Menu

Nakakamit ng Tao ang Awa at Pagpaparaya ng Diyos sa Pamamagitan ng Tapat na Pagsisisi (Ikaapat na Bahagi)

Ang Tapat na Damdamin ng Lumikha Tungo sa Sangkatauhan

Madalas na sinasabi ng mga tao na hindi madaling bagay ang makilala ang Diyos. Ngunit sinasabi Ko na ang pagkilala sa Diyos ay hindi talaga isang mahirap na bagay, sapagkat madalas na ipinapakita ng Diyos sa tao ang Kanyang mga gawa. Hindi kailanman itinigil ng Diyos ang Kanyang pakikipag-usap sa sangkatauhan, at hindi Niya kailanman ikinubli, ni itinago ang sarili Niya mula sa tao. Ang Kanyang mga kaisipan, ang Kanyang mga ideya, ang Kanyang mga salita at ang Kanyang mga gawa ay ibinubunyag na lahat sa sangkatauhan. Samakatuwid, hangga’t nais ng tao na kilalanin ang Diyos, maaari niyang unawain at kilalanin Siya sa pamamagitan ng lahat ng uri ng mga paraan at pamamaraan. Ang dahilan kung bakit bulag na iniisip ng tao na sinasadyang iwasan siya ng Diyos, na sinasadyang itago ng Diyos ang Kanyang sarili mula sa sangkatauhan, na ang Diyos ay walang intensyon na pahintulutan ang tao na unawain at kilalanin Siya, ay dahil hindi niya alam kung sino ang Diyos at ni hindi niya ninanais na maunawaan ang Diyos. Lalong higit pa riyan, walang pakialam ang tao sa mga kaisipan, mga salita o mga gawa ng Lumikha…. Sa totoo lang, kung ginagamit lamang ng isang tao ang kanyang bakanteng oras upang pagtuunan ng pansin at unawain ang mga salita o gawa ng Lumikha, at kung magbibigay siya ng kaunti man lang na pansin sa mga kaisipan ng Lumikha at sa tinig ng Kanyang puso, hindi magiging mahirap para sa taong iyon na mapagtanto na nakikita at malinaw ang mga kaisipan, mga salita at mga gawa ng Lumikha. Gayundin, kakailanganin ang kaunting pagsisikap upang mapagtanto na ang Lumikha ay kasama ng tao sa lahat ng pagkakataon, na lagi Siyang nakikipag-usap sa tao at sa kabuuan ng sangnilikha, at gumagawa Siya ng mga bagong gawa sa araw-araw. Ang Kanyang diwa at disposisyon ay ipinahahayag sa Kanyang pakikipag-usap sa tao; ang Kanyang mga kaisipan at mga ideya ay ganap na ibinubunyag sa Kanyang mga gawa; Sinasamahan Niya at inoobserbahan ang sangkatauhan sa lahat ng pagkakataon. Tahimik Siyang nakikipag-usap sa sangkatauhan at sa buong sangnilikha sa Kanyang tahimik na mga salita: “Ako ay nasa kalangitan, at Ako ay kasama ng Aking sangnilikha. Ako ay patuloy na nagmamasid; Ako ay naghihintay; Ako ay nasa iyong tabi….” Ang Kanyang mga kamay ay mainit-init at malakas; ang Kanyang mga yapak ay magaan; ang Kanyang tinig ay mahina at kaaya-aya; ang Kanyang anyo ay pabalik-balik, niyayakap ang buong sangkatauhan; ang Kanyang mukha ay maganda at magiliw. Hindi Siya kailanman lumisan, ni naglaho man. Araw at gabi, Siya ang palaging kasama ng sangkatauhan, hindi umaalis sa kanilang tabi kailanman. Ang Kanyang matapat na pag-iingat at natatanging pagmamahal sa sangkatauhan, gayon din ang Kanyang tunay na pagmamalasakit at pag-ibig sa tao, ay unti-unting naipakita nang iligtas Niya ang lungsod ng Ninive. Sa partikular, ang palitan sa pagitan ng Diyos na si Jehova at ni Jonas ay inilantad nang ganap ang kabaitan ng Lumikha sa sangkatauhan na Siya Mismo ang lumikha. Sa pamamagitan ng mga salitang iyon, makakamit mo ang malalim na pagkaunawa sa tapat na damdamin ng Diyos para sa sangkatauhan …

Ang sumusunod na talata ay nakatala sa Aklat ni Jonas 4:10–11: “At sinabi ni Jehova, ‘Ikaw ay nanghinayang sa kikayon na hindi mo pinagpagalan o pinatubo man; na sumampa sa isang gabi, at nawala sa isang gabi: At hindi baga Ako mahahabag sa Ninive, sa malaking bayang yaon, na mahigit sa isang daan at dalawampung libong katao na hindi marunong makakilala ng kanilang kanang kamay at ng kanilang kaliwang kamay; at marami ring hayop?’” Ang mga ito ang aktwal na sinabi ng Diyos na si Jehova, naitala mula sa pag-uusap sa pagitan ng Diyos at ni Jonas. Bagaman ang pag-uusap na ito ay maigsi lamang, ito ay puno ng pagkalinga ng Lumikha sa sangkatauhan at ng Kanyang pag-aatubili na bitiwan ang sangkatauhan. Ang mga salitang ito ay nagpapahayag ng tunay na saloobin at mga nararamdaman ng Diyos sa Kanyang puso para sa Kanyang sangnilikha. Sa pamamagitan ng mga salitang ito na malinaw at tiyak, na ang katulad ay madalang marinig ng tao, ay inilalahad ng Diyos ang Kanyang tunay na mga layunin para sa sangkatauhan. Ang palitan na ito ay kumakatawan sa saloobin na taglay ng Diyos sa mga mamamayan ng Ninive—ngunit anong uri ng saloobin ito? Ito ang saloobin na Kanyang taglay sa mga taga-Ninive bago at pagkatapos ng kanilang pagsisisi at ang saloobin na ipinakitungo Niya sa sangkatauhan. Nasa loob ng mga salitang ito ang Kanyang mga kaisipan at Kanyang disposisyon.

Anong mga kaisipan ng Diyos ang ibinubunyag sa mga salitang ito? Kung magtutuon ka sa mga detalye habang nagbabasa, hindi magiging mahirap para sa iyo na mapansin na ginagamit Niya ang salitang “awa”; ang paggamit ng salitang ito ay nagpapakita ng tunay na saloobin ng Diyos tungo sa sangkatauhan.

Sa lebel ng literal na kahulugan, maaaring bigyang-kahulugan ng mga tao ang salitang “awa” sa iba’t ibang paraan: Una, nangangahulugan itong “mahalin at ingatan, ang makadama ng kabaitan sa isang bagay”; pangalawa, nangangahulugan itong “magmahal nang buong giliw”; at panghuli, nangangahulugan itong “pagiging hindi handang makasakit at kawalan ng kakayahang tiisin na gawin ito.” Sa madaling sabi, nagpapahiwatig ang salitang ito ng magiliw na pagmamahal at pag-ibig, gayundin ang hindi pagiging handa na isuko ang isang tao o isang bagay; nagpapahiwatig ito ng awa at pagpaparaya ng Diyos sa tao. Ginamit ng Diyos ang salitang ito, na isang salitang karaniwang binibigkas ng mga tao, ngunit nagagawa rin nitong ilantad ang tinig ng puso ng Diyos at ang Kanyang saloobin sa sangkatauhan.

Kahit na ang lungsod ng Ninive ay puno ng mga taong tiwali, masama at marahas katulad ng sa Sodoma, ang kanilang pagsisisi ang nagdulot sa Diyos na baguhin ang Kanyang puso at magpasya na hindi na sila wasakin. Dahil ang kanilang pagtugon sa mga salita at tagubilin ng Diyos ay nagpakita ng saloobing malinaw na kabaligtaran ng sa mga mamamayan ng Sodoma, at dahil sa kanilang tapat na pagpapasakop sa Diyos at tapat na pagsisisi sa kanilang mga kasalanan, gayon din sa kanilang tunay at matapat na pag-uugali sa lahat ng pagkakataon, minsan pa ay ipinakita ng Diyos ang Kanyang taos-pusong awa at ipinagkaloob ito sa kanila. Ang ipinagkakaloob ng Diyos at ang Kanyang pagkahabag sa sangkatauhan ay imposibleng magaya ninuman, at imposibleng taglayin ng sinumang tao ang awa o pagpaparaya ng Diyos, maging ang Kanyang tapat na damdamin sa sangkatauhan. Mayroon bang sinuman na ipinapalagay mong dakilang lalaki o babae, o maging isang makapangyarihang tao, na mula sa isang mataas na kinalalagyan ay nagsasalita bilang isang dakilang lalaki o babae, o sa pinakamataas na kalagayan ay makapangungusap ng ganitong uri ng pahayag sa sangkatauhan o sa sangnilikha? Sino sa sangkatauhan ang makaaalam ng kalagayan ng buhay ng tao na tulad ng palad ng kanilang mga kamay? Sino ang makapagdadala ng pasanin at pananagutan para sa pag-iral ng sangkatauhan? Sino ang nararapat magproklama ng pagkawasak ng isang lungsod? At sino ang nararapat magpatawad sa isang lungsod? Sino ang makapagsasabi na kinahahabagan nila ang kanilang sariling nilikha? Tanging ang Lumikha! Tanging ang Lumikha ang may paggiliw sa sangkatauhang ito. Tanging ang Lumikha ang nagpapakita ng pagkahabag at pagmamahal sa sangkatauhang ito. Tanging ang Lumikha ang may tunay at hindi napapatid na pagmamahal para sa sangkatauhang ito. Gayundin, tanging ang Lumikha ang makapagkakaloob ng awa sa sangkatauhang ito at nahahabag sa Kanyang buong sangnilikha. Lumulundag at sumasakit ang Kanyang puso sa bawat isa sa mga kilos ng tao: Siya ay nagagalit, nababalisa, at nagdadalamhati sa kasamaan at katiwalian ng tao. Siya ay nalulugod, nagagalak, nagpapatawad at nagsasaya sa pagsisisi at paniniwala ng tao; ang bawat isa sa Kanyang mga kaisipan at mga ideya ay umiiral para at umiikot sa sangkatauhan; kung ano Siya at kung anong mayroon Siya ay lubos na ipinahahayag para sa kapakanan ng sangkatauhan; ang kabuuan ng Kanyang mga damdamin ay nakaugnay sa pag-iral ng sangkatauhan. Para sa kapakanan ng sangkatauhan, naglalakbay Siya at nagmamadali; tahimik Niyang ibinibigay ang bawat himaymay ng Kanyang buhay; iniaalay Niya ang bawat minuto at segundo ng Kanyang buhay…. Hindi Niya kailanman nalaman kung paano pahalagahan ang Kanyang sariling buhay, ngunit lagi Niyang kinahahabagan ang sangkatauhan na Siya Mismo ang lumikha…. Ibinibigay Niya ang lahat ng mayroon Siya para sa sangkatauhang ito…. Iginagawad Niya ang Kanyang awa at pagpaparaya nang walang kondisyon at walang inaasahang kapalit. Ginagawa lamang Niya ito upang patuloy na manatili ang sangkatauhan sa Kanyang harapan, na tinatanggap ang Kanyang bigay na buhay; ginagawa lamang Niya ito upang balang araw ay magpasakop sa Kanya ang sangkatauhan at kilalanin na Siya ang nag-aalaga sa pag-iral ng tao at nagbibigay ng buhay ng buong sangnilikha.

Ipinahahayag ng Lumikha ang Kanyang Tunay na Damdamin Para sa Sangkatauhan

Ang pag-uusap na ito sa pagitan ng Diyos na si Jehova at ni Jonas ay walang duda na isang pagpapahayag ng tunay na damdamin ng Lumikha para sa sangkatauhan. Sa isang banda, ipinaaalam nito sa mga tao ang tungkol sa pag-unawa ng Lumikha sa buong sangnilikha sa ilalim ng Kanyang kataas-taasang kapangyarihan; tulad ng sinabi ng Diyos na si Jehova, “At hindi baga Ako mahahabag sa Ninive, sa malaking bayang yaon, na mahigit sa isang daan at dalawampung libong katao na hindi marunong makakilala ng kanilang kanang kamay at ng kanilang kaliwang kamay; at marami ring hayop?” Sa madaling salita, ang pag-unawa ng Diyos sa Ninive ay hindi madalian lamang. Hindi lamang ang bilang ng mga nabubuhay sa loob ng lungsod (kasama na ang mga tao at mga hayop) ang alam Niya, alam din Niya kung ilan ang hindi matukoy kung alin ang kanilang kanan at kaliwang kamay—iyon ay, kung ilang mga bata at kabataan ang naroroon. Ito ay isang tiyak na patunay ng lubos na pagkaunawa ng Diyos sa sangkatauhan. Sa kabilang banda, ipinaaalam ng pag-uusap na ito sa mga tao ang tungkol sa saloobin ng Lumikha para sa sangkatauhan, ibig sabihin, ang timbang ng sangkatauhan sa puso ng Lumikha. Katulad lamang ito ng sinabi ng Diyos na si Jehova: “Ikaw ay nanghinayang sa kikayon na hindi mo pinagpagalan o pinatubo man; na sumampa sa isang gabi, at nawala sa isang gabi: At hindi baga Ako mahahabag sa Ninive, sa malaking bayang yaon…?” Ito ang mga salita ng pagsaway ng Diyos na si Jehova kay Jonas, ngunit lahat ng iyon ay totoo.

Bagaman ipinagkatiwala kay Jonas ang pagpapahayag ng salita ng Diyos na si Jehova sa mga taga-Ninive, hindi niya naunawaan ang mga layunin ng Diyos na si Jehova, ni naunawaan ang Kanyang mga pag-aalala at mga inaasahan para sa mga mamamayan ng lungsod. Sa pamamagitan ng mahigpit na pangangaral na ito, nais ng Diyos na sabihin sa kanya na ang sangkatauhan ay produkto ng sariling mga kamay ng Diyos, at ang Diyos ay naglaan ng maingat na paggawa sa bawat isang tao, na nasa balikat ng bawat isang tao ang mga inaasahan ng Diyos, at na tinamasa ng bawat isang tao ang panustos ng buhay ng Diyos; para sa bawat isang tao, binayaran ng Diyos ang halaga ng maingat na paggawa. Ang mahigpit na pangangaral na ito ay nagsabi rin kay Jonas na kinahahabagan ng Diyos ang sangkatauhan, na gawa ng Kanyang sariling mga kamay, tulad din ng panghihinayang ni Jonas sa kikayon. Hinding-hindi sila iiwanan ng Diyos nang gayon-gayon lamang, o sa huling posibleng sandali; lalo na’t napakaraming bata at mga inosenteng hayop sa loob ng lungsod. Kapag nakikitungo sa mga bata at inosenteng produktong ito ng paglikha ng Diyos, na hindi man lamang matukoy ang kaibahan ng kanilang kanang kamay sa kanilang kaliwa, lalong hindi malubos maisip na tatapusin ng Diyos ang kanilang buhay at pagpapasyahan ang kanilang kalalabasan sa gayong madaliang paraan. Umasa ang Diyos na makita silang lumaki; umasa Siya na hindi sila lalakad sa parehong landas na nilakaran ng kanilang mga nakatatanda, na hindi na nila kakailanganin pang muling marinig ang babala ng Diyos na si Jehova, at na magbibigay sila ng patotoo tungkol sa nakaraan ng Ninive. Lalong higit pa rito, umasa ang Diyos na makita ang Ninive pagkatapos nitong magsisi, na makita ang hinaharap ng Ninive kasunod ng pagsisisi nito, at higit na mahalaga, na makita ang Ninive na muling namumuhay sa ilalim ng awa ng Diyos. Samakatuwid, sa mata ng Diyos, ang mga nilikhang ito na hindi matukoy ang kaibahan ng kanilang kanan sa kaliwang kamay ay ang kinabukasan ng Ninive. Sila ang babalikat sa kasuklam-suklam na nakaraan ng Ninive, tulad ng kanilang pagbalikat sa mahalagang tungkulin ng pagpapatotoo sa kapwa nakaraan at hinaharap ng Ninive sa ilalim ng paggabay ng Diyos na si Jehova. Sa pahayag na ito ng Kanyang tunay na damdamin, iniharap ng Diyos na si Jehova ang awa ng Lumikha para sa sangkatauhan sa kabuuan nito. Ipinakita nito sa sangkatauhan na ang “awa ng Lumikha” ay hindi isang walang-laman na parirala, ni isang hungkag na pangako; mayroon itong tiyak na mga prinsipyo, pamamaraan at layon. Ang Diyos ay tunay at totoo, at hindi Siya gumagamit ng mga kasinungalingan o pagpapanggap, at sa parehong paraang ito, ang Kanyang awa ay walang hanggang ipinagkakaloob sa buong sangkatauhan sa bawat oras at kapanahunan. Gayunpaman, hanggang sa mismong araw na ito, ang pakikipagpalitang ito ng Lumikha kay Jonas ay ang nag-iisa at natatanging pahayag Niya kung bakit Siya nagpapakita ng awa sa sangkatauhan, kung paano Siya nagpapakita ng awa sa sangkatauhan, kung gaano Siya nagpaparaya sa sangkatauhan at ang Kanyang tunay na damdamin para sa sangkatauhan. Ang maikli at malinaw na pananalita ng Diyos na si Jehova sa pakikipag-usap na ito ay nagpapahayag ng Kanyang saloobin tungo sa sangkatauhan bilang isang kabuuan; ang mga ito ay isang tunay na pagpapahayag ng saloobin ng Kanyang puso tungo sa sangkatauhan; at ang mga ito rin ay matibay na patunay ng Kanyang pagkakaloob ng masaganang awa sa sangkatauhan. Ang Kanyang awa ay hindi lamang ipinagkakaloob sa nakatatandang mga henerasyon ng sangkatauhan, kundi ay ipinagkakaloob din sa mga nakababatang miyembro ng sangkatauhan, kung paano ito mula pa man noon, mula sa isang henerasyon hanggang sa susunod. Bagaman ang poot ng Diyos ay madalas na bumabagsak sa ilang partikular na lugar at ilang partikular na panahon ng sangkatauhan, ang awa ng Diyos ay hindi kailanman tumigil. Sa Kanyang awa, ginagabayan at pinangungunahan Niya ang magkakasunod na henerasyon ng Kanyang mga nilikha, at tinutustusan at pinangangalagaan ang mga ito, sapagkat ang Kanyang tunay na damdamin tungo sa sangkatauhan ay hindi kailanman magbabago. Tulad ng sinabi ng Diyos na si Jehova: “At hindi baga Ako mahahabag…?” Lagi Niyang kinahahabagan ang Kanyang sariling sangnilikha. Ito ang awa ng matuwid na disposisyon ng Lumikha, at ito rin ang ganap na pagiging natatangi ng Lumikha!

—Ang Salita, Vol. II. Ukol sa Pagkakilala sa Diyos. Ang Diyos Mismo, ang Natatangi II

Mag-iwan ng Tugon