Menu

Ang Pagpapala ng Diyos kay Noe Matapos ang Baha

Genesis 9:1–6 At binasbasan ng Diyos si Noe at ang kanyang mga anak, at sa kanila’y sinabi, “Kayo’y magpalaanakin, at magpakarami at inyong kalatan ang lupa. At ang takot sa inyo at sindak sa inyo ay mapapasa bawat hayop sa lupa, at sa bawat ibon sa himpapawid; lahat ng umuusad sa lupa, at lahat ng isda sa dagat; ibinibigay sa inyong kamay. Bawat gumagalaw na nabubuhay ay magiging pagkain ninyo; gaya ng mga sariwang pananim na lahat ay ibinibigay Ko sa inyo. Ngunit ang lamang may buhay, na siya niyang dugo, ay huwag ninyong kakanin. At tunay na hihingan Ko ng sulit ang dugo ng inyong mga buhay; sa kamay ng bawat hayop ay hihingan Ko ng sulit, at sa kamay ng tao; sa kamay ng bawat kapatid ng tao ay hihingan Ko ng sulit ang buhay ng tao. Ang sinumang magbubo ng dugo ng tao, sa pamamagitan ng tao ay mabububo ng kanyang dugo: sapagkat sa larawan ng Diyos nilalang ang tao.”

Ano ang nakikita ninyo mula sa pahayag na ito? Bakit Ko napili ang mga bersikulong ito? Bakit hindi Ako kumuha ng sipi tungkol kay Noe at sa kanyang pamilya sa loob ng arka? Dahil ang impormasyong iyon ay walang gaanong kaugnayan sa paksang tatalastasin natin sa araw na ito. Ang ating pinagtutuunan ay ang disposisyon ng Diyos. Kung nais ninyong malaman ang tungkol sa mga detalyeng iyon, maaari ninyong kunin ang Bibliya at basahin nang inyong sarili. Hindi natin iyan pag-uusapan dito. Ang pangunahing bagay na pag-uusapan natin sa araw na ito ay tungkol sa kung paano malalaman ang mga pagkilos ng Diyos.

Matapos tanggapin ni Noe ang mga tagubilin ng Diyos at gawin ang arka at mabuhay sa pagdaan ng mga araw kung kailan ay gumamit ang Diyos ng baha upang gunawin ang mundo, nakaligtas ang kanyang pamilyang walong katao. Bukod sa pamilya ni Noe na walong katao, ang lahat ng sangkatauhan ay nalipol, at ang lahat ng nabubuhay sa daigdig ay nalipol. Binigyan si Noe ng Diyos ng mga pagpapala, at may mga sinabi sa kanya at sa kanyang mga anak na lalaki. Ang mga bagay na ito ang ibinigay ng Diyos sa kanya at mga pagpapala rin ng Diyos sa kanya. Ito ang pagpapala at pangakong ibinibigay ng Diyos sa isang taong makapakikinig sa Kanya at makatatanggap ng Kanyang mga tagubilin, at ang paraan rin kung paano nagpapabuya ang Diyos sa mga tao. Ang ibig sabihin, kung si Noe man ay isang perpektong tao o isang matuwid na tao sa mata ng Diyos o hindi, at gaano man karami ang kaalaman niya tungkol sa Diyos, sa madaling salita, si Noe at ang kanyang tatlong anak na lalaki ay nakinig lahat sa mga salita ng Diyos, nakipagtulungan sa gawain ng Diyos, at ginawa ang dapat nilang gawin alinsunod sa mga tagubilin ng Diyos. Bunga nito, napanatili nila ang mga tao at iba’t ibang uri mga nabubuhay para sa Diyos matapos ang pagkagunaw ng mundo sa pamamagitan ng baha, at sa gayon ay nakapag-ambag nang malaki sa susunod na hakbang ng plano ng pamamahala ng Diyos. Dahil sa lahat ng kanyang nagawa, pinagpala siya ng Diyos. Marahil para sa mga tao sa kasalukuyan, ang ginawa ni Noe ay ni hindi karapat-dapat banggitin. Baka iniisip pa ng ilan: “Walang ginawa si Noe; nakapagpasya na ang Diyos na iligtas siya, kaya tiyak na makaliligtas siya. Ang kanyang pagkaligtas ay hindi dahil sa kanyang sariling mga nagawa. Ito ang gusto ng Diyos na mangyari, dahil ang tao ay pasibo.” Ngunit hindi ito ang iniisip ng Diyos. Para sa Diyos, kung ang tao man ay dakila o hamak, basta’t makikinig sila sa Kanya, makasusunod sa Kanyang mga tagubilin at sa Kanyang mga ipinagkakatiwala, at maaaring makipagtulungan sa Kanyang gawain, sa Kanyang kalooban, at sa Kanyang plano, upang matupad nang maayos ang Kanyang kalooban at ang Kanyang plano, ang asal na iyon kung gayon ay karapat-dapat sa Kanyang pag-alaala at pagtanggap ng Kanyang pagpapala. Pinahahalagahan ng Diyos ang ganitong mga tao, at tinatangi Niya ang kanilang mga gawa at ang kanilang pag-ibig at paggiliw para sa Kanya. Ito ang saloobin ng Diyos. Kaya bakit pinagpala ng Diyos si Noe? Dahil ganito ang pagturing ng Diyos sa ganoong mga paggawa at pagsunod ng tao.

Tungkol sa pagpapala ng Diyos kay Noe, sasabihin ng ilan: “Kung ang tao ay makikinig sa Diyos at bibigyang-saya ang Diyos, kung gayon nararapat na pagpalain ng Diyos ang tao. Di ba’t hindi na kailangang banggitin iyan?” Maaari ba nating sabihin iyan? Sabi ng ilang tao: “Hindi.” Bakit hindi natin maaaring sabihin iyan? Sinasabi ng ilang tao: “Ang tao ay hindi karapat-dapat magtamasa ng pagpapala ng Diyos.” Hindi ito lubusang tama. Dahil kapag ang isang tao ay tumanggap ng mga ipinagkakatiwala sa kanila ng Diyos, may pamantayan ang Diyos sa paghusga kung ang mga pagkilos ng isang tao ay mabuti o masama at kung ang taong iyan ay sumunod, at kung ang taong iyan ay nakatupad sa kalooban ng Diyos at kung ang kanyang ginagawa ay nakaabot sa pamantayan. Ang mahalaga sa Diyos ay ang puso ng tao, hindi ang panlabas nilang mga ginagawa. Hindi ito isang kaso na dapat pagpalain ng Diyos ang isang tao basta gumagawa siya ng isang bagay, sa paanong paraan man nila ito ginawa. Ito ay isang maling pagkaunawa ng tao sa Diyos. Hindi lamang tumitingin ang Diyos sa huling resulta ng mga bagay, ngunit mas nagbibigay-diin sa kalagayan ng puso ng tao at sa saloobin ng tao habang nagaganap ang mga bagay, at tinitingnan Niya kung mayroong pagsunod, pagsasaalang-alang, at kagustuhang magbigay-saya sa Diyos sa kanilang puso. Gaano karami ang kaalaman ni Noe tungkol sa Diyos noong panahong iyon? Kasindami ba ng mga doktrinang alam na ninyo ngayon? Sa mga aspeto ng katotohanan tulad ng mga konsepto at kaalaman sa Diyos, nakatanggap ba siya ng kasindaming pagdidilig at pagpapastol tulad ninyo? Hindi! Ngunit may isang katunayang hindi maikakaila: Sa mga kamalayan, mga isipan, at kahit sa kailaliman ng mga puso ng mga tao sa kasalukuyan, ang kanilang mga konsepto at saloobin sa Diyos ay malabo at di-tiyak. Maaari ninyo pa ngang sabihin na may mga taong negatibo ang saloobin tungkol sa pag-iral ng Diyos. Ngunit sa puso ni Noe at sa kanyang kamalayan, ang pag-iral ng Diyos ay walang pasubali at walang alinlangan, at kaya ang kanyang pagsunod sa Diyos ay dalisay at matatag sa pagsubok. Ang kanyang puso ay malinis at bukas sa Diyos. Hindi niya kailangan ng masyadong maraming kaalaman sa mga doktrina upang makumbinsi ang sarili niyang sumunod sa bawat salita ng Diyos, ni hindi rin niya kailangan ng maraming katunayan upang patunayan ang pag-iral ng Diyos upang matanggap niya kung ano ang ipinagkatiwala ng Diyos at makayang gawin ang anumang ipinagagawa sa kanya ng Diyos. Ito ang mahalagang pagkakaiba ni Noe at ng mga tao sa kasalukuyan. Ito rin ang tunay na kahulugan ng kung ano talaga ang isang perpektong tao sa mata ng Diyos. Ang nais ng Diyos ay mga taong tulad ni Noe. Siya ang uri ng taong pinupuri ng Diyos at tiyak din na siya ang uri ng taong pinagpapala ng Diyos. May natanggap ba kayong anumang kaliwanagan mula rito? Ang mga tao ay tumitingin sa mga tao mula sa labas, samantalang ang tinitingnan ng Diyos ay ang mga puso ng mga tao at ang kanilang diwa. Hindi pinapayagan ng Diyos ang sinumang magkaroon ng anumang pagkakahati ng puso o alinlangan tungo sa Kanya, ni hindi rin Niya pinapayagan ang mga taong maghinala o subukin Siya sa anumang paraan. Kaya kahit na ang mga tao sa kasalukuyan ay harap-harapan sa salita ng Diyos—maaari pa nga ninyong sabihin nang harap-harapan sa Diyos—sanhi ng isang bagay na nasa kaibuturan ng kanilang mga puso, ang pag-iral ng kanilang tiwaling diwa, at ang kanilang mapanlaban na saloobin sa Kanya, ang mga tao ay nahahadlangan na magkaroon ng tunay na paniniwala sa Diyos, at nahaharangan sa kanilang pagsunod sa Kanya. Dahil dito, napakahirap para sa kanilang matamo ang pagpapalang tulad ng ipinagkaloob ng Diyos kay Noe.

—Ang Salita, Vol. II. Ukol sa Pagkakilala sa Diyos. Ang Gawain ng Diyos, ang Disposisyon ng Diyos, at ang Diyos Mismo I

Mag-iwan ng Tugon