap. Dapat nating kuskusin ang ating espirituwal na mga mata, at hindi dapat mabiktima ng mga salita na puno ng paglipad ng imahinasyon. Dapat nating pag-isipan ang tungkol sa praktikal na gawain ng Diyos, at dapat tingnan ang tunay na panig ng Diyos. Huwag magpapadala o iwawala ang inyong mga sarili sa mga pangangarap nang gising, palaging inaabangan ang araw na ang Panginoong Jesus ay biglaang bababa sa inyo mula sa isang ulap upang dalhin kayo na kailanma’y hindi nakakilala sa Kanya ni nakakita sa Kanya, at hindi alam kung paano gagawin ang Kanyang kalooban. Mas mainam na pag-isipan ang praktikal na mga bagay!
Maaaring nabuksan mo na ang aklat na ito para sa layuning pagsasaliksik, o nang may hangarin na tumanggap; anuman ang iyong saloobin, sana ay basahin mo ito hanggang sa katapusan, at hindi agad isantabi ito. Marahil, matapos mong basahin ang mga salitang ito, ang iyong saloobin ay magbabago, subalit depende iyon sa iyong motibo at antas ng pag-unawa. May isang bagay, gayunman, na dapat mong malaman: Ang salita ng Diyos ay hindi maaaring bigkasin gaya ng salita ng tao, lalong hindi maaaring ang salita ng tao ay mabigkas gaya ng salita ng Diyos. Ang isang tao na ginamit ng Diyos ay hindi ang nagkatawang-taong Diyos, at ang nagkatawang-taong Diyos ay hindi isang tao na ginamit ng Diyos; dito, may malaking pagkakaiba. Marahil, matapos basahin ang mga salitang ito, hindi mo tinatanggap na ang mga iyon ay mga salita ng Diyos, at tinatanggap lamang ang mga iyon bilang mga salita ng isang tao na naliwanagan. Sa ganoong kaso, ikaw ay binubulag ng kamangmangan. Paanong magiging pareho ang mga salita ng Diyos sa mga salita ng isang tao na naliwanagan? Ang mga salita ng Diyos na nagkatawang-tao ay nagsisimula ng isang bagong kapanahunan, gumagabay sa buong sangkatauhan, nagbubunyag ng mga hiwaga, at nagpapakita sa tao ng direksyong pasulong sa isang bagong kapanahunan. Ang kaliwanagan na natamo ng tao ay isa lamang simpleng pagsasagawa o kaalaman. Hindi nito magagabayan ang buong sangkatauhan sa isang bagong kapanahunan o maibubunyag ang hiwaga ng Diyos Mismo. Ang Diyos, kunsabagay, ay Diyos, at ang tao ay tao. Ang Diyos ay may diwa ng Diyos, at ang tao ay may diwa ng tao. Kung tinitingnan ng tao ang mga salitang binigkas ng Diyos bilang simpleng kaliwanagan ng Banal na Espiritu, at ituturing ang mga salita ng mga apostol at mga propeta bilang mga salita na personal na binigkas ng Diyos, kung gayon ang tao ay mali. Gayunpaman, hindi mo dapat kailanman gawing mali ang tama, o sabihin ang mataas bilang mababa, o sabihin ang malalim bilang mababaw; gayunpaman, hindi mo dapat kailanman kusang pasinungalingan ang alam mo na katotohanan. Ang bawat isa na naniniwala na may isang Diyos ay dapat isaalang-alang ang problemang ito mula sa wastong pananaw, at dapat tanggapin ang Kanyang bagong gawain at mga salita bilang isang nilikha ng Diyos—at kung hindi ay maaalis ng Diyos.
Matapos ang gawain ni Jehova, si Jesus ay naging katawang-tao upang gawin ang Kanyang gawain sa kalagitnaan ng mga tao. Ang Kanyang gawain ay hindi isinakatuparan nang hiwalay, subali’t itinatag sa ibabaw ng gawain ni Jehova. Ito ay gawain para sa isang bagong kapanahunan matapos tapusin ng Diyos ang Kapanahunan ng Kautusan. Gayundin, nang matapos ang gawain ni Jesus, ipinagpatuloy pa rin ng Diyos ang Kanyang gawain para sa susunod na kapanahunan, sapagka’t ang buong pamamahala ng Diyos ay palaging umuunlad nang pasulong. Kapag ang lumang kapanahunan ay lumilipas, ito ay mapapalitan ng isang bagong kapanahunan, at sa sandaling ang lumang gawain ay nakumpleto na, isang bagong gawain ang magpapatuloy ng pamamahala ng Diyos. Ang pagkakatawang-taong ito ay ang ikalawang pagkakatawang-tao ng Diyos kasunod ng kaganapan ng gawain ni Jesus. Mangyari pa, ang pagkakatawang-taong ito ay hindi nangyayari nang mag-isa, ngunit ito ang ikatlong yugto ng gawain matapos ang Kapanahunan ng Kautusan at ang Kapanahunan ng Biyaya. Bawa’t bagong yugto ng gawain ng Diyos ay palaging nagdadala ng isang bagong simula at isang bagong kapanahunan. Gayundin, may mga katumbas na mga pagbabago sa disposisyon ng Diyos, sa Kanyang paraan ng paggawa, sa kinalalagyan ng Kanyang gawain, at sa Kanyang pangalan. Hindi nakapagtataka, kung gayon, na mahirap para sa tao ang tanggapin ang gawain ng Diyos sa bagong kapanahunan. Ngunit hindi alintana kung paano Siya sinasalungat ng tao, palaging ginagawa ng Diyos ang Kanyang gawain, at palaging pinangungunahan ang buong sangkatauhan pasulong. Nang si Jesus ay naparito sa mundo ng tao, dinala Niya ang Kapanahunan ng Biyaya at tinapos ang Kapanahunan ng Kautusan. Sa panahon ng mga huling araw, ang Diyos ay muling nagkatawang-tao, at nang Siya’y naging katawang-tao sa panahong ito, tinapos Niya ang Kapanahunan ng Biyaya at dinala ang Kapanahunan ng Kaharian. Ang lahat ng tumatanggap sa ikalawang pagkakatawang-tao ng Diyos ay madadala tungo sa Kapanahunan ng Kaharian, at personal na makakatanggap ng paggabay ng Diyos. Bagaman maraming ginawa si Jesus kapiling ang tao, kinumpleto lamang Niya ang pagtubos sa buong sangkatauhan at naging handog para sa kasalanan ng tao, at hindi inalis sa tao ang lahat ng kanyang tiwaling disposisyon. Ang ganap na pagliligtas sa tao mula sa impluwensya ni Satanas ay hindi lamang nangailangan kay Jesus na akuin ang mga kasalanan ng tao bilang handog para sa kasalanan, kundi nangailangan din sa Diyos na gumawa ng mas malaking gawain upang ganap na tanggalin sa tao ang kanyang disposisyon, na nagawang tiwali ni Satanas. At sa gayon, matapos mapatawad ang tao sa kanyang mga kasalanan, ang Diyos ay bumalik na sa katawang-tao upang pangunahan ang tao tungo sa bagong kapanahunan, at sinimulan ang gawain ng pagkastigo at paghatol, at ang gawaing ito ay nagdala sa tao sa isang mas mataas na lupain. Ang lahat ng nagpapasailalim sa Kanyang kapamahalaan ay magtatamasa ng mas mataas na katotohanan at makakatanggap ng mas malalaking pagpapala. Sila’y tunay na mamumuhay sa liwanag, at makakamtan ang katotohanan, ang daan, at ang buhay.
Kung ang mga tao ay mananatili sa Kapanahunan ng Biyaya, sila kailanman ay hindi magiging malaya mula sa kanilang tiwaling disposisyon, lalong hindi nila malalaman ang likas na disposisyon ng Diyos. Kung ang mga tao ay palaging namumuhay sa gitna ng kasaganaan ng biyaya subalit wala ang daan ng buhay na nagpapahintulot sa kanila na kilalanin ang Diyos at bigyang-kasiyahan ang Diyos, hindi nila Siya kailanman tunay na matatamo bagama’t nananalig sila sa Kanya. Kaawa-awa namang anyo ng pananalig iyon. Kapag natapos mo nang basahin ang aklat na ito, kapag naranasan mo na ang bawat hakbang ng gawain ng Diyos na nagkatawang-tao sa Kapanahunan ng Kaharian, mararamdaman mo na ang mga pag-asa ng maraming taon ay sa wakas naisakatuparan na. Mararamdaman mo na ngayon mo lamang tunay na nakita ang Diyos nang harap-harapan; ngayon mo lamang natitigan ang mukha ng Diyos, narinig ang personal na pagbigkas ng Diyos, pinahalagahan ang karunungan ng gawain ng Diyos, at tunay na nadama kung gaano katotoo at kamakapangyarihan sa lahat ang Diyos. Madarama mo na nakamtan mo ang maraming bagay na hindi nakita ni naangkin ng mga tao nang nakaraang mga panahon. Sa panahong ito, malinaw mong malalaman kung ano ang maniwala sa Diyos, at kung ano ang maging kaayon ng puso ng Diyos. Mangyari pa, kung kakapitan mo ang mga pananaw ng nakaraan, at tatanggihan o hindi tatanggapin ang katunayan ng ikalawang pagkakatawang-tao ng Diyos, sa gayon ikaw ay mananatiling walang dala at walang nakamtan, at sa kahuli-hulihan ay magkakasala ng pagsalungat sa Diyos. Yaong mga sumusunod sa katotohanan at nagpapasakop sa gawain ng Diyos ay mapapasailalim sa pangalan ng ikalawang nagkatawang-taong Diyos—ang Makapangyarihan sa lahat. Makakatanggap sila ng personal na paggabay ng Diyos, at makakamit ang mas higit at mas mataas na katotohanan at matatanggap ang tunay na pantaong buhay. Makikita nila ang pangitain na hindi kailanman nakita ng mga tao noong araw: “At ako’y lumingon upang makita ang tinig na nagsasalita sa akin. At nang ako’y lumingon ay nakita ko ang pitong kandelerong ginto: At sa gitna ng mga kandelero ay may isang katulad ng isang anak ng tao, na may suot na damit hanggang sa paa, at may bigkis ang dibdib na isang pamigkis na ginto. At ang kaniyang ulo at ang kaniyang buhok ay mapuputing gaya ng balahibong maputi ng tupa, gaya ng niebe; at ang kaniyang mga mata ay gaya ng ningas ng apoy; At ang kaniyang mga paa ay katulad ng tansong binuli, na gaya ng dinalisay sa isang lutuang-bakal; at ang kaniyang tinig ay gaya ng lagaslas ng maraming tubig. At sa kaniyang kanang kamay ay may pitong bituin: at sa kaniyang bibig ay lumabas ang isang matalas na tabak na may dalawang talim: at ang kaniyang mukha ay gaya ng araw na sumisikat ng matindi” (Pahayag 1:12–16). Ang pangitaing ito ay ang pagpapahayag ng buong disposisyon ng Diyos, at ang ganoong pagpapahayag ng Kanyang buong disposisyon ay pagpapahayag din ng gawain ng Diyos nang Siya ay nagkatawang-tao sa panahong ito. Sa mga dagsa ng mga pagkastigo at mga paghatol, ang Anak ng tao ay nagpapahayag ng Kanyang likas na disposisyon sa pamamagitan ng pagbigkas ng mga salita, nagpapahintulot sa lahat na tumatanggap ng Kanyang pagkastigo at paghatol na makita ang tunay na mukha ng Anak ng tao, isang mukha na matapat na paglalarawan ng mukha ng Anak ng tao na nakita ni Juan. (Siyempre, ang lahat ng ito ay hindi makikita niyaong mga hindi tumatanggap sa gawain ng Diyos sa Kapanahunan ng Kaharian.) Ang tunay na mukha ng Diyos ay hindi maaaring ganap na mabigkas nang maliwanag gamit ang mga salita ng tao, at sa gayon ginagamit ng Diyos ang pagpapahayag ng Kanyang likas na disposisyon upang ipakita ang tunay Niyang mukha sa tao. Na ang ibig sabihin na ang lahat ng nakaranas sa likas na disposisyon ng Anak ng tao ay nakakita sa tunay na mukha ng Anak ng tao, sapagka’t ang Diyos ay masyadong dakila at hindi maaaring ganap na mabigkas nang maliwanag gamit ang mga salita ng tao. Sa sandaling naranasan ng tao ang bawat hakbang sa gawain ng Diyos sa Kapanahunan ng Kaharian, sa gayon malalaman niya ang tunay na kahulugan ng mga salita ni Juan nang nangusap siya tungkol sa Anak ng tao sa gitna ng mga ilawan: “At ang kaniyang ulo at ang kaniyang buhok ay mapuputing gaya ng balahibong maputi ng tupa, gaya ng niebe; at ang kaniyang mga mata ay gaya ng ningas ng apoy; At ang kaniyang mga paa ay katulad ng tansong binuli, na gaya ng dinalisay sa isang lutuang-bakal; at ang kaniyang tinig ay gaya ng lagaslas ng maraming tubig. At sa kaniyang kanang kamay ay may pitong bituin: at sa kaniyang bibig ay lumabas ang isang matalas na tabak na may dalawang talim: at ang kaniyang mukha ay gaya ng araw na sumisikat ng matindi.” Sa panahong iyon, malalaman mo nang walang halong pag-aalinlangan na itong karaniwang laman na nakabigkas ng napakaraming salita ay tunay na ang ikalawang nagkatawang-taong Diyos. At tunay mong madarama kung gaano ka pinagpala, at mararamdaman na ang sarili mo ang pinakamapalad. Hindi ka ba magiging handa na tanggapin ang biyayang ito?
- Talababa:
- a. Ang nakasaad sa orihinal na teksto ay “para sa.”