Nakakamit ng Tao ang Awa at Pagpaparaya ng Diyos sa Pamamagitan ng Tapat na Pagsisisi (Unang Bahagi)
Ang sumusunod ay ang biblikal na kasaysayan ng “Pagliligtas ng Diyos sa Ninive.”
Jonas 1:1–2 Ngayon ang salita ni Jehova ay dumating kay Jonas na anak ni Amittai, na nagsasabi, “Bumangon ka, pumaroon ka sa Ninive, sa malaking bayang yaon, at humiyaw ka roon; sapagkat ang kanilang kasamaan ay umabot sa harap Ko.”
Jonas 3 At ang salita ni Jehova ay dumating kay Jonas na ikalawa, na nagsasabi, “Bumangon ka, pumaroon ka sa Ninive, sa malaking bayang yaon, at ipangaral mo ang pangaral na Aking iniutos sa iyo.” Sa gayo’y bumangon si Jonas, at naparoon sa Ninive, ayon sa salita ni Jehova. Ang Ninive nga ay totoong malaking bayan, na tatlong araw na lakarin. At pumasok si Jonas sa bayan na may isang araw na gumagala, at siya’y sumigaw, at nagsabi, “Apatnapung araw pa at ang Ninive ay mawawasak.” At ang bayan ng Ninive ay naniwala sa Diyos; at sila’y nangaghayag ng ayuno, at nangagsuot ng kayong magaspang, mula sa kadaki-dakilaan sa kanila hanggang sa kaliit-liitan sa kanila. At ang salita ay dumating sa hari ng Ninive, at siya’y tumindig sa kanyang luklukan, at hinubad niya ang kanyang balabal, at nagbalot siya ng kayong magaspang, at naupo sa mga abo. At kanyang inihayag at iniatas sa buong Ninive sa pasya ng hari at ng kanyang mga maharlika, na sinasabi, “Huwag tumikim maging tao ni hayop man, bakahan ni kawan man, ng anumang bagay: huwag silang magsikain, ni magsiinom man ng tubig; kundi mangagbalot ng kayong magaspang ang tao at gayon din ang hayop, at manangis sila nang malakas sa Diyos: oo, talikdan ng bawat isa ang kanyang masamang gawi, at ang karahasan na nasa kanilang mga kamay. Sino ang nakaaalam kung mapanunumbalik ang Diyos at magsisisi, at tatalikod sa Kanyang mabangis na galit, upang tayo’y huwag mangamatay.” At nakita ng Diyos ang kanilang mga gawa, na sila’y tumalikod sa kanilang masamang gawi; at binawi ng Diyos ang masama, na Kanyang sinabing Kanyang gagawin sa kanila; at hindi Niya ginawa.
Jonas 4 Ngunit naghinanakit nang matindi si Jonas, at siya’y nagalit. At siya’y nanalangin kay Jehova, at nagsabi, “Ako’y nananalangin sa Iyo, Oh Jehova, hindi baga ito ang aking sinabi, nang ako’y nasa aking lupain pa? Kaya’t ako’y nagmadaling tumakas na patungo sa Tarsis; sapagkat talastas ko na Ikaw ay Diyos na mapagbiyaya, at puspos ng kahabagan, banayad sa pagkagalit, at sagana sa kagandahang-loob, at nagsisisi Ka sa kasamaan. Kaya nga, Oh Jehova, isinasamo ko sa Iyo, na kitilin Mo ang aking buhay; sapagkat mabuti sa akin ang mamatay kaysa sa mabuhay.” At sinabi ni Jehova, “Mabuti baga ang iyong ginagawa na magalit?” Nang magkagayo’y lumabas si Jonas sa bayan, at naupo sa dakong silanganan ng bayan, at doo’y gumawa siya ng isang balag, at naupo siya sa ilalim niyaon sa lilim, hanggang sa kaniyang makita kung ano ang mangyayari sa bayan. At naghanda ang Diyos na si Jehova ng isang halamang kikayon, at pinataas sa itaas ni Jonas, upang maging lilim sa kanyang ulo, upang ialis siya sa kanyang masamang kalagayan. Sa gayo’y natuwang mainam si Jonas dahil sa kikayon. Ngunit naghanda ang Diyos ng isang uod nang mag-umaga kinabukasan at sinira nito ang halamang kikayon, na anupa’t natuyo. At nangyari, nang sumikat ang araw, na naghanda ang Diyos ng mainit na hanging silangan; at sinikatan ng araw ang ulo ni Jonas, na anupa’t siya’y nanlupaypay, at hiniling niya sa kanyang sarili na siya’y mamatay, at nagsabi, “Mabuti sa akin ang mamatay kaysa sa mabuhay.” At sinabi ng Diyos kay Jonas, “Mabuti baga ang ginagawa mo na magalit dahil sa kikayon?” At kanyang sinabi, “Mabuti ang ginagawa ko na magalit hanggang sa kamatayan.” At sinabi ni Jehova, “Ikaw ay nanghinayang sa kikayon na hindi mo pinagpagalan o pinatubo man; na sumampa sa isang gabi, at nawala sa isang gabi: At hindi baga Ako mahahabag sa Ninive, sa malaking bayang yaon, na mahigit sa isang daan at dalawampung libong katao na hindi marunong makakilala ng kanilang kanang kamay at ng kanilang kaliwang kamay; at marami ring hayop?”
Buod ng Kasaysayan ng Ninive
Bagaman ang kasaysayan ng “Pagliligtas ng Diyos sa Ninive” ay maigsi lamang, pinahihintulutan nito na masulyapan ng isang tao ang kabilang bahagi ng matuwid na disposisyon ng Diyos. Upang lubos na maunawaan kung ano ang nilalaman ng bahaging iyon, kailangang balikan natin ang Kasulatan at muling tingnan ang isa sa mga ginawa ng Diyos na isinakatuparan Niya sa proseso ng Kanyang gawain.
Tingnan muna natin ang pasimula ng kasaysayang ito: “Ngayon ang salita ni Jehova ay dumating kay Jonas na anak ni Amittai, na nagsasabi, ‘Bumangon ka, pumaroon ka sa Ninive, sa malaking bayang yaon, at humiyaw ka roon; sapagkat ang kanilang kasamaan ay umabot sa harap Ko’” (Jonas 1:1–2). Sa mga siping ito mula sa Kasulatan, alam natin na inutusan ng Diyos na si Jehova si Jonas na magtungo sa lungsod ng Ninive. Bakit Niya inutusan si Jonas na magpunta sa lungsod na ito? Malinaw ang sinabi sa Bibliya tungkol dito: Ang kasamaan ng mga tao sa loob ng lungsod na ito ay umabot na sa harap ng Diyos na si Jehova, kaya isinugo Niya si Jonas upang ipahayag sa kanila ang nais Niyang gawin. Kahit na walang nakatala kung sino si Jonas, ito siyempre ay walang kaugnayan sa pagkakilala sa Diyos. Kaya, hindi ninyo kailangang makilala ang taong ito, si Jonas. Ang tanging kailangan ninyong malaman ay kung ano ang iniutos ng Diyos kay Jonas na gawin at ano ang mga dahilan ng Diyos sa paggawa ng bagay na ito.
Umabot ang Babala ng Diyos na si Jehova sa mga Taga-Ninive
Magpatuloy tayo sa ikalawang sipi, ang ikatlong kabanata ng Aklat ni Jonas: “At pumasok si Jonas sa bayan na may isang araw na gumagala, at siya’y sumigaw, at nagsabi, ‘Apatnapung araw pa at ang Ninive ay mawawasak.’” Ito ang mga salita na direktang ipinasasabi ng Diyos kay Jonas sa mga taga-Ninive, kaya siyempre, ito rin ang mga salita na nais sabihin ni Jehova sa mga taga-Ninive. Sinasabi ng mga salitang ito sa mga tao na nagsimulang kasuklaman at kamuhian ng Diyos ang mga mamamayan ng lungsod dahil ang kanilang kasamaan ay umabot na sa harap ng Diyos, kaya ninais Niyang wasakin ang lungsod na ito. Gayunman, bago wasakin ng Diyos ang lungsod, ipaaalam muna Niya ito sa mga taga-Ninive, at kasabay nito ay bibigyan Niya sila ng pagkakataon na pagsisihan ang kanilang kasamaan at magsimulang muli. Magtatagal lamang ng apatnapung araw ang pagkakataong ito, at hindi na hihigit pa. Sa madaling salita, kapag hindi nagsisi ang mga tao sa loob ng lungsod, inamin ang kanilang mga kasalanan o nagpatirapa sa harap ng Diyos na si Jehova sa loob ng apatnapung araw, wawasakin ng Diyos ang lungsod tulad ng ginawa Niya sa Sodoma. Ito ang ninais sabihin ng Diyos na si Jehova sa mga taga-Ninive. Malinaw na hindi ito simpleng pahayag. Hindi lamang nito ipinarating ang galit ng Diyos na si Jehova, ipinarating din nito ang Kanyang saloobin sa mga taga-Ninive; at gayundin, ang simpleng pahayag na ito ay nagsilbing taimtim na babala sa mga taong naninirahan sa loob ng lungsod. Sinabi ng babalang ito sa kanila na ang kanilang masasamang gawa ay nagdulot ng pagkapoot ng Diyos na si Jehova, at hindi magtatagal ay magdadala sa kanila sa bingit ng kanilang sariling pagkalipol. Ang buhay ng bawat isang naninirahan sa Ninive ay nasa nalalapit na kapahamakan.
Ang Malinaw na Pagkakaiba ng Reaksyon ng Ninive at Sodoma sa Babala ng Diyos na si Jehova
Ano ang ibig sabihin ng mapabagsak? Sa pangkaraniwang termino, ang ibig sabihin nito ay ang hindi na pag-iral. Ngunit sa paanong paraan? Sino ang makapagpapabagsak sa isang buong lungsod? Siyempre, imposibleng magawa ng tao ang gayong gawain. Hindi mga hangal ang mga taga-Ninive; sa sandaling narinig nila ang pahayag na ito, nakuha na nila ang ideya. Alam nila na mula ito sa Diyos; alam nila na isasagawa ng Diyos ang Kanyang gawain; alam nila na ang kanilang kasamaan ang nagpasiklab sa poot ng Diyos na si Jehova at nagdala ng Kanyang galit sa kanila, nang sila ay mapuksa kasama ng kanilang lungsod sa madaling panahon. Paano kumilos ang mga mamamayan ng lungsod matapos nilang marinig ang babala ng Diyos na si Jehova? Inilalarawan ng Bibliya sa tiyak na detalye ng naging reaksyon ng mga tao, mula sa kanilang hari hanggang sa mga pangkaraniwang tao. Nakatala ang mga sumusunod na mga salita sa Kasulatan: “At ang bayan ng Ninive ay naniwala sa Diyos; at sila’y nangaghayag ng ayuno, at nangagsuot ng kayong magaspang, mula sa kadaki-dakilaan sa kanila hanggang sa kaliit-liitan sa kanila. At ang salita ay dumating sa hari ng Ninive, at siya’y tumindig sa kanyang luklukan, at hinubad niya ang kanyang balabal, at nagbalot siya ng kayong magaspang, at naupo sa mga abo. At kanyang inihayag at iniatas sa buong Ninive sa pasya ng hari at ng kanyang mga maharlika, na sinasabi, ‘Huwag tumikim maging tao ni hayop man, bakahan ni kawan man, ng anumang bagay: huwag silang magsikain, ni magsiinom man ng tubig; kundi mangagbalot ng kayong magaspang ang tao at gayon din ang hayop, at manangis sila nang malakas sa Diyos: oo, talikdan ng bawat isa ang kanyang masamang gawi, at ang karahasan na nasa kanilang mga kamay…’” (Jonas 3:5–9).
Matapos marinig ang pahayag ng Diyos na si Jehova, ang mga mamamayan ng Ninive ay nagpakita ng pag-uugali na lubos na kabaligtaran ng sa mga taga-Sodoma—habang ang mga mamamayan ng Sodoma ay hayagang kinalaban ang Diyos at nagpapatuloy sa paggawa ng kasamaan, ang mga taga-Ninive naman, matapos marinig ang mga salitang ito, ay hindi binalewala ang bagay na ito, ni tinanggihan man. Sa halip, naniwala sila sa Diyos at nagdeklara ng pag-aayuno. Ano ang kahulugan ng “naniwala” rito? Ang mismong salita ay nagpapahiwatig ng pananampalataya at pagpapasakop. Kung gagamitin natin ang mismong ginawa ng mga taga-Ninive upang ipaliwanag ang salitang ito, nangangahulugan ito na naniwala sila na gagawin at kayang gawin ng Diyos ang Kanyang sinabi, at nakahanda silang magsisi. Ang mga taga-Ninive ba ay nakadama ng takot sa harap ng nalalapit na kapahamakan? Ang kanilang paniniwala ang nagdulot ng takot sa kanilang mga puso. Kaya naman, ano ang magagamit natin upang patunayan ang paniniwala at takot ng mga taga-Ninive? Tulad ng sinasabi sa Bibliya: “… sila’y nangaghayag ng ayuno, at nangagsuot ng kayong magaspang, mula sa kadaki-dakilaan sa kanila hanggang sa kaliit-liitan sa kanila.” Sinasabi nito na ang mga taga-Ninive ay tunay na naniwala, at nagdulot ng takot ang paniniwalang ito, na humantong sa pag-aayuno at pagsusuot ng magaspang na damit. Ganito nila ipinakita na nagsisimula na silang magsisi. Ibang-iba sa mga taga-Sodoma, hindi lamang sa hindi nilabanan ng mga taga-Ninive ang Diyos, malinaw rin nilang ipinakita ang kanilang pagsisisi sa pamamagitan ng kanilang asal at mga kilos. Siyempre, ito ay isang bagay na ginawa ng lahat ng mamamayan ng Ninive, hindi lamang ng karaniwang mamamayan—kabilang din ang hari.
—Ang Salita, Vol. II. Ukol sa Pagkakilala sa Diyos. Ang Diyos Mismo, ang Natatangi II
Rekomendasyon: