Araw-araw na mga Salita ng Diyos: Pagkilala sa Diyos | Sipi 8
Lumakad sa Daan ng Diyos: Matakot sa Diyos at Umiwas sa Kasamaan
May isang kasabihan na dapat ninyong itala. Naniniwala Ako na napakahalaga ng kasabihang ito, dahil para sa Akin, naiisip ito nang napakaraming beses bawat araw. Bakit ganoon? Dahil tuwing nakakaharap Ko ang isang tao, tuwing naririnig Ko ang kuwento ng isang tao, at tuwing naririnig Ko ang karanasan o patotoo ng isang tao tungkol sa paniniwala sa Diyos, lagi Kong ginagamit ang kasabihang ito para matukoy sa Aking puso kung ang indibiduwal na ito ang uri ng taong nais ng Diyos at ang uri ng taong gusto ng Diyos. Kaya, sa gayon: ano ang kasabihang ito? Ngayon ay napasabik Ko kayong lahat nang husto. Kapag inihayag Ko ang kasabihan, marahil ay madidismaya kayo, dahil ang ilan ay sinasabi lamang ito nang hindi taos-puso sa loob ng maraming taon ngunit hindi ito ginagawa. Gayunman, ni minsan ay hindi Ko man lamang ito sinabi nang hindi taos-puso. Nananahan sa puso Ko ang kasabihang ito. Kaya, ano ang kasabihang ito? Ito iyon: “Lumakad sa daan ng Diyos: Matakot sa Diyos at umiwas sa kasamaan.” Hindi ba napakasimpleng parirala nito? Magkagayunman, sa kabila ng kasimplihan nito, madarama ng mga taong tunay na may malalim na pagkaunawa sa mga salitang ito na may malaking kahalagahan ang mga ito, na napakahalaga ng kasabihang ito para sa pagsasagawa ng isang tao, na naaayon ito sa wika ng buhay na naglalaman ng realidad ng katotohanan, na ito ay panghabambuhay na layunin para sa mga nagsisikap na palugurin ang Diyos, at na ito ay panghabambuhay na daan na dapat sundan ng sinumang may konsiderasyon sa mga layunin ng Diyos. Kaya, ano sa palagay ninyo: Hindi ba katotohanan ang kasabihang ito? Makabuluhan ba ito o hindi? Gayundin, marahil ay pinag-iisipan ng ilan sa inyo ang kasabihang ito, at sinusubukang unawain ito, at marahil ay nagdududa pa ang ilan sa inyo tungkol dito: Napakahalaga ba ng kasabihang ito? Kailangan bang bigyang-diin ito nang husto? Maaaring mayroon ding ilan sa inyo na hindi gaanong gusto ang kasabihang ito, dahil iniisip ninyo na ang pagtahak sa daan ng Diyos at pagpapaikli nito sa isang kasabihang ito ay labis na pagpapasimple. Ang pagkuha sa lahat ng sinabi ng Diyos at pagpapaikli nito sa isang kasabihan—hindi ba nito pinaliliit nang husto ang kahalagahan ng Diyos? Ganoon ba iyon? Maaaring hindi lubos na nauunawaan ng karamihan sa inyo ang malalim na kahulugan ng mga salitang ito. Bagama’t itinala na ninyong lahat ito, wala kayong balak na ilagak ang kasabihang ito sa inyong puso; naitala lamang ninyo ito sa inyong mga kuwaderno upang muling basahin at pagnilayan sa bakanteng oras ninyo. Ni hindi mag-aabala ang ilan sa inyo na isaulo ang kasabihang ito, lalo nang hindi ninyo susubuking gamitin ito sa mabuting paraan. Kung gayon, bakit nais Kong banggitin ang kasabihang ito? Anuman ang inyong pananaw at anuman ang isipin ninyo, kinailangan Kong banggitin ang kasabihang ito, sapagkat may malaking kaugnayan ito sa kung paano ipinapasya ng Diyos ang mga kahihinatnan ng mga tao. Anuman ang inyong kasalukuyang pagkaunawa sa kasabihang ito o paano man ninyo ito tinatrato, sasabihin Ko pa rin ito sa inyo: Kung maisasagawa ng mga tao ang mga salita ng kasabihang ito at mararanasan ang mga ito, at makakamit ang pamantayan ng pagkakaroon ng takot sa Diyos at pag-iwas sa kasamaan, mapapanatag sila na sila ay maliligtas at tiyak na maganda ang kanilang kahihinatnan. Gayunman, kung hindi mo matugunan ang pamantayang inilatag ng kasabihang ito, masasabi na walang nakakaalam sa kahihinatnan mo. Sa gayon, nagsasalita Ako sa inyo tungkol sa kasabihang ito para maging handa ang inyong isipan, at para malaman ninyo kung anong klaseng pamantayan ang ginagamit ng Diyos para sukatin kayo.
—Ang Salita, Vol. II. Ukol sa Pagkakilala sa Diyos. Paano Malalaman ang Disposisyon ng Diyos at ang mga Resultang Makakamtan ng Kanyang Gawain